NAKAUPO si Blossom sa windwsill ng sliding glass window ng ‘Safe Zone #1’ niya– ang old music room sa dating Club Building kung nasaan ang club room para sa mga official organization ng Polaris Academy. Pero one-storey building lang `yon kaya hindi rin nagkasya para sa lahat ng club. Nagpatayo ng panibagong building ang academy kaya ipinasara na `yon no’ng isang taon lang. Sa pagkakaalam niya, sisimulan na `yong gibain para magtayo ng panibagong building para sa senior high students.
Pero sa ngayon, `yon muna ang tambayan niya kapag gusto niyang mapag-isa. Nasa labas ng kuwarto si Xia at alam naman niyang alam nito kung sino lang ang gusto niyang makita o makasama kapag nando’n siya sa music room na `yon.
“Wise men say…” pagsimula ni Blossom sa pagkanta habang kinakalabit ang strings ng acoustic guitar niyang nakapatong sa kandungan niya. Kulay white sand ang gitara niya kaya magaang `yon sa mga mata. May disenyo `yon ng pulang gumamela sa bandang ibaba at may nakasulat pang ‘K&B’ sa tabi ng bulaklak. “Only fools rush in… But I can’t help… Falling in love with you… Shall I stay… Would it be a sin? If I can’t help… Falling in love with you…”
She liked singing– it always cleared her head. Mahilig din siyang mag-compose ng English songs. Nitong nakaraan lang, tinutulungan naman siya ni Cassy na magsulat ng Tagalog love songs. Pinapa-check niya sa babae ang lyrics dahil kahit anim na taon na siya sa bansa, mahina pa rin siya sa Filipino. Pero kahit nagpapatulong siya sa lyrics, wala pang ibang nakakarinig ng mga original song niya. Naka-record at save lang ang mga `yon sa laptop niya.
Ang gusto niya kasi, si Koji ang unang makarinig sa mga kanta niya. Pero hindi pa siya confident kaya hanggang ngayon, hindi pa niya nasasabi dito na may ginawa siyang love songs para rito. Baka kasi hindi nito magustuhan ang self-composed songs niya. Natatakot siyang mapahiya.
Natigilan siya sa pagkanta at pag-gi-gitara nang maamoy niya ang pabango ni Koji na kilalang-kilala niya. Nalingunan niya ang binata na nakasandal sa nakasaradong pinto habang nakahalukipkip at nakatingin sa kanya. Mukhang kanina pa ito nando’n pero ngayon niya lang napansin.
“Koji,” nakangiting bati niya rito. “Bakit ang tahimik mo lang d’yan?”
“Ayoko lang maistorbo ang pagkanta at pagtugtog mo,” sagot ni Koji, saka ito dumeretso ng tayo at naglakad palapit sa kanya. “Sorry if I interrupted you.”
Nakangiting umiling lang siya, pagkatapos ay maingat na tinayo at sinandal niya sa dingding ang gitara niya para hindi tamaan ng leeg niyon si Koji na umupo sa tabi niya. Nilingon niya ang binata na no’n niya lang napansing may dala palang paperbag mula sa paborito niyang fast food chain. “Hinanap mo ba ko?”
Tumango ito. “Nagpunta sa tambayan natin si Roarke kanina. Sinabi niyang hindi ka raw sasabay kumain sa’min.” Binigyan siya nito ng istriktong tingin. “Blossom Serranilla, hindi ka naman siguro nag-da-diet na naman, `di ba?”
Nag-pout siya dahil sa pagpapaala nito sa kanya ng ‘Big Fight’ nila last year. Hindi nito nagustuhan na ‘ginugutom’ daw niya ang sarili para lang magpapayat. Hindi naman kasi proper diet ang ginawa niya kaya no’ng second day pa lang, hinimatay na siya sa gutom. Nagalit si Koji nang nalaman nitong nag-ca-crash diet siya dahil natatakot siyang hindi na siya nito magustuhan kapag tumaba siya. Hangga’t hindi daw siya kumakain uli ng ‘matino,’ hindi raw siya nito papansin. Kaya ayun, inabot lang ng tatlong araw ang ‘diet’ niya. “Hindi ako nag-da-diet. Wala lang talaga akong appetite ngayon.”
Inangat nito ang hawak na paperbag, nakataas ang kilay. “Kahit itong binili kong favorite mong bacon and cheeseburger, hindi mo kakainin?”
