“TOTOO ba? Sabi ni Michaela, aalis ka na raw?”
Umaga noon at paalis na sana si Sahara ng bahay pero nagulat siya nang sa pagbukas niya ng pinto ng kanyang kuwarto ay naroon si Max sa labas na naghihintay sa kanya. Nilampasan niya ito at nagtuluy-tuloy siya pababa ng hagdan.
“Bakit ka aalis? Para makaiwas sa akin?”
Ayaw magpaapekto ni Sahara sa ganoong klaseng ngiti at ganoong klaseng titig ni Max. Sa halip na pumunta sa kusina para sana kumuha ng isang bote ng tubig ay tumuloy na siya sa sala pero bago pa man niya mahawakan ang doorknob ay naroon na agad sa harap niya si Max.
“Paggising ko sa umaga, nakaalis ka na. Pagdating mo sa gabi, tulog na ‘ko. Sinasadya mo bang hindi tayo magkita?”
“Obvious naman, diba?” Kung noon ay napapaikot siya nito, iba na ngayon.
Halatang nagulat si Max pero natawa ito pagkatapos. “Uy, ang taray ng baby ko.”
“Huwag mo ‘kong ma-baby-baby, ha. Puwede ba, umalis ka diyan sa daraanan ko.”
“Kiss muna,” sabi nito sabay nguso.
“Sampal, gusto mo?” nagngangalit niyang tanong.
“Ouch!” sigaw nito. Hinawakan pa nito ang isang pisngi, kahit wala naman siyang ginagawa. “Ang sakit no’n, ha.”
Itutuloy na sana ni Sahara ang pagsampal rito pero hinuli nito ang kamay niya.
“Ano ba talagang ikinagagalit mo sa ‘kin? Dahil ba sa hindi ako nagpaalam sa iyo nung umalis ako? Nagtatampo ba ang baby ko? Sorry na,” sabi nito. “Narito na naman ako, hindi ba?”
Aba, at nakuha pa talaga nitong magtanong! Nagka-amnesia ba ito noong nasa barko at wala itong maalala? Hindi niya iyon pinansin, bagkus ay pilit niyang inabot ang doorknob pero dahil sa laki at lakas ni Max ay siya ang mabilis nitong napinid sa pinto
“Grabe Sahara, na-miss kita…”
Nang subukan ni Max na halikan siya, itinulak niya ito pero mabilis nitong kinabig ang baywang niya at nahuli ang kanyang mga labi. Pinanatili niyang nakasara ang kanyang bibig habang hinahalikan siya ni Max. Hindi rin maintindihan ni Sahara kung bakit ba hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang epekto ng mga halik ni Max sa kanya na para siyang nakakalimot sa tuwing natitikman niya iyon.
Ang kaninang tumutulak na mga kamay ni Sahara sa dibdib ni Max ay nakapulupot na ngayon sa leeg nito. Her heart rate went too fast that she felt like going out of breath. She couldn’t deny that she missed his hot kisses and it’s as if her desire for him was just sitting in the corner, just waiting for his return.
“Kunwari ka pang ayaw mo na, ha…ramdam ko sa mga halik mo, Sahara…mahal mo pa rin ako...”
At ang mga katagang iyon ni Max ang nagpabalik sa kanya sa katinuan. Gustung-gusto niya itong sampalin, suntukin at sipain pero ipit na ipit siya nito doon sa pinto. “H-hayop ka, Max.” Pinilit ni Sahara na maging mahinahon dahil kung magpapakita siya ng kahinaan rito ay tiyak na mauulit na naman ang nakaraan. “Tigilan mo na ako, hayop ka.”
“Ako, hayop? Ah, hayop sa galing,” nakangising bulong ni Max sa tapat ng kanyang mukha. “Kaya nga mahal na mahal mo ‘ko diba?”
“N-noon ‘yon…’nung tanga pa ako.”
“Bakit, may iba na ba?” Biglang nagdilim ang mukha ni Max
“Ano naman ngayon sa ‘yo?” nanunuya niyang tanong. “Wala tayong relasyon, Max at p’wede akong mag-boyfriend kahit kailan, kahit ilan pa kung gugustuhin ko.”
“Aba, aba, ang lakas na ng loob mo ngayon ha. Sino ba ‘yang pinagmamalaki mo, ha? Mas magaling ba ‘yan sa akin?”
“Oo, Max! Mas magaling siya sa iyo sa lahat ng bagay at hindi siya tulad mo na manloloko!”
“Ako, manloloko? Kailan kita niloko?”
