“ALY, gumising ka na…” kumatok akong muli sa kwarto ni Aly bago naglakad papunta sa kwarto ni Jahann. Bakit ba naman kasi ang tagal kumilos ng kakambal ko? Kinailangan ko pa siyang balikan ng tatlong beses para lang gisingin siya.
“Jahann…” kumatok ako sa kwarto niya. Kumunot ang ulo ko. Normally, kapag kumatok ako sa kwarto niya, sumasagot na agad siya. Huminga ako ng malalim bago muling kumatok.
“Jahann…” mas nilakasan ko din ang boses ko. Baka mamaya, may suot na namang earphone si Jahann kaya hindi niya ako naririnig. Wala pa din akong narinig na response.
“Jahann—“
“What?”
Halos mapatalon ako nang magsalita siya sa likod ko. Nakasuot siya ng blue na shirt na pinatungan niya ng itim na jacket.
“Gising ka na?” tanong ko sa kanya. Ilang araw na din kasing late siyang nagigising dahil na rin sa trabaho niya sa Ai’s. Pero dahil magsisimula na ang second sem, hindi na siya pinapapunta masyado ni Tito Dale sa Ai’s.
“Mukha ba akong tulog sa paningin mo?” nakakunot ang noo na tanong niya sa akin. Hindi ko mapigilang mapabuga ng hangin.
“Remind me to remind you not to talk to Daddy first thing in the morning, okay? Nahahawa ka sa pagiging masungit ‘non, eh…” sumandal ako sa pader habang nakatingin kay Jahann.
“Hindi naman masungit si Dad, ah?” sabi niya sa akin. Binuksan niya ang pinto ng kwarto niya kaya naman sumunod ako papasok sa loob.
“Based on Mommy’s story, he’s the snobbest person ever.” Umupo ako sa may kama niya at tinignan ang mga pictures na naroon. Napasimangot ako.
“Also, remind me to tell Keij and Theon not to come closer to you anymore…” inangat ko ang mga pictures na naroon. Puro babae.
“Tss. Pinapapili ako ni Tito Dale ng gagawing model ng product nung client. Wala akong gusto sa mga ‘yan,” sabi niya sa akin bago inagaw ang mga pictures sa kamay ko.
“There’s nothing wrong if you like someone. Just make sure she will take care of you, okay?” tumayo na ako at tinapik ang balikat niya. “Babalikan ko lang si Aly. Hindi pa ata tapos mag-ayos, eh…” ngumiti ako sa kanya bago lumabas ng kwarto niya. Dumiretso naman ako sa kwarto ng kakambal ko. Magkakatabi ang kwarto naming tatlo. Kay Jahann ang nasa pinaka-dulo, sunod ang sa akin at ang kay Aly. Aly and I used to share room before, pero si Mommy na din ang nagsuggest na magbukod na kami ng kwarto na dalawa.
“Aly…” tawag kong muli sa kakambal ko. “I’ll just ask Dad to come up, okay?” sabi ko sa kanya.
“I’m awake!” malakas na sabi niya sa akin mula sa kwarto niya. Hindi ko mapigilang matawa. Kung meron man kaming ayaw na dalawa, iyon ay kapag si Daddy na ang gigising sa amin. Naranasan na ni Aly na mawalan ng isang linggong allowance dahil si Daddy ang gumising sa kanya. And Aly hates that week.
Bumaba na ako para magpunta sa dining room. Maaga pa naman kaya alam kong hindi kami malelate sa klase. Isa pa, unang araw pa lang naman ng klase, gaya ng laging sinasabi ni Aly, kung tamad ang mga estudyante sa pagpasok sa unang araw, ano pa ang mga professors?
“Love, don’t forget our date on Saturday, okay?”
Natigilan ako nang marinig ko ang boses ni Mommy.
“Mikaela, paano ko makakalimutan ‘yon kung lagi mo namang nireremind sa akin? Naglagay ka pa ng reminder sa phone ko, diba? You even asked Dale to remind me…” sagot naman ni Mommy.
Napangiti ako. Sumandal na muna ako sa pader na naroon at hindi pumasok. This is what I love the most about them. Kahit na tatlo na kami, hindi maikakaila na mahal na mahal nila Mommy ang isa’t isa.
“Baka kasi makalimutan mo, Mikael… subukan mo lang talagang kalimutan, naku!”
