NANGAWIT na ang panga ni Roarke sa pagngiti at pagbati sa mga schoolmate niyang tumatawag sa kanya.
Sa Elestia, hindi siya required ngumiti dahil ang pagiging seryoso at formal ang tanda ng pagpapakita ng paggalang o pagrespeto. Pero dito sa Pilipinas, alam niyang may sasabihin o iisiping masama sa kanya ang mga tao kapag hindi siya ngumiti at nanatiling nakasimangot buong araw. Ayaw naman niyang mangyari `yon dahil ngayon pa lang tumitibay ang samahan sa pagitan ng dalawang bansa. Bilang prinsipe ng kanilang monarkiya, kailangan niyang makisamang mabuti sa ibang lahi.
He was in the General Academic Strand and he was relieved to be in the same class as Yuki. Hindi na siya mahihirapang mag-“imbestiga” tungkol kay Koji na kung hindi niya kakausapin, hindi magsasalita. So far, hindi pa rin talaga niya gusto ang lalaki para kay Cassiopeia.
“`Yong babaeng kasama ni Koji sa poster…” pagsisimula ni Roarke habang nagliligpit ng gamit si Yuki dahil lunch break na nila. “That’s Blossom Serranilla, Chase’s adoptive sister, right?”
Tumigil si Yuki sa paglalagay ng workbook sa backpack nito para mag-angat ng tingin sa kanya. “Yeah,” sagot nito, pagkatapos ay kumunot ang noo. “Ngayon mo lang ba siya na-meet?”
“I heard she got adopted just a few years ago. Kilala ko siya pero hindi kami close.” Hindi naman siya nagsisinungaling dahil hindi naman talaga sila close ng kakambal niya. O mas tama yatang sabihing hindi na sila close ngayon. “Girlfriend ba siya ni Koji?”
“Hindi pa pero sana, maging sila na. I like her for Koji. Saka sobrang bagay sila.”
Napasimangot siya. “Pa’no mo naman nasabi `yan?”
“They kind of complete each other,” sagot ni Yuki na parang nangangarap pa. “And they’re happy when they’re together. I think enough reason na `yon para gustuhin kong maging sila.”
Kumunot ang noo niya. “Eh bakit hindi pa sila?”
Bumuntong-hininga si Yuki habang iiling-iling. “Hindi ko rin alam kung bakit ayaw pa ni Koji umamin na gusto niya rin si Blossom….” Unti-unti itong natigilan, pagkatapos ay kunot-noo siyang tiningnan. “Wait. Bakit interesado ka sa relationship status nila?”
“Uhm…”
“Roarke, my dear cousin.”
Kunot-noong nilingon ni Roarke si Chase na pumasok sa classroom nila kasama sina Tray at Vonn (na ipinakilala sa kanya ng pinsan niya kaninang umaga). “Chase.”
Inakbayan siya ni Chase, saka nito binigyan ng nagbabantang tingin si Yuki. “Get lost. Don’t keep your lover waiting.”
Namula ang mukha ni Yuki sa pagkapahiya.
“Chase,” saway niya sa pinsan. “Stop.”
Ngumisi lang ang pinsan niya at inakay siya palabas ng classroom kaya hindi na siya nakapagpaalam kay Yuki. Hinayaan na rin niya para hindi na ma-bully ang lalaki. “Roarke, hindi ka dapat nakikipag-usap sa mga outcast. That’s bad for your image.”
“Bakit naman na-outcast si Yuki?”
“He’s gay,” sagot nito. “And he’s friends with Commoners. You’re a VVIP here so act like one, cousin. Don’t tarnish the Serranilla name.”
Kumunot ang noo ni Roarke. Ito ba `yong sinasabi ni Cassy na caste system ng Polaris Academy? Bago pa niya matanong ang pinsan niya, naunahan na siya nito sa pagsasalita.
“We’re going to the cafeteria,” sabi ni Chase sa halatang proud na boses. “I’m sure you’ll like the food there. Sa lahat ng caferia sa mga school dito sa Pilipinas, sigurado akong the best ang cafeteria ng Polaris Academy.”
