BUMABA na lang ako kahit pa naguguluhan ako sa biglang pagsusungit na naman ni Jahann. Isa pa, may atraso ako sa kanya ngayon. Marahil ay naudlot ang date nila ni Iris dahil sa pagtulog ko. Baka tinawagan ito ni Aly para sabihin na hindi pa ako nagluluto ng dinner.
Hindi ko alam kung bakit pero nakaramdam ako ng tuwa sa ideya na hindi natuloy ang date ni Jahann at Iris. Dahil na rin siguro namimiss ko na ang kapatid ko.
Naabutan ko si Jahann na kausap ni Aly nang dumulog ako sa may hapag. Naroon na rin si Mommy.
“Si Daddy?” tanong ko kay Aly bago naupo sa pagitan nila ni Jahann.
“Nagbihis. Kakauwi niya lang, eh…” sagot ni Aly sa akin. Tumango-tango naman ako. Tinignan ko si Jahann, nakayuko lang ito at tila malalim ang iniisip.
“Cherinna, akala ko ba ay ikaw ang magluluto ng dinner natin?” tanong ni Mommy sa akin. Napatuwid naman ang likod ko bago sumulyap dito.
“Sorry, Mom. Nakatulog kasi ako. Hindi ko naman alam na hindi ako magigising agad tapos—“
“Next time, don’t promise anything.”
Napalingon ako kay Jahann.
“Hindi ko naman sinasadya,” pagbibigay ko ng rason. Isa pa, tinext ko naman siya. Kung sana ay nagreply siya sa akin kaysa sa ibang tao, hindi ako natulog nang umuwi kami kanina.
“Still, you promised. Sana hindi ka nangangako,” nilingon ako ni Jahann. Hindi ako nakapagsalita dahil na rin sa pagtitig niya sa akin. Seryosong-seryoso ito.
“It’s fine, Jahann. Besides, ikaw naman ang nagluto. Okay na iyon, kaysa si Al yang pinagluto niyo…”
“Mom!” napasimangot si Aly. “Nananahimik ako dito, ah?” humalukipkip ito.
“I’m just saying, wala kang talent sa kusina, Aly,” narinig kong sabi ni Mommy kay Aly. Nakatingin pa rin ako kay Jahann kahit pa nag-iwas na siya ng tingin sa akin.
“Coming from you, Ai?”
I heard Dad’s voice.
“Come on, let’s eat. Panatag ang loobko sa pagkain dahil hindi mommy niyo ang nagluto,” sabi ni Daddy na ikinasimangot ni Mommy.
“I hate you just now,” sabi nito kay Daddy.
“I love you even more just now…” sagot naman ni Daddy dito.
Nag-iwas na din ako ng tingin at nagsimulang kumain. Halos hindi ako makakain ng maayos dahil na rin nawalan na ako ng gana kahit pa gutom na ako kanina.
“Okay ka lang, twin?” bulong sa akin ni Aly. Tumango naman ako sa kanya. Nawalan lang talaga ako ng ganang kumain dahil sa sagutan namin ni Jahann. Hindi lang din talaga ako sanay na ganyan siya.
Pakiramdam ko tuloy, unti-unti siyang lumalayo sa amin ni Aly… sa akin.
“Mom, Dad, aakyat na po ako sa room ko,” paalam ko nang matapos akong kumain.
“Are you okay, twin?” tanong ni Aly sa akin. Tipid akong ngumiti at tumango dito. Naglakad na ako paalis ng dining room nang marinig ko si Daddy na magsalita.
“Jahann, your Tita Julia told me you’re seeing Iris now. Is that true?”
Huminga na lang ako ng malalim at pinagpatuloy ang paglalakad. Hindi ko na narinig ang sagot ni Jahann. Hindi na din naman kailangan. Alam ko naman.
Pagpasok ko sa kwarto ko ay agad kong binuksan ang laptop ko. Maybe, I should distract myself. Masakit isipin sa ulo ang topak ni Jahann.
