POWER OF DESIRE Chapter 30

NAGING abala si Aria sa mga sumunod na araw. Kagaya ng sinabi ni James, personal silang naging hands on sa pag-aasikaso ng kasal nila na gaganapin in three months time. Sa kabila iyon ng pagiging busy ng binata sa opisina at negosyo.

At katulad rin ng gustong mangyari ni James. Mas marami sa mga idea niya ang nasunod. At talagang nalilibang at nag-e-enjoy siya ng husto dahil doon.

Isang maganda pero simpleng white Irish crochet wedding dress na may mahahabang manggas at belo ang pinili ni James para sa kanya. Para parting iyon hinayaan niya ang lalaki gawa ng sa tingin niya ay mas alam nito kung ano ang mas babagay para sa kanya.

"Kailangan ba talaga ang ganito sa inyong mayayaman?" amuse niyang tanong kay James isang umaga habang nag-aagahan sila. Ang tinutukoy niya ay ang article sa dyaryo kung saan nakasulat ang tungkol sa pagpapakasal nila ni James.

Ilang araw narin kasi siyang sumasabay rito paluwas ng Maynila dahil nga sa busy siya sa pag-aasikaso ng kasal nila.

Nagkibit ng mga balikat niya ang binata. "Itanong mo sa Papa, siya ang may gawa niyan," anitong tumawa pa ng mahina saka inubos ang kape sa tasa. "okay ka na?" pagkuwan ay tanong ng binata sa kanya.

Tumango siya saka ibinaba ang hawak na dyaryo sa mesa. "Manang Erlie mauuna na ho kami," paalam niya sa matandang kasambahay na tamang kapapasok lang ng komedor.

"Sige," anitong sinimulang ligpitin ang mesa. "dito ba kayo maghahapunan?" tanong nito.

"Hindi na siguro Manang," si James ang sumagot sa tanong ng matanda.

"Magkikita nga pala kami ni Jocel mamaya. Okay lang?" nasa kotse na sila noon.

"Oo naman, so saan kita susunduin?" ani James na binuhay na ang engine ng sasakyan.

"Babalik nalang ako ng office," sagot niya nginitian ang lalaki.

Tumango-tango si James saka pinatakbo sa malawak na driveway ang sasakyan. Ganoon sila araw-araw. Sa opisina ng binata siya pinupuntahan ng mga kausap niyang tao at organizer tungkol sa kasal. Aalis lang sila kung may kailangang gawin sa labas. Pero magkasama parin. Sa kabila niyon, hindi siya nagsasawang magkasama sila palagi ni James. Ang totoo, mas panatag siya na nasa tabi niya ito palagi, kasi mas ramdam niya na safe siya.

"MANANG isang 3 in 1 nga po saka limang pirasong pandesal," si Norman sa ginang na may-ari ng bakery.

Agad naman siya nitong inasikaso gawa ng wala siyang kasabay na iba pang bumibili nang mapadako ang paningin siya sa cheese bread na nasa estante ng panaderya, doon mapait na napangiti ang binata.

Aria... Paboritong tinapay iyon ng dati niyang nobya.

Sa simpleng alaalang iyon ang gumuhit ang matinding sakit sa dibdib niya. Kasabay niyon ay nahagip ng paningin niya ang isang pamilyar na mukha sa dyaryo. Agad na napahugot ng buntong hininga ang binata.

"Kasama po itong dyaryo," aniyang ang tinutukoy ay ang isa kung saan nakalathala ang mukha ni Aria kasama ang ipinakilala nito noon sa kanya na boss raw nito.

"Tangina!" ang galit na galit niyang sabi saka nilamukos ang dyaryo matapos basahin at galit na ibinato sa kung saang bahagi ng kanyang inuupahang kwarto. "hindi ako papayag," nanginginig sa pagkasuklam niyang bulong.

"Magkakamatayan tayo. Hindi ka pwedeng mapunta sa kanya. Hindi ako papayag!" totoo iyon sa loob niya. At gagawin niya ang lahat, hindi man niya mabawi ang dalaga mula sa lalaking iyon ay titiyakin niyang walang makikinabang rito na kahit sino.