Aaminin niya na nakuha niyon ang interes niya. Food enthusiast ang pinsan niya kaya kapag may ni-recommend itong pagkain sa kanya, siguraodong masarap `yon. Saka nakakatuwang malaman na masarap ang hinahandang pagkain sa cafeteria ng school. Tingin niya, hindi `yon normal dahil kahit sa Elestia, normal lang ang sine-serve na menu sa mga canteen nila kaya `yong iba, sa labas kumakain.
Pagdating nila sa cafeteria, sumalubong sa kanya ang buffet na may makukulay na spread ng iba’t ibang cuisine na amoy pa lang, halatang masasarap na. Pero para sa isang cafeteria na kilala sa pagkakaro’n ng masasarap na pagkain, nagtaka siya na hindi sing dami ng iniisip niya ang naabutan nilang bilang ng mga schoolmate nilang nando’n.
Alam niyang iba-iba ang oras ng lunch break ng bawat year level para hindi mapuno ang cafeteria pero bilang-bilang na lang ang senior high students na naro’n.
“Prince Roarke!”
Huminto si Roarke sa paglalakad nang humarang sa daan niya ang dalawang mestiza na ipinakilala sa kanya ni Chase bilang sina Brenda Zulueta at Eloise Anderson daw. Nang nalaman niyang nasa ABM Strand din ang mga ito gaya ng pinsan niya, nagtaka siya na hindi niya makita sa cafeteria si Cassy na kaklase ng mga ito.
Lumingon siya sa paligid. Come to think of it, halos pare-pareho ng ‘vibes’ ang mga estudyanteng nasa cafeteria ng mga sandaling `yon. Everyone seemed to be in the ‘cream of the crop’ team.
“VVIP and VIPs,” hindi makapaniwalang bulong niya pero mukhang narinig naman siya nina Chase dahil sabay-sabay na tumingin ang mga ito sa kanya. Hindi niya mapigilang mapangisi ng mapait nang may na-realize siya dahil sa mga sinabi sa kanya noon ni Cassy tungkol sa ‘caste system’ ng Polaris Academy. Totoo pala `yon! “Kayo lang ba ang puwedeng gumamit ng cafeteria dito?”
“It’s more harmonious this way, dear cousin,” nakangising sagot naman ni Chase, pagkatapos ay tiningnan nito ang mga kaibigan nito. “What are we waiting for? I-introduce natin sa prinsipe ang pinagmamalaking cafeteria menu ng Polaris.”
Hindi niya pinakita ang iritasyon niya sa nangyayari. Sa halip, sinuklay lang niya ang kamay sa buhok niya. He wasn’t being vain– that gesture was a sign.
Mayamaya lang, lumapit sa kanya si Creed na hindi man niya nakikita, alam naman niyang laging nakasunod sa kanya kaya inaasahan na niya na makikita at maiintindihan nito ang senyales niya. Ang ibig sabihin ng pagsuklay niya sa buhok niya ay gusto na niyang umalis sa lugar na `yon.
Nang lumapit sa kanya ang Knight, ito na ang gumawa ng excuse sa mga schoolmate niya at sinabi nitong may urgent call mula sa Elestia na kailangan niyang sagutin. And just like that, he was able to walk away from his cousin and his group’s grip without being rude.
“Pick up the Flower,” mariing utos ni Roarke kay Creed no’ng malayo na sila ni Creed sa cafeteria at naglalakad na sila sa covered walk. It was a code that meant ‘find Princess Cassiopeia.’ “Now.”
“Yes, Your Highness,” magalang na sagot ni Creed na mayamaya lang, kausap na si Xia sa bluetooth earpiece na nakakabit sa tainga nito. Pagkatapos ng ilang segundo, sumabay ng lakad sa kanya ang Knight para bulungan siya. “The Flower is in the Safe Zone #3.”
Dumeretso naman siya sa isa sa mga lugar na nagsisilbing ‘safe zone’ nila ng kakambal niya sa Polaris Academy– ang school clinic. Siyempre, bago pa siya nakarating ng Pilipinas, napag-aralan na ng mga Knight niya ang blueprint ng academy at nakapag-assign na rin ang mga ito ng mga lugar kung saan sila puwedeng magkita o mag-usap ni Cassiopeia kung kinakailangan.
