Royal Secret/Royal Engagement Duology Chapter 24

PARANG may sumuntok sa dibdib ni Koji nang makita niya si Blossom na nakaupo sa hedge ng nakahilerang santan flowers sa harap ng Borealis Dormitory. Mas doble ang sakit nang ngumiti at kumaway sa kanya ang dalaga. Mas lalo itong gumaganda at lumiliwanag kapag masaya.

“Hi, Koji!” masiglang bati ni Blossom sa kanya. “How are you?”

Lumapit si Koji sa dalaga. Halos mapabuntong-hininga agad siya nang maamoy niya ang matamis nitong pabango na gustung-gusto niya. Pero inalis niya agad `yon sa isipan niya nang tumayo siya sa harap nito. “What are you doing here, Blossom?”

“Gusto ko lang mag-thank you sa’yo kasi niligtas mo ko no’ng nagkaro’n ng earthquake last week. Wala ka na sa hospital no’ng nagising ako kaya hindi na kita napasalamatan.” Nakangiting inangat nito ang box ng cake mula sa paborito nitong restaurant sa isang five-star hotel. “So here– a token of my gratitude. You can share this with Yuki and your other friends.”

“Oh, thank you.” Kinuha niya ang cake mula rito dahil `yon na ang huling beses na tatanggap siya ng regalo mula sa dalaga. “Blossom, I have something to tell you.”

Napansin yata nito na seryoso siya kaya naging seryoso na rin ito. Tumayo ito ng deretso at tumingala sa kanya. “What is it? Masyado ka naman yatang serious.”

“I’ve quit my job at the North Star Café.”

“Why?”

“Nag-enroll ako sa isang review center,” sagot niya sa kalmado at seryoso pa ring boses kahit na-di-distract siya sa mga mata ng dalaga. Naka-contacts na uli ito pero sa isipan niya, ang magagandang berdeng mga mata pa rin nito ang nakikita niya. “Alam mo naman na ilang months na lang, college entrance exam na. Nakapag-decide na ko kung saan university ko gustong mag-college at kumuha ng Civil Engineering. Aware ka naman siguro na hindi madaling pumasa sa engineering courses, `di ba?”

Tumango ito. “Yes. Good idea ang pagpasok mo sa review center. Pero anong problema? Para kasing may gumugulo sa’yo, eh.”

“You’re distracting me, Blossom.”

Halatang nabigla ang dalaga dahil bahagyang nanlaki ang mga mata nito.

“Binigyan na kita ng sagot sa confession mo, `di ba?” pagpapatuloy niya sa malamig na boses bago pa magbago ang isip niya. “Sinabi mo rin sa’kin na hindi mo na ko kukuliting i-date ka.”

Tumango-tango ito, kita sa mga mata ang pagkalito. “That’s right…”

“Alam mong gusto rin kita pero ayokong mag-focus sa pakikipag-date dahil ang pagiging successful ang priority ko ngayon,” deretsang sabi niya at napapansin din niyang bumibilis ang pagsasalita niya. Sana ay hindi mapansin ng dalaga na rehearsed ang mga linyang binibitawan niya ngayon. “Akala ko okay lang na maging friends tayo kahit na ni-reject na kita. Pero sa tuwing lumalapit ka sa’kin, na-di-distract ako. No’ng may nangyaring masama sa’yo last week, hindi ako makapag-concentrate sa kahit ano sa sobrang pag-aalala sa’yo. Hindi puwedeng ganito ako. Kailangan kong mag-focus sa pag-re-review, sa pagkuha ng scholarship, sa pag-prepare ko sa pagpasok ng college–”

“Enough,” pigil sa kanya ni Blossom sa basag na boses pero pinilit pa rin nitong ngumiti. Pinaypay nito ang mga kamay sa namumula nitong mukha. Nangingilid na rin ang mga luha sa mga mata nito pero halatang nagpipigil itong umiyak. “I get it, I get it,” pagpapatuloy nito sa halatang pinasiglang boses. “Dini-distract kita kaya kailangan ko nang dumistansiya sa’yo, `di ba?”

Naikuyom ni Koji ang mga kamay nang may sumuntok sa dibdib niya. Ayaw niyang nakikitang nasasaktan ang dalaga lalo na kung dahil sa kanya. Ikinuyom niya ang mga kamay para pigilan ang sariling punasan ang mga luha nito na siguro, hindi pa nito namamalayang pumatak na. “I’m so sorry.”

