Tahimik na yakap ni Aiesha ang tuhod. Kasama niya sa paligid ng apoy sa harap ng olog ang ibang dalaga at binata. Nagsasaya ang lahat dahil pumatak na ang ulan. Subalit hindi niya magawang magsaya.
“Anong problema, Aiesha?” tanong ni Salinga na katabi niya. “Ayaw mo bang makisali sa kwentuhan namin?”
Ngumiti siya subalit hindi umabot sa mga mata niya. “Nakikinig ako,” sabi niya para hindi nito isipin na ayaw niyang makinig.
Wala siya sa mood na makipag-usap sa kahit sino maliban kay Silang. Subalit ayaw naman siya nitong kausapin. Wala ito doon. Sa palagay niya ay iniiwasan siya nito. Mula nang manggaling siya sa lawa ay hindi na siya nito kinausap pa. Halos ayaw siya nitong tingnan. Titingnan man siya nito ay lagi pang galit.
Galit nga marahil ito sa kanya. Iniisip siguro nitong inaakit niya ito. Kasalanan nga siguro niya iyon. Una, may nobyo na siya at plano na nilang magpakasal. Kahit na pinagtataksilan siya ito, wala siyang lisensiya para humalik ng ibang lalaki. Lalo na’t katulad ni Silang. Even if he kissed her back, she will still take the blame. Kaya nagagalit siya sa sarili. Baka iniisip ni Silang na mababang klase siyang babae.
Nagtataka siya sa sarili dahil hindi pa niya hinayaan na halikan siya nang may ganoong intensidad ni Aldrich. Alam nila pareho kung kailan titigil. Habang kay Silang, wala siyang balak tumigil.Kung hindi umulan,baka kung saan sila humantong.
“Nandito na pala si Kuya Silang,” sabi ni Salinga at kinawayan ang kapatid.
Awtomatiko siyang tumayo bago pa tumingin sa kanya si Silang.“Excuse me,” aniya at nagmamadaling pumunta sa gilid ng olog kung saan hindi siya nito makikita.
Huminga nang malalim habang hawak ang dibdib niyang mabilis pa ring kumakaba. Daig pa niya ang teenager na nagtatago kapag nakikita ang crush.
May mali sa kanya. Dapat ay kaya niyang kontrolin ang sarili kapag nasa paligid ito. Hindi na siya umaaktong normal. Tuwing nakikita niya ito, nararamdaman niya ang mga labi nito sa kanya. She could still taste his kisses. Maging ang init na nagmumula sa matipuno nitong katawan. Pero dapat siyang umiwas. Ayaw na niyang makita ang galit sa mga mata nito. Nang mga oras na iyon, si Silang ang kahuli-hulihang taong gusto niyang magalit sa kanya.
“Bakit mag-isa ka lang dito?”
Napalingon siya sa pinanggalingan ng boses. “Silang?” gulat niyang usal.
Ibinaba niya ang paningin nang makitang matiim ang mga mata nito. Galit pa rin ito sa kanya. At hindi niya alam kung paano haharapin ang malamig nitong trato sa kanya. “Napakalamig dito. Dapat hindi ka umalis sa tabi ni Salinga. Mukhang wala ka namang ginagawa dito,” sermon nito.
Tinitigan niya ang nilalamig na paa. She fought the impulse to look at him. “Bakit mo ako sinundan?” mahina niyang tanong.
“Natural lang na sundan kita. Ako ang bantay mo, hindi ba?”
Malungkot niya itong sinulyapan. “Ang alam ko, ayaw mo akong makita.”
Baka napipilitan lang itong makita siya dahil lang sa tawag ng tungkulin. Pero baka kung ito ang papipiliin, mas gusto nitong umalis na siya sa tribo. Iniisip marahil nito na panggulo lang siya.
Kumunot ang noo nito. “Bakit mo naman naisip iyon?”
Kinagat niya ang labi. “Dahil sa nangyari kanina. Dahil… hinalikan kita,” halos pabulong niyang sabi. Ayaw nito ang pagiging vocal niya. Pero walang mangyayari sa kanila kung magkukunwari siyang walang nangyari. Hindi niya maaring balewalain ang halik na pinagsaluhan nila.
“Iyon ba ang dahilan kaya ka umiiwas?”
“Galit ka sa akin dahil hinalikan kita. Mali ang ginawa ko pero hindi ako manghihingi ng sorry.” Hindi niya naramdamang mali ang ginawa niya. “Nalulungkot lang ako dahil nasisira ang samahan natin. Ayoko sanang isipin mo na hinalikan kita para gantihan si Aldrich. I don’t know how to explain it. But what happened was…”
“Spontaneous,” dugtong nito. “Sinisisi ko rin ang sarili ko sa nangyari. Akala ko sinamantala kita. At hindi ko naisip na ikaw ang humalik sa akin. Ang alam ko, ako ang humalik sa iyo.”