“Prince Roarke,” magalang na bati sa kanya ni Dr. Albert Martin– ang bagong doktor ng school clinic na na nagmula pa sa Elestia. Ipinadala ito ng kanyang ama para kung sakali mang may masamang mangyari sa kanya, naro’n ang doktor na nakakaalam ng medical record niya. Ito ang naka-duty sa infirmary kaya siguro `yon ang napiling “safe zone” nina Creed at Xia para makapag-usap sila ng kakambal niya. “The Flower is here.”
“Thank you, Dr. Martin,” sagot ni Roarke, saka siya naglakad papunta sa right wing ng school clinic. Hinawi niya ang kurtina at nakita niyang nakaupo si Cassiopeia sa isa sa tatlong hospital bed na nando’n habang nakahalukipkip at nakasimangot sa kanya. “I’m happy to see you too, Flower.”
Ipinaikot lang ni Cassiopeia ang mga mata, pagkatapos ay nilingon nito si Xia na nakatayo lang sa gilid nito. “The Pebble and I would like to talk in private.”
Magalang na yumukod si Xia sa kanilang dalawa bago umalis ang babae. Sigurado siyang magbabantay ito sa labas gaya ni Creed. Alam din niyang hindi papayag si Dr. Martin na magpapasok ng ibang ‘pasiyente’ habang nando’n sila ng kapatid niya.
“The caste system really exists,” sabi ni Roarke nang masolo na nila ng prinsesa ang lugar. “`Yong mga “VVIP” at “VIP” lang talaga ang puwedeng gumamit ng cafeteria?”
“Not really,” sagot naman ni Cassiopeia na parang hindi na nagulat sa tanong niya. “It’s just that the Polarians in the highest “caste” must use the cafeteria first. Kapag tapos na silang mag-lunch, saka pa lang puwedeng pumasok ang nasa lower class. Pero madalas, nag-i-stay sila do’n buong lunch break kaya walang ibang choice `yong ibang students kundi magbaon na lang ng food o kaya eh lumabas ng academy para sa restaurant na lang kumain.”
“Who made that rule?” kunot-noong tanong niya.
“No one exactly. Pero sina Brenda at Chase kasi– along with their stupid clique– eh madalas nilang pag-trip-an `yong mga Polarian na mas “mababa” ang social standing kesa sa kanila kaya para makaiwas sa humiliation, hindi na lang kumakain sa cafeteria `yong mga takot ma-bully.”
“And where are you during lunch breaks?”
Tinuro nito ang malaking tote bag na nasa bedside table. “I buy lunch for Koji and our friends since Nikita and I are the only persons allowed to enter the cafeteria in our clique. Sometimes, inuutusan ko si Xia na i-pick up ang order ko. Friends na kami ng cook sa cafeteria kaya pine-prepare na niya ang take out order ko bago pa ang lunch break. Then sabay-sabay kaming kumakain sa Botanical Park.”
“So wala kang ginagawa para pigilan si Chase sa pam-bu-bully niya sa mga estudyante dito?”
Umangat ang matalim na tingin sa kanya ng kakambal. “What can I do to stop him, Prince Roarke? Sila lang naman ng clique niya ang malakas mam-bully. Marami pa rin naman ang nasa neutral side at hindi nakikisali sa ginagawa nila. May harmony naman sa mga nasa “lower caste” from Class A-C. It’s not that bad unless you do something to make Chase and his gang notice you.”
“The system here is still wrong.”
“What can you do, Your Highness?” tanong naman ng kapatid niya sa mapait na boses. “Kung may magagawa ako para hindi na ma-bully si Koji, eh di ginawa ko na sana. But I know things will only get worse if I stand up against Chase and his group. Walang magiging effect sa’kin kahit anong gawin ko dito. Pero sila Koji, siguradong lalo lang mapapag-initan dito.”