“You don’t have to be,” umiiling-iling na sabi nito. “Nagkaro’n tayo ng something pero nag-decide tayong itigil na `yon kasi wala namang pupuntahan `yon. Mahirap nga naman kung magiging close friends pa rin tayo after that kasi malaki ang chance na bumalik lang tayo sa dati. Kaya mas safe kung may distance sa pagitan natin.”

Humakbang ito palayo sa kanya.

Muntik na siyang sumunod dito.

Pero pinigilan niya ang sarili.

“I understand,” nakangiting sabi pa nito, pinupunasan na ng mga kamay ang mga pisngi. Ah, namalayan na pala nitong umiiyak ito. “Sinabi ko naman sa’yo na naniniwala akong magiging successful ka. Ayokong maging distraction sa’yo kaya naiintindihan ko kung ano ang gusto mong gawin ko. Don’t worry because even if there’s a distance between us now, I will still be praying for your success. Please keep in mind that I’m always cheering on you.” Inangat nito ang dalawang kamao at nang ngumiti ito, umabot naman `yon sa mga mata nito. “Ganbatte, Koji-kun.”

“Why do you have to be so good to me until the end?” tanong niya sa nahihirapang boses. “You should at least punch me, Blossom. I deserve that.”

“Right,” pagsang-ayon nito, naka-pout. “Can I punch you?”

Tumango siya, saka siya pumikit. “Go ahead.”

Hinintay ni Koji ang pagtama ng kamao ni Blossom sa mukha niya. Pero himbis na suntok, malalambot at maiinit na mga labi ang naramdaman niya sa mga kanyang mga labi. Ilang segundo lang ang tinagal niyon, pero

Wait, what?

Nang nagmulat siya ng mga mata, ang likod na lang ng dalaga ang nakita niya. Tumatakbo na ito palayo sa kanya. Bago pa niya ito habulin, pinuwersa na niya ang sarili niyang pumasok sa dormitoryo at magmartsa ng mabilis papunta sa kuwarto nila.

“Yo, Koji,” masiglang bati ni Yuki sa kanya. Nakahiga ang lalaki sa kama nito habang may kinakalikot sa laptop nito kaya hindi ito tumitingin sa kanya. “Genki desuka?”

No, I’m not fine. Thank you very much.

“Baka, Koji Takishima,” sumbat niya sa sarili, sabay tampal sa noo niya ng paulit-ulit. “Ang tanga-tanga mo.”

“What happened?” nag-aalalang tanong ng kaibigan niya nang nag-angat ito ng tingin sa kanya.

Mariing pumikit lang siya habang kinokondena ang sarili.

Hindi niya gustong saktan uli si Blossom. Pero wala siyang magagawa kundi ang sundin ang utos ni Madam Serranilla dahil malaki ang utang-na-loob niya sa ginang. Sinubukan niyang kumbinsihin ang mommy niya na isauli kay Madam Serranilla ang titulo ng bahay at lupa at sabihin dito na babayaran nila ang ibinayad nito sa utang nila. Pero umiyak ang kanyang ina at nagmakaawa sa kanya na tanggapin na lang ang tulong ni Madam Serranilla para kahit paano naman daw ay gumaang ang buhay nila. Ngayong wala na raw silang utang, makakapag-ipon na sila.

Wala siyang nagawa. Saka saan naman siya kukuha ng almost two million pesos na ibabalik kay Madam Serranilla para sa titulo at perang pinambayad ng ginang sa mga utang nila? Hindi niya kayang magmataas sa gano’ng sitwasyon dahil walang-wala sila ng kanyang ina.

Pero hindi naman niya agad sinuko si Blossom. Ironically, pero kung kelan naman may excuse na siya para tuluyan nang `wag panindigan ang feelings niya para sa dalaga, ay saka niya naramdaman ang matinding urge para ipaglaban ang pagmamahal niya para rito.

“Let’s make a deal, Madam Serranilla…”

Oo, nakipagsundo siya sa ginang. Pero sa totoo lang, hindi siya sigurado kung magagawa niya ba ang parte niya sa deal na `yon.

“Keep your distance from my daughter,” banta sa kanya ni Madam Serranilla matapos nitong pumayag sa deal. “And don’t tell anyone about our deal or else, your mom will pay the price…”

“Koji Takishima!”

Nagmulat ng mga mata si Koji at sumalubong sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Yuki. His friend was holding his wrist tight, probably to stop him from hurting himself. “Yuki…”

“Ano bang nangyayari sa’yo?” kunot-noong tanong nito, saka siya binitawan. “Why are you hurting yourself? Ang pula na ng noo mo, o.”

