ROXY CITY BOOK 4 (STRANGERS AND LOVERS) Chapter 1

PROLOGUE

Marami nang tao nang dumating sina Gavin sa gasoline station na napagkasunduan nila ni Darren. Doon magsisimula ang ikinasang laban nila. Kaya sinigurado nila Basty, ang bestfriend at mechanic help niya na nasa kondisyon ang kanyang itim na Subaru Impreza.

Hindi niya palalampasin ang laban na iyon. Dahil nakasalalay ang kanyang reputasyon sa drag racing. Darren was his number one competition in racing. Mapa-legal man iyon o illegal. At sa huli nilang karera ay nagbitiw ito ng salita na pagsisisihan niya ang pagkakarera dahil tatalunin siya nito.

“Mukhang wala pa sina Darren.” Sabi ni Basty nang maiparada niya ang sasakyan sa may likod na bahagi ng gas station. Doon nila hihintayin ang grupo nito.

“Parating na ‘yon. Siya ang may gusto nito.” Sagot niya sa kaibigan. Tumawa ito.

Kung siya ang masusunod ay hindi niya papatulan ang hamon nito. Dahil alam niyang hindi patas kalaban si Darren. Pumapatol ito sa maruming laro. Ngunit kahit siya ay may paninindigang inaalagaan. Hindi siya umuurong sa anumang laban. He was born brave.

Hindi naman nagtagal ay dumating ang hinihintay nila. Hindi maipagkakaila ang grupo nito dahil sa lakas ng tugtog sa mga speaker ng mga sasakyan ng mga ito. Umuugong ang kayabangan sa ingit ng mga gulong ng mga ito. Napailing na lang sila ni Basty.

Ngunit kumunot ang noo niya nang makitang hindi si Darren ang bumaba sa pangarera nito. Kundi isang babae.

“Anong nangyayari?” takang tanong ni Basty. Ganoon din ang tanong niya. Lumapit ang grupo ni Darren sa kanila kasama ang babae.

Pasimple niyang pinagmasdan ito. She looked young. Para ngang nasa dise-otso lamang ito. Matangkad ito. Hindi kaputian ang balat. Mukhang out-going ito ngunit kaagad niya napuna ang pagkabalisa nito.

“Si Darren?” kaagad niyang tanong.

“Hindi siya makakarating. Ako ang lalaban sa’yo.” Sagot ng babae. She sounded confident ngunit may naramdaman siyang pag-aalinlangan sa tinig nito.

“Sino ka?” instead he asked. “Eeli.”

Lalong kumunot ang noo niya. “Darren set this race. Hindi ko maintindihan.”

Huminga ito nang malalim. Ngunit ang kaibigan ni Darren na nasa tabi ni Eeli ang nagsalita.

“Huwag kang mag-alala. May laban si Eeli.” Sabi nito.

“Sira-ulo pala ‘yang kaibigan mo. Siya ang maghahamon-” Ani Basty.

“Anong sinabi mo?” agap ng lalaki at akmang susugurin nito si Basty nang pumagitna siya. Ganoon din ang ginawa ni Eeli nang harangan nito ang kasama.

Seryosong tumingin sa kanya ang dalaga. “Kailangan ko ang laban na ‘to.”

“Hindi ko talaga maintindihan. Anong gustong palabasin ni Darren?” Seryoso din niyang

sagot.

Naiinis siya sa nangyayari. Hindi talaga maayos kausap si Darren. He gave up so much for his interest. At wala siyang balak ng patulan ang isang bata. His games were extreme. At kadalasan ay iligal pa. Seryoso siya sa ginagawa niya at wala siyang pakialam kung mapahamak man siya sa ginagawa niya. Wala naman nang halaga ang buhay niya para sa kanya.

“Ang totoo hindi ko rin alam kung anong dahilan niya. Pero kailangan ko ang laban na ‘to.” Sagot ni Eeli.

“Binayaran ka ba niya?” tanong niya.

“Hindi na mahalaga. Maglaban na lang tayo.” Sagot nito. Tumingin siya kay Basty.

Nagkibit-balikat ito.

Muling siyang lumingon kay Eeli. “Ngayon lang kita nakita. Mukha ka ring bata.

Matagal ka na bang lumalaban?”

Hindi kaagad ito sumagot. Tinapik ng katabi nito ang balikat nito at ito ang sumagot. “Neophyte pero magaling. Madalas s’ya sa mga racing dito, hindi mo lang napapansin. Secret weapon ito ni Darren. Kung itatanong mo ang kalibre, maglaban na lang kayo.”

“Shut up.” Singit naman ni Basty. Akmang susugod na naman ito ngunit muli nila iyong pinigilan.

“Isipin mo na lang na hindi ako papayag na matalo.” Saad ni Eeli. Tumalikod na ito kasunod ang mga kasama at bumalik sa sasakyan nito.

“Mukhang seryoso ang isa ‘yan. Ano? Tuloy tayo?” Ani Basty sa kanya.

Hindi alam ni Gavin kung lalaban siya o hindi. Mas gusto niya na si Darren ang kalaban ngunit ayaw naman niyang masabihang walang isang salita. He expected Darren to come. Ngunit tila naduwag ito. At inaasahan pa ng Eeli na ito ang laban nila.

Naisip niya ang dalaga. He felt something from her. Seryoso ito ngunit hindi niya maitanggi na tila napilitan lamang ito. Hindi talaga mawala sa isip niya na sobra itong bata. Anong ginagawa ng batang iyon sa lugar nila? Hindi ba ito hinahanap sa bahay nito? Nagrerebelde ba ito kaya parang sinisira nito ang buhay nito? Napailing siya.

“Ano?” ulit ni Basty nang hindi kaagad siya sumagot.

Huminga siya nang malalim. “Tara.”

Sumakay na siya sa kanyang sasakyan habang hindi pinansin ang kakaibang kaba niyang naramadaman habang isinara ang pinto ng kotse niya.

PrevNext

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.