PATIENT X & SAVING GRACE (Filipino) Chapter 7

SA mga sumunod na araw ay sumusulpot sa hospital room ko ang psychiatrist ko. Pero hindi na siya naging masalita na katulad nang unang beses siyang magpunta doon. Palagi, umuupo lang siya malapit sa kama, tahimik akong pinagmamasdan at sinisiguro lang na kumakain ako.

Hindi ko maiwasang magtaka kung bakit siya ganoon. Hindi ba ang psychiatrist ay matanong? Nagsasalita hanggang magsalita rin ang pasyente niya? Si Dr. Martin, tahimik. Nakamasid lang palagi, parang tahimik na inaalisa ako. At sa totoo lang ay mas nakakailang ang katahimikan niya kaysa kung madaldal siya.

Sa ikaapat na araw ay saka ko lang napansin na kahit papaano may nadulot sa akin ang araw-araw niyang pagsulpot sa silid ko. Dahil nagagawa ko nang kumain kahit papaano (nagsuka ako nang unang beses akong kumain sa ospital pagkatapos ng ilang linggong hindi nalamnan ang tiyan ko). Nagagawa ko na ring bumangon at umupo pasandal. Hindi tulad dati na tangkain ko pa lang gawin iyon ay nahihilo na ako.

Si Lizzy na dumalaw sa akin sa ikalimang araw ay tuwang tuwang makita na nakaupo na ako. Lalo na nang kainin ko ang dala niyang pasalubong.

“Kamusta naman si Dr. Martin bilang doktor?” tanong niya sa akin.

“Wala siyang ginagawa. Nagpupunta lang siya rito araw-araw. Umuupo lang diyan.” Tinuro ko ang kinauupuan niya.

Kumunot ang noo ni Lizzy. Nagtaka. “Ganoon ba? Oh well, kung ako ang pasyente, titingnan ko lang siya araw-araw siguradong gagaling na ako.” Saka pilya siyang ngumiti. “He’s very handsome, ‘no?”

Nagkibit balikat ako. Siguro nga guwapo ang doktor ko. Pero hindi ko masyadong pinagtutuunan ng atensiyon ang mukha niya.

“Hindi ka na-gu-guwapuhan kay Dr. Martin?” manghang tanong ni Lizzy. “Those piercing eyes? The aristocratic nose? Ang mga labing kahit palaging nakatiim ay parang ang sarap pa rin halikan? Higit sa lahat, siya ang tipo ng guwapong masarap pangitiin dahil alam mong kapag ngumiti ay para sa iyo lang talaga.”

Mapait akong napangiti kahit hindi ko intensiyon. “Hindi na ako apektado ng guwapo, Lizzy. I’ve been so in love with a very beautiful man. Tingnan mo kung nasaan ako ngayon? Itinapon na parang isang gamit na basahan. Isang basahan na hindi na puwedeng magamit pa ulit kahit ano pang linis ang gawin.”

Naging seryoso ang ekspresyon sa mukha ng kaibigan ko. Bumakas ang guilt, inabot ang kamay ko at pinisil iyon. “I’m sorry. Naging insensitive ako.”

Umiling ako. Gusto ko rin humingi ng tawad sa kaniya na sinira ko ang magandang mood ng araw na iyon.

Mahabang katahimikan ang namayani. Saka muling nagsalita si Lizzy. “Hindi pa huli ang lahat, Joy. Hindi ka katulad ng sinabi mo. Malilinis ka pa rin. Babalik ka pa rin sa dati. No, hindi na katulad ng dati. Babalik kang mas matapang, mas malakas, mas higit na babae sa dating ikaw. Kung gugustuhin mo lang.”

Hindi ako kumibo. Nag-angat siya ng tingin hanggang magtama ang mga paningin namin. Nakita ko ang determinasyon sa mga mata ni Lizzy. “Makinig ka sa akin, Joy. Please. Don’t let this be the end of you. Huwag mong hayaan na tuluyang sirain ni James ang buhay mo. Kailangan mo ng tulong at mayroong handang ibigay iyon sa iyo. I can’t help you but the doctor can. Matutulungan ka niya para makawala sa depresyon. Matutulungan ka niya para makawala sa trauma ng naging relasyon at break-up ninyo ni James. Pero higit sa lahat, tulungan mo ang sarili mong makabangon ulit. Please.”