Hindi niya maintindihan ang mga sinasabi ni Cassiopeia kaya nainis din siya sa kapatid niya. “You’re just being a coward, Princess Cassiopeia,” deklara niya sa mapait na boses. “How can a princess like you watch other people suffer and do nothing about it? People who keep their silence and tolerate the injustice are as guilty as the oppressors.” Akmang may sasabihin ang kakambal niya pero inunahan na niya ito sa pamamagitan ng pag-quote sa isang sikat na linya. “‘When good men do nothing, evil triumphs.’ Remember that famous Edmund Burke line?”
Halatang nainsulto si Cassiopeia sa sinabi niya dahil lalong tumalim ang tingin nito sa kanya. “Sabihin mo sa’kin `yan kapag may nagawa ka na para baguhin ang sistema rito sa Polaris.”
“I’m going to break the system,” deklara ni Roarke sa confident na boses. “Go and watch me do the thing you’re afraid of, Princess Cassiopeia.”
HINDI mapigilan ni Cassy ang pasimpleng nakawan ng tingin ang kaharap niyang si Koji na kanina pa nakakunot ang noo habang patingin-tingin sa suot nitong wristwatch.
Bakit paguwapo yata ng paguwapo si Koji habang tumatagal?
Their ‘official squad’ aside from her included Blossom, Koji, Yuki, and Nikita. Pero naka-leave of absence pa si Nikita na nasa Paris kung saan kasali ito sa mga runway model para sa isang malaking clothing line na pang-teenager. Pabalik naman na daw ang dalaga sa katapusan ng buwan.
Sa kasalukuyan naman, sila pa lang ni Koji ang magkasama sa Botanical Park. Occupied nila ang isa sa mga nagkalat na picnic tables do’n. Gaya ng madalas nilang puwesto, magkatapat sila ng kinauupuang bench. Kapag dumating na si Blossom mamaya, siguradong tatabi ito kay Koji. Si Yuki naman ang official seatmate niya. Speaking of Yuki, hindi makakasamang mag-lunch sa kanila ang lalaki ngayon dahil nasa library ito at gagawa ng report para sa project daw na ipapasa nito bukas.
“Ang tagal ni Blossom,” bulong ni Koji sa sarili habang nakatingin sa wristwatch nito. Kanina pa kasi umalis si Blossom para bumiling ng lunch nila sa cafeteria pero hindi pa rin ito nakakabalik. “Ano na kaya ang nangyari sa kanya?”
Umiling si Cassy habang nakapalumbaba at nakatitig pa rin sa binata. “Hindi ko alam. Pero baka naman pabalik na siya. Hintayin na lang natin.”
Nagagawa lang naman niya itong titigan kapag wala si Blossom kaya sinasamantala na niya. Wala naman siyang balak agawan ang kaibigan niya dahil alam niyang wala siyang pag-asa kay Koji. Hindi lang talaga niya mapigilan ang mga mata niyang titigan ito kapag may pagkakataon.
Hindi rin naman niya ginustong magka-crush kay Koji. Pero mahirap na hindi ito magustuhan dahil ito ang una niyang naging kaibigan sa Polaris Academy at ito ang parating tumutulong sa kanya kapag na-bu-bully siya. Na-gi-guilty siya dahil kay Blossom kaya pinipigilan niya ang sarili na palalimin ang feelings niya para sa binata. Masasabi niyang hanggang ‘happy crush’ lang naman `yon.
“I’m worried. Hahanapin ko na si Blossom.”
Dumulas ang siko niya sa mesa nang magising siya sa realidad dahil sa sinabing `yon ni Koji. Ah, si Blossom nga lang pala ang babae sa paningin nito. Well, alam naman niya `yon. Nakakalimutan niya lang minsan dahil kahit alam niya kung saan siya lulugar, hindi pa rin niya maiwasan na umasang mapapansin din siya nito. Pero ngayon, pinaalala na naman sa kanya ng universe na kahit na nag-press relase si Koji na ‘friend’ lang ang tingin nito kay Blossom, alam naman nilang lahat na isa lang `yong malaking pag-de-deny sa totoo nitong feelings para sa dalaga. “Tatawagan ko na lang muna si Blossom. Baka magkasalisi lang kayo niyan, eh.”
“No need for that.”