Ayaw pala niyang magluto, sana ginising na lang niya ako.
Hindi naman sa ayaw kong gawin yung pangako ko, pero sana man lang din kasi, nagreply siya sa akin nung nagtext ako.
Si Iris nga, natext niya, eh.
Humiga na lang ako habang nakikinig ng kung ano-ano sa laptop ko. Malapit na rin ang birthday celebration noong Kevyn. Hindi ko alam kung bibili ako ng regalo o ano. Di ko naman kilala ‘yun.
Naisipan ko na lang na patayin ang laptop ko at magbasa.
Hindi ko na namamalayan ang oras at nahinto lang ako sa pagbabasa nang may kumatok sa pinto ng kwarto ko.
“Sino ‘yan?” tanong ko. Inilapag ko na muna ang libro sa tabi ko. Wala namang sumagot sa akin.
“Aly?” tanong kong muli. Pero hindi, eh. Si Aly, basta na lang ‘yon pumapasok ng kwarto ko.
Jahann? Nah.
Tumayo na lang ako at naglakad papunta sa pinto at binuksan iyon.
Walang tao.
Kumunot ang noo ko bago sumilip sa magkabilang pasilyo upang tignan kung may tao. Wala naman.
“Weird…” huminga ako ng malalim bago ko pinihit ang pinto pasara nang may maramdaman ako sa paa ko.
Tray na may lamang ice cream tub at kutsara.
“What’s this?” lumuhod ako para tignan iyon maging ang letter na naroon.
Computerized ang letter kaya hindi ko malaman kung sino ang nagsulat.
I hope this will help you to feel better.
Tinignan ko ang ice cream tub na naroon. My favourite flavour. Napangiti ako.
Maybe it’s Aly. Alam niya siguro na wala ako sa mood ngayon. After all, kambal kami.
Nakangiti kong kinuha ang tray at pumasok na sa loob ng kwarto ko. Pinagpatuloy ko na lang ang pagbabasa habang kumakain ng ice cream.
Kinabukasan ay maaga akong gumising para na rin bumawi sakanila. Ako na ang nagluto ng almusal namin at naghanda ng mga iyon.
Konti na lang, papalitan ko na ng trabaho ang mga kasambahay namin.
Matapos akong maghanda ay kinatok ko na si Aly. Gising na ito at nagbibihis na lang. Sunod akong nagpunta sa kwarto ni Jahann.
Nag-aalangan pa ako sa pagkatok.
Huminga ako ng malalim at pumikit. Bahala na nga.
Kumatok ako sa pinto niya pero saktong binuksan iyon ni Jahann kaya naman sa may dibdib niya tumama ang kamay ko.
Nanlaki ang mga mata ko.
“Good morning din, Creep…” sabi ni Jahann sa akin.
“I was… I… you opened the door and I didn’t—“
“I know…” naglakad siya papalapit sa akin kaya naman napaatras ako.
“I-I-I c-cooked our breakfast…” Goodness, Cherinna!
Tumango lang si Jahann sa akin. Isinara nito ang pinto habang nakatalikod doon. Iniwas ko agad ang tingin sa kanya. Magkagalit nga pala kami.
“Bababa na ako,” sabi ko na lang bago naglakad. Hindi ko na binalikan si Aly gaya ng plano ko kanina kapag natapos kong katukin si Jahann. Bababa din naman ‘yun, panigurado.
Matapos namin kumain ay nagpaalam na kami kina Mom at Dad na aalis na.
“Kambal, kay Jahann ka na lang ulit muna sumabay. May bibilhin pa kasi ako, eh. Pero kung okay lang sa’yo maghintay, sabay ka sa akin,” ani Aly na nakangiti.
“Sige—“
“Sa akin ka na sumabay. Matatagal ‘yang si Aly,” sabi ni Jahann bago binuksan ang pinto ng sasakyan nito at pumasok doon.
