Her name and stature was not noted in the tribe. Parang kalaban pa nga ang tingin ng mga ito sa kanya. Subalit mas gusto pa niya ang naging pagtanggap ng mga ito na walang halong pagkukunwari. Hindi katulad sa mga pagtitipong dinadaluhan niya sa lungsod. Puro paimbabaw ang mga tao.
“Mabait talaga ang katribo ko. Basta’t nakakatiyak sila na walang gulong dadalhin ang taong tinatanggap namin,” sabi nito at kumunot ang noo.
Tumigil siya sa paglalakad at pinigilan ito sa dibdib. “Sandali, bakit parang hindi ka masaya na nandito ako?”
“Dahil hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung talagang may maitutulong ka sa amin. May pakiramdam ako na delubyo lang ang dala mo.”
Napaawang ang labi niya. “Nakaka-insulto ka na!”
“Kung si Helen of Troy nga, naging dahilan ng giyera ang kagandahan niya.”
Humalakhak siya. “Wow! You compared me to Helen of Troy.” Hinampas niya ito sa dibdib. “I’m flattered. It means that my face is enough to launch a thousand ships. Ibig sabihin nagagandahan ka sa akin,” tukso niya.
Tumingin ito sa kanya na parang hindik na hindik. “Kakaiba ka lang sa ibang babae. Hindi na ako magtataka kung maisulat ka sa history dahil ikaw ang naging dahilan ng pagkaka-declare ng World War three.”
Pumalakpak siya at hindi pinansin ang sarkasmo sa boses nito. “Aiesha Wayne-today a name, tomorrow a legend.”
“Baka tomorrow a history.” Matiim siya nitong tinitigan. “Binabalaan kita, kapag napahamak ang tribo namin dahil sa iyo…”
Pumalatak siya at iwinasiwas ang daliri bilang sagisag ng pagsaway dito. “Huwag mo akong pagsasalitaan nang hindi maganda. Alalahanin mo na sa iyo nila ako ipinagakatiwala. Kaya dapat alagaan mo ako. Huwag mo akong pagbantaan.”
“Hindi mo ako taga-alaga. Ako ang bantay mo. Kaya ngayon pa lang, kung anuman ang iniisip mong hindi maganda, huwag mo nang ituloy.”
“Ano naman ang gagawin kong hindi maganda?” tanong niya at bahagyang yumuko. “Gusto ko lang namang makatulong, minamasama mo pa. Saka alalahanin mo na sa akin nakasalalay ang pagbalik ng mga ninuno mo. O baka hindi ka naniniwala sa panaginip ni Lakay Datub.”
Hinaplos nito ang sariling baba. “Sa kauna-unahang pagkakataon, parang ayaw kong maniwala sa pangitain niya.”
Matagumpay siyang ngumiti. “Basta, gawin mo ang napag-usapan ng intugtukon. Ikaw ang mangangalaga sa akin.”
“Aiesha, Silang,” anang si Negay pagpasok nila sa bahay. Naghahanda na ito sa pagtulog. “Nandito na pala kayo. Hindi pa ba kayo magpapahinga?”
Inunat niya ang mga kamay. “Pagod na pagod nga po ako.”
Ilang oras siyang bumiyahe, naglakad ng ilang bundok at ninerbiyos sa pagharap sa pinuno ng tribo. Gusto na niyang iunat ang pagod na katawan.
“Kunin mo na ang gamit na kakailanganin mo,” utos ni Silang. “Para maihatid na kita sa olog.”
“Aalis na naman tayo?” Nanlalambot siyang umupo sa bangko sa may hapag-kainan. “Gusto ko nang matulog.”
“Sa olog talaga natutulog ang mga kadalagahan,” paliwanag ni Negay at inabot sa kanya ang unan at kumot. “May makakasama ka naman doon.”
“Si Silang po saan matutulog?” tanong niya.
“Sa ato siya kasama ang mga binata.”
Kung ganoon, hindi sila magkakasamang matulog sa isang bahay. Sumunod siya sa utos ni Silang at kumuha ng damit pantulog at panlinis ng katawan. Ayon kay Inang Negay, babalik din siya sa bahay nito kinaumagahan.
Matapos magpaalam kay Inang Negay ay lumabas si Silang sa isa sa mga silid. Naintriga siya kung ano ang suot nito kapag natutulog. Gusto niyang malaman kung ano ang nasa ilalim ng jacket nito at t-shirt.
“Ano pang tinitingin mo diyan?” may kasungitan nitong tanong nang mahuli siyang nakatingin dito. “Umalis na tayo.”