Sumalampak siya ng upo sa swivel chair sa tapat ng study table. “Sinaktan ko na naman si Blossom. This time, for real.”

Tumayo sa harap niya ang kaibigan, saka ito humalukipkip habang binibigyan siya ng nanunuring tingin. “Gusto mo bang pag-usapan?”

Umiling siya. “No, thanks. I’m fine. Kailangan ko lang magpahinga.”

“Are you sure?”

Sasagot sana siya, pero bumukas na ang pinto at sumilip sa loob ang nakakunot-noong si Roarke. Masama ang tingin ng lalaki sa kanya at halatang may kailangan ito sa kanya kaya tumayo agad siya. Nakakainis man, pero ang bigat ng presensiya ng prinsipe. Para bang wala siyang karapatang suwayin ito kaya kahit hindi naman siya Elestian, sumunod pa rin ang katawan niya sa nilalabas nitong aura.

“Let’s talk, Koji Takishima,” seryosong deklara ni Roarke, saka nito nilingon si Yuki. Medyo nag-mellow naman ang mukha ng prinsipe. “It’s nice to see you again, Yuki.”

Ngumiti si Yuki, namumula na ang mga pisngi. “Happy to see you too, Prince Roarke.”

Tumango lang ang prinsipe bago sinara ang pinto.

“We’ll be back,” paalam naman ni Koji kay Yuki na halatang maraming gustong itanong pero sa huli ay tumango lang ito.

Lumabas siya ng kuwarto at naabutan niya si Roarke na nakasandal sa handrail ng hagdan habang nakapamulsa. Tumayo siya sa tapat nito at sumandal din sa balustre, saka siya humalukipkip at nakipagtitigan sa prinsipe. Pero siya rin ang unang nag-iwas ng tingin.

The prince’s green eyes reminded him of Blossom and it made his chest hurt.

“Nakasalubong ko si Blossom,” pagsisimula ni Roarke sa boses na sapat lang para marinig niya. ‘Blossom’ ang ginamit nito sa kakambal dahil siguro nag-aalala ito na baka biglang may dumating at marinig ang pinag-uusapan nila kahit maingat naman ito. “Umiiyak siya. Pinaiyak mo ba siya?”

Tumango siya. “Are you going to hit me?”

“Kung hindi ka mukhang naiiyak din, baka sinapak na kita. Kaso mukha namang miserable ka rin kaya palalagpasin ko `to. Pero sana ito na ang huling beses na sasaktan mo siya.”

“Tinapos ko na talaga kung anoman ang meron kami dati. Hindi ko na uli siya masasaktan.”

“Ah. So you decided to still give up on her despite her efforts? She tried, Koji. She tried really hard to stay with you even if you always pushed her away.”

Nagtagis ang mga bagang niya. Alam naman niya ang lahat ng tungkol sa mga sakripisyo ni Blossom para sa kanya. “I know, that’s why I feel sorry for her. She doesn’t deserve a coward like me. I’ve said it a million times already.”

“Okay. I don’t want a coward for her anyway. Sayang, Koji. Muntik pa naman kitang magustuhan para sa kanya. Pero ngayon, pinatunayan mo lang na hindi mo nga deserve ang kapatid ko.”

Tiningnan niya ang prinsipe. “Baka may makarinig sa’yo.”

“Sana nga kasi pagod na rin akong itago ang identity niya,” nakangising sabi nito– ngising mapait. “Gusto kong malaman ng lahat na prinsesa siya para bumalik na siya sa Elestia kasama ko. Para mailayo ko na siya sa’yo.”

“I’m sorry for hurting her. Kung ayaw mo na kong makasama sa dorm, sabihin mo lang. Puwede naman akong lumipat dahil hindi naman ako dapat nasa floor ng mga taga-General Academics. Na-kick out lang naman ako sa original room ko dahil sa tsismis sa’min ni Yuki noon.”

Dumeretso na ng tayo ang prinsipe. “I want to get mad at you but I also feel sorry for you. `Wag kang mag-alala kasi hindi naman kita paalisin sa room natin kasi siguradong hindi `yon magugustuhan ng best friend mo. `Wag nating idamay si Yuki dito.”

Tumango lang siya.

“She’ll forget about you soon,” deklara ni Roarke, saka siya nito tinalikuran. “A princess like her can replace you anytime she wants.”

Aaminin ni Koji na nasaktan siya sa mga sinabi ng prinsipe.