“Sige na, diyan ka na sumabay. Baka mas sumpungin pa ‘yan,” natatawang sabi ni Aly bago sumakay sa sarili nitong sasakyan. Tumango na lang ako bago naglakad papunta sa sasakyan ni Jahann at binuksan ang pinto sa likod.
“I’m not your driver, dito ka sa harap,” sabi ni Jahann nang makaupo na ako. Tinitigan ko naman siya ng masama.
“Nung nakaraan, ayaw niyang sa harap ako. Ngayon, magrereklamo…” bulong ko bago lumabas at lumipat sa harap. “Happy?” nakangiti ng sarkastiko kong tanong sa kanya.
“Very,” sagot naman nito. Napasimangot na lang ako at isinuot ang seatbelt ko.
Nakalimutan ko palang magpasalamat kay Aly doon sa ice cream kagabi. Mamaya na lang siguro sa school kapag nagkita kami.
Wala kaming kibuan ni Jahann hanggang sa makarating kaming dalawa sa school. Napansin ko ang paghigpit ng hawak niya sa manibela nang malapit na kami sa parking. Magtatanong sana ako kung anong problema niya pero nakita ko si Iris na naroon. Halatang naghihintay sa kanya.
“She’s early,” komento ko bago tanggalin ang seatbelt at lumabas nang sasakyan ni Jahann.
“Good morning,” bati ni Iris sa akin ng nakangiti. Tipid lang akong ngumiti sa kanya. Maya-maya ay lumabas na rin si Jahann at siniguro na nakalock ang sasakyan nito.
“Good morning, Jahann…” bati ni Iris sa kapatid ko. May inabot din itong isang may katamtamang laking box.
“What’s this?” tanong ni Jahann nang abutin ang box na inabot ni Iris.
“Nagtry akong magbake ng cupcakes kahapon, eh,” matamis na ngumiti si Iris. “Dinalhan kita…” dagdag pa nito.
Sweet.
I just mentally rolled my eyes.
“Good morning, sunshine,” lumapit sa amin si Ian na nakangiti sa akin.
“Hi, morning din,” ngumiti ako pabalik dito. Mabuti na lang at nandito si Ian. Di naman ako mukhang tangang audience nung dalawa.
“Morning, Jahann, Iris,” bati rin ni Ian sa dalawang kasama namin.
“Hi, Ian!” masiglang bati ni Iris na may kasamang pagkaway pa.
Mas naiinis tuloy ako.
Naiinis ako kasi ang bait niya.
“Tara na?” aya ko kay Ian para makalayo na din doon. Hindi ko talaga gusto ‘yung pakiramdam na magkasama si Jahann at Iris. Feeling ko mas napapalayo si Jahann sa akin, pero wala naman akong magagawa kaya mas tama siguro na hindi ko na lang makita ‘yon.
“Sabay na ako sa inyo,” sabi ni Iris. Napahinto naman ako sa paglalakad.
“Thank you, Iris. I’m sure masarap ‘to,” narinig kong sabi ni Jahann.
Once again, I mentally rolled my eyes. Pasintabi sa cupcakes ko.
“Anytime,” sagot naman ni Iris dito.
Naglakad na lang ako pero narinig ko si Jahann na nagsalita.
“Take care, Creep…”
Nilingon ko siya at nakita kong ngumiti siya ng tipid sa akin.
Napailing na lang ako. Baliw.
Dumiretso na lang kami nila Ian at Iris sa loob ng classroom. Tahimik lang ako habang nag-uusap ang iba tungkol sa subjects, sa mga kung ano-anong nangyayari sa buhay nila.
“Hey, are you okay? Ang tahimik mo…” puna ni Ian sa akin.
Ngumiti ako ng tipid. “Kailan ba ako dumaldal?” tanong ko sa kanya. Ngumiti din siya sa akin at inabot ang kamay ko. Hindi siya nagsasalita, basta hawak niya lang ang kamay ko.