Tahimik siyang sumunod dito patungo sa sinasabi nitong olog. Gawa ang olog sa bato at bubong na may atip. Naabutan nila ang ilang kabataang babae at lalaki na nagkakatuwaan sa paligid ng apoy. Bahagyang nagkaingay nang dumating sila.
“Silang, akala ko hindi ka na susunod dito,” anang lalaki na kaedad ni Silang. Bagamat may itsura ay mas guwapo pa rin si Silang kaysa dito. Binigyan nito ng makahulugang ngiti si Silang nang makita siya. “Kaya pala ayaw mong ligawan ang mga kadalagahan dito, may nobya ka sa Maynila. Mabuti at naisama mo.”
Bahagyang lumayo si Silang sa kanya. “Hindi ko siya girlfriend. Kaibigan ko siya galing sa Maynila, si Aiesha. Aiesha, matalik kong kaibigan na si Langkawan.”
“Magkaibigan lang ba talaga kayo?” hindi pa rin kumbinsidong tanong nito.
“Magkaibigan lang talaga kami,” giit niya. “Saka siya rin ang nakatalaga bilang tagapag-alaga ko.”
“Tagapagbantay,” pagtatama ni Silang.
Halatang nadismaya si Langkawan. “Akala ko pa mandin, may nakabihag na sa puso ng kaibigan ko. Matagal ko nang hinihintay na magkanobya siya. Halika, ipapakilala pa kita sa ibang mga katribo namin.”
Halatang naiilang pa ang mga ito sa kanya. Ngunit nang malaman ng mga ito ang dahilan ng pagpunta niya sa tribo at mahalagang gagampanan niya para sa pagbabalik ng mga me’king, naging mabuti na ang trato ng mga ito sa kanya.
Maliban sa dalagang Inana ang pangalan. Natandaan niya ito dahil ito ang pinakamaganda sa lahat ng kadalagahan. Makinis ang morena nitong balat, mamula-mula ang labi, malamlam ang mata at tuwid na tuwid ang mahaba at itim na buhok. Subalit hindi ito katangkaran. Sa palagay niya ay nasa limang talampakan lang din ang taas nito tulad ng ibang kababaihan sa tribo. Nahalata niya na masama ang tingin nito sa kanya kanina pa.
Tinapik niya si Silang na katabi niyang nakaupo sa harap ng apoy. “May gusto ba si Inana sa iyo?” pabulong niyang tanong.
“Wala,” tanggi agad nito. “Si Langkawan ang nanliligaw sa kanya.”
“Nililigawan siya ni Langkawan. Hindi pa boyfriend. Saka wala ba siyang karapatan na magkagusto sa iba bukod sa nanliligaw sa kanya? Sa palagay ko talaga may gusto siya sa iyo dahil kanina pa nanlilisik ang tingin niya sa akin,” aniya at bahagyang sinulyapan ang dalaga na nag-aapoy sa galit ang magandang mata.
“Huwag ngang kung anu-ano ang iniisip mo. Gagawan mo pa kami ng isyu samantalang kabago-bago mo pa lang dito,” saway nito sa kanya.
“Nagsasabi lang po ako kung ano ang nakikita ko.” Hindi siya komportable kapag ayaw sa kanya ng isang tao.
“Mabait si Inana. Halika, kausapin natin siya para mapatunayan mong mabait siya,” anito at inalalayan siyang tumayo.
Agad na ngumiti si Inana nang makita sila. Parang isa itong magandang diwata. Samantalang kanina ay parang bruha ito na nanlilisik ang mga mata. “Silang, maligayang pagbabalik. Akala ko hindi mo na ako kakausapin. Muntik na akong magtampo sa iyo,” malambing nitong sabi at bahagyang ibinaba ang paningin na parang nahihiya.
“Pwede ba namang hindi kita kausapin samantalang magkaibigan tayo,” sabi ni Silang. “Siyanga pala, kilala mo na si Aiesha, hindi ba?”
“Oo naman,” anito at nginitian siya subalit hindi umabot sa mga mata. Lalo siyang nakadama ng disgusto dito. Mabait lang kapag nasa harap si Silang pero ang totoo ay naiinis ito sa kanya. Pwes, manggalaiti ito sa selos.
“May hihilingin sana ako sa iyo, Inana,” anang si Silang.
Mas matamis pa sa honeybee ang ngiti ni Inana. “Kahit ano, gagawin ko.”
“Pwede bang sa olog mo muna makitulog si Aiesha?”