Napangiti siya sa kilig at kinagat pa niya ang lower lip para masigurong hindi siya mapapatili. Madalas, cold sa kanya ang binata. Pero kapag nag-aalala ito sa kanya, bigla itong nagiging sweet at thoughtful. “Hindi ko sasayangin ang kahit anong food na ibibigay mo sa’kin.” Nilahad niya ang mga palad niya rito. “I’m famished. Give me that.”
Tumango ang lalaki pero hindi agad nito binigay sa kanya ang paperbag. Sa halip, kinuha nito ang bacon cheeseburger at binuksan ang wrapper niyon bago inabot sa kanya. “Here.”
“Thanks,” nakangiting sabi naman niya. “Dapat pala, lagi kitang pinag-wo-worry para lagi mo rin akong inaalagaan.”
Sumimangot ito, pagkatapos ay mahina nitong pinitik ang noo niya. “Don’t make me worry again.”
Natawa lang siya ng mahina, saka siya tumango. Pagkatapos, kumain na siya. In-e-expect niya na magiging tahimik na uli dahil sa tuwing magkasama sila ng binata, siya lang naman ang parating madaldal. Kaya nagulat siya nang ito ang unang mag-bring up ng panibagong topic.
“Roarke… the prince,” nag-aalangang pagsisimula ni Koji. Deretso lang ang tingin nito pero napansin niyang nakakunot ang noo nito na parang nahihirapan sa susunod na sasabihin. “Since pinsan siya ng adoptive brother mo, technically, magpinsan na rin kayo, `di ba?”
Oh, Koji. That arrogant prince isn’t just my cousin– unfortunately, he’s my twin brother.
“Oo,” sagot ni Blossom. Mabigat ang loob niya sa pagsisinungaling kay Koji pero kailangan niyang protektahan ang sekreto nila ni Roarke. “Bakit mo natanong?”
“It’s just that … you and Roarke aren’t blood-related…” halatang naiilang na sagot nito, namumula na ang mukha. “And… and he seems interested in you.”
Kumunot ang noo niya sa pagtataka. “Bakit mo naman nasabi `yan?”
“Parati siyang nakatingin sa poster na nasa dorm namin. He’s looking at your picture,” sagot nito, may halong inis sa boses. “Tinanong din niya kung ano ang relationship natin. `Tapos kagabi naman, paglabas ko ng banyo, nahuli ko siyang kausap ang poster. Pinipitik pa niya `yong noo mo sa picture. Pero hindi ko maintindihan ang sinasabi niya kasi French ang salita niya.”
Nakagat niya ang ibabang labi sa sobrang inis. Careless talaga ang kakambal niyang `yon kahit kailan. She was so going to kill him! “Don’t mind him. Pareho lang sila ni Chase na binu-bully ako.”
Nilingon siya ni Koji, may pagdududa pa rin sa mukha. “Mukha talaga siyang interesado sa’yo, Blossom. Hindi naman kasi kayo magkadugo o lumaki ng magkasama, eh. May chance na hindi family member ang tingin niya sa’yo.”
Napangiwi si Blossom. Nakakakilabot at nakakadiri ang mga sinasabi ng binata pero hindi naman niya ito masisi dahil hindi naman nito alam na kapatid niya si Roarke. “Hindi mangyayari `yang iniisip mo, Koji.” Binigyan niya ito ng nagdududang tingin. “You’re jealous, aren’t you?”
Hindi sumagot ang binata, pero namula uli ang buo nitong mukha bago ito nag-iwas ng tingin. Sa pagkakataong `yon, pati mga tainga nito, namumula na rin.
Nag-pout siya. “You like me, too. I can feel it. Pero bakit ayaw mo pang aminin `yon, Koji? Alam mo namang matagal na kitang gusto, eh.”
“Lunch break is almost over so I’ll go ahead,” pagbabago nito ng usapan, pagkatapos ay bumaba na ito mula sa pagkakaupo sa windowsill. Hanggang ngayon, hindi pa rin ito makatingin sa kanya. “Bumalik ka na rin sa class mo. Nakita ko `yong assistant mo sa labas kaya hindi na kita ihahatid.”
Pagkatapos ng speech nito, naglakad na ito palayo.
