Silang, The Fierce Warrior (Filipino) Chapter 11

“Aiesha, nandito na ang subject sa bus station. Nakapila siya at bumibili ng ticket. Nasa likuran lang ang partner ko,” report ni Calvin, ang inupahan niyang agent. Kasalukuyan nitong sinusundan ang kilos ni Silang ayon na rin sa utos niya.

Naalarma siya at tumigil sa pagpili ng jeans sa closet. Nasa Singapore si Aldrich kasama si Minerva para sa isang ‘business conference’. Wala siyang pakialam kung negosyo nga ang ginagawa ng mga ito o kababalaghan. Dahil malapit nang matapos ang maliligayang araw ng mga ito. Pabor na pabor sa kanya ang pag-alis na iyon ng nobyo dahil may sorpresa siya sa pagbabalik nito.

“Pauwi na ba siya sa tribo nila?” tanong niya at mabilis na inilabas ang kabibiling mountaineering sports bag sa ilalim ng closet saka ihinagis sa kama.

“No. Sa palagay ko magpapa-reserve pa lang siya ng ticket. Ayon sa text ng partner ko, alas tres ng madaling-araw ang biyahe ng bus papuntang Banaue.”

Sa kama niya ay nakalatag ang mga damit na dadalhin niya sa biyahe. Sa palagay niya ay sapat na ang mga iyon. “Bumili ka ng ticket. I want the seat beside him,” utos niya.

“Gusto mo bang sundan namin siya?”

Nakangiti niyang isinuot ang fisherman’s hat at pinagmasdan ang sarili sa salamin. “You don’t have to. Puntahan mo na lang ako dito sa condo ko mamayang gabi. Doon mo dalhin ang ticket.”

“Okay,” sabi nito nang walang tanong-tanong. Iyon ang gusto niya dito. Wala itong maraming inuurirat. Kung ano lang ang iutos niya, iyon lang ang susundin.

“And could you please do me another favor?”

“Sure. Basta kaya ko. Hindi na ako magtsa-charge nang extra.”

Sumilip siya sa french window. Mainit ang sikat ng araw at magandang magbiyahe. Kahahatid lang niya sa mga magulang kanina sa airport patungong Shanghai. Gusto siyang isama ng mga ito para daw hindi niya ma-miss masyado si Aldrich. Pero sinabi niya na mas gusto niyang magbakasyong mag-isa sa Bali. Mula sa airport ay bumalik agad siya sa condo niya para mag-empake.

“May ibibigay ako sa iyong sulat. Gusto kong ipadala mo sa address na nakalagay sa envelope isang linggo mula ngayon. At tiyakin mo na hindi iyon mate-trace sa sinuman sa atin.”

“I got it. Hawak ko na ang ticket mo.”

Tinanggal niya ang engagement ring sa daliri. Binuksan niya ang brown envelop na naglalaman ng sulat at inilagay doon ang engagement ring. “Mamayang gabi ko na rin ibibigay sa iyo ang sulat,” sabi niya.

“I’ll see you tonight,” anito at nagpaalam na sa kanya.

Unti-unting gumuhit ang ngiti sa labi niya at isa-isang isinalansan sa mountaineering bag ang mga damit. Nasa kalagitnaan na siya ng pag-eempake nang tumunog ang doorbell. Mabilis niyang binuksan ang pinto.

Nakasimangot na si Portia ang napagbuksan niya. “Bakit ba ang tagal-tagal mo? Namumuro na ako dito,” anito at nagdadabog na pumasok.

“Hindi kasi kita narinig agad.”

Tuloy-tuloy itong naglakad papunta sa kuwarto niya. “Akala ko tuloy nagbigti o uminom ka na ng lason dahil sa Aldrich na iyon.”

Hinarang niya ito at iginiya papunta sa sofa. “Hindi ako magbibigti dahil lang sa kanya. Para ko na rin silang binigyan ng lisensiya na makasama ang babae niya.”

“Doon tayo sa kuwarto mo,” sabi nito nang pilit niyang pinaupo sa sofa. “Gusto kong makita ang mga isusuot mo sa beach.”

“Huwag na. Wala namang interesante sa isusuot ko. Saka nakita mo na lahat ng swimsuit ko. Di ba, lagi tayong magkasama kapag nagsa-shopping?”