“May problema ka sa kamay ko?” tanong ko sa kanya. Natawa naman siya sa akin. Kita ko maging ang paggalaw ng Adam’s apple niya.
Ang gwapo niya sa part na ‘yun. Actually, Ian’s really handsome. Lalo na kapag seryoso ang mukha nito. Minsan, mas gusto ko pang nakakunot ang mga kilay nito kaysa nakangiti sa akin. Mas gwapo siya sa paningin ko.
Mas gusto ko lang siguro talaga ng seryoso, tulad ni Daddy. At ni Jahann.
“Hindi ba pwedeng gusto ko lang hawakan ang kamay mo?” tanong niya din sa akin pabalik. “Para masanay ka sa kamay ko kapag tayo na…” dagdag pa niya.
“Wow, ha?” binawi ko ang kamay ko sa kanya. “Medyo advanced ka din,” natawa na lang ako. Nanliligaw pa din naman si Ian. Ilang beses na niyang sinabi na gusto niyang ihatid ako sa bahay pero lagi akong tumatanggi. Hindi ko pa kasi talaga alam kung paano ihahandle ang isang seryosong manliligaw. Sinabihan ko din siya na kung may balak siyang mag-surprise visit sa bahay ay hindi ko talaga siya kakausapin kaya alam kong hindi niya gagawin ang bagay na iyon.
“Hindi naman. I just really like you. I like you a lot, actually…” seryosong sabi ni Ian sa akin. Nakikita ko din sa mga mata niya na seryoso siya. “I’m not asking you to answer me right away. I’m not even asking you to say anything. Gusto ko lang na alam mo na gusto kita. Okay na ‘yon sa ngayon…” dagdag niya pa. Hindi na lang ako nagsalita.
“Okay na din sa akin na magustuhan mo ako ng kaunti. Ako na lang ang bahalang magparami…” ngumiti siya sa akin at kumindat. Hindi ko mapigilang matawa sa sinabi niya. “Baliw ka na naman,” sabi ko.
“Kinilig ka na naman,” pang-aasar naman niya.
“Talaga ba?” ngumiti ako ng matamis sa kanya.
“You’re unfair…” biglang sumimangot si Ian. Napakunot naman ang noo ko. “Bakit?”
“You’re smiling and I’m falling even more with you,” seryosong sabi nito. Mas lalo naman akong napangiti. “Not my fault,” sabi ko sa kanya.
Ngumiti lang siya sa akin at muling inabot ang kamay ko.
Hanggang sa mag-lunch break ay kasama ko si Ian at Iris. Gusto kong ipakilala si Iris sa ibang kaklase namin para naman may iba siyang sinasamahan, pero problema ko din pala ang pagkilala sa mga ito. Hindi ko naman siya magawang itaboy dahil una sa lahat, wala naman siyang ginagawang masama sa akin.
Hindi lang talaga ako kumportable sa kanya.
“Cherinna, anong favourite color ni Jahann?” tanong ni Iris sa akin habang naglalakad kami papunta sa parking lot. Nilingon ko si Iris. Hindi ako kaagad nakasagot sa kanya.
“Why don’t you ask Jahann, instead?” tanong ni Ian dito na bitbit ang gamit ko.
Nilingon ni Iris si Ian. “Nahihiya kasi ako,” natatawang sabi nito bago yumuko.
“You gave him cupcakes, already. Nahihiya ka pa sa kanya?” tanong muli ni Ian dito. Nilingon ko naman si Ian at pinanlakihan ng mga mata. Nakuha niya naman ang ibig sabihin ng tingin ko dahil nanahimik ito.
Huminga ako ng malalim bago nagsalita. “He likes blue and gray,” sagot ko dito.
Tumango-tango si Iris. Sa palagay ko ay may balak na naman siyang ibigay kay Jahann kaya nagtatanong siya ng kulay. Dapat pala, sinabi ko, pink.
