Mahigpit ang kapit ni Aiesha kay Silang habang patungo sila sa sinasabi nitong ato kung saan nagpupulong ang mga pinuno ng tribo. Pagkatapos kumain at magpahinga ay ipinatawag sila ng ama nito upang sumali sa pulong.
“Bakit pa kailangang kasama ako?” tanong niya at parang tuko na humawak sa braso nito. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa ng mga ito sa mga hindi imbitadong bisita. Baka inilalagay sa kawa ng kumukulong tubig.
“Dahil iyon ang gusto ng intugtukon. Huwag kang matakot. Hindi ka nila pupugutan ng ulo. Baka balatan ka lang nila ng buhay,” pabiro nitong sabi.
Hinampas niya ito sa braso. “Nakukuha mo pang magbiro. Paano kung hindi sila pumayag na manatili ako dito?” Ayaw yata niyang matulog sa bundok o sa gubat. Baka pagpiyestahan ng mga hayop ang beauty niya. O kaya ay lingkisin siya ng ahas. Okay lang sana kung si Silang ang lilingkis sa kanya.
Sinulyapan nito ito na bumalik sa pagiging seryoso. Bakit ba pinapantasya niyang ito ang samantalang ito mismo ang may gusto na mawala siya sa tribo nito? Baka ito pa mismo ang magtapon sa kanya sa gubat.
Tuwid lang ang tingin nito habang naglalakad. “Hintayin natin kung ano ang sasabihin nila. Huwag mo lang asahang bukas-palad ka nilang tatanggapin.”
Lalo siyang kinabahan habang palapit sila sa bahay kung saan may ilang mga matatandang kalalakihan na nakaupo sa ilalim ng puno at nakapaikot sa apoy. Kinilabutan siya nang makita ang mga sungay ng kalabaw na nakasabit sa poste.
“Para saan ang sungay ng kalabaw?” pabulong niyang tanong.
“During the early headhunting days, diyan isinasabit ng mga mandirigma ang mga ulo ng kalabang napatay nila sa pakikipaglaban.”
Napalunok siya at iniwas ang tingin sa poste. Sa halip ay itinuon niya ang atensiyon sa mga matatandang natigil sa pag-uusap nang makita sila. Nagtago siya sa likuran ni Silang dahil pawang matitiim ang tingin ng mga ito sa kanya.
Napansin niya na ang mga ito ay nakasuot ng hinabing bahag subalit ang pang-itaas ay t-shirt o kaya ay jacket. May suot ding may kalakihang putong na kulay brown. Hindi iyon katulad ng suot ng mas nakababatang kalalakihan na may mga beads at kung anu-ano pang adorno na nagmula sa hayop.
“Gawis ay masdem yo,” bati ni Silang sa mga ito at bahagyang yumukop.
Bahagya siyang sumilip mula sa likuran ni Silang at kumaway sa mga ito. “G-Good evening po,” magalang niyang bati.
Tumayo ang isa sa mga kalalakihang naroon. May katangkarang ito ngunit payat. Madilim ang mukha nito at halatang masungit. Mukha itong kontrabida sa pelikula. “Narito ka na pala, Silang. At nagsama ka pa ng tagapatag,” may disgustong sabi nito nang tingnan siya.
Tagapatag. Hindi niya gusto ang terminong iyon. May pangalan naman siya. Hindi niya kailangang tawaging tagapatag tuwing may makakakita sa kanya. “A-Ako po si Aiesha,” nakangiti niyang sabi kahit nanginginig. “Kumusta po kayo?”
“Lapastangan!” dumadagundong na sabi nito. “Silang, pangaralan mo ang tagapatag na iyan na huwag magsalita hangga’t hindi siya tinatanong. Wala siyang respeto sa pakikipag-usap sa mga pinuno.”
“Lakay Biano, bisita siya ng anak ko,” anang isang matanda na kasingtangkad ni Silang at may matipunong pangangatawan. Magkahawig ang mga ito at hindi maikakailang mag-ama. “Hindi pa niya alam ang mga patakaran dito. Hindi mo siya kailangang sigawan at pagsalitaan ng masama.”
“Pero tagapatag pa rin siya,” nanggagalaiting sabi ni Lakay Biano. “At ayokong manatili pa siya dito. Hindi pa ba sapat ang kamalasang dinadanas natin?”
“Kahit na sino pa siya, bisita siya ng ating tribo,” anang isang lalaki na may kaputian na ang buhok at pinakamatanda sa lahat. Maamo ang mukha nito at hindi mukhang galit sa kabila ng nangyayaring pagtatalo ng lahat. Kalmado lang ito at nakangiti ang mata sa kanya.