Kahit makulong pa siya. Kahit mapatay pa siya.

"KAHIT matagal ko ng alam na ikakasal ka na, may mga time na hindi parin ako makapaniwala," si Jocel iyon nang magkita sila sa isang coffee shop malapit sa pinapasukan nitong branch.

Isa sa mga tatayong abay si Jocel. Ibinigay kasi niya ang pagka-maid of honor sa kapatid niyang si Anya kaya ganoon.

Nahihiyang napayuko noon si Aria bagaman nakangiti. "Sa totoo lang, sa dami ng nangyari sa buhay ko, hindi ko in-expect na si James pala ang lalaking para sa'kin," aniyang sinalubong ang mga titig ni Jocel pagkatapos.

"Deserve mo ang lahat ng ito, kasi mabuti kang tao," sagot ni Jocel na ginagap pa ang kamay niya saka iyon marahang pinisil. "and I'm sure mas marami pang magagandang pwedeng mangyari sa'yo. Marami pang magagandang mangyayari sa'yo at kay sir James," sa huli nitong sinabi ay nakita ni Aria ang bahagyang pagkislap ng mga luha sa mata ng matalik na kaibigan niya.

Tumawa si Aria na naiyak narin. "Salamat," aniyang nagbuntong hininga. "naiisip ko nga, noong mga panahong nalaman ko ang ginagawa sa'kin ni Norman. Paano nalang kung wala ka? Baka kung ano na siguro ang naisip kong gawin sa sarili ko," aniyang pinagtawanan ang sinabi pagkatapos.

Umikot ang mga mata ni Jocel sa narinig. "Pwede ba hindi siya worth it no!" pagkasabi noon ay biglang tumunog ang cellphone nito.

"Sige na, okay lang. Baka importante," aniya pa nang tapunan siya ni Jocel ng nagpapaalam na tingin.

Tumango ito saka tinanggap ang tawag. Ilang sandali pa nakita niyang rumehistro sa maganda nitong mukha ang matinding takot kasabay ng matagal na pagtitig sa kanya.

"Bakit?" salubong ang mga kilay niyang tanong.

Nagbuntong hininga muna si Jocel bago nagsalita. "May lalaking nagwawala raw sa galit sa store, hinahanap ako," anitong hindi parin nawawala ang pagkakatitig sa kanya.

"Ganoon ba? Kailangan mo na bang bumalik doon? Okay lang naman tutal patapos na ang break mo," sagot niya rito.

Magkakasunod na umiling si Jocel. "H-Hindi ako babalik doon without making sure that you are okay?" sagot nito sa mariing tono.

Takang napatitig siya sa kaibigan. "May problema ba?"

Alanganing napatango roon si Jocel. "S-Si Norman ang nagwawala sa store. Hinahanap ako, alam mo naman siguro kung ano ang ibig sabihin noon hindi ba? Malamang nakita niya sa dyaryo na ikakasal ka na, kaya galit na galit siya," sa huling sinabi ay naramdaman niya ang takot sa boses ng kausap.

Sandaling binalot ng takot ang dibdib ni Aria sa narinig. Pero mabilis rin iyong napalitan ng matinding galit para sa lalaking nanloko sa kanya.

"Halika, pumunta tayo doon at kakausapin ko siya!" aniya sabay tayo.

Mabilis na hinawakan ni Jocel ang braso niya. "No, nasa labas naman ang driver ninyo, magpahatid kana sa Head Office, ako na ang bahala," sagot sa kanya ni Jocel.

Tamang nasa opisina rin kasi kanina ang ama ni James kaya ipinahatid na rin siya ng binata kay Mang Damian na kasa-kasama ng matandang Sebastian.

"Pero Jo__"

"Simula ngayon, sa bawat desisyon na gagawin mo isipin mo palagi ang magiging anak mo at si James. Kaya makinig kana sa'kin," anitong hinawakan pa siya sa braso nang palabas na sila ng coffee shop.

"Manong pakihatid na ninyo siya sa Head Office ha? Salamat," bilin pa ni Jocel kay Mang Damian na tumango lang habang nakangiti.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.