Natigilan si Cassy sa paglalabas ng phone at napalingon siya sa nagsalita. Nalingunan niya si Roarke na nakatayo malapit sa mesa nila. Nakakatuwa ang co-incidence na may Golden Shower tree (o Cassia Fistula) sa likuran nito dahil magkakulay ang bulaklak ng puno at ang buhok nito. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang napatitig sa prinsipe.
The golden shower flowers were suspended in the air like beautiful chandeliers. Roarke’s golden hair, on the other hand, swayed with the gentle wind. Bigla lang niyang naisip na kung magiging puno siguro ang prinsipe, magiging sing ganda ito ng golden shower tree.
“Nagkasalubong kami ni Blossom kanina,” paliwanag ni Roarke nang lumapit ito sa kanya, pagkatapos ay ipinatong nito ang tote bag sa mesang nakapagitan sa kanila ni Koji. “Pinapasabi niya na hindi siya makakasabay mag-lunch sa inyo. Kayo na lang daw ang kumain niyang binili niya.”
Kunot-noong nag-angat ng tingin si Koji sa prinsipe. “Bakit daw?”
Nagkibit-balikat si Roarke. “`Yon lang ang sinabi niya, eh.”
“Sa’n mo nakita si Blossom?”
“Malapit sa school clinic. Pero baka wala na siya ro’n ngayon.”
Kitang-kita ang pag-aalala sa mukha ni Koji, pagkatapos ay bigla itong tumayo bago lumingon sa kanya. “Cassy, pupuntahan ko lang si Blossom. Ikaw na lang muna ang mag-lunch with the prince.”
Bago pa makakontra si Cassy ay tinalikuran na siya ni Koji na tumango lang kay Roarke bilang pagpapaalam siguro bago ito patakbong umalis. Halatang nagmamadali ito sa pagpunta kay Blossom. Ewan ba niya pero bigla siyang napabuntong-hininga.
“Jealous?” halatang nanunuksong tanong ni Roarke.
“Of course not,” tanggi naman niya, saka niya nginuso ang bench na iniwan ni Koji. “Sit down. Baka mapagkamalan kang golden shower tree sa tangkad mong `yan.”
Kumunot ang noo ng prinsipe pero umupo rin naman ito sa tapat niya. Akmang may itatanong ito pero sa huli, umiling-iling na lang ito. “Anyway, dahil pareho tayong free ngayon, puwede na tayong magkuwentuhan para ma-sharpen ko ang conversational Filipino skills ko, `di ba?”
“Ahh,” tumatango-tangong sabi niya. “Gets ko na. Conversational Filipino pala ang gusto mong matutunan kaya ka nag-hire ng tutor.”
“Oo. May nakapagsabi kasi sa’kin dati na medyo luma na raw ang Filipino words na ginagamit ko kaya nagtutunog matanda daw ako kung magsalita.”
Bigla siyang napangiti. “Oo, Roarke. Makaluma ka nga kung magsalita.”
“Well, you’re here to fix that.”
Tinaas niya ang isang daliri sa harap nito na para bang bata ito na sinasaway niya. “Bilang Filipino tutor mo, pagbabawalan kitang magsalita ng straight English kapag magkausap tayo. Kapag ginawa mo `yon, babayaran mo ko ng beinte per sentence.”
Pumalataktak ito habang iiling-iling. “Business-minded ka talaga, Miss Cassy Hart. No wonder you’re in the ABM Stran–”
“Huli ka, balbon!” natatawang bulalas niya gamit ang expression na nakuha niya mula sa papa niya. “Nag-straight English ka kaya bayaran mo ko ng beinte.”
Sumimangot ang prinsipe. “Oo na. Pero mamaya na. Hindi ako nagdadala ng small bill.”
“Rich kid,” iiling-iling na komento niya. “Anyway, magpinsan kayo ni Blossom, `di ba? I mean, adoptive sister siya ng pinsan mong si Chase. `Yon nga lang, hindi kayo blood-related.”
“Oo. Bakit mo naman naitanong?”
“Parang nag-je-jelly sa’yo si Koji, eh.”
Kumunot ang noo nito sa pagtataka. “‘Jelly?’ As in jelly ace?”
