NAPATAKIP si River sa kanyang bibig nang makaramdam ng paghalukay ng tiyan. Hindi nakatulong ang traffic at ang init ng panahon sa sama ng kanyang pakiramdam.
Naroon ang tinig na nag-uudyok sa kanya na lumabas ng jeep at lumanghap ng hangin. Subalit hindi niya gagawin at titiisin ang pagsama ng tiyan dahil malapit na siya sa pupuntahan.
Alas-dos na ng hapon at tirik na tirik ang araw. Mula pa kaninang umaga ay sinuyod niya ang kahabaan ng avenueng iyon upang maghanap ng trabaho. Ang pagawaan ng tsinelas na kanyang pinagtatrabahuan ay nagsara kaya wala siyang trabaho pansamantala.
Sa panahon ngayon ay pahirapan ang paghahanap ng pagkakakitaan o trabaho. Lalo na sa katulad niyang hindi nakapagtapos ng pag-aaral.
Nasa kalagitnaan siya ng interview kanina nang makatanggap ng tawag mula sa isang kompanyang pinag-aplayan niya noong nakaraan. Hindi pa siya nakakakain kaya marahil ay inatake siya ng pagkahilo at pagsama ng pakiramdam.
Sagitsit ng gulong ang halos nagpapantig sa mga tainga ng mga pasahero nang biglang inapakan ng tsuper ang brake. "Kung magpapakamatay ka 'wag kang mandamay ng iba!" sigaw ng driver sa lalaking biglang tumawid sa kalsada.
Napaungol si River nang sumalpok sa katabi dahil sa pabiglang pagpreno. Ang ibang pasahero ay napamura dahil sa pagkakasubsob.
"Dito nalang po," saad niya sa mahinang boses. Hindi na niya matagalan ang sikip at init sa loob. Kahit nasa gitna pa ng kalsada ay lumabas siya ng jeep.
Nanginginig ang tuhod na hinintay niyang makalampas ang isang taxi sa kabilang bahagi ng lane bago tumawid patungo sa gilid ng kalsada.
Kipkip ang shoulder bag na pagmamay-ari pa ng namayapa niyang ina ay kinapa niya ang bulsa upang maghanap ng barya. Ipinagpasalamat niyang may sapat pa siyang pera pambili ng tubig, ang natitirang pera ay sakto lang na pamasahe niya pauwi.
Nang makabili nang maliit na mineral water ay agad niya iyong ininom at sinaid ang laman niyon. Nagpahinga siya sandali sa tindahang pinagbilhan bago nilakad ang patungo sa kompanyang tumawag sa kanya.
Inayos niya ang tali ng nagulong buhok habang mabilis ang mga hakbang. Kapagkuwan ay binuksan niya ang bag at inilabas ang isang panyo upang ipunas sa kanyang pawisang mukha.
Pagkarating niya sa labas ng pitong palapag na gusaling iyon ay basa na ang kanyang damit dahil sa pawis. Pumasok siya sa loob at tinungo ang ika-anim na palapag sakay ng elevator, lalo lang niyong pinasama ang kanyang pagkahilo. Napahawak si River sa malamig na pader upang suportahan ang nanginginig na mga binti.
Pagiwang na lumabas siya ng elevator, hindi niya napansin ang lalaking papasok kaya bumangga siya rito. Mabuti nalang at mariin siya nitong nahawakan sa braso kung 'di ay sumalpok na ang kanyang maliit na katawan sa pader. "Pasensiya na po," aniya sa mababang boses.
Pag-angat ni River ng tingin sa nakabanggaan ay umawang ang kanyang mga labi nang makita ang kaharap. Ngayon lang siya nakakita ng gano'n kagandang nilalang sa personal. Kadalasan ay nakikita lang niya ang mga kagaya nito sa mga palabas na kanyang pinapanood.
Ang mga mata nitong matitiim kung tumitig ay nagpapawala ng kanyang hininga. Ang makapal nitong kilay na magkasalubong ay nagpadagdag sa istrikto nitong anyo bagaman ay lalo lang iyong nakadagdag sa lalaking lalaki nitong dating.