“Is it because I’m a VVIP and you’re a Commoner? Natatakot ka ba na baka lalo kang i-bully ni Chase Serranilla kapag naging official couple tayo?” tanong ni Cassy na nagpahinto kay Koji sa paglalakad. Hindi ito sumagot pero hindi rin kumilos kaya nagpatuloy. “If that’s the only reason you don’t want to come to me, then I’ll break it– I’ll break that stupid system for us to be together.”
TUMINGIN si Cassy sa paligid. Nang makita niyang wala pa sa sala ang mga magulang niya, hinubad niya muna ang black shoes niya bago siya tumuntong sa sofa. Pagkatapos, tumingkayad siya para abutin ang frame na nakasabit sa dingding.
“Huwag na huwag mong gagalawin `yan, Cassy!”
Napangiwi siya nang marinig ang malakas na boses ng mama niya. Nakasimangot na hinarap niya ang kanyang ina na todo porma na naman sa suot nitong makintab na red dress. Medyo chubby at maputi ito kaya kapag nakabihis ng gano’n, nagmumukha talaga itong yayamanin. Naka-make up pa ito at nagkulot ng buhok. Nakakaloka! “Mama naman kasi. Bakit kailangan pang i-frame `yon?”
Nginuso niya ang bagong frame na nakasabit sa dingding nila.
Page ng broadsheet `yon kung saan frontpage si Roarke na nakangiti at kumakaway. Kuha `yon no’ng unang araw na dumating ito sa Polaris Academy. Kung titingnang mabuti, photobomber siya sa picture na `yon. Makikita siya sa likuran ng prinsipe habang nakanganga at nanlalaki ang mga mata. Aware siya na ginamit ang picture na `yon sa iba’t ibang website at diyaryo. Pero ang parents niya, masyado `yong ginawang big deal. Napaka-unflattering kaya ng shot na `yon kahit hindi naman siya ang focus! `Tapos, pina-frame pa pala `yon ng mama niya.
“At bakit hindi?” kunot-noong tanong ng kanyang ina. “Hindi lahat ng tao ay nagkakaro’n ng pagkakataong makakilala ng prinsipe.” Bigla itong ngumiti na nagpaaliwalas ng mukha nito. “Saka hindi mo ba nakikita, anak? Bagay kayo ni Prince Roarke!”
Sumimangot lang siya at bumaba na sa sahig. Umupo siya sa sofa habang sinusuot uli ang black shoes niya. “Mama, nagiging malikot na naman ang imagination mo. `Wag mo na kong i-ship kay Roarke kasi hindi kami maglalayag. Isa pa, babalik din `yon sa Elestia kapag natapos na niya ang prince duties niya dito sa Pilipinas.”
“Kaya nga anak, dapat akitin mo na ang prinsipe bago pa man din siya makaalis.”
“Mama naman, eh!” Nasapo niya ang noo sa stress. Isa sa mga dahilan kung bakit huminto na siya sa pagsusulat ng Tagalog romance novels ay ang pagiging ‘imaginative’ ng mama niya. Iniisip nito na totoong nangyayari sa kanya ang mga sinusulat niya kaya wala na itong ibang alam gawin kundi ang kulitin siya. Kaya huminto na lang siya sa pagsusulat. Nagkakaro’n naman siya ng income sa pagiging Errand Girl niya. “Dapat talaga hindi na ko umuwi ngayong weekend.”
Sa bahay ng mga magulang niya ang deretso niya kapag weekend para naman maka-bonding niya ang mama at papa niya. Pero kung alam lang niyang kukulitin lang siya ng kanyang ina tungkol kay Roarke, nag-stay na lang sana siya sa dormitory.
“Lora, kinukulit mo na naman ang anak natin `no?”
Nakahinga si Cassy ng maluwag nang makita niya ang papa niya na kalalabas lang ng kusina. “Papa, finally! Alis na tayo, please. Baka mamaya, gumawa na si Mama ng listahan ng mga bisita sa ini-imagine niyang royal wedding namin ni Roarke sa future.”
“Nagawa ko na `yon kagabi `no!” natatawang sabi ng kanyang ina. “Pangalan naman ng future babies niyo ng prinsipe ang pag-iisipan ko mamaya.”
Umungol siya sa reklamo. “Mama naman!”
“Ihahatid na kita sa school, anak,” natatawang sabi naman ng daddy niya, pagkatapos ay binalingan nito ang asawa. “Lora, tigilan mo na `yang prinsesa natin at baka hindi na `yan umuwi sa susunod na weekend.”