“Ha?” bulalas niya. “Hindi ba ako ang humalik sa iyo?”
“I told you it was an impulsive reaction,” anito sa magaang boses. “Natural lang ang nangyari.”
“Tama ka,” sabi niya. Dapat lang siguro na kalimutan na nilang sisihin ang isa’t isa. Kung gagawin nilang malaking isyu ang halik, pareho lang silang maliligalig. Magiging komplikado lang ang lahat.
“Pwede na ba tayong bumalik sa kanila? Baka akala nila kung ano na ang nangyari sa iyo,” nakangiti nitong sabi. Hindi na ito kasing lamig tulad kanina. At parang lumiwanag ang madilim na gabi dahil sa ngiti nito.
Magkahawak-kamay silang bumalik sa paikot ng mga kadalagahan at kabinataan sa paligid ng bonfire. Naabutan nila si Langkawan na tumutugtog ng kalileng o noseflute habang nagkukuwentuhan pa rin ang iba.
“Para saan ang tinutugtog niya?” tanong niya kay Silang.
“Hinaharana niya si Inana. Si Langkawan ang pinakamagaling tumugtog ng kalileng sa amin. At magaling din siyang sumulat ng kanta.”
Sinulyapan niya ito. “Nakapang-harana ka na ba?”
“Hindi pa.”
“Gagawin mo rin ba ang ginagawa Langkawan kapag nanligaw ka?”
Tinitigan nito ang kaibigan. “Hindi ko alam. Hindi pa naman ako nanliligaw.”
Bumuntong-hininga siya. “Sana may mangharana rin sa akin nang ganyan.”
Niyakap niyang muli ang tuhod at pinakinggan ang panghaharana ni Langkawan kay Inana. Napaka-romantic naman ng ligawan dito. Hindi niya maiwasang maiinggit kay Inana. Kung may ganyan siguro siyang manliligaw, sasagutin na niya lalo kung kasing-guwapo ni Silang.
“Gamitin mo itong kumot,” anang si Silang at ipinatong sa balikat niya ang kumot na minsan nang ipinagamit nito sa kanya. “Nilalamig ka pa ba?”
Ngumiti siya nang matamis. “Hindi na. Salamat.” Hinapit niya ang kumot sa katawan niya. Parang yakap na rin siya ni Silang at lumulukob sa kanya ang mabango nitong amoy na naiwan sa kumot. Mas hindi niya maramdaman ang lamig kaysa kaninang nagpapainit lang siya sa apoy.
Nagulat sila nang biglang tumigil ang musika. Lumingon siya kay Langkawan at nakita ang biglang pag-alis ni Inana sa tabi nito na parang galit na galit. Sinundan naman ito ng naguguluhang si Langkawan. “Anong nangyari doon?” tanong niya.
“Hindi ko rin alam.” Pinisil nito ang kamay niya. “Huwag mo nang pansinin iyon. Kayang-kaya na ni Langkawan si Inana.”
Hindi na siya nagkomento at nakisali na lang sa kwentuhan nila Salinga. Tiningnan niya ang kamay niyang hawak pa rin ni Silang. Pagkatapos ay tiningnan niya ang mukha nito na lalong naging guwapo dahil sa ngiti sa labi nito. Alam na niya ang dahilan kung bakit nag-walkout si Inana. Nagseselos ito sa kanila ni Silang.
“INANG Negay, pwede po bang tumulong ako sa paghahanda ng hapunan?” tanong ni Aiesha nang lumapit dito habang nasa kusina at naghihiwa ng mga gulay.
“Huwag na, Aeisha,” sabi nito. “Magluluto kami ng pinikpikang manok. Kaya na namin iyon ni Salinga.”
“Ano po iyong pinikpikang manok? Parang pinaupong manok?” tanong niya.
“Tikman mo na lang mamaya,” nakangiting wika nito.
“Pero wala naman po akong gagawin dito.” Gusto niyang matuto ng gawaing-bahay. Pagbalik niya sa Manila, gusto niyang ipagmalaki na may natutunan siya lalo na pagdating sa kusina.
“Ina, nangungulit na naman ba si Aiesha?” tanong ni Silang na pumasok ng kusina habang bitbit ang isang buhay na native na manok.
“Gusto kasi niyang tumulong magluto.”
Napangiwi si Salinga. “Huwag na. Sumama ka na lang kay Kuya Silang na manguha ng kabute sa kakahuyan para pandagdag sa ulam natin.”
“Ako na lang,” sabi ni Silang.
Kinuha niya ang basket na nakasabit sa poste ng kusina. “Dito ko po ba ilalagay ang kabute?” tanong niya at hinatak ang kamay ni Silang. Hindi niya pinansin ang pagkontra nito. “Ayokong tumunganga dito. Halika na! Excited na akong manguha ng kabute.”
Walang nagawa si Silang kundi ang magpakaladkad sa kanya. Hindi pa rin niya binitiwan ang kamay nito hanggang makarating sila sa bungad ng kakahuyan.