Pero alam niyang deserved niya naman ang ganitong pagtrato kaya nanahimik na lang siya.

I’m so sorry, Blossom.

MUNTIK nang masamid si Cassy nang mag-iwan si Brenda ng mansanas sa mesa niya, pagkatapos ay cartoon milk naman ang iniwan ni Eloise, pagkatapos walang imik na dumaan ang dalawa sa harapan niya. May kalamidad na naman bang mangyayari?

“Mukha namang safe ang apple at milk na `yan,” komento ni Blossom na katabi niya sa mesa habang tinititigang mabuti ang mansanan at cartoon milk sa mesang pinagsasaluhan nila sa cafeteria. “Nakita kong kabibili lang nila ng mga `yan.” Kunot-noong nilingon siya ng kaibigan. “Pero bakit ka naman nila bibigyan ng apple and milk? And in fairness, they looked sincere. Hesitant, but sincere.”

Nagkibit-balikat siya. “Simula nang mag-start uli ang pasukan, ganyan na sila sa’kin. Hindi nila ko kinakausap pero medyo naging nice sila sa’kin. Kanina nga, naubusan ako ng yellow paper eh may quiz kami. Wordlessly ba namang nilagay ni Eloise ang yellow pad niya sa table ko.” Kumunot ang noo niya. “Dahil kaya `yon sa threat ni Roarke sa kanila?”

“I don’t think so,” kontra naman ng kaibigan niya. “Baka dahil `yon sa pagiging nice and thoughtful mo sa kanila no’ng lumindol. I heard na na-shock daw sina Brenda at Eloise sa sobrang takot pero our other schoolmates said they were just being maarte. Ikaw lang daw `yong sumeryoso sa sitwasyon no’ng dalawa at humingi ng assitance para dalhin sila sa hospital.” Ngumiti ito at tinapik siya sa balikat. “Girl, baka na-touch sila sa care mo sa kanila kasi kahit mean sila sa’yo, naging mabait ka pa rin sa kanila. Pero siguro, nahihirapan silang tanggapin `yon kaya ganyan ang treatment nila sa’yo.”

May point ang babae.

“Oh, well. Sana na-realize na nila na pagdating ng kalamidad, wala nang mahirap o mayaman,” sabi na lang niya dahil ayaw na niyang palakihin ang pagbabago nina Brenda at Eloise sa kanya. Hindi naman big deal para sa kanya ang pagtulong sa iba. Masaya na siyang maimpluwensiyahan kahit kaunting kabutihan ang dalawa. “Anyway, Blossom. Hindi pa ba tayo o-order? Nagugutom na ko, eh.”

“Oh, I can’t join you today,” apologetic na sabi nito. “Magkikita kasi kami ni Nikita later so I have to go home early to prepare. Nagpunta lang ako to say goodbye to you kasi baka hindi rin ako makapasok sa school bukas.” Humalik ito sa pisngi niya. “See you as soon as I can. Kasama ko na si Nikita pagbalik ko ng Polaris kaya kumpleto na uli tayo by then.”

Nakangiting tumango siya. “Okay. Paki-‘hi’ na lang ako kay Nikita.”

“Will do,” masiglang sagot ni Blossom, saka ito tumayo at umalis na ng cafeteria.

Napabuntong-hininga naman siya habang iiling-iling. Alam naman niyang umiiwas lang si Blossom dahil papunta na rin sa cafeteria sina Koji at Yuki. Aware sila na may nagbago na sa relasyon nina Blossom at Koji pero bilang respeto sa dalawa, wala na lang nag-re-react.

Napatunayan niyang wala na siyang feelings para kay Koji dahil hindi niya magawang maging masaya sa nangyayari. Nalulungkot pa nga siya dahil nanghihinayang siya sa relasyon nina Koji at Blossom. The two may have not been officially together, but they suit each other very well.

“Hi, Cassy!”

Natauhan si Cassy nang marinig ang malakas na pagbati ni Yuki sa kanya. Nalingunan niya ang lalaki na patakbong lumalapit sa kanya. Sa sobrang pagmamadali nito, hindi yata nito napansin si Chase na makakasalubong nito.

At nagkabungguan na nga ang dalawa.

Natahimik ang buong cafeteria at napatingin ang lahat sa nangyayaring ‘eksena.’

Tumapon kasi ang hawak ni Chase na canned cola sa puting uniform nito. Hindi pa naman suot ng lalaki ang vest nito kaya ang button-down shirt nito ang basang-basa ngayon. Ang lagkit siguro no’n.