Naputol ang pagkakahinang ng kanilang mga mata nang humakbang ang lalaki papasok sa elevator. Doon lang natauhan si River at napahawak sa pader dahil sa panghihina. Nang lumingon siya sa elevator ay nagsalubong pa uli ang mga mata nila ng lalaki bago iyon nagsara.
Napahawak siya sa pusong naghuhuramintado at napahugot ng malalim na paghinga. Sa ilang buwan niyang paninirahan sa lungsod ay hindi na siya nasanay na makakita ng taong kagaya nito. Napakaperpekto.
Nang makabawi ng lakas ay inihakbang niya ang mga paa papasok sa loob ng opisina ng human resource manager na tumawag sa kanya. Nagbigay siya ng warning knock bago binuksan ang pinto.
"You're half an hour late, Ms. Reyes," she said in a passive voice.
Napalunok si River habang nakatitig sa babaeng nakaupo sa swivel chair at nakahalukipkip na nakatingin sa kanya. Ang makapal na lens ng salamin nito sa mga mata ay nagpadagdag sa formidable personality nito.
Nang imuwestra nito ang upuan ay agad na naupo si River sa harap ng babae na sa tantiya niya ay nasa late forties na nito.
"I'm sorry, Ma'am. Sana bigyan n'yo ako ng isa pang pagkakataon. Ipinapangako ko pong sisipagan ko," aniya na bahagyang nanginig ang tinig.
Nangunot ang noo ng manager nang matitigan ng malapitan ang dalaga. Maputla ang mukha nito at nanginginig ang mga labi.
Humigpit ang pagkakahawak ni River sa strap ng kanyang shoulder bag ng sandaling natahimik ang manager at pinagmasdan siya ng mataman. Napakawalan lang niya ang pinipigil na hininga nang alisin nito ang tingin sa kanya at pinindot ang intercom.
"Rey, is Mr. Villarama in his office...? Okay, I'll send Ms. Reyes." Nang ibaba nito ang tawag ay muling itinutok ang mga mata sa dalagang kaharap. "The briefing of the new employees of Rigo was done minutes ago, Ms. Reyes. I'll send you to the president's office. Siya mismo ang nagbi-brief ng mga employees niya." Very hands-on ang boss niya at napaka strikto pagdating sa trabaho, ito mismo ang namamahala ng empleyado nito at hindi inaasa sa iba ang trabaho.
Napatango nalang si River kasabay ng paglala ng kanyang kaba dahil sa narinig. Sinabi sa kanya nito kung saan naroon ang opisina ng presidente at agad niya iyong tinungo.
Pagkarating sa harap ng opisina sa pinakadulong pasilyo ay bumungad sa kanya ang isang lalaking may kapayatan at katangkaran. Pinapasok siya nito sa loob ng malawak na opisina at pinaupo sa naroong sofa. Ayon rito ay may pinuntahan sandali ang presidente.
Mabilis na naubos ng dalaga ang tubig na ibinigay ng sekretaryo. Nang tumunog ang tiyan ay napahawak siya doon, mabuti nalang at nakalabas na ang lalaki at bumalik sa lamesa nito.
Inilibot ni River ang namamanghang mga mata sa loob. Malaki ang espasyo ng silid at napakalinis niyon. Dinidomina ng puti at itim ang kulay sa paligid. Ang executive desk ng presidente ay malapit sa salaming dingding, mula roon ay makikita ang bumper to bumper na traffic sa kahabaan ng highway. "Lucas Nicholai Villarama," basa niya sa pangalang naroon. "Napakaganda naman ng pangalan niya."
Napangiti siya at umayos ng upo. Ang mahabang sofa na kanyang kinauupuan ay napakalambot, parang gusto niya tuloy ihilig ang katawan at ipikit ang mga mata.
Natuon ang mga mata ni River sa flower vase na nasa kanyang harapan at nakapatong sa ibabaw ng center table. Napakaganda at napakabango ng mga Daisies na maayos na nakalagay sa babasaging vase.