Huminga siya nang malalim. “Hmmm… amoy pine trees.” At kapag naaamoy ang pine trees, naalala niya ang preskong amoy ni Silang.
“Hindi mo ba nami-miss ang Manila?”
Pumulot siya ng pine cone na nalaglag sa lupa at sinulyapan ito. “Hindi pa. Ewan ko nga kung mami-miss ko pa ang pollution at ingay.” Bagamat nami-miss niya ang pamilya at mga kaibigan, parang ayaw na niyang bumalik sa mundong ginagalawan. Lalo na’t naranasan na niya kung gaano kasarap ang simpleng buhay.
“Isang linggo ka na dito bukas,” sabi ni Silang at pumitas ng kabute na nasa ilalim ng puno ng saging.
Ngumiti siya. “See? Sabi ko sa iyo tatagal ako dito.”
“Nanalo ka na,” sabi nito. “Nakapag-isip ka na ba tungkol sa pagpapakasal sa boyfriend mo?”
Umupo siya sa tabi nito upang mailagay nito ang mga kabute sa basket na hawak niya. “Malapit na akong matapos mag-isip.”
Maaring nakuha na ni Aldrich ang sulat na ipinadala niya. Malapit na niyang mapatunayan kung mahal nga siya nito. Sana lang ay magtagumpay ang plano niya.
Pabalik na sila sa tribo nang may ilang tao silang natanaw mula sa malayo. Arogante ang lakad ng mga ito at wala sa itsura ang nagmula sa tribo o sa karatig na lugar. Lalo siyang kinabahan nang mahigpit siyang hawakan ni Silang sa kamay.
“Hindi ko gusto ang nararamdaman ko, Aiesha,” bulong nito. “Kapag inutusan kitang tumakbo, tumakbo ka na. Doon ka dumaan sa loob ng kakahuyan. Humingi ka ng tulong sa mga tao sa tribo.”
Humawak siya sa braso ni Silang sa sobrang takot. Subalit tinatagan niya ang loob. Alam niya kung sino ang mga taong iyon. Umaayon ang lahat sa plano niya. Kailangang siya ang makipag-negosasyon sa mga ito.
“Ikaw ba si Silang Aladeo?” tanong ng lalaking nasa unahan na pinakamatangkad. Sa palagay niya ay iyon ang leader ng grupo.
Pumunta si Silang sa unahan niya. “Ako nga. Ano ang kailangan ninyo?”
Ngumisi ang isang payatot na lalaki na may suot pang antipara. “Kayo ng babaeng ito. Sumama kayo sa amin.”
“Dala na ba ninyo ang kapalit?” lakas-loob niyang tanong.
“Anong kapalit ang sinasabi mo?” nagtatakang tanong ni Silang. “Tumakbo ka na!” utos nito at itinulak siya palayo.
Hindi niya naihakbang ang paa nang may humampas ng puluhan ng kuwarenta’y singkong baril sa mukha ni Silang. “Silang!” sigaw niya at dinaluhan ito.
Itinulak ulit siya nito. “Umalis ka na,” anito at hindi ininda ang sakit.
Habang tumatakbo siya ay nilingon niya ito. Nagpakawala ito ng sipa. Tinamaan ang kamay ng humampas dito at humagis ang baril. Hindi niya alam ngayon kung hihingi ng tulong. Siya ang nagsimula ng gulong iyon. Dapat ay siya ang makikipag-negosasyon. Pero kailangan niyang sundin si Silang. Lalo na’t may humahabol na rin sa kanya. Natigilan siya sa pagtakbo nang marinig ang putok ng baril. Kinalimutan na niya ang pagtakas at inisip si Silang. Baka nasaktan na ito. Iyon ang kahuli-hulihang gusto niyang mangyari. Ang tuluyan itong masaktan.
Bumalik siya sa pinag-iwanan niya kay Silang at naabutang nakatutok ang baril sa mukha nito habang nakalugmok ito sa lupa. “Huwag!” sigaw niya at ihinarang ang sarili. “Huwag ninyo siyang sasaktan.”
“S-Sabi ko tumakas ka na. Bakit matigas ang ulo mo?” may halong galit na tanong ni Silang.
Hinaplos niya ang duguan nitong mukha. Nagsisimula na ring mangitim ang bahagi ng pisngi nito na tinamaan ng puluhan ng baril. Mangiyak-ngiyak niya itong niyakap. “Hindi kita pwedeng iwan.”
“Tumabi ka diyan!” anang leader ng grupo at binitbit siya patayo. “Sa amin ka sasama, Miss. Iyon ang utos sa amin.”
“Bitiwan ninyo ako!” aniya at nagpapalag habang hinahatak palayo kay Silang. Tuluyan nang umagos ang luha niya nang makita kung paano ito pagtulung-tulungan ng mga naiwang lalaki.
Umalingawngaw sa kakahuyan ang sigaw niya. “Silang!”