“Kailan ko ba nakalimutan ang mga bagay na tungkol sa’yo?” tanong ni Daddy kay Mommy. Napailing na lang ako.
Si Mommy lang talaga ang may kakayahan mapabago ang mood ni Daddy. Iba talaga kapag true love.
“What the…”
Napalingon ako at nakita ko si Jahann na nakatingin kina Mommy at Daddy. Tinignan ko din at nahila ko bigla si Jahann.
“Why do we have to wake up every day, seeing them kissing?” tanong niya sa akin. Natawa na lang ako. Hindi naman ako nagrereklamo na nakikita ko ang pagmamahal ng mga magulang namin.
“Mom, Dad, we’re here!” biglang sabi ni Jahann. “Continue that later, please?” dagdag pa nito bago pumasok sa loob ng dining room.
Natatawa naman akong sumunod sa kanya papasok at umupo sa tabi niya.
“Where’s Alyanna?” tanong ni Daddy sa amin.
“Here!” nagmamadaling pumasok si Aly sa loob at umupo sa tabi ko.
“Aly, are you going to drive later?” tanong ni Mommy kay Aly habang kumakain kami. Nilingon ko si Alyn a naglalagay ng pagkain sa plato nito.
“Yes, Mommy. Isasabay ko na din si Cherinna…” sagot naman niya bago tumingin sa akin at ngumisi.
“I don’t trust your driving skills…” mahinang sabi ko kay Aly. Sinimangutan naman ako nito.
“Ako na lang maghahatid kay Cherinna. Sumabay ka na lang din, Aly,” ani Jahann na nasa tabi ko.
“That’s better,” sabi naman ni Daddy.
“Pero Daddy, I can drive naman. Besides, may dadaanan pa kasi ako…”
“First day of class, may dadaanan ka?” tanong ni Daddy kay Aly. Tumango naman ito. “I just need to buy some things,” nakangiting sagot ng kakambal ko. Napailing na lang ako. Matapos namin kumain ay kinuha ko na ang gamit ko.
“Dad, pupunta ako sa Ai’s mamaya,” narinig kong sabi ni Jahann kay Daddy habang naglalakad kami papalabas.
“Just call Dale, okay? I have to go,” sagot naman niya sa amin. “I’ll go home early, Ai…” paalam niya kay Mommy bago hinalikan ito sa noo. Bumaling naman siya kay Aly pagkatapos. “Be careful, okay?” paalala nito sa kakambal ko. “Jahann, take care of your sister…” tinapik naman nito ang braso ni Jahann bago pumasok sa sasakyan nito.
“Alis na kami, Mommy…” nagpaalam na din kami at pumasok sa sasakyan.
“Why do you have to go to Ai’s later?” tanong ko sa kanya habang nagmamaneho siya. Nagkibit naman ng balikat si Jahann sa akin. Napanguso na lang ako bago ako tumingin sa labas.
Maya-maya ay nagring ang cellphone ko kaya naman agad ko na iyong kinuha bago pa man ako tignan ni Jahann.
“Hello?” sagot ko sa tawag ni Keij.
“Kasama mo si Jahann?” tanong niya agad sa akin. Kumunot ang noo ko. Si Jahann naman pala ang kailangan niya, bakit kailangang ako ang tawagan nito?
“Yeah, why?” lumingon ako kay Jahann na nakatingin sa kalsada.
“Speaker mo muna,” utos niya sa akin.
“Siya pala ang kailangan mo, bakit ako ang tinatawagan mo?” tanong ko sa kanya. “Kanina pa ako tumatawag, hindi ko macontact, eh…” sagot ni Keij sa akin. “Speaker muna kasi…” utos niya ulit.
I rolled my eyes. Inilagay ko sa speaker ang phone ko. “Go, talk…” sabi ko kay Keij.
“Jahann, you can hear me? Sama ka mamaya sa SD?” tanong ni Keij kay Jahann. Nilingon naman ako ni Jahann. Nagkibit-balikat ako.
“Anong meron sa SD?” tanong ko kay Keij.
“Cakes…” sagot nito sa akin.
Ipinikit ko ang mga mata at tahimik na nagmura sa isip ko.
“Ibababa ko na. Maghanap ka ng kausap mo,” sabi ko kay Keij pero mabilis niya akong inawat. “Sandali kasi!” mabilis na sabi niya. “First day of class naman, sabi din ni Tita Steph, punta tayo ‘dun…” sabi nito sa amin.