Humalukipkip ang mama niya at nagpalipat-lipat ng tingin sa kanila ng papa niya bago napako ang matalim nitong tingin sa kanyang ama. “Norberto, kasalanan mo kung bakit naging napaka-boyish ng anak natin, eh! Kung anu-ano kasing gawaing panlalaki ang tinuturo mo d’yan kay Cassy simula pagkabata niya. Kahit wala pang driver’s license `yang anak mo, tinuturuan mo na agad mag-drive. Bukod pa ro’n, tinuruan mo siya ng trabaho ng mga mekaniko, tubero, at karpintero! Hindi na tuloy babae kumilos `yang batang `yan!”
Bumungisngis siya habang sinusukbit ang mga strap ng malaki niyang backpack sa mga balikat niya. Totoo ang lahat ng sinabi ng mama niya– marunong siya ng mga gawaing-panlalaki. Bukod sa pagtitinda ng karne noon sa palengke, siya rin ang taga-gawa ng lababo nila kapag nasisira, o tagapalit ng bumbilya. No’ng nanalo naman ang kanyang ina sa TV game show ng kotse, tinuruan siyang mag-drive ng kanyang ama. Pati ang pagpapalit ng gulong, kaya niya. Nagagamit niya ang mga skill na `yon sa pagiging Errand Girl niya.
“Gusto mo ba na hanggang sa university o sa workplace mo, errand girl pa rin ang tingin nila sa’yo?”
Napasimangot siya nang maalala ang tanong na `yon ni Roarke. Umiling-iling siya para makalimutan na `yon. Buong weekend na niyang naririnig sa isipan ang pinagsasasabi ng prinsipeng `yon sa kanya. Ilang gabi na rin tuloy siyang walang tulog sa kaka-reflect sa past life decisions niya.
“Anong magagawa kung babae ang nag-iisa nating anak?” katwiran ng papa niya na pumutol sa pagmumuni-muni niya. “Kailangan ko ng katulong sa bahay at si Cassy lang ang maaasahan ko. Wala naman akong nakikitang mali kung turuan ko siya ng mga gawaing panlalaki. Kailangan niya rin `yon para maka-survive siya sa mundong `to.”
Survive.
Naalala na naman niya ang sinabi ni Roarke na mali ang paraang napili niya para maka-“survive” sa Polaris Academy. Grabe ang prinsipeng `yon. Nakaka-distract na!
“Ewan ko sa inyong mag-ama,” iiling-iling na sabi ng mama niya habang naglalakad na palabas ng bahay. “Tara na nga at baka ma-late pa sa school `yang anak mo.”
Natawa lang ang papa niya, pagkatapos ay tiningnan siya nito. “Tara na, anak.”
Ngumiti si Cassy at tumayo, saka siya sumunod sa mga magulang niya.
Naghintay sila ng mama niya sa kotse habang ni-la-lock ng papa niya ang bahay nila. Nasa passenger seat ang kanyang ina at nasa backseat naman siya. Mayamaya lang, natapos din ang papa niya at pumuwesto na ito sa likod ng manibela. Ilang minuto lang, nakalabas na sila ng subdivision at nasa biyahe na papunta ng Polaris Academy.
“Cassy, anak,” seryosong pagkausap sa kanya ng mama niya na nakatingin sa kanya sa rearview mirror. “Napag-isipan mo na ba kung saang university ka mag-ka-college?”
Napabuntong-hininga siya. Alam na niya kung saang papunta ang usapan na `yon sahil bukambibig na `yon ng ina simula nang tumuntong siya ng Grade 12 bilang preparation daw. “Mama, okay lang kahit hindi na sa sobrang mahal na university ako mag-college. Hindi ko alam kung makakuha pa ko ng scholarship no’n, eh. Ngayon pa nga lang, nahihirapan na kong i-maintain ang scholarship ko sa Polaris. Business course naman ang kukunin ko at maraming uni d’yan na magaling sa department na `yon. Masyadong mahal ang tuition fee sa university na gusto niyong pasukan ko.”
“Bakit masyado kang nag-aalala sa tuition, Cassy?” kunot-noong tanong naman ng kanyang ina. “Kami naman ng papa mo ang magbabayad no’n. Ang kailangan mo lang gawin, mag-aral ng mabuti. Gusto lang naming masiguro na mabibigyan ka namin ng magandang future.”