Pakikialaman nito ang mga gamit niya at magtataka ito kung bakit mountaineering bag ang gagamitin niya sa biyahe. Alam nitong hindi siya nagdadala ng malalaking backpack lalo na kapag lalabas ng bansa. At mas lalo itong magtatanong kapag nakita ang windbreaker sa bag niya. Hindi naman bagay ang makakapal na damit sa beach.

“Okay lang ba talaga sa iyo ang magbakasyong mag-isa? Dapat ipinilit mo kay Aldrich na sasama ka sa Singapore. Para mabantayan mo sila ni Minerva. Kung bakit kasi nagpapakamartir ka,” nanggagalaiti nitong sabi.

“Both of us need breathing space. Hahayaan ko siyang isipin kung ano talaga ang gusto niya at ganoon din ako. Malay mo doon pa kami magkita-kitang tatlo. Hindi naman nalalayo ang Singapore sa Indonesia.”

Naguguluhan siyang pinagmasdan nito na parang maluwag na ang turnilyo niya. “Hindi kaya plano mo ring pagtaksilan si Aldrich?” paghihinala nito.

“I still love him. At kahit niloloko niya ako, hindi ko pa rin siya kayang pagtaksilan. Siguro natural lang sa lalaki ang magkaroon ng fling.”

“Ibig sabihin, payag ka na dalawa kayo ni Minerva sa buhay niya?”

“Hindi ako papayag nang may kahati.”

Napatitig ito sa kamay niya. “Nasaan ang engagement ring mo?”

Hinawakan ng kaliwa niyang kamay ang kanan. “Naiwan ko sa banyo kaninang naligo ako. Hindi mawawala iyon. Ano ang gusto mong pasalubong?”

Mali si Portia. Hindi siya martir. Dahil sa plano niya, natitiyak niyang isa lang sa kanila ni Minerva ang matitira. At hindi siya papayag na maging talunan.

PASILIP-SILIP sa aisle ng bus si Aiesha. Nag-aalala na siya dahil alas diyes na ngunit wala pa rin si Silang. Baka hindi na ito tumuloy na umalis. O baka nadisgrasya. Hindi ito pwedeng hindi sumulpot dahil ito ang pinakamahalagang parte ng plano niya. Kung hindi ito darating, bababa na lang siya ng bus. Dapat ay pinasundan pa rin niya ito kay Calvin para matiyak na darating ito. Ayaw niyang masira ang plano niya.

“Excuse me, Miss,” anang lalaki na mukhang hindi mapagkakatiwalaan. Nakangisi ito sa kanya at nakalabas ang naninilaw na mga ngipin. “Pwede bang tabi na lang tayo? Type kasi kita.”

Nahindik siya at sinulyapan ang bakanteng silya na dapat ay para kay Silang. “Pasensiya na. Pero may may-ari na po ng upuan. Padating na po siya,” ninenerbiyos niyang paliwanag. Marahil ay chance passenger ito. Kapag lagpas na sa takdang oras at hindi pa dumadating ang nagpa-reserba ay ibinibigay sa chance passenger ang bakanteng upuan. Talagang bababa siya ng bus kapag nagpilit itong tabihan siya.

Kasalanan ni Silang ang lahat. Bakit hindi ito nakipag-cooperate sa kanya? Kung naroon na ito, hindi na sana siya pag-iinteresan ng mamang mukhang wala sa bokabularyo ang pagtu-toothbrush.

“Sino ba ang hinihintay mo? Boyfriend mo ba?” anito at tinangkang hawakan ang baba niya.

Mabilis niyang tinabig ang kamay nito. “Ano ba?” angil niya. Ngayon niya pinagsisisihan na hindi niya ipinagpatuloy ang pag-aaral ng self defense. Dahil kanina pa niya ito gustong-gustong sapakin.

Hinimas nito ang sariling baba. “Aba, palaban ka. Mas guwapo ba sa akin ang boyfriend mo? Kapag natikman mo ang halik ko, tiyak na makakalimutan mo siya.”

Napasiksik siya sa tabi ng bintana nang akmang ilalapit nito ang mukha sa kanya. Tatalon na lang siya sa bintana ng bus kaysa mahalikan nito. Baka iyon pa ang ikamatay niya. Ito ang resulta ng kagustuhan niyang mapatunayan kung mahal nga siya ni Aldrich. Siya lang ang nagpahamak sa sarili.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.