“I’m so sorry, Chase!” natatarantan sabi naman ni Yuki habang pinupunas ang hawak nitong panyo sa uniform ni Chase na nakatingin lang sa lalaki habang nakakunot ang noo. “I’m really sorry. Nagmamadali kasi ako kaya hindi kita napansin–”

“It’s fine,” sagot ni Chase sa iritadong boses pero mukha namang hindi ito kay Yuki naiinis. Inagaw nito ang panyo kay Yuki at naglakad na papunta sa mesa nina Brenda at Eloise habang nagsasalita. “Just be careful next time, Yuki.”

Nalaglag ang panga ni Cassy sa sobrang gulat.

Siya lang ba o lahat din ng nasa cafeteria, gano’n ang naging reaksyon?

Talaga bang hindi sinigawan ni Chase si Yuki? Ngayon lang din niyang narinig si Chase na gumamit ng medyo mabait na tono sa pakikipag-usap kay Yuki. `Yong totoo, anong nangyayari?

“Himala ba `yong na-witness ko?” natatawang tanong niya nang sumalo sa mesa niya sina Yuki at Koji na napapatingin din sa mesa kung saan magkakasama sina Chase, Brenda, Eloise, Tray, at Vonn. “Nagiging nice na ba sila sa’tin?”

“I think so,” sagot ni Koji sa naguguluhang boses. “Kaklase ko sina Tray at Vonn at sanay na ko na lagi nila akong inaasar. Pero simula nang mag-start uli ang klase, hindi na nila ko ginugulo. Ang mas nakakagulat pa, tumatango na sila sa’kin as a greeting.”

Pumalataktak siya habang iiling-iling. “Naalog yata ng lindol ang konsensiya nila.”

“Bullies like Chase are capable of changing for the better,” defensive na sabi naman ni Yuki. Pero nang bigyan niya ito ng nagtatakang tingin, tumikhim ito at iniba na ang usapan. “Anyway, Cassy. Nagmamadali ako kasi pinapasabi ni Prince Roarke na magkita raw kayo ngayon sa Home Economics kitchen sa junior high building. Naka-off daw ang phone mo kaya hindi ka raw niya ma-contact.”

“Ah, naka-charge kasi ang phone ko sa dorm,” sabi niya, saka siya tumayo. Ayaw niyang ipahalatang excited siya pero hindi niya mapigilan ang mapangiti habang nagpapalipat-lipat ng tingin kina Yuki at Koji. “Mauna na ko sa inyo, boys. Enjoy.”

Naglakad siya ng mabilis palabas ng cafeteria. Pero paglabas na paglabas niya, tumakbo agad siya papuntang junior high building. Naniniwala na talaga siyang may blueprint ng Polaris Academy ang prinsipeng `yon!

“Karirin mo na ko, Cassy.”

Bumungisngis siya nang maalala niya ang sinabing `yon ni Roarke. Alam niya kung ano ang posibleng nararamdaman ng prinsipe para sa kanya pero kahit parang pareho naman sila ng feelings ay hindi pa rin niya `yon magawang harapin. Masaya siya sa kung anumang meron sila ngayon kaya ayaw niya munang sirain `yon.

Alam niyang fairy tale lang ang nangyayari ngayon. Iniisip na lang niya na siya si Cinderella na may hanggang twelve midnight bago bumalik sa realidad. Para sa kanya, ang realidad na ayaw niyang harapin ay ang pagbabalik ng ‘Prince Charming’ niya sa kaharian nito. Ng nag-iisa, siyempre.

The prince would go back to Elestia after this school year and she hadn’t forgotten about it.

But for now, i-e-enjoy ko muna kung ano man ang meron kami… wait, ano `yong naaamoy ko?

Bumagal si Cassy sa paglalakad hanggang sa naglalakad na lang siya sa hallway papunta sa Home Economics kitchen. Tama ba ang naaamoy niya? Sa sobrang excitement niya, mas binilisan niya ang paglalakad hanggang sa makita na niya si Creed na nakaabang sa harap ng pinto ng kusina.

“Good day, Lady Hart,” magalang na sabi ni Creed na yumukod pa sa harap niya. “The prince is waiting for you inside.”

Lady Hart?

“Uh… okay,” nag-aalangan na sagot na lang niya. Naninibago siya sa pakikitungo ng Knight sa kanya pero hindi na lang niya pinansin. “Excuse lang po…”

Sinubukan niyang abutin ang doorknob pero inunahan na siya ni Creed.