“Anong oras ba?” tanong ko ulit sa kanya. Hindi kumikibo si Jahann. Sigurado naman akong hindi siya sasama dahil na rin pupunta siyang Ai’s mamaya.
“Kahit 5 pm, ayos lang naman sa amin, Cherinna. Natawagan ko na si Aly, pupunta daw siya…” sagot ni Keij sa akin. Hanggang 4 lang naman ang klase ko kaya okay lang naman na magpunta ako sa SD. Isa pa, pwede namin bilhan ng strawberry cake si Mommy.
“Sige, pupunta ako…” sagot ko sa kanya. “And Jahann’s busy…” iyon lamang at binaba ko na ang tawag ni Keij at ibinalik ang phone ko sa bag ko.
“Kanina ka pa daw niya tinatawagan. Naka-off ba ‘yung phone mo?” tanong ko kay Jahann. Umiling naman siya sa akin. “I blocked his number…”
Natigilan ako sa sinabi niya bago siya nilingon at tumawa. “Why?”
Nagkibit-balikat lang si Jahann. Natawa na lang ako. Malamang may kung anu-ano na namang kalokohan na ginagawa si Keij kaya ibinlock ni Jahann ang number nito.
Pagdating namin ng school, naabutan namin si Keij na nakaupo sa hood ng sasakyan nito, nakasandal naman si Theon doon.
“Mas mukha silang kambal kesa kay Keij at Kol,” sabi ko bago tinanggal ang seat belt at kinuha ang bag.
Mas ahead sa akin si Keij at Kol ng isang year. Katulad nila si Jahann dahil nag-accelerate si Jahann noon. Si Theon naman ay ahead ng isang taon sakanila pero sabay sila nila Keij gagraduate dahil na din limang taon ang course ni Theon. Si Lean at Enzo ay kasing-year lang ni Theon. Sila Ate Caryl at Kuya Kiro naman ay parehong graduating na.
“Dumating na si Aly?” tanong ko sakanila. Hindi ko pa nakikita ang sasakyan nito. Umiling naman sila sa akin. Lumabas na din ng sasakyan si Jahann.
“Dude, unblock mo na number ko. Para naman ‘tong gago…” inakbayan ni Keij si Jahann. Ngumiti lang ako sakanila.
Tinawagan ko na lang si Aly para itanong kung nasaan na siya. Magkaiba kami ng course kaya naman hindi kami magkasama sa isang building, hindi katulad noon, magkaklase kami mula simula.
“Good morning,” bati ni Lean sa akin na may hawak pa na kape. Ngumiti ako sa kanya. “Morning din. Si Enzo?” tanong ko sa kanya. Nagkibit-balikat ito. “Malamang pinalitan na ‘nun ‘yung prof. niya. Nakikipagmaagahan sa pagpasok, eh…” sabi nito.
“Eh, ikaw, ba’t ang aga mo din?” tanong ni Theon dito. “Wala naman kasi akong gagawin sa bahay…” umupo na muna kami sa bench na naroon. Kung tutuusin, maaga pa naman talaga at wala pa kaming klase.
“Jahann, saan ka pupunta?” tanong ni Keij dito pero hindi na ito pinansin ng kapatid ko.
“May sariling mundo ‘yon, no? Dapat si Kol talaga kasama ‘nun lagi, eh…” sabi ni Keij bago umupo sa tabi ko.
“Huwag mo na nga pinagtitripan ‘yung kapatid ko… kaya ka naba-block, eh…” hindi ko mapigilang asarin siya. Sinimangutan naman ako ni Keij. “Nasan pala si Kol?” tanong ko sa kanya. Nagkibit-balikat lang siya sa akin.
Magkaklase si Jahann at Kol kaya lagi ding magkasama ang dalawang ‘yon. Business Management ang course nilang pareho habang Marketing naman ang kay Keij. Si Theon naman Engineering ang kinukuha. He once said he wants to be like his mom.
“Hi, guys!” malakas na sabi ni Aly sa amin nang lumapit siya sa pwesto namin. Umupo naman siya sa tabi ko nang mapaalis na niya si Keij.
“Saan ka galing?” tanong ko sa kanya. Inabutan niya naman kaming lahat ng cheeseburger. “Kumain na tayo, ah?” sabi ko sa kanya. Nagkibit-balikat siya. “Nagugutom na ako, eh…” sagot niya habang nakangiti.
