NANGANGALAY na ang kanyang mga binti sa kakatayo, kanina pa sila roon ngunit hindi pa dumarating ang susunod na bus na biyaheng lungsod.
"Naiinip ka na ba, Ris?"
Binalingan ni River ang inang nakaupo. Nakangiti ito sa kanya habang himas-himas ang malaking tiyan.
"Hindi naman, Nay, nangangalay lang ang mga paa ko," sagot ng dalaga sa kanyang ina at gumanti ng ngiti rito. Nang makarating sila sa terminal ng bus ay nag-iisa nalang ang natitirang upuan kaya ang kanyang ina ang pinaupo nila roon. Kanina pa sila nakatayo ng kanyang ama na nasa kanyang tabi.
"Pagdating natin sa lungsod magbabago na ang buhay natin, Ris," si Ador na inakbayan ang anak na dalaga. "Babalik ka sa pag-aaral at magiging supervisor na ako. Madadagdagan narin ang pamilya natin." Isang masayang ngiti ang iginawad ni Ador sa asawa at sa anak.
"Hindi ba alanganin 'yon, Tatay? Matagal na akong natigil sa pag-aaral at alangan ang edad ko sa mga magiging kaklase ko."
"Anong alangan? Walang ala-alangan sa pag-aaral, may mga senior citizen ngang pumapasok sa paaralan upang makatapos," sabi ni Ador na pinabulaanan ang sinabi ng dalaga.
"Oo nga naman, Ris. Tsaka hindi ka pa naman matanda, biyente tres kalang at hindi alangan iyon para sa unang taon mo sa kolehiyo. At tingnan mo nga 'yang itsura mo, mas bata kang tingnan kaysa sa edad mo, Ris. Siguradong marami kang paluluhaing mga kabinataan sa unibersidad, hija," si Susan, ang ina ni River.
Namula ang magkabilang pisngi ng dalaga dahil sa papuri ng mga magulang at naibsan niyon ang agam agam sa kanyang dibdib. Nang makatapos siya ng highschool ay natigil sa pag-aaral si River dahil hindi kaya ng kanyang mga magulang.
Tinutulungan niya ang kanyang ina sa palengke sa pagtitinda ng gulay habang ang kanyang ama naman ay isang janitor sa isang kompanya. Dahil sa kasipagan at katapatan sa trabaho ay unti-unting umangat si Ador, at ngayon nga ay nakuha nito ang supervisory position na siyang mangangasiwa sa mga janitor ng kompanya. Nasa lungsod ang trabaho nito kaya luluwas silang mag-anak at doon maninirahan.
Ang alagang kalabaw, ang maliit na lupang minana ni Ador sa mga magulang at ang mga ari-ariang naipundar nila ay ipinagbenta nilang lahat.
Buo ang paniniwala ni Ador na mag-iiba na ang kanilang pamumuhay simula ngayon. Si Susan ay hindi na magbebenta ng kung anu-ano sa palengke at makakapag-aral na ang panganay nila sa kolehiyo.
Ang tanging maiiwang kamag-anak sa probinsiya ay si Olivia na kapatid ni Ador. Hindi mapilit ni Ador ang kapatid na sumama sa kanila pagluwas.
Nang makita ang pagdating ng bus na biyaheng lungsod ay naghanda ang mag-anak sa pag-alis. Ilang sandali pa ay maayos na silang nakaupo sa loob ng bus, nang mapuno ay lumarga na ang sasakyan paalis.
Nakatutok ang mga mata ni River sa labas ng bus habang umaandar ito. Mga luntiang kakahuyan at palayan na abot hanggang dako pa roon ang nakikita niya. Ninamnam ng dalaga ang payapang tanawing hindi niya sigurado kung kailan ulit masisilayan ng kanyang mga mata.
Sa dalawampu't tatlong taong pamumuhay niya sa mundo ay hindi siya kailanman nakaalis sa probinsiya nila. Panibagong paglalakbay iyon para kay River, naroon ang pagkasabik at takot sa kanyang dibdib. Ngunit naibsan ang alalahanin niya nang mapasulyap sa dalawang taong nagpadama siya kanya ng pagmamahal simula nang siya'y isilang.
