“SAHARA.”
Isang hakbang na lamang ay nasa labas na siya ng condominium nang marinig niyang may tumawag sa kanyang pangalan. Papunta na siya noon sa The Lounge para kumanta. Lumingun-lingon siya pero wala siyang nakitang tao sa paligid, maliban na lamang sa security guard na nakatayo sa di kalayuan.
“Sahara.”
Naka-itim na T-shirt, itim na baseball cap, faded jeans, rubbershoes. Nakasuot rin ito ng sunglasses kahit pa gabing-gabi na. Pero kahit madilim ay aninag niya kung sino iyon. Hinding-hindi siya maaaring magkamali dahil hinding-hindi niya kailanman malilimutan ang pagmumukhang iyon.
“Max?”
“Akala ko nakalimutan mo na ‘ko.” Dahan-dahan itong lumapit sa kanya at bigla siyang hinalikan sa pisngi. “Kumusta na ang baby ko? Ang tagal nating hindi nagkita, ah.”
Pilit na tinanggal ni Sahara ang kamay nito sa kanyang baywang. “A-anong ginagawa mo rito?”
“Binibisita ka, masama ba?”
“Max, p’wede ba, tapos na ang lahat sa atin.”
“Sinong may sabi? Hangga’t hindi ko sinasabi, hindi pa tayo tapos.”
Saang lupalop ba ng lupa nanggaling ang hayop na lalaki na iyon at bakit kung kailan maayos na ang lahat ay tsaka ito muling magpapakita?
“Dito ka ba nakatira ngayon?” tanong ni Max sabay tingala sa mataas na gusaling iyon. “Big time ka na pala, ha?”
“Pa’no mo nalaman kung nasaan ako? Sinusundan mo ba ‘ko?”
“Sabihin na lang natin na binabantayan ko lang ‘yung pag-aari ko,” nanunuya nitong sabi.
Ginapangan ng takot ang buong katawan ni Sahara. She never expected Max to be that possessive. Ngayon, siguradong lalo na siyang hindi titigilan nito.
“Tara.” Sinabi nito iyon nang hindi tumitingin sa kanya. Diretso ang tingin nito sa kalsada na handa nang tumawid.
“At bakit ako sasama sa iyo?”
“Dahil sinabi ko,” matigas nitong sabi.
Hinawakan nito ang kamay niya pero agad rin niya iyong binawi. “Umalis ka na, Max,” mahina pero matigas na pagkakasabi ni Sahara. Nakatingin na sa kanila ang gwardiya at tiyak niyang nagtataka na iyon dahil sa kinikilos niya. Kilala siya ni Mang Justo, at minsan na rin niya itong naka-kuwentuhan. Alam rin nito na nobyo niya si Baste, at matalik niyang kaibigan si Karen at bukod sa dalawa ay wala nang ibang nakikita si Mang Justo na kasa-kasama niya. At kung hindi pa aalis si Max ay sigurado siyang lalapitan sila nito para mag-usisa.
Parang napansin rin ni Max ang mapanuring tingin ni Mang Justo kaya sa wakas ay binitiwan siya nito. Nakahinga siya nang maluwag.
Bahagya itong ngumiti. “Pasalamat ka, medyo mabait ako ngayon, ha. Sige, pagbibigyan kita ngayon. Pero sa Linggo, magkita tayo. Doon, alas siyete.” Itinuro ni Max ang isang convenience store ilang hakbang lamang mula sa condominium.
“Paano kung hindi ako dumating?” Kailangan niyang magtapang-tapangan, kahit pa halos lumabas na ang puso niya mula sa kanyang dibdib dahil sa sobrang kaba.
“Okay lang sa akin.” Nagkibit-balikat ito.
Naningkit ang mga mata ni Sahara. Alam niyang kabaligtaran noon ang ibig sabihin ni Max.
“’Yun eh kung okay lang sa iyo na ipaalam ko kay Del Mundo ang tungkol sa ating dalawa -” at pagkatapos ay bigla itong natigilan. “Ay teka, patay na nga pala ‘yung matanda. Suma-langit nawa ang kanyang kaluluwa.” Nakuha pa nitong mag-antanda.
“Paano mo nalaman ang tungkol kay…prof?” Tiningnan ni Sahara si Max at nang makita niya ang paraan ng pagngisi nito, lalo siyang kinabahan. May kinalaman ba ito sa pagkamatay ni Del Mundo?
Natawa lang ito at umiling na para bang sinasabi na alam na niya dapat ang sagot sa sarili niyang tanong. May kinuha itong isang kahon ng sigarilyo sa bulsa ng pantalon nito at kumuha ng isang stick mula roon. Sinindihan nito ang sigarilyo, hinithit at ibinuga ang usok niyon sa kanyang mukha. Na-ubo siya dahil doon.