“Nasaan si Jahann?” tanong niya sa akin. Nagkibit-balikat din ako. “Malamang may tinignan sa schedule niya o kaya nasa room ng faculty...” sagot ko naman sa kanya. Si Jahann ang representative ng year level nila sa college nila. Silang dalawa ni Kol, actually. Malakas ang paniniwala ni Keij na siya dapat ang nanalo kaysa ang kakambal niya, pinagkakalat niya noon na nalito lang daw ang mga bumoto kay Kol at lahat naman kami ay nagpapasalamat na si Kol ang nanalo, kawawa naman ang buong second year ng college nila kung si Keij ang nanalo.
“Eh, kayong dalawa, bakit pakalat-kalat kayo?” tanong ni Aly kay Keij at Theon habang kumakain ng burger na dala nito.
“Ang aga-aga, naka-softdrinks ka na naman,” saway ko sa kakambal ko. Ngumiti lang siya sa akin bago muling bumaling sa mga pinsan namin.
“Wala pang klase, Aly. Wag ka ngang ano diyan,” sagot ni Keij dito na nakasimangot.
“Buti pa sila Caryl, isang sem na lang, gagraduate na…” komento ni Lean. Nilingon ko naman siya. “Tatlong sem na lang naman, graduate ka na din…” hinawakan ko ang kamay niya habang nakangiti.
“Nakakaumay na kasing pagmumukha ni Theon ang nakikita ko dito sa school, eh…” inirapan nito si Theon.
“Inano ka na naman?” tanong naman ni Theon dito.
“Oh, kids… relax…” sabi naman ni Keij sa dalawa.
“Mas isip-bata ka pa nga, eh…” asik naman ni Aly dito. Sinimangutan naman ito ni Keij. Tumayo na lang ako. Mas mabuti pang sa room na lang ako tumambay. I love hanging out with them but, they’re making my head hurt.
“Punta na ako sa room, ha?” paalam ko sakanila.
“Maaga pa, ah?” sabi ni Keij sa akin.
“Huwag kang early bird, masama ‘yon…” sabi naman ni Theon sa akin. Natawa na lang ako. “Night owl ako…” tumalikod na ako at iniwan sila doon. Maya-maya lang ay may mga klase na ang mga ‘yon kaya malamang ay magtetext na lang sa akin si Keij tungkol sa pagpunta sa SD mamaya. Sasabay na lang siguro ako kay Aly. Siya naman ang may sasakyan sa amin at marunong magdrive.
Dumiretso na ako sa room ko at pumasok sa loob. May ilan na ring naroon kaya naman hindi ako nag-iisa. Matapos lang magbatian, hindi na ako nagsalita pa. Umupo na lang ako sa bakanteng upuan na naroon malapit sa dulo.
Inilabas ko na lang ang phone ko at nagtingin-tingin sa mga accounts ko. Maya-maya lang ay nagtext si Keij sa akin.
Keij: 4pm, ah? Sabihan mo na din si Jahann. Blocked pa din ako, eh.
Napangiti na lang ako. Hindi na ako nagreply sa kanya. Unti-unti na ring nagdadatingan ang mga kaklase ko. May mga ilang nagshift na at may mga bagong mukha akong nakikita. Well, second sem pa lang naman, natural na may mga lumilipat pa ng course. Wala namang problema sa bagay na iyon.
“Is this seat taken?” tanong ng isang lalaki sa akin. Hindi na ako nag-angat ng tingin, umiling na lang ako sa kanya. Umupo naman siya doon sa tabing upuan ko.
Paulit-ulit ko lang isinusulat ang pangalan ko sa likod ng filler na nasa lamesa ko.
Cherinna Alecksia Dela Cruz Anderson.
“Cherinna, may gagawin ka ba mamaya?”
Nag-angat ako ng tingin nang may lumapit sa akin na kaklase ko.
“Huh?” tanong ko sa kanya. Kung hindi ako nagkakamali, Angelica ang pangalan ng babaeng ‘to.
“Aayain ka sana namin, eh. Kung libre ka lang naman…” tila nahihiyang sabi niya sa akin bago lumingon sa mga kaibigan niya na nakaupo sa harap.
“May lakad ako mamaya, eh…” mahinang sabi ko sa kanya.
“Eh, kasi… sasama lang daw si Nathan kung kasama ka…” puno ng lungkot na sabi niya sa akin. Kumunot ang noo ko sa kanya. “Sino si Nathan?”