“Lakay Dutab, bakit tatanggapin natin siya? Mahigpit ang patakaran natin tungkol sa pagpapatuloy ng mga tagapatag sa ating tribo,” kontra ni Lakay Biano.
Natuon ang maamong mata ni Lakay Dutab sa kanya. “Sinabi ng mahiwagang tinig sa panaginip ko ang pagdating ng isang tagapatag na babae. Siya ang tutulong sa atin upang mawala ang sumpa. At siya iyon,” anito at itinuro siya.
“Talaga po?” bulalas niya. “Iyon po ang sabi ng panaginip ninyo?”
Maaring manghuhula ito o psychic dahil nalaman nito ang plano niya. Ibig sabihin ay magiging successful ang plano niya. Maibabalik ang mga mummies sa tribo nito. Malalaman rin kaya nito kung maikakasal sila ni Aldrich?
Humingi rin kaya siya ng gayuma para matiyak na hindi na siya ipagpapalit ni Aldrich sa iba. Tutal, matutulungan naman niya ang tribo nito.
“Ano naman ang gagampanan niya sa tribo natin?” diskumpiyadong tanong ni Lakay Biano. Habang wala namang pagkontra ang ibang miyembro ng intugtukon.
Umiling si Lakay Datub ngunit nanatiling tuwid ang tingin dito. “Hindi ko rin alam kung ano. Pero malaki ang gagampanan niya sa buhay nating lahat.”
“Kahangalan!” galit na galit na sabi ni Lakay Biano. “Isang tagapatag, may magagawa para tulungan tayo?” Bumaling ito sa kanya. “Babaeng tagapatag, may kapangyarihan ka ba para ibalik sa amin ang mga me’king?”
Ibinuka niya ang mga palad at nagkibit-balikat. “Wala po akong supernatural powers. Pero ma-impluwensiya po ang pamilya ko sa Maynila. At handa po akong tumulong sa abot ng makakaya ko,” kampante niyang sabi.
Ngayong may isang panaginip na para mag-backup sa plano niya, mas malakas na ang loob niya. Wala nang urungan ito.
“At ano naman ang kapalit ng pagtulong mo?” tanong ng ama ni Silang na si Lakay Kabuguias.
Inilibot niya ang paningin sa mga ito. “Ilang araw na mabuting pagtanggap mula sa tribo ninyo. At ipinapangako ko na pagbalik ko sa lungsod, lulutasin ko ang problema ninyo. Maibabalik sa inyo ang ninuno ninyo.”
Nagtanguan ang mga ito bilang pagsang-ayon. Kahit si Lakay Biano na kanina pa kontra nang kontra ay hindi nakatutol pa dahil iyon ang desisyon ng nakakarami. Bukod pa sa nakita ng mga ito na bukal sa loob niya ang pagtulong.
Nakangiting lumapit sa kanila si Lakay Datub. “Babaeng tagapatag…”
“Pwede po bang Aiesha na lang ang itawag ninyo sa akin? Kanina pa po kasi naririndi ang tainga ko sa katatawag ninyo sa akin ng tagapatag.”
Tumango ito. “Kung ganoon, Aiesha, tinatanggap ka namin sa aming tribo. Si Silang na ang bahala sa iyo. Hindi ka niya pababayaan.”
“YAHOO! Hindi nila ako pinaalis!” tuwang-tuwang sabi ni Aiesha habang pabalik na sila ni Silang sa bahay nito. Nakahinga siya nang maluwag nang ideklara ng mga intugtukon na opisyal na siyang bisita ng tribo. Dahil kung nagkataong hindi nanaginip nang maganda si Lakay Datub, baka sa gubat na siya natutulog ngayon.
“Para kang bata,” komento ni Silang na seryoso habang naglalakad.
“Masaya lang ako dahil tinanggap nila ako. Isang malaking karangalan na kilalanin ng tribo ninyo.” Humarap siya dito habang naglalakad nang paurong. Idinipa niya ang mga kamay at tumingala sa langit na puro bituin. “Mabait pala sila.”
She never thought that she still craved to belong. Na mahalaga sa kanya ang kilalanin at tanggapin ng isang tribo na hindi kabilang sa popular na mundo. Habang sa mundong kinabibilangan niya, masaya na ang mga tao kapag nakadalo sila sa party ng mga ito dahil sa sikat niyang pangalan.