“Ano’ng ginagawa ninyo ng matandang ‘yon sa tuwing nagkikita kayo, ha, Sahara?”
“Ano’ng ginawa mo kay Del Mundo?” Hindi na napigilan ni Sahara na lumakas ang boses dahil sa sobrang galit, at takot.
Itinaas ni Max ang dalawang kamay na parang sumusuko. “Wala akong ginawa sa kanya. Nagpakamatay ‘yung matanda. Kasalanan ko ba ‘yon?”
Her jaw almost dropped. Then she remembered the parking area incident. “Ikaw ba ang bumugbog sa kanya sa parking lot?”
“Aksidente raw ‘yon, hindi ba?” Nagkibit-balikat ito at muling ngumisi.
“Hayop ka talaga, Max!” halos lumabas na ang ugat sa kanyang sintido dahil sa sobrang galit at frustration.
“Oh, bakit ka magagalit sa ‘kin? Aba, dapat nga magpasalamat ka pa dahil ginawan lang naman kita ng pabor. Kung hindi ko siya kinausap at tinakot nang gano’n, sa tingin mo ba, titigilan ka ng matandang ‘yon?” Umiling-iling si Max at pagkatapos ay mariing hinawakan ang kanyang kanang braso. “Alam mo naman kung gaano ka-obssess sa ‘yo ang propesor na ‘yon, diba? Handa pa ngang iwan ‘yung punggok na asawa at mga anak para sa iyo, hindi ba?”
“Namatay si Del Mundo dahil sa ‘yo, hayop ka!”
“Oy, oy, ikaw ang dahilan kung bakit nangyari ‘yon kay Del Mundo, Sahara. Hindi ako.”
Nangilabot si Sahara sa narinig. Halos magbulungan na sila ni Max sa buong pag-uusap nilang iyon dahil parami na nang parami ang naglalabas-masok sa condominium. Wala pang isang dipa ang layo nila sa isa’t-isa at kitang-kita niya ang magkahalong galit at tuwa sa mga mata nito.
“Alam mo ba kung ano ang sinabi niya sa ‘kin nung pinuntahan ko siya sa parking lot? Na mahal na mahal ka raw niya at gagawin niya lahat para makuha ka. Handa pa nga raw siyang pakasalan ka at kung hindi, mas mabuti na raw na mamatay na lang siya.” Natawa ito at napailing. “’Langya rin talaga ‘yong matandang ‘yon eh, ‘no? Ang tigas ng mukha. Grabe ang bilib sa sarili sa paniniwalang talagang sasama ka sa kanya. Ano bang pinakain mo do’n at baliw na baliw sa ‘yo?”
Malakas ang tawa’ng pinakakawalan ni Max, dahilan para pagtinginan sila ng mga tao sa paligid. Lalo pang kumulo ang kanina pang mainit na niyang dugo. Buti na lang at nakakayanan pa niyang magpigil kung hindi ay isang malakas na sampal na ang natanggap nito sa kanya kanina pa. Kung wala sila sa pampublikong lugar, malamang ay nagawa na niya iyon.
“Tsk, tsk. Ibang klase ka rin talaga, Sahara. Lahat siguro ng nakakatikim sa ‘yo, nababaliw dahil sa sobrang sarap mo,” sabi nito nang pabulong. “Pero sorry silang lahat, dahil naka-reserba ka na sa akin. At ‘yung nangyari kay Del Mundo, p’wedeng maulit ‘yon. Sabi ko naman sa’yo, ako ‘yung tipo ng tao na ayaw ng may kaagaw. Ang akin, akin lang at ikaw Sahara, akin ka lang at kung sino man ang aagaw sa’yo, alam mo na ang mangyayari.”
“Umalis ka na, Max. Kung hindi, tatawag ako ng pulis.” She couldn’t believe her ears. She closed her eyes, wishing that this was just a dream and that Max’s face would be gone when she opens her eyes. But his evil smirk was still in front of him.
“Gawin mo,” sabi nito at muli itong nagbuga ng usok. “Ipapakulong mo ‘ko? Sige. Pero hindi ako papayag nang ako lang. Siyempre dapat, ikaw rin.”
“Ano pa ba ang gusto mong mangyari?” Naningkit ang mga mata ni Sahara. He was really her nightmare.
Natawa ito. “Alam mo ang gusto kong mangyari, Sahara. Alam mo kung ano ang gusto ko.” Hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa na nagpakilabot sa buo niyang katauhan.
Saglit na natahimik si Sahara. She couldn’t believe that this conversation with Max is actually happening. “K-kapag binigay ko ba ang gusto mo…titigilan mo na ba ‘ko?”
“Well, depende ‘yon.”
“Depende saan?”
“Sa performance mo.”