“Let me do the job, Lady Hart,” magalang pa rin na sabi ng Knight, saka nito binuksan ang pinto para sa kanya. “Enjoy your time with the prince.”

Hindi na nakasagot si Cassy sa sobrang pagka-weird na nararamdaman niya. Saka na-distract na siya dahil pagpasok pa lang niya ng kusina, sumalubong na sa kanya si Roarke na panay ang pagsasalita ng French habang iwas na iwas sa pagtalsik ng mantika mula sa piniprito nito. “Nagmumura ka ba, Ginoong Roarke?”

“Bigyan mo ko ng ilang minutong katahimikan, Binibining Cassy,” kunot-noong sagot ni Roarke nang hindi siya nililingon. “Malapit ko nang mapagtagumpayan ang misyon na ito.”

Natawa siya. “Nagpiprito ka lang ng tuyo pero kung makapagsalita ka, para kang nasa kalagitnaan ng giyera. Ang OA mo, Kamahalan.”

“Shh!”

Lalo lang siyang natawa. Umupo siya sa bar stool sa harap ng pahabang mesa at nangalumbaba habang pinapanood ang prinsipe na magluto sa isa sa magkakahilerang electric stove sa harapan. Hindi siya makapaniwalang nagluluto ito ng tuyo!

Naalala ba nito ang cravings niya no’ng unang beses na dumalaw ito sa bahay nila?

“Pa’no mo na-discover ang tuyo?” curious na tanong niya mayamaya. “Saka bakit mo naman naisipang magluto niyan dito?”

“Teka, mahina ang kalaban,” sabi ng lalaki sa amused na boses. “First of all, naalala ko kasi na gustong-gusto mong kumain ng tuyo no’ng araw na dumalaw ako sa bahay niyo.”

Okay, tama ako.

“So pag-uwi ko, tinawagan ko si Blossom,” pagpapatuloy ng prinsipe. “Tinanong ko siya kung ano `yong tuyo at kung saan ako makakabili niyon. Sinabi niya na dried fish daw `yon na puwedeng mabili sa palengke o grocery store. Inutusan ko `yong isa kong Knight na bumili ng tuyo. Naisip ko na i-surprise ka kaya heto, dito ko niluto sa school para ito na lang ang lunch natin.” In-off nito ang electric stove bago siya nilingon. “You’re not picking up my call. Ipapasundo sana kita sa Knights ko kaso ayoko namang malaman ng schoolmates natin ang tungkol sa pagkikita natin kasi baka may sumunod at mang-istorbo sa’tin. Kaya si Yuki na lang ang tinawagan ko at pinakiusapang sabihin sa’yo na magkita tayo rito ngayon. Anyway, sana hindi ka pa kumakain no’ng tinawag ka niya para sa’kin.”

Umiling siya. “Hindi pa naman. Sakto lang ang pagdating ni Yuki. Saka naka-charge sa dorm ang phone ko since na-deadbat ako kanina.”

Tumango lang ang prinsipe at bumalik na sa ginagawa nito.

Naging patient naman si Cassy sa paghihintay dahil amoy pa lang ng tuyo, alam niyang worth the wait na `yon. Saka ang sarap panuorin ni Roarke habang nagpiprito ito. Ngayong tinititigan niya ito, saka lang niya napansin na nakasuot pala ito ng plain beige apron…

… at nakatiklop ang sleeves ng white button-down shirt nito sa mga siko.

Bakit ang sexy ng mga lalaki kapag naka-fold ng gano’n ang sleeves nila?!

Saktong humarap sa kanya ang prinsipe bitbit ang malaking plato na naglalaman ng siyam hanggang twelve na piraso ng tuyo. May kamatis na sliced into two pang nakalagay sa gilid niyon na para bang nilagay do’n ang kulay para magkaro’n ng kulay ang ‘food presentation.’

Mahal niya ang tuyo, pero mas mahal na niya yata ang forearms ng prinsipe. Hindi niya maalis ang tingin niya sa mga `yon at hindi niya maiwasang isipin kung ga’no ka-sexy ang forearms nito. Hindi kasi buffy ang binata pero lean ito at halatang nag-wo-work out.

“May confession ako,” sabi ni Roarke nang makalapit sa mesa niya, pagkatapos ay nilapag nito ang plato sa harapan niya. “Hindi ko nagustuhan ang amoy niyan no’ng una. Lalo na no’ng binuksan at pinrito ko na. Nag-he-hesitate nga rin akong tikman `yan, eh.”

“Pero kakainin mo pa rin `yan kasi may tiwala ka sa recommendations ko, `di ba?”

