Silang, The Fierce Warrior (Filipino) Chapter 10

“Baka si Minerva ang ayaw makipaghiwalay,” pilit pa rin niyang pag-intindi. “Baka pinagbantaan niya si Aldrich na magpapakamatay siya kapag iniwan siya. She might be emotionally unstable.” Kawawa naman si Aldrich dahil kailangan pa nitong pagtiisang pakisamahan ang ganoong babae kahit siya ang mahal nito.

“Huwag mo nang ipagtanggol ang boyfriend mo. Huwag mo na ring lokohin ang sarili mo. He used you. Ayoko sanang makinig sa sinasabi ng ibang tao pero ginagamit ka lang niya para patatagin ang political career ng Papa niya. Dahil mayaman ang pamilya mo, malaki ang maitutulong ninyo para pondohan ang pagtakbo ng Papa niya sa Senado. Isama pa ang mga koneksiyon ninyo.”

Huminga siya nang malalim at nagsalin ng brandy sa baso. “I still love him, Portia. Kahit na ano pang sabihin mo, mahal ko pa rin siya.”

Nakuyom nito ang palad. “Alam mo, nagtitimpi lang ako na sampalin ka. Hindi ka niya mahal. O kahit sabihin pa nating mahal ka niya, how can you compete with an allegedly suicidal girl like Minerva?”

“Patutunayan ko munang ako ang mahal niya.” Saka na siya gagawa ng hakbang kapag nangyari iyon.

“At kapag napatunayan mong hindi?”

Tinungga niya ang brandy. “Then the wedding is off.”

UNTI-UNTI nang nawawalan ng pasensiya si Aiesha habang nakatitig sa entrance ng Italian restaurant kung saan sila dating nag-lunch ni Silang. Kalahating oras na ang nakakalipas ay hindi pa rin ito dumarating. Walang garantiyang makakarating ito dahil ang nakausap lang niya sa telepono sa tinutuluyan nito ay ang kaibigan nito.

Nawala ang inis niya nang makita itong pumasok. Ngumiti siya at kinawayan ito. Malalaki ang mga hakbang nito subalit parang dinadala lang ito ng hangin. He walked like as graceful as a panther. Kadalasan lang niya iyong nakikita sa mga modelong rumarampa. Ilang babae ang nagsunuran ng tingin dito. Nakakuha ng atensiyon ang dark masculine looks nito.

“I’m sorry, I kept you waiting,” hinging-paumanhin nito nang umupo sa upuang nakalaan para dito. Nakakaswal lang itong dark blue polo at maong pants pero hindi nawala ang air of virility nito.

“Thanks for coming despite of the short notice. What would you like to have?”

“Black coffee,” pormal nitong sabi at hindi na nag-abala pang tingnan ang menu. Habang siya ay um-order ng mandarin orange juice.

“Kumusta ang paghahanap mo sa remains ng ancestors mo?” tanong niya.

Hindi maitago ang kabiguan sa mga mata nito. “Lumapit na ako sa iba’t ibang government agencies. Nakipag-coordinate na ang National Museum sa iba’t ibang museums sa ibang bansa para tulungan kaming maghanap. May possibility na naka-exhibit sila abroad.”

“Tama. Mabuti sana kung sa mga museums napunta ang ancestors mo. Pero kung sa private collectors, hindi na iyon madaling hanapin.”

Ayon sa nalaman niya, umaabot ng milyong piso ang halaga ng ganoong klase ng artifact. Hindi iyon basta-basta isusuko ng private collector.

“Bakit mo pala ako ipinatawag? May maibibigay ka bang development sa akin?” puno ng pag-asang tanong nito.

Malungkot siyang umiling. “Wala. Gusto ko lang may makausap.”

“Ano ang problema?” nag-aalala nitong tanong. Noon lang niya nakitang lumambot ang anyo nito. Kadalasan kasi ay mukha itong suplado.

Pinagsugpong niya ang mga daliri. “Nahuli ko si Aldrich na niloloko ako. Matagal na silang may relasyon ng sekretarya niya.”

“I’m sorry,” mahina nitong sabi. “Pero kung tatanungin mo ang opinyon ko, mabuti pang hiwalayan mo siya habang hindi pa kayo kasal.”

“But I love him!” giit niya.

Dumilim ang mukha nito. “Kung ganoon, wala akong maitutulong sa iyo. Walang solusyon sa mga taong bulag sa pag-ibig.”

“Patutunayan kong mahal niya ako.”

Nagkibit-balikat ito na parang wala itong pakialam sa kanya. “Bahala ka. Pero wala na akong kinalaman sa problema mo. May sarili akong problema na hamak mas importante kaysa sa iyo dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng maraming tao. Hindi ko ugaling sumali sa problema ng iba,” anito. Matapos ilapag sa mesa ang bayad sa in-order nito ay tumayo na ito.