Dumukwang siya at ipinikit ang mga mata kasabay ng paglanghap sa mabangong halimuyak ng bulaklak.
Hindi namalayan ni River ang marahang pagbukas ng pinto ng silid at ang pagpasok ng isang matangkad na lalaki. Natigilan ito pagkakita sa dalaga at ilang sandaling napatitig sa mukha nito bago tumikhim.
Gulat na napamulat ng mga mata si River at nang makita ang isang pamilyar na lalaking nakatayo ilang dipa mula sa kanyang kinauupuan ay nagkulay makopa ang kanyang magkabilang pisngi. Napatayo siyang bigla habang kipkip ang lumang bag.
Hindi masalubong ni River ang mga mata ng lalaki. Para itong isang leon na handang manlapa. Hindi malaman ng dalaga kung paano pakikitunguhan ang kagaya nito. Hindi niya inaasahang muli itong makita nang magkabanggaan sila kanina paglabas niya ng elevator, at lalong 'di niya inasahang ito ang presidente, ang tao sa likod ng pangalang Lucas Nicholai Villarama.
"Sit down, Ms. Reyes," anito sa baritonong boses at humakbang papalapit sa pang-isahang upuan, kapagkuwan ay naupo roon.
Tumalima si River at muling umupo, kipkip ang mga kamay sa kanyang hita. Nanatiling nakatikom ang kanyang mga labi habang ito ay nakade-kuwatrong nakaupo sa couch at binubuklat ang folder na hawak.
"River Louis Reyes..." wika nito pagkalipas ng ilang sandaling katahimikan. Nakatuon pa rin ang mga mata nito sa resume ng dalaga. "Young and a province girl. Any boyfriends you have?" dagdag nito.
Hindi makapagsalita ang dalaga at nanatiling nakatutok ang mga mata sa mukha ng binata. Napakaganda nito, may malalantik na mga pilik na mas mahaba pa yata sa kanya. Ang tangos ng ilong at ang kinis ng balat, kung ihahambing siya rito ay para silang kape at gatas.
Dumako ang kanyang mga mata sa labi nito na mamula mula, mas malaman ang ibaba kaysa sa itaas. May pangang prominente na mangasul-ngasol pa galing sa pag-ahit. Hindi maikakaila na may lahi itong banyaga.
Hindi namalayan ni River ang pagbaling sa kanya ng lalaki ng hindi siya sumagot. Nang tumikhim ito ay saka lang siya nag-angat ng ulo at sinalubong ang mga mata ni Mr. Villarama. Pati leeg niya ay namula dahil sa paraan nito nang pagtitig sa kanya, ang mga mata ay kumikislap sa kaaliwan.
"I abhor tardiness and inattentiveness," Lucas muttered. Bagaman ay magaan ang tinig nito, hindi pa rin mapigilan ni River ang dibdib sa pagkabog ng malakas dahil sa kaba.
Her grip on her faded jeans tightened as she opens her mouth to speak. She tried so hard to beat her lips from trembling from a mixture of fatigue, hunger and nervousness for this man in front of her. "I-I'm sorry, Sir. Hindi na mauulit, sana bigyan n'yo po ako ng isa pang pagkakataon," usal niya sa mahina at bahagyang nanginginig na boses. Iniyuko niya ang ulo sa mga kamay na nasa kanyang kandungan.
"Are you seeing someone, Ms. Reyes?"
Mabilis na iniiling ni River ang ulo. "Wala po." She peeked at his direction under her lashes when he cleared his throat.
"You can start working tomorrow, but not as a janitress, you'll be one of the servers."
Nagulat man ay hindi na nagreklamo ang dalaga. Pagiging janitress ang kinuha niyang trabaho sa kompanyang iyon dahil hindi siya masyadong makikisalamuha at makikipag-usap sa maraming tao. Hindi naman siya anti-social, sadyang hindi lang siya sanay makihalubilo sa iba. "Maraming salamat, Sir," aniya at matapang na sinalubong ang mga mata nito.