Patuloy na naglakad kami papunta sa parking. May usapan din kasi kami ng mga pinsan ko na magkikita doon.
Natanaw ko na kaagad si Theon, Keij, Kol, Lean, Enzo at Aly na naroon at nag-uusap-usap. Lumapit na lang kami sa kanilang tatlo.
“Hi, Ian! Hi, Iris!” masiglang bati ni Aly sa dalawang kasama ko. “Guys, si Iris. Co-model ko sa Ai’s…” pakilala ni Aly kay Iris sa mga pinsan at kaibigan namin. Nilingon nito si Iris. “What are you doing here? Hinahanap mo si Jahann?” tanong nito.
“Classmate ko siya,” ako ang sumagot sa tanong ni Aly.
“Oh my gosh! Dito ka na nag-aaral? That’s so sweet! Sinundan mo talaga si Jahann, ha?” nakangiting sabi ni Aly dito. Kausap naman ni Theon at Keij si Ian. Nakakasundo na din ni Ian kahit papapaano ang mga pinsan ko, maliban kay Kol. At siyempre, si Jahann.
“You should come with us now,” aya ni Aly kay Iris. Nakaupo ako sa tabi ni Lean.
“Where are we going?” I asked Lean.
“SD,” sagot naman nito sa akin. Kinukulit nito si Enzo na nakikinig lang sa music sa isang tabi.
“Okay lang ba?” tanong ni Iris.
“Of course!” sabi ni Aly. “And Ian,” lumingon ito kay Ian. “Sama ka na din sa amin,” yaya din nito sa lalaki.
“Kung makapag-aya ‘to, kala mo tagapagmana ng SD,” natatawang sabi ni Keij dito. “Akala mo marunong magbake,” dagdag pa ni Theon.
“Ewan ko sa inyo,” inirapan ni Aly ang mga ito bago muling lumingon kay Iris. “Go ka?” tanong nito sa babae. Tumango naman ito.
Hindi ko napigilang mapabuntong-hininga ng malalim.
“Nasaan na ba si Jahann?” tanong ni Theon sa amin. Kinuha ko na lang ang phone ko para itext si Jahann pero biglang nagsalita si Iris.
“I texted him already, papunta na daw siya,” sabi nito. Napayuko akong muli sa phone ko. Ibinalik ko na lang iyon sa bag ko at sumandal kay Lean.
Maya-maya lang ay dumating na si Jahann. Dumiretso ang tingin niya sa akin. Ako ang agad na nag-iwas ng tingin.
“Tagal mo naman. Akala ko kinain ka na ng SSG,” sabi ni Theon dito bago inaya na ang lahat para umalis.
Magkasama sa sasakyan ni Kol si Keij at Theon. Si Lean naman ay kay Enzo sasabay.
“Twin, sabay ka na lang kay Ian. Tapos Jahann, isabay mo si Iris…” sabi ni Aly sa amin bago pa man kami makasakay ng sasakyan lahat.
“Huh?” napatingin ako kay Aly pagkatapos ay lumipat ang tingin ko kay Jahann.
“Don’t push it, Aly…” sabi naman ni Kol dito.
“Hindi kasi nila alam ‘yung way kaya—“
“They should follow us, then,” si Enzo ang nagsalita.
“Enzo…” hinawakan ni Lean ang braso ng kakambal.
“Bakit ba panay ang tutol niyo?” tanong ni Aly sa mga ito.
“Maybe because you’re too important to us?” sabi ni Keij. “No offense meant, dude,” nilingon nito si Ian bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Pero hindi kami papayag na sa’yo sasabay si Cherinna o kahit sino sa iyon sa iba lalo pa’t may sasakyan naman kami.”
“I understand, no worries…” sabi naman ni Ian dito ng nakangiti.
“Sa sasakyan ko si Cherinna sasakay. No more buts. Hindi siya sasakay sa iba,” seryosong sabi ni Jahann bago hinawakan ang braso ko at hinila ako.