Gumaralgal ang boses ni Lizzy. Namasa ang mga mata. At kumirot ang puso ko. Nakokonsiyensiya ako na nakakaramdam siya ng ganoon dahil sa akin. Hindi pa ba sapat na miserable ako? Magdadamay pa ba ako ng iba? Ng taong mahalaga sa akin?

Babalikan ba ako ni James kung mananatili akong ganoon? May mababago ba?

Wala.

Huminga ako ng malalim. Nilunok ang bikig sa lalamunan ko. “Okay,” anas ko.

“Okay? Talaga?” Halatang natuwa si Lizzy.

Pilit akong ngumiti at tumango. “Oh That’s great!” masayang sabi niya at niyakap ako.

Hinayaan ko siyang maging masaya. Kahit ang totoo, hindi ako naniniwala na magiging okay pa ako. I’m already broken. Ruined. Wala nang makakapagligtas pa sa akin. Kahit pa isang mahusay na psychiatrist.

Kinabukasan, nang sumulpot muli si Dr. Martin sa silid ko ay pasandal na akong nakaupo sa kama. Hinihintay ko talaga siya. At nang magtama ang mga mata namin ay nakita kong alam niya iyon. Katunayan, sigurado akong hindi pa man ako nagsasalita ay nakita na niya sa ekspresyon ko ang desisyon ko.

He’s a mind reader, my psychiatrist.

Naglakad siya palapit sa akin. Lumunok ako at itinaas ang noo. “Gusto ko nang umuwi sa bahay ko.”

Marahan siyang tumango. “Kung iyan ang gusto mo.”

Kumuyom ang mga kamao ko na nakapatong sa kandungan ko. “Dalawang buwan. Ganoon katagal lang ako sasailalim sa kung ano man ang treatment na gagawin mo sa akin. Pagkatapos ‘non, satisfied ka man o hindi, gumaling man ako sa tingin mo o hindi, titigil na tayo. Ipangako mo.”

Huminto siya sa paglalakad. Naging mapanuri ang tingin sa mukha ko. Nailang ako pero pinigilan kong mag-iwas ng tingin. “Hindi ka naniniwala na gagaling ka,” sabi niya. Hindi ako sumagot. Huminga siya ng malalim at saka tumango. “Fine. Dalawang buwan. Pangako.”

Nakahinga ako ng maluwag at tumango rin. “So, ano ang gagawin?”

Umangat ang mga kilay niya. “Gusto mo nang gawin ang unang session natin, dito?”

“Bakit hindi? Kahit naman pumayag ka nang umuwi ako ay hindi pa rin naman ako basta makakalabas ng ospital ngayong araw.”

Tinitigan na naman niya ako. Inaanalisa. Saka siya marahang tumango at umupo sa silya. “Una sa lahat, gusto kong malaman ang lahat ng tungkol sa naging relasyon mo. Saka ako magdedesisyon kung ano ang susunod na hakbang.”

Natigilan ako. Nanlamig. Alam ba niya na mahirap gawin sa akin ang pinapagawa niya?

Alam niya. Nakikita ko sa kislap ng paghamon sa mga mata niya.

“Paano ko sasabihin sa isang taong hindi ko kilala ang lahat ng mga namagitan sa amin? Mga detalye na kahit kay Lizzy hindi ko sinabi?” usal ko bago ko napigilan ang sarili.

“Iyan mismo ang dahilan kung bakit mas magiging madali para sa iyo na sabihin sa akin ang lahat. Isa akong estranghero para sa iyo. We don’t have a history. Wala kang image na masisira sa paningin ko dahil hindi naman tayo magkakilala. At kahit ano pa ang sabihin mo sa akin, hindi kita huhusgahan,” sagot ni Dr. Martin.

Narealize ko na tama siya. Na ang mga iyon mismo ang dahilan kung bakit hindi ko nasabi kahit kay Lizzy ang mga nangyari sa pagitan namin ni James sa nakaraang tatlong buwan. Takot akong husgahan. Takot akong makita ang pagkadismaya sa mga mata ni Lizzy. Takot akong marealize niya na hindi ako ang babaeng kilala niya.

“Joy, kailangan ko ang tiwala mo. Tiwala at katapatan. Ang dalawang iyan ang kailangan mo ibigay sa akin para matulungan kita,” sabi pa niya.

Humugot ako ng malalim na paghinga. Kumibot ang aking mga labi. Bago sa wakas ay nagawa kong ibuka ang bibig para magsalita. Sinabi ko sa kaniya ang lihim kong pagtingin kay James. Maging ang nangyari sa after party ng fashion show. At ang sumunod naming pagkikita.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.