“Yung ST natin,” sagot naman niya sa akin. ST namin, pero Nathan lang ang tawag niya.
“Ah…” napakamot ako sa leeg ko. “May lakad kasi kami ng kakambal ko, eh. Next time na lang…” ngumiti ako sa kanya bago muling ibinalik ang tingin ko sa filler ko. Nakita ko naman siya na lumakad na papalayo sa akin.
“I am sure if Nathan heard how you scream out loud last time, he wouldn’t ask you out again…”
Natigilan ako. I know that voice…
Nilingon ko ang katabi ko.
“What the…” tinanggal ko ang suot kong earphone.
Tinignan niya din ako. “Small world, eh?” ipinilig niya ang ulo habang nakatingin sa akin.
“What are you doing here?” hindi ko mapigilang manlaki ang mata habang nakatingin sa kanya.
“Ano bang ginagawa sa school?” tanong niya pabalik sa akin.
Napahinga ako ng malalim. Nag-iwas na lang ako ng tingin kay Ian. Naghanap ako ng ibang bakanteng upuan. May nakita naman ako kaya tumayo na agad ako para lumipat doon.
“Ah, Cherinna, may nakaupo na diyan…” sabi sa akin ng isang kaklase ko.
I filled my lungs with air.
Luminga-linga ako. May mga nakita pa akong upuan pero lahat sila, sinasabi na may nakaupo na doon.
Padabog akong bumalik sa upuan ko. Nakatingin lang sa akin si Ian.
“Cherinna Alecksia…” mahinang sabi niya. Hindi ko siya nilingon.
Nakaupo lang ako at tinititigan ang filler ko.
Nilalaro-laro ko lang ang g-tec na hawak ko habang naghihintay sa prof namin. Wala pang sampung minuto ang lumilipas nang pumasok ang ST na tinutukoy ni Angelica kanina.
“Good morning,” bati niya sa amin. “Magbibigay lang muna ako sa inyo ng babasahin niyo. May biglaang meeting ang lahat ng Professors ngayon kaya naman wala na munang klase…”
Marami ang natuwa dahil sa sinabi nito. Hindi naman ako nagreact. Kinuha ko lang ang phone ko at nakita kong nagtext si Aly sa akin.
Twin: WALANG KLASE!!!
Geez. Hindi masyadong halatang natuwa siya sa biglaang meeting ng mga prof.
Matapos kong kopyahin ang mga sinulat ni Sir Nathan sa white board, inilagay ko na ang gamit ko sa bag ko. Papalabas na ako nang mapatid ako sa paa ni Ian. Agad niya naman akong hinawakan sa braso.
“Bi-bitawan mo nga ako!” asik ko sa kanya.
“Talagang sinasadya mong magpapansin sa akin?” tanong niya sa akin. May maliit na ngiti sa mga labi niya. Tumaas ang isang kilay ko sa kanya. “Asa ka naman,” inirapan ko siya bago naglakad papunta sa pinto. Nakita ko naman si Aly na pumasok sa room namin at sinalubong na ako. Napatingin siya sa gawi ni Ian. Kumunot ang noo niya.
“I remember him…” sabi nito. Agad ko na siyang hinila papalayo sa room.
“Where are they?” tanong ko sa kanya habang pababa kami ng hagdan. Malamang ay magkakasama na ang mga iyon.
“Kain daw muna tayo, then mall. Hapon pa naman tayo pinapapunta sa SD, eh…” sagot niya sa akin. Tumango lang ako. “Si Jahann?” tanong ko ulit dito. Nagkibit-balikat lang sa akin si Aly. “Sasama ba siya?” tanong din sa akin ni Aly.
“Puntahan ko na lang muna siya…” sabi ko kay Aly. Sinabi naman niya sa akin kung nasaan sila kaya susunod na lang ako pagtapos kong puntahan si Jahann.
Nagpunta ako sa office ng SSG, dahil malamang naman ay naroon si Jahann. Naabutan ko siyang nakaupo at may ginagawa sa laptop nito.
Binuksan ko ang pinto at napangiti ako.
He’s singing.
Pero mahina lang.
“So baby, pull me closer in the backseat of your Rover, that I know you can't afford. Bite that tattoo on your shoulder, pull the sheets right off the corner of the mattress that you stole from your roommate back in Boulder. We ain't ever getting older… we ain’t ever getting old—“ lumingon siya sa akin.
“I like that song…” ngumiti ako sa kanya.