Nahigit niya ang hininga nang umangat ang sulok ng mga labi nito sa isang ngiti. Nang tumayo ito ay agad din siyang napatayo at nang ilahad nito ang kamay ay tinanggap niya iyon sa nanginginig na kalamnan.
Akmang hihilahin niya ang kamay nang magdaop ang mga palad nila nang makaramdam siya ng tila kuryenteng dumaloy sa kanyang katawan, ngunit hindi niya magawa dahil humigpit ang pagkakakapit nito. Sa nanlalaking mga mata ay tiningnan niya ang lalaki na nakangiting nakatunghay sa kanya.
TINIG ng tsuper ang pumukaw sa nagliliwaliw niyang diwa. "Bababa ka ba, Miss?" tanong nito. Maririnig ang pagkainis sa boses.
"Ah opo." Kinalis niya ang seatbelt, dahil nasa frontseat siya ng jeep, at lumabas. Mula sa main highway ay nilakad niya ang papasok sa kanila. Wala siyang pamasahe sa tricycle upang magpahatid sa apartment na tinitirhan nila ng kapatid. Ilang metro rin iyon mula sa malaking kalsada.
"Lucas Nicholai," wala sa loob niyang sambit habang naglalakad. Napatingin siya sa palad, kapagkuwan ay isang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. Mabait ang kanyang bagong employer at napakaganda ng ngiti nito.
"Ang ganda ng ngiti natin ha."
Nag-angat si River ng ulo sa lalaking nag-iihaw ng mga panindang barbecue. "Nakahanap na kasi ako ng trabaho," aniya at kiming ngumiti sa kaibigan.
"Talaga? Aba, mabuti 'yan," ani Leandro habang may ngiti sa mga labi.
Napatitig dito si River. Moreno si Leandro at matangkad, matangos ang ilong at namula-mula ang mga labi na palaging may ngiting nakapaskil. Sa madaling salita ay nakaka-angat ang pisikal nitong anyo kaysa sa karamihan. Naalala niyang nagkaroon siya ng crush dito ng una niya itong makita. Gustong-gusto niya ang ngiti nito subalit tila natalo iyon ng ngiti ng kanyang bagong boss.
Ipinilig niya ang ulo. Bakit ba niya ikinokompara ang presidente ng kompanyang pagtatrabahuan at si Leandro?
"Anong nangyari sa 'yo? Okay ka lang?" untag ni Leandro.
"Ha? Ah, oo. Sige tutuloy na ako sa apartment at baka hinahanap na ako ni Maddie."
Pagkapaalam sa kaibigan ay nagtuloy siya sa apartment complex na tinitirhan nilang magkapatid. Hindi muna siya tumuloy sa kanila at tinungo ang apartment ng kanilang kapitbahay.
Ilang sandali pagkatapos niyang kumatok ay bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ni Mrs. Felimon. Nasa singkuwenta na ito ngunit maliksing maliksi pa.
"Nandito ka na pala, River. Halika pasok, natutulog ang kapatid mo."
"Maraming salamat po, Mrs. Felimon. Hindi po ba naligalig si Maddie?" Kinuha niya ang bata na nakahiga sa kama.
"Aba hindi, bibong bibo nga kanina."
Hinalikan niya ang noo ng limang buwang gulang na kapatid at muling sinulyapan ang matanda. "Maraming salamat po talaga sa pagbabantay kay Maddie. Sa una ko pong suweldo sa bago kong papasukang trabaho ay mababayaran ko na kayo." Wala siyang ibang mapag-iiwanan sa kapatid tuwing nasa labas siya at naghahanap buhay. Mabuti na lamang at nagbulontaryo si Mrs Felimon na bantayan ang kanyang kapatid tuwing wala siya.
"Ano ka ba naman bata ka! Masaya nga ako sa tuwing nandito si Maddie. Hindi naman ako nagpapabayad."
Isang nahihiyang ngiti ang iginawad ni River rito. Totoong walang hininging kapalit ang matanda subalit gusto pa rin niyang gantimpalaan ito sa pagbabantay sa kanyang kapatid. Pasasaan ba't makakabayad rin siya ng utang na loob dito at sa asawa nito.