“Yeah, I’m whipped,” mabilis na sagot nito, saka mabilis na nag-‘excuse’ at tumalikod sa kanya. “I came prepared,” dagdag pa nito habang may kung anong kinukuha sa kabilang mesa. “Wait and see.”

Sure, kaya niyang maghintay habang nakatitig sa nakatalikod na figure ng prinsipe. Nakalimutan na nga niya ang planong pagpitik sa noo dahil sa pag-e-English nito. Busy kasi siya…

His Highness’ butt looks firm…

Mabilis naman niyang tinampal-tampal ang mga pisngi para gisingin ang sarili. Hindi rin niya alam kung bakit bigla niyang gino-glorify ang anatomy nito. Alam naman niya no’ng una pa lang na ibang level ang kagwapuhan nito, idagdag pa ang pagiging royalty ng binata. Ang problema siguro, ngayon niya lang nararamdaman ang matinding attraction para rito. Pinigilan ba niya no’ng una o sadyang busy lang siya sa pagiging Errand Girl that time? At ngayong hindi na siya stressed sa high school life niya, nagkaro’n siya ng freedom para…

Makipag-fling?

Fling lang ba `yon?

“There you go,” halatang masayang deklara ni Roarke nang maingat na ilapag sa mesa ang malaking tote bag. Nilabas nito mula ro’n ang isang maliit na rice cooker at binuksan `yon. “Tenen!”

Sumilip naman siya sa loob ng mini-rice cooker at napangiti siya na himbis white rice, fried rice ang nasa loob niyon. Napapalakpak tuloy siya. “Perfect `yan sa tuyo, Roarke!”

“Hindi pa ko tapos,” nakangising sabi ng prinsipe, pagkatapos ay nilabas nito mula sa bulsa ng pantalon ang dalawang bagay na ikinatawa niya. Isang itlog na maalat sa kanang kamay at isang kamatis naman sa kaliwa. “Tenen!”

“Pa’no mo nalaman ang mga favorite food ko?” nanlalaki ang mga matang tanong niya.

“Sinabi sa’kin ng mama mo,” nakangisi pa ring sagot nito. “Magkatext kami kagabi, eh.”

“Ha?!”

“Hiningi ni Mrs. Santos ang contact number ko,” katwiran nito. Santos ang apelyido ng adoptive parents niya. Ah, formal talaga ang prinsipe madalas. “Kinamusta niya ko kanina. Na-mention ko na ipagluluto kita ng tuyo kaya sinabi niya sa’kin na gusto mong partner ang itlog na maalat kapag tuyo ang ulam mo.” Dumukwang ito para magpantay ang eye level nila. “Impressed ka na ba?”

“Malapit na,” nangingiting sabi niya, saka niya tinapik ang mesa. “Nasa’n na ang mga plato?”

“Wait a sec,” sabi nito, saka maingat na binitawan sa mesa ang itlog na maalat at kamatis. Pagkatapos, nilabas naman nito mula sa tote bag ang dalawang plato. Pinigilan na niya ito nang maglalabas ito ng kutsara’t tinidor kaya siguro binigyan siya nito ng nagtatakang tingin. “Bakit?”

“Magkakamay lang tayo,” sagot niya habang naglalakad siya papuntang lababo. “Tuturuan kita.”

Sumunod naman sa kanya ang prinsipe. “Oh, alam ko `yon. Nakita ko na `yon sa TV.”

Natawa siya habang binubuksan ang gripo. Nang magsimula siyang maghugas ng kamay, sumabay din sa kanya ang binata kaya siyempre, nagkadikit ang mga kamay nila. Sa pagkagulat niya, kinuha nito ang sabon na nasa gilid ng gripo at sabay nitong sinabon ang mga kamay nila.

“Anong ginagawa mo?” reklamo niya na kinulang sa conviction.

“I’m taking care of you.”

“Nag-e-English ka na naman. Gusto mo ng pitik?”

Umungol ito sa reklamo. “Pinagluto naman kita kaya pagbigyan mo naman ako ngayong araw. Nauubusan din ako ng Filipino words. Will you take responsibility kapag nag-nosebleed ako?”

“Kuu, ang lame ng excuses mo.” Nginuso niya ang mga kamay nilang nasabon at nahugasan naman nang mabuti. “Okay na `yan. Patay na ang 99% ng germs sa pagsasabon natin.”

“Three more minutes. Susulitin ko muna ang oras na magkasama tayo ngayon. Baka kasi hindi ako makapasok bukas. Mangungulilala na naman ako sa’yo.”