“You like Drew, not the song…” sabi nito bago isinara ang laptop nito na nasa lamesa. Natawa naman ako. “Yeah, I like him. Anyway, wala ng klase, didiretso ka ba sa Ai’s?” tanong ko na lang sa kanya.
Nagkibit-balikat siya sa akin. Hindi ko mapigilang mapasimangot. Lahat na lang ng kinakausap ko, nagkikibit-balikat sa akin.
“Come on, magkakasama na sila ‘dun. Mamaya ka na magpunta sa Ai’s…” aya ko sa kanya. Tumayo naman siya at kinuha ang bag niya.
“Where are they?” tanong niya sa akin. “Sa may coffee shop sa labas,” sagot ko habang hinahanap ko ‘yung ID ko sa bag ko. “Bring your car, para hindi na tayo babalik dito…” sabi ko sa kanya.
“Okay.”
“Wait lang, I can’t find my ID…” inilapag ko ang bag ko sa hood ng sasakyan ni Jahann para mas makapaghanap ng maayos.
“Saan mo ba nilagay?” tanong niya sa akin.
“Hahanapin ko ba kung alam ko?” tanong ko din sa kanya. “Pahawak nga muna…” ibinigay ko sa kanya ‘yung laman ng bag ko.
“Nandyan ba si Barney sa loob?” tanong niya sa akin. Tinitigan ko naman siya ng masama.
“Damn it…” mahinang sabi ko.
“I heard it.”
Hindi ko na lang siya pinansin.
“Cherinna…”
Napalingon kami ni Jahann sa tumawag sa akin. Napatuwid ang likod ni Jahann nang makita si Ian. Bakit ba nagpapakita ‘tong lalaking ‘to sa mga panahon na hindi dapat? Bakit ba siya nagpapakita at all?
“What are you doing here?” tanong ni Jahann kay Ian matapos ibigay pabalik sa akin lahat ng gamit ko.
“Seriously, ano bang ginagawa sa school?” sarkastikong tanong nito kay Jahann.
“Anong kailangan mo?” tanong ko kay Ian bago pa man makapagsalita ang kapatid ko.
“You dropped this…” itinaas nito ang hawak na lace at nakita ko ang ID ko. Napalingon ako kay Jahann na nakakunot ang noo sa akin. Lumapit ako kay Ian at kinuha ang ID ko. “Thank you…”
“I’m wondering… naiwan mo ba ‘yan o sinadya mo?” ngumiti si Ian sa akin.
Tumaas ang kilay ko sa kanya.
“I’m also wondering… saan gawa ‘yang mukha mo. Ang kapal, eh…” inirapan ko na siya at binuksan ang pinto ng sasakyan ni Jahann at walang-lingon likod na pumasok sa loob.
Tinignan naman ng masama ni Jahann si Ian bago pumasok din sa sasakyan nito.
“He’s your classmate?” tanong sa akin ni Jahann. I sighed. “Yeah.”
Malapit lang ‘yung coffee shop sa school kaya wala pang limang minuto, naroon na kami. Itinabi ni Jahann ang sasakyan niya sa sasakyan ni Keij. Nakita naman agad namin sila na naroon.
Umupo ako sa tabi ni Aly at umupo sa tabi ni Kol si Jahann.
“Umorder na ako para sa inyo…” sabi ni Aly sa akin. Tumango naman ako. Bumaling naman siya kay Jahann. “1000…” inilahad niya ang kamay sa harap ni Jahann.
“What?” tanong nito kay Aly.
“Umorder na ako, eh. Bayaran mo…” ngumiti ang kakambal ko kay Jahann.
“Tss…” iiling-iling na inilabas ni Jahann ang wallet at kumuha ng isang libo at ibinigay kay Aly. “Ang mahal ng kape mo, ah?” sabi ni Jahann dito. Ngumiti lang si Aly dito.
“Sasama ka sa SD?” tanong ni Kol kay Jahann.
Tumango ito.
“I thought you’re going to Ai’s later?” tanong ko sa kanya. Tinignan naman ako ni Jahann. Nagkibit-balikat lang ito sa akin. Hindi na lang ako nagtanong ulit. Napatingin na lang ako sa cellphone ko nang umilaw iyon.
I saw a message from an unknown number.
Got your number. ;) – Ian
“What the…”
Hindi ko naiwan ‘yung ID ko. Napasandal na lang ako at idinelete ang message niya.
Wala akong panahon sa kanya.