“`Yon na nga, Mama,” katwiran naman niya sa pilit na pinapakalmang boses. “Alam ko namang gusto niyo lang ni Papa na mapabuti ako. Pero sana maging practical din tayo. Aware naman ako na nauubos na ang one million pesos natin.”
Pina-renovate ng mga magulang niya ang dati nilang bahay at ginawa `yong apartment na pinaparentahan ng mga ito. Maging ang puwesto nila noon sa palengke, pinaparentahan na rin. Pagkatapos ay nagbukas din ng ‘surplus’ business ang mga ito. Kaya alam niyang hindi na gano’n kalaki ang savings ng mama at papa niya.
“Hindi naman malaki ang ginagastos namin sa pagpapaaral sa’yo sa Polaris dahil nakakuha ka ng half-scholarship,” katwiran ng mama niya. “Hayaan mo na lang kami ng papa mo na gawin `to para sa’yo, Cassy. Para saan pa na nagpapakapagod kami ng papa mo sa pagtatrabaho kung hindi ka namin mapapag-aral sa magandang school?”
“Cassy, `wag kang mag-alala sa’min ng mama mo,” gentle na dagdag naman ng papa niya. “Kakayanin namin ang pagpapaaral sa’yo. Makita ka lang namin na natutupad ang mga pangarap mo, sapat na sa’min `yon.”
Nangilid ang mga luha ni Cassy sa sobrang pagka-touch. Kahit na nagbago na ang buhay nila, mas priority pa rin talaga ng mga magulang niya ang pag-aaral niya. Hindi niya alam kung deserved ba niya ang pagmamahal ng mga ito. Hindi naman kasi siyang sobra at natural na matalino. Masipag lang siya at dedicated sa pag-aaral kaya nga na-gi-guilty siya na sa mamahaling school siya pumapasok.
Pero para sa mga magulang niya, kasiyahan na ng mga ito ang mapag-aral siya sa magandang school. Walang pakialam ang mga ito sa hirap at pagod para lang ma-secure ang future niya.
“Gagawin ko ang best ko para makapasok sa magandang university,” pangako ni Cassy sa mga magulang niya. “Mama at Papa… salamat sa lahat.”
Saglit na nagkatinginan ang mama at papa niya, pagkatapos ay sabay natawa ang mga ito habang tinutukso siya na nagiging madrama na siya. Natawa na lang siya dahil alam naman niyang nagbibiro lang ang mga ito para pagaangin ang loob niya. Napansin siguro ng parents niya na naiiyak na siya.
Ilang minuto pa ang lumipas, nakarating na sila sa Polaris Academy.
“Mama, Papa, salamat sa paghatid sa’kin,” nakangiting sabi ni Cassy habang nakatayo sa gilid ng driver’s side. Nakababa ang bintana kaya nakikita niya ang mga magulang niya na nakangiti at kumakaway din sa kanya. “Ingat kayo. Ba-bye!”
Nagbilin pa ang mga magulang niya na dalasan naman daw niya ang pagtawag at pagtext bago umalis ang mga ito.
Magaang ang pakiramdam niya habang naglalakad sa covered walk papunta sa building nila. Na-inspire siya na lalong pagbutihan ang pag-aaral dahil sa mga magulang niya. Nakakataba ng puso na kahit hindi siya tunay na anak ng mga ito ay sobra-sobrang pagmamahal at pag-aalaga ang ibinigay ng mga ito sa kanya. Pinaalala sa kanya ng universe na hindi lang siya ang may hawak sa buhay niya. May dalawang tao na handang magsakripisyo para lang mabigyan siya ng secured na future.
“Hey, Errand Girl!”
Napapiksi si Cassy sa gulat nang marinig ang malakas na pagtawag sa kanya kasunod ang malakas na busina. Nalingunan niya sa gilid niya si Chase na sakay ng pulang Ferrari nito. Nakababa ang ‘bubong’ ng sports car nito kaya sumalubong sa kanya ang mayabang nitong ngisi. At talagang nakasuot pa ng dark sunglasses ang demonyito. “Bakit?”
Bumaba si Chase ng Ferrari, sabay hagis ng susi sa kanya.
Dahil sa mabilis niyang reflex, nasalo na niya ang car key bago pa niya maisip ang ginagawa. Kumunot tuloy ang noo niya sa pagtataka. “Anong gagawin ko dito?”