Pinigilan niya ang kamay nito. “Pero ikaw lang ang makakatulong sa akin. At ako lang ang makakatulong sa iyo para maibalik ang mga ninuno mo.”

Naging interesado ito sa sinabi niya at muling umupo. “Paano?”

“Kidnap me.”

SARI-SARING emosyon ang bumakas sa mukha ni Silang nang marinig ang sinabi ni Aiesha. “Kidnapin ka? Nababaliw ka na ba?” bulalas nito.

“I’m perfectly sane,” aniya at ininom ang orange juice upang kalmahin ang sarili. Wala pang nagsabi sa kanyang baliw siya. Kung alam lang nito, ilang araw niyang pinag-isipan kung paano mapapatunayan kung mahal nga siya ni Aldrich. At iyon na ang pinakaperpektong solusyon.

Bahagya nitong inilapit ang mukha sa kanya na parang ingat na ingat na may makarinig sa kanila. “Miss Wayne, hindi ako kriminal. Mula pagkabata, hindi pa ako nasangkot sa kahit anong gulo,” mahina nitong sabi. “Kung gusto mo, sa mga professional mo na lang ipagawa iyan. Hindi ako makikihalo sa kalokohan mo.”

“The kidnapping will be a staged one. Kunyari kinidnap mo ako at mga mummies ninyo ang kapalit. Mapapatunayan kong mahal ako ni Aldrich kapag nagawa niyang ibalik ang mummies. And at the same time, mawawala na ang sumpa sa tribo ninyo. Magiging masaya na tayong lahat,” paliwanag niya.

Tumigas ang anyo nito. “Baka nakakalimutan mong may batas tayo. And kidnapping is a heinous crime. Wala akong planong makulong habambuhay o mai-lethal injection. Marami pa akong pangarap para sa tribo ko.”

“Marami rin naman akong pangarap. And I’m telling you, ito ang pinaka-epektibong paraan para maibalik ang lahat ng nawala sa atin. Dahil kapag nasa panganib ang buhay ko, tiyak na ilalabas ni Aldrich ang lahat ng itinatago niya.”

Hindi pa siya lubusang kumbinsido na nasa pangangalaga nito ang mga mummies. Pero iyon lang ang paraan para malaman niya kung mahal siya nito.

“Desperado man ako pero may dignidad ako,” taas-noo nitong sabi. “Ayokong magdala ng kahihiyan sa tribo namin.”

“Gusto ko lang namang magtulungan tayong dalawa,” pangungumbinsi niya.

“Salamat na lang sa tulong mo. Pero sana huwag mo nang idamay ang mga ninuno ko sa kalokohan mo,” kalmante pero may pwersang sabi nito. “Baka tuluyang malasin ang tribo namin. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nangyari iyon. Ayokong gugulin ang natitira ko pang buhay sa bilangguan. At mas lalong ayokong padaliin ang buhay ko.”

“Walang magiging kaso dahil ako mismo ang magde-deny na kinidnap mo ako.” Sa lakas ng impluwensiya ng pamilya niya, imposibleng hindi mai-settle ang kaso. “Ako mismo ang titiyak na hindi ka makakatapak sa bilangguan.”

Uminom ito ng kape na parang pinag-iisipan ang sinabi niya. Pagkatapos ay tinitigan siya nito. “Kampante ka na kaya mong paikutin ang lahat. Huwag mo nang palalain ang problema mo. Baka tuluyang mawala sa iyo ang boyfriend mo.”

“Kailangan mo ang tulong ko,” giit niya.

“Hindi lang ikaw ang maari kong hingan ng tulong. May meeting ako sa isang grupo ng investigative journalist mamaya. Willing silang tulungan ako.”

“Ano ang silbi ng media kung wala silang ebidensiya? Baka mamaya sila pa ang maidemanda sa expose nila. They can’t impose enough pressure. Madaling I-deny ang isang akusasyon. My plan is more effective.”

Tumayo ito. “Alam kong mababa ang tingin sa amin ng marami lalo na ng may mga pera. Madali para sa iyo na kunin ang approval ng mga tao dahil may pangalan ka na. Samantalang hanggang ngayon, nagsusumikap pa rin kami na matanggap ng iba nang walang diskriminasyon. Importante sa amin ang karangalan. Hindi ko iyon sisirain para lang sa iyo.”

Natigagal siya. “Ibig sabihin, hindi mo ako tutulungan?”

Ngumiti ito subalit hindi kasama ang mga mata. “Kung gusto mo ng tulong, pumunta ka sa psychiatrist,” anito at iiling-iling na umalis.

Nanlalaki ang mga mata niyang sinundan ito. Ayaw nitong maniwala na matino siya. Subalit maya-maya ay lihim siyang napangiti.

Hindi ako titigil hangga’t hindi ka sumusunod sa plano ko.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.