“Paano si Iris?” tanong ni Aly kay Jahann. Natigilan si Jahann sa paglalakad at nilingon ako. Binawi ko naman ang braso ko mula sa pagkakahawak niya. Nilingon ko si Iris na nakatingin kay Jahann.
“Kay Ian na lang ako sasabay. Alam niya ‘yung way. Nagpunta na kami doon noong isang araw,” iyon lang ang sinabi ko at hinawakan na si Ian sa braso para magpunta sa sasakyan nito.
“Magkita na lang tayo ‘dun,” sabi ko sa mga ito.
Habang nasa biyahe kami papunta sa SD ay hindi ako nagsasalita. Naiisip ko lang si Iris. Si Jahann…
“Iba ‘yung bond niyo, no?” basag ni Ian sa katahimikan. Nilingon ko naman siya. “Ano ‘yon?” tanong ko dito.
“You and your cousins… pati kapatid mo,” sabi nito bago ngumiti. “They’re really protective…”
Tumango ako. “Yeah,” pagsang-ayon ko. Ganon naman talaga sila. Sabi pa nga ni Keij noon, mababalian nila ng leeg ang lalaking magpapaiyak sa isa man sa amin.
“Ang dami ko yata talagang kailangan ligawan,” nakangiting sabi ni Ian.
Ngumiti lang ako ng tipid dito. “Pasensya na kanina, ah? Sanay kasi kami na kami-kami lang ang magkakasama kaya simpleng pagsakay sa ibang sasakyan, nagiging issue sa amin…” sabi ko dito.
Tumango lang si Ian. “Okay lang. Naiintindihan ko sila.”
Ngumiti na lang ako at di na nagsalita pa.
Itinabi ni Ian ang sasakyan niya sa sasakyan ni Enzo nang makarating kami sa SD. Napakunot ang noo ko nang di ko makita ang sasakyan ni Jahann.
Where is he?
Nasa may labas lang sila Aly kaya madali ko silang nakita. Lumapit naman agad kami at umupo doon. Naroon si Iris at katabi si Lean.
“Nasaan si Jahann?” tanong ko kay Aly.
“Hindi sumama,” kibit-balikat na sagot niya sa akin.
Kumunot ang noo ko. “Hindi sumama?” tanong kong muli dito. Tumango naman si Aly.
“May pupuntahan daw, eh. But I texted him already. Asking him if susunod siya,” sabi ni Iris. Bakas ang lungkot sa mukha nito.
Baka nasa Ai’s si Jahann?
Nagpaalam naman si Iris na magpupunta ng banyo kaya umalis ito.
“He’s being unfair, dapat sumama si Jahann, eh…” sabi ni Aly sa akin.
“Why?” tanong ko sa kanya. Nilingon niya naman ako. “Para magkasama sila ni Iris. Obviously she’s making an effort to be with him,” saad ni Aly.
“It’s okay with you? I mean, mag-girlfriend si Jahann?” tanong ko sa kanya. Gusto kong malaman kung pareho kami ng iniisip ni Aly. Kung pareho yung nararamdaman namin.
“Yes,” sagot niya sa akin. Napasandal ako.
“Is there something wrong with that, Cherinna?” tanong ni Kol sa akin.
Nag-angat ako ng tingin at sinalubong ang mga mata ni Kol bago umiling. “Wala…” sagot ko. Wala naman talagang problema ‘dun.
Wala namang dapat na problema kung magkakagusto na si Jahann sa babae.
Pero ayoko kasi.
Ayokong may ibang kahati sa atensyon ni Jahann.
Napatingin ako sa phone ko nang magvibrate ito.
I opened it and saw Jahann’s message.
Behind you, Creep.
Kumunot ang noo ko at tumingon sa likod.
I saw Jahann’s car.
Sumunod siya.
Maybe for Iris.
Yeah, because of Iris.