“Park my car,” nakangising sagot ni Chase. Namulsa pa ito, pagkatapos ay yumuko para magpantay ang eye level nila. Kahit hindi niya nakikita ang mga mata nito dahil sa suot na shades, sigurado siyang punong-puno ng evilness ang tinging ibinibigay nito sa kanya. “Lagot ka sa’kin kapag nagasgasan ang baby ko kaya ayusin mo ang pag-da-drive. I’ll leave the payment on your table.”
Gusto sana niyang magreklamo pero tinalikuran na siya ng binata at mabilis na itong naglakad palayo hanggang sa mawala na ito sa paningin niya. “Hindi mo ko valet,” naiinis na bulong niya kahit wala na si Chase para marinig ang hinanakit niya. “Saka wala pa kong driver’s license. Hindi mo dapat pinagkakatiwala sa’kin `yang ‘baby’ mo.”
Sisipain sana niya ang Ferrari sa sobrang inis niya sa amo niyon pero naisip niyang hindi kasalanan ng sports car na demonyito ang owner niyon. Saka wala siyang pambayad kung sakali mang magasgasan niya ang mamahaling kotse.
Kaya labag man sa kalooban niya, sumakay na rin siya sa Ferrari at nagmaneho ng sobrang ingat papuntang parking lot. Inabot siya ng halos limang minuto sa paghahanap lang ng space. Halos lahat yata ng Polarian na eligible nang mag-drive, may kotse kaya punong-puno ang parking lot.
Pakiramdam niya, ‘napanis’ agad siya bago pa man din magsimula ang first class niya kaya bago siya dumeretso sa classroom, sa banyo muna siya nagpunta para mag-freshen up.
“Bakit hindi ako puwedeng mag-CR kasabay niyo?”
Natigilan si Cassy sa paglalakad nang makita sa labas ng CR ng mga babae ang isang female Polarian na base sa white lanyard na suot ay nasa Grade 11 lang ito. Nakita niyang si Eloise na nakahalukipkip sa harap ng pinto ang kausap ng underclassman nila.
“Brenda is still inside,” masungit na sabi ni Eloise sa kausap. “How dare you try to be in the same room as her? Commoner ka lang kaya maghintay ka d’yan.”
Naikuyom niya ang mga kamay. Hanggang banyo pala, mino-monopolize din ng mga VVIP.
“Pero naiihi na ko!” katwiran naman no’ng ‘Commoner’ habang lumulundag-lundag pa. Mukha ngang sasabog na ang pantog nito. “Gusto mo bang dito ako magkalat?”
Natawa si Eloise, sabay labas ng phone. “Why not? I’ll record it for you.”
Nakagat ni Cassy ang ibabang labi para pigilan ang sariling mangialam. Nasa buttom din siya ng pyramid kaya wala siyang oras para makisimpatya sa iba. Kapag may tinulungan siyang Commoner din, siguradong siya naman ang mapag-iinitan. Okay na ang posisyon niya sa Polaris Academy ngayon kaya hindi niya `yon sisirain. Ilang buwan na lang naman, makakaalis na siya ro’n.
Kaya mabigat man sa kalooban niya, tumalikod na lang siya sa nangyayari at tahimik na naglakad palayo kahit pa parang ang bigat-bigat ng katawan niya.
“…gusto kong maalala mo na kahit kailangan mo ng pera, mahalaga pa rin ang self-respect.”
Natigilan si Cassy sa paglalakad nang marinig na naman sa isipan ang boses ni Roarke. Wow, kailangan pa niya naging konsensiya ang prinsipeng `yon? Determinado siyang huwag pansinin ang naalala niyang unsolicited advice nito para sa kanya, pero bigla naman niyang naalala ang mga magulang niya at ang pinag-usapan nila kanina lang.
Ginagawa ng mama at papa niya ang lahat ng makakaya ng mga ito para bigyan siya ng magandang future. Prinsesang-prinsesa kung ituring siya ng mga magulang niya kahit hindi sila mayaman. Pero pagdating sa Polaris Academy, utusan lang siya ng schoolmates niya.
Pinag-aaral ba ko ng parents ko sa mamahaling academy na `to para lang maging alipin?
Hindi… hindi deserved ng mga magulang niya ang magkaro’ng ng anak na errand girl lang ng iba!
Pumihit si Cassy paharap kina Eloise at sa babaeng binu-bully nito. Sa totoo lang, ang lakas ng kaba niya kaya bago pa siya maduwag, nagsalita na siya. “Hoy, tama na `yan.”