“Hayop ka talaga! Ibinigay ko sa ‘yo lahat, Max. Ang puso ko, ang katawan ko, ang kaluluwa ko, ang buo kong pagkatao…” nanginginig na sabi ni Sahara. Hindi na niya napigilan ang sariling mapaluha nang nanumbalik ang sakit na idinulot ni Max sa kanya. “Pagkatapos, basta-basta mo na lang ako iniwan…s-sabi mo, hihiwalayan mo si Michaela para sa akin, para sa ating dalawa…pero ano? Pinaasa mo lang ako, Max…pinaniwala mo ‘ko na mahal mo ko.”
“M-mahal naman kita eh,” mahina nitong tugon. “P-pero…wrong timing lang talaga…“
Umiling-iling si Sahara. “Alam mo ba kung bakit hindi ako umaalis rito sa lintik na bahay na ‘to? Dahil umaasa ako na babalikan mo ‘ko, na ilalayo mo ako rito.”
“Shh…narito na ‘ko uli, Sahara,” marahan nitong sabi sabay yakap sa kanya. “Magsimula uli tayo.”
Sa isang saglit ay nagkaroon ng pag-asa pero bigla rin iyong nawala. Tinitigan niya ito sa mata at pagkatapos ay tinanggal niya ang mga kamay nito sa kanyang baywang. “Too late, Max. Ikaw ang dahilan kung bakit ako ganito ngayon. Sinira mo na ang buhay ko, hayop ka at hindi na ‘ko papayag na ulitin mo ‘yon.”
“Please Sahara, huwag kang umalis,” halos magmakaawang sabi ni Max, na hindi niya inaasahan. Mas hinigpitan ni Max ang pagkakahawak sa braso niya at halos hindi na siya makahinga dahil halos nakadagan na ang mabigat nitong katawan sa katawan niya.
“Bitiwan mo ‘ko! Hindi na ako ang dating Sahara na nakilala mo, hindi na ko tanga, hindi na ako uto-uto.”
Sa wakas ay hinayaan na siya nito. Pero bago pa niya mabuksan ang pinto ay may pahabol itong pagbabanta.
“Sige, umalis ka. Pero tandaan mo, Sahara. Hindi ako basta-basta sumusuko. At ang sa akin, akin lang. Hindi ako pumapayag nang may kaagaw.”
~~
TAKOT man, itinuloy pa rin ni Sahara ang paglipat sa unit ni Karen. Sinundo siya nito ng itim nitong sasakyan umaga ng Sabado. At nakahinga siya nang maluwag nang sa wakas ay malayo na siya sa kasumpa-sumpang bahay na iyon ni Michaela.
“Sino ‘yong lalaki na kanina pa tingin nang tingin sa ‘yo doon?” tanong ni Karen nang sa wakas ay nakarating na sila sa unit nito sa ika-apat na palapag ng condominium.
“B-boyfriend ng pinsan ko.” Iyon na lang ang itinugon niya dahil hindi niya kayang sabihin kay Karen ang totoo. Hindi pa sa ngayon.
“In fairness, cute ha. At ang lalaki ng muscles!” may himig na panunukso nitong sabi. “I’m sure alam mo ‘yan!”
Napailing na lang si Sahara. She knew Max more than those muscles. “Boyfriend ‘yon ng pinsan ko,” pagdidiin niya dahil alam niya ang ibig sabihin ng mga tingin ng kaibigan.
“Sus, I know you, Sahara. Walang boyfriend-boyfriend sa iyo, ha, ha.” Ipinatong nito ang kanyang dalawang bag sa ibabaw ng napakalaking kama na may itim na bedsheet. “Don’t tell me na hindi mo ‘yon pinagnasaan one way or another dahil hindi ako maniniwala. Dahil kahit naman ako, gagapangin ko ‘yon sa gabi.”
“Hay naku, Karen. Nagbago na ‘ko ano. FYI, may Baste na ‘ko.”
Isa-isa nilang ipinasok ang mga gamit niya sa guest room, na kanya nang magiging kuwarto. Mabuti na lamang at kaunti lamang ang mga iyon – dalawang malalaking gym bags, at dalawang kahon na katamtaman ang laki. Wala naman talaga siyang naipundar na gamit kundi mga damit, sapatos, ilang bags na halos lahat ay pinaglumaan ni Karen, mga libro at iba pang kailangan sa eskuwela. Bukod doon, wala na.
“Eh kailan lang ba kayo ng Baste mo? Bago lang hindi ba?” Naupo ito sa gilid ng kama at pinanuod siya sa pag-aayos ng gamit. “Come on, Sahara. Tell me. Tayu-tayo lang naman. Promise, hindi makakarating kahit kanino, kahit na kay Baste.” Lumapit ito sa kanya at tinulungan siya sa pagtatanggal ng mga damit sa bag na iyon. “Ano, natikman mo ba? Masarap ba?”