“Jelly as in jealous,” paliwanag naman niya. “`Yan, ha. May natutunan kang Filipino slang sa’kin.”
Ngumisi ang prinsipe, pagkatapos ay pinatong nito ang mga braso sa mesa para dumukwang. “As expected from the person who taught me what ‘gago’ means.”
“Fourty pesos na ang utang mo sa’kin,” naiinis na sabi niya rito pero nag-iinit naman ang mga pisngi niya sa pagkapahiya. “Kalimutan na nga natin ang past.”
“Ako lang ang mag-de-decide kung ano ang kakalimutan ko,” pormal na sabi na nito. Ang bilis talagang magbago ng isip ng mahal na prinsipe. “Anyway, dinala pala ako ni Chase sa cafeteria kanina. Napansin ko agad na iisang “class” lang ang nando’n.”
“Ahh. Nauuna talagang kumain sa cafeteria sina Chase and the likes. Nawawalan daw kasi sila ng appetite kapag may kasabay na “lower class.”’
“That’s unfair,” giit nito sa bagay na akala naman nito ay hindi nila alam. “Pare-pareho lang kayong nag-aaral dito sa Polaris kaya lahat kayo, may karapatan sa cafeteria.”
“Umiiwas lang kami sa gulo,” depensa niya. “Hindi rin naman namin sila gustong kasabay kumain. May appetite din kami na mawawala kapag na-bu-bully kami sa cafeteria.”
“Kaya hinahayaan niyo na lang?” Binigyan siya nito ng seryosong tingin. “Hinayaan mo na lang?”
“Sinabi ko naman sa’yong isang taon na lang ang titiisin ko dito.”
“Tingin mo matatapos na ang pagiging ‘errand girl’ mo pag-alis mo ng Polaris?” tanong ng prinsipe. “Pa’no kung may maging schoolmate ka na Polarian din sa university? Pa’no kung may Polarian ka na maging ka-work o boss mo sa trabaho? Naiisip mo ba kung ano ang magiging tingin nila sa’yo?” Dumukwang ito habang hindi inaalis ang tingin sa kanya na para bang gusto nitong maintindihan niyang mabuti ang sunod nitong mga sasabihin. Nakakatakot pala ito kapag ganito kaseryoso. “Cassy, kung aalis ka na ng academy na utusan at gullible pa rin ang tingin sa’yo ng schoolmates mo, hinding-hindi na `yon mababago. Gusto mo ba na hanggang sa university o sa workplace mo, errand girl pa rin ang tingin nila sa’yo?”
“Kasalanan ko ba kung hindi pa sila nag-ma-mature by that time?” katwiran niya sa boses na kinulang sa conviction. “Plus, there are mean people everywhere.”
“Exactly– there are already a lot of mean people around you. So please be kind to yourself. Kung papayagan mong i-bully ka ng mga taong `yon para lang maging safe ka, para mo na ring kinawawa ang sarili mo. But then again, that’s your call.” Tumayo na si Roarke, blangko pa rin ang mukha. Pagkatapos, inusad nito palapit sa kanya ang tote bag. “Buttered chicken daw `yan with mashed potato, sabi ni Blossom kanina. Kumain ka na, Cassy. Kailangan mo ng lakas para sa mga iuutos sa’yo ng mga bully mo mamaya.”
Nag-init ang mga pisngi ni Cassy sa pagkapahiya pero hindi na siya nakaganti kay Roarke na namulsa lang at nilayasan na siya. Pero wala rin naman talaga siyang maisasagot sa prinsipe dahil totoo naman ang lahat ng mga sinabi nito. Hinayaan niya lang ang mga bully niya na apihin siya at siya rin mismo ang gumawa ng dahilan para lalong lumiit ang tingin ng mga ito sa kanya.
Akala niya, okay lang na mawalan siya ng pride basta maka-survive lang sa Polaris Academy. Pero bakit ngayon, iniiyakan niya ang masasakit na bagay na pina-realize sa kanya ng prinsipe?
Naiinis na pinunasan ni Cassy ang mga luha niya na nag-uunahan pa yata sa pagbagsak. “Nakakainis ka, Roarke St. Clair!”