Napangiti si River habang nakatingin sa mga magulang. Napapagitnaan nila ni Ador si Susan sa upuan ng bus. Nakapulupot ang mga braso ni Ador sa katawan ng Susan habang nakahilig ang huli sa dibdib ng asawa at nakapikit ang mga mata.
Pinagdaop niya ang kamay sa kamay ng kanyang ina at humilig sa sandalan. Ipinikit niya ang mga mata at ilang sandali pa'y mahimbing na sa pagkakatulog ang dalaga.
Sa panaginip ni River ay kasama niya ang mga magulang at ang isang batang walang mukha. Masaya silang nanonood ng palabas sa loob ng kanilang bagong tahanan, 'gaya ng mga nababasa niya noong bata pa siya.
Malapit ng matupad ang kanyang pangarap.
Pinanabikan niyang makapanood ng palabas sa telebisyon ng walang humpay, magpunta sa mall at makakain sa mga sikat na fastfood. Walang kuryente sa kanilang lugar at malayo iyon sa kabihasnan, nasa kasuluk-sulukang bahagi marahil ang baryo nila sa Pilipinas, pinag-iwanan na ng panahon.
Kumpara sa iba ay napaka simple lang ng pangarap ni River, ngunit para sa kanyang probinsiyana ay isa na iyong kayamanan kung makakamit niya.
Hindi naging kainip-inip ang mga sumunod na sandali para sa mag-anak. Ninamnam nila ang ilang oras na paglalakbay patungo sa panibagong buhay nang may ngiti sa mga labi.
Ngunit ang katiwasayan at kasaganaang pinapangarap ng pamilya ay sandali lang nagtagal.
INAYOS ni River ang mga pinamiling grocery at hinanda ang kakailanganin sa pagluluto. Tahimik ang buong bahay at ang mumunting tunog mula sa ginagawa ng dalaga ang tanging maririnig. Hindi naman ganoon kalaki ang naipundar ni Ador mula sa dalawang buwan nito sa pagiging supervisor, ngunit higit na mas maganda at malawak iyon kaysa sa kanilang dating tinitirhan.
Naghanda ang dalaga ng mga pagkaing paborito ng kanyang ina't ama, naparami ang niluto niya dahil iseselebra nila ang pagbabalik eskwela niya kinabukasan.
Masayang masaya si River dahil sa mga biyayang ibinigay sa kanila ng langit. Malapit naring silayan ng munti nilang anghel ang mundo, dalawang buwan nalang at manganganak na ang kanyang ina.
Nakangiting inayos ng dalaga ang hapag at hinintay na makauwi ang mga magulang galing sa ospital. Naroon ang mga ito para sa regular check-up ni Susan.
Tinakluban muna niya ang mga pagkain sa mesa bago nagtungo sa sala at binuksan ang telebisyon. Natupad narin niya ang pangarap na makapanood ng palabas kahit anumang oras. May kuryente na sila, hindi gasera ang kanilang ilaw at hindi na nila kailangang manguha ng kahoy sa gubat upang gawing panggatong.
Hindi namalayan ni River ang paglipas ng oras hanggang sa matapos ang pinapanood niyang Disney Movie. Hindi niya nagawa ang mga iyon noong bata pa siya kaya nitong mga nakaraang araw ay iyon ang pinagkakaabalahan niyang gawin, ang manood ng mga palabas na pambata kasama ang kanyang ina.
Sinulyapan ng dalaga ang orasang nakasabit sa dingding, kanina pa dapat naroon ang kanyang mga magulang. Ipinag kibit lang niya iyon ng balikat sa pag-aakalang namamasyal lang marahil ang mga ito.
Nang may kumatok sa pinto ay dali-daling napatayo si River sa kinauupuan at agad iyong binuksan sa pag-aakalang ang mga magulang ang kumatok. Ngunit isang lalaki ang nasa kabilang bahagi ng pinto, dala nito ang isang balitang magpapabago sa buhay ni River.
Isang pangyayari sa buhay niya na hindi niya makakalimutan kailanman. Tila siya binigyan ng isang laruan ngunit kalaunan ay binawi rin naman sa kanya.