Natigilan siya. Ang excuse na `yon, narinig na niya kay Blossom kanina. Ewan ba niya pero simula nang narinig niyang sabihin ni Roarke na nasa academy din ang kapatid nito, hindi na niya maiwasang ma-i-connect ang lalaki kay Blossom.

Ang sabi nila, inampon daw si Blossom dahil anak daw ito ni Martin Serranilla sa ibang babae. Pero hindi siya convinced do’n. Malikot ang imagination niya kaya siguro ganito ang naiisip niya. Nangako siya sa sarili na mananahimik pero hindi na niya mapigilan. Sobrang curious na siya, eh.

“Roarke…”

“Hmm?”

“Si Blossom…” Nilingon ni Cassy ang prinsipe na napansin niyang natigilan at hindi makatingin sa mga mata niya. Nang muli siyang magsalita, mahina na ang boses niya. “Siya ang kakambal mo `no?”

Nag-angat ng tingin sa kanya si Roarke at napansin niyang bigla itong naging sobrang seryoso. Kung magiging honest siya, sasabihin din niyang nakakatakot ito. Pero hindi siya natatakot na baka saktan siya nito physically. Natatakot lang siya na baka bigla itong magtayo ng malaking pader sa pagitan nila. “Pa’no mo nalaman `yan, Cassy?”

In-off niya muna ang gripo bago siya sumagot. Naglakas-loob siyang harapin ang prinsipe na naging doubtful na ang tingin sa kanya. Iniisip ba nitong spy siya na may masamang balak sa prinsesa? “Hindi ako totally nawalan ng malay no’ng nagkalindol. Narinig ko na sinabi mo sa mga Knight mo na hanapin ang kapatid mong prinsesa. English ang gamit mo no’n kaya naintindihan ko. Pero no’ng nag-French ka na, wala na kong naintindihan sa mga utos mo. Ang sigurado ko lang, nasa Polaris Academy din ang kakambal mo.”

Mukhang na-relieve ang lalaki na malamang hindi siya spy o kung anong makakasama sa kakambal nito. “I’ve been careless, huh?” iiling-iling na sabi nito, saka ito nagpunas ng mga kamay gamit ang blue hand towel na nakasabit sa dingding. Pagkatapos ay bumuga ito ng hangin at tumingin sa kanya. Wala na ang doubt sa mga mata nito. “Pa’no mo naman nasabi na si Blossom nga ang kapatid ko sa dinami-dami ng female students dito sa Polaris?”

“Ang weird lang kasi na mag-aampon ng twelve year old girl ang mga Serranilla noon,” sagot niya habang pinupunasan ang mga kamay gamit ang pink hand towel sa tabi ng tuwalyang ginamit ng binata kanina. “Hindi ako naniniwala sa mga tsismis na anak ng mistress ni Mr. Martin Serranilla si Blossom. Napansin ko rin na parati mo siyang binabantayan ng tingin kapag magkakasama tayo. And you don’t like Koji. I figured it has something to do with your connection to Blossom.”

Ngumiti ang prinsipe na parang na-impress sa kanya. “You’re smart.” Nagkaro’n ng pag-aalala sa mukha nito. “Cassy, please keep it a secret. Bukod sa hindi puwedeng malaman ng marami na si Blossom ay si Princess Cassiopeia na kakambal ko, delikado rin kung malalaman ng mga Elestian na alam mo ang sekreto namin.”

Tumango siya. “Wala akong balak na ipagkalat ang sekreto ni Blossom.” Tinaas niya ang kanang kamay at tumingin ng deretso sa berdeng mga mata ng prinsipe. “I swear.”

“I trust and believe you, Cassy,” nakangiting sabi naman ng binata, saka nito dinikit ang palad sa nakataas niyang kamay. Much to her delighted surprise, he entwined their fingers together. “I’m glad na ikaw ang naka-discover ng royal secret namin dahil kung hindi, lagot ako sa buong royal family.”

Tinawanan niya lang `yon. “Magkapangalan pala kami ng kakambal mo. Baka destined akong maging second little sister mo rin.”

Biglang nawala ang ngiti nito. “Wala akong balak maging kuya mo `no. I never had platonic feelings for you, just for the record. May malisya `to `no.”

“Roarke!” nag-iinit ang mga pisngi na saway ni Cassy dito, saka niya binawi ang kamay niya mula sa prinsipe na tatawa-tawa lang. “Kumain na nga tayo!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.