“Karen!”
“Ito naman, nagtatanong lang, eh,” natatawa nitong sabi sabay tayo. “Oh sige, maiwan na kita at may date pa ‘ko. Ikaw nang bahala, you know your way around. Just find something to eat in the fridge, okay?”
Tumangu-tango si Sahara. “Thanks, Karen. Ano na lang ang gagawin ko kung wala ka?”
“Hay naku. Tsaka na tayo magkuwentahan ng utang na loob, ha?” Lumakad na ito papuntang pinto. “Before I forget, here’s your key of the unit.”
“Thanks!”
Hindi na mabilang ni Sahara kung ilang beses na siyang pinatulog doon ni Karen at maraming beses na rin niyang pinangarap na makatira sa ganoong klaseng bahay – moderno, maganda, malaki, pang-mayaman. Wala yatang gamit doon ang mumurahin, at kahit nga yata ang mga basahan at tissue paper ay branded rin.
Nang wala na si Karen at maisara na niya ang pinto ay pasalampak siyang nahiga sa malawak na kama at dinama ang lambot niyon.
Magkakaroon rin ako nito, sabi niya sa sarili. Balang araw, magkakaroon rin ako ng ganito kalaking condominium unit. Hindi ko na kailangang makitira. Pagdating ng araw, titira kami ni nanay sa ganito…makakain namin ang lahat ng gusto naming…mabibili namin ang lahat…
Inilibot ni Sahara ang mata sa buong kuwarto. Sa tingin niya ay malaki pa iyon kaysa sa bahay nila sa probinsiya. Marmol ang sahig, may kulay pula’ng carpet sa ibabang bahagi ng kama. Ang dalawang malalaking lampshade sa magkabilang gilid ng kama ay tulad ng mga nakikita niya sa mga pelikula at mga mamahaling hotel. Sunod siyang tumungo sa banyo para ilagay ang kanyang mga personal na gamit doon. Pagbukas pa lamang niya ng pinto ay sumalubong na sa kanya ang amoy ng lavander perfume. Kulay maroon ang kabuuan ng banyo, na ay itim na accent sa itaas na bahagi. Pormal, moderno, romantic. Maayos na rin ang ilang piraso ng tuwalya na nakasabit sa bakal na sampayan, may shampoo na rin at sabon. Ngayon lamang siya nakapasok roon dahil parati naman siyang sa kuwarto ni Karen natutulog, at ang banyo nito ang ginagamit niya kaya naman hindi niya mapigilang mamangha sa mga nakikita.
Biglang gusto na niyang subukang maligo sa mala-jacuzzi na bathtub doon. At hindi niya maiwasang isipin kung ano kaya ang pakiramdam nang nakababad ang buong katawan doon na punung-puno ng bula? Hay, ang sarap siguro, lalo na kung kasama niya roon si Baste.
Pinilig-pilig ni Sahara ang ulo para maialis sa utak ang eksenang naisip. Natatawa sa sariling lumabas si Sahara ng banyo at ipinagpatuloy ang pag-aayos ng gamit. Ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi siya mag-iisip ng mga ganoong bagay tungkol kay Baste dahil ayaw niyang bahiran ng pagnanasa ang relasyon nila ni Baste.
Okay naman sila ni Baste. Almost perfect – almost. Dahil maraming beses na niyang binigyan ng pagkakataon ang nobyo na ‘pagsamantalahan’ siya pero parati siyang bigo. Yeah, she should be proud of him, she should be happy dahil bilang na lang sa daliri ang tulad ni Baste pero mahirap rin pala minsan, naisip niya. Babae lang siya, may mga pangangailangan at kadalasan, napakahirap para sa kanya ang pigilan iyon.
Normal ba ang nararamdaman niyang iyon? Hindi alam ni Sahara kung tipikal ang gano’n sa mga kabataang babae na tulad niya, o nadungisan na nang tuluyan ang utak niya’t katawan kaya siya nagkakaganoon.
Then she thought, Karen was probably right about this ‘sexual frustration’ thing she has for Baste and she just needed to satisfy that need for it to be able to come to an end.
Naputol ang kanyang pag-iisip nang biglang mag-ring ang kanyang cellphone. Si Del Mundo. Sa totoo lang ay ayaw niyang makipagkita rito. Bukod sa guilt na nararamdaman, natatakot siya na baka may makakita sa kanilang magkasama. Propesor si Del Mundo at estudyante siya nito kaya hindi malayong mayroon kahit isang nakakakilala sa kanila ang makakita sa kanila na magkasama. Pero nakipagkita pa rin siya rito dahil magandang pagkakataon na rin siguro iyon para tapusin na niya ang tungkol sa kanilang dalawa.