Silang, The Fierce Warrior (Filipino) Chapter 25

“SILANG, anong gagawin ninyo kapag hindi pa rin umulan?” tanong ni Aiesha habang patungo sila sa lawa upang manguha ng wild berries gaya ng pangako nito. Maaga silang umalis dahil bandang hapon ay mag-aalay ng manok sa ato at buong gabi na namang patutugtugin ang gong at magsasayawan ang lahat.

Natuto siyang makasalamuha sa mga ito mula nang nagdaang gabi. Kahit naiilang ang ilan, ipinakita niya na hindi siya naiiba at hindi siya dapat layuan dahil lang sa magkaiba sila ng kultura o kinalakihan. Ipinakita niya na nirerespeto niya ang kultura at paniniwala ng tribong Gangan.

“Magdedeklara ng tengao o araw ng pahinga. Walang sinuman ang maaring magtungo sa mga bukid. Magkakaroon ng manaing kung saan isang grupo ang magdadasal na humihingi kay Lumawig na umulan.”

“Paano kung hindi na naman umulan?” Mahirap makipagbuno sa kalikasan lalo na’t hindi naman talaga panahon ng ulan noon.

“Isasagawa ang layaw. Kung saan nagkakagulo ang lahat at magkukuhanan ng pag-aari ng isa’t isa. Para kapag nakita ni Lumawig ang desperadong kalagayan namin dito sa lupa, magpapadala siya ng ulan.”

“Paano kung ayaw pa ring magpadala ng ulan ni Lumawig?”

“Mas pahahabain pa ang tengao. Ipagpapatuloy ang layaw. Tapos pagtagal-tagal, umuulan din.”

“Wild!” sigaw niya kasabay ang halakhak.

“Wala iyong ipinagkaiba sa paglalakad ng paluhod sa simbahan at pagpe-penitensiya. Ipinakikita ninyo sa Diyos na naghihirap kayo para mas ibigay agad ang mga hinihingi ninyo.”

“Oo nga, no?” sang-ayon niya. Natigilan siya nang mula sa taas ng kakahuyan ay natanaw niya ang asul na tubig. “Iyon na ba ang lake? Unahan tayo pababa. Ang matalo, siyang maghahanap at mamimitas ng berries.”

“At ano ang gagawin ng mananalo?”

“Wala. Magpapahinga sa tabi ng lawa. Iyong damuhan sa tabi ng lawa ang finish line natin.” Napagod siya sa paglalakad at parang gusto na lang niyang magpahinga habang pinapanood ang magandang tanawin at kumakain ng berries.

“Ayokong makipagkarera sa iyo,” sabi nito. “Para kang bata.”

“Hindi ko naman kasi naranasan na maglaro sa ganitong lugar noong bata pa ako. Maraming bawal kina Mommy. Puro pa yaya at maarteng bata ang kalaro ko. Mga ayaw mapawisan at madumihan.” Wala siyang planong mahawaan ng pagka-killjoy nito. Minsan lang siya makakapag-enjoy kaya lulubus-lubusin na niya. “Uunahan na kita. Ang matalo, siya ang mamimitas ng berries,” wika niya at nagpatiunang tumakbo pababa.

Malapit na siya sa ibaba nang maramdaman niya ito sa likuran niya. At sa halip na takbuhin ay tinalon na lang nito ang damuhan sa tabi ng lawa na nagsilbing finish line nila. Ngumisi ito at humarap sa kanya. “Paano iyan, talo ka na?”

Hinampas niya ito sa braso. “Mandaraya! Takbuhan ito. Ginawa mo namang long jump ang laban.”

Humalakhak ito. “Sige, maghanap ka na ng berries. Dito lang ako sa lawa.”

“Hindi mo ako sasamahan?”

Umupo ito sa damuhan. “Sabi mo, tutunganga lang ang nanalo dito. Kung ganoon, hihintayin ko na lang ang berries na napitas mo.”

“Paano kung may kumagat na ahas sa akin o sumugod sa aking hayop?”

“Wala,” anito at humiga. Inunan nito ang ulo sa braso. “Ligtas ka dito.”

Gusto sana niya itong awayin pero naalala niyang ilang gabi na itong walang tulog dahil sa manerwap. Baka iyon na lang ang oras nito para magpahinga.

Iniwan niya ito sa tabi ng lawa at naghanap ng berries sa mga palumpon ng halaman sa kakahuyan sa gilid ng lawa. “Wow!” excited niyang sabi nang makita ang mga asul at maliit na bunga ng berries. Pumitas siya ng isa at kumagat. “Masarap!” aniya at kumuha pa ng marami. Inilagay niya ang mga napitas na berries sa maliit na basket na ipinadala sa kanya ni Inang Negay. Mag-uuwi rin siya para dito.

Mapupuno na niya ang basket nang makaramdam siya ng pagod. Tama na ang nakuha niya para sa kanilang lahat. Pagbalik niya ay nakaupo si Silang sa tabi ng lawa. Ni hindi nito naramdaman ang paglapit niya. Gugulatin sana niya ito nang mapansin niyang may isinusulat ito sa lupa gamit ang patpat.

“Laylaydek sik a,” basa niya. “Ano iyon?”

Gulat itong napalingon sa kanya. “Bakit basta ka na lang nagsasalita? Akala ko namimitas ka pa.”

“Tapos na ako. Hindi mo lang ako napansin. Masyado kang engrossed sa isinusulat mo. Ano ang laylaydek sik a?” usisa niya. Nagpapaturo siya kay Salinga ng salita ng mga taga-Gangan. Pero hindi pa naituturo sa kanya ang salitang iyon.

Tumayo ito at binura ng paa ang nakasulat sa lupa. “Wala.”

“Masama ba ang salitang iyan at hindi mo mai-translate sa akin?”

“Makulit ka talaga,” anito sa boses na bahagyang iritado.

“Nagsusungit ka na naman. Nakakabawas ng kaguwapuhan iyan.” Kumuha siya ng berry sa basket. “Heto, kumain ka na lang para mawala kasungitan mo.”

Umiling ito. “Ayoko. Sa iyo na lang.”

“Hindi mo ako pwedeng tanggihan,”aniya at iniumang sa bibig nito ang berry.

Pinigilan nito ang kamay niya. Akala niya ay tatabigin siya nito pero isinubo nito ang berry na hawak niya habang hindi nito inaalis ang mga mata sa kanya. Nahigit niya ang hininga nang maramdaman ang init ng dila nito sa dulo ng daliri niya. Ilang sandali siyang naging paralisado. Walang sinuman sa kanila ang humihinga o gumagalaw habang nakatitig siya sa mga labi nito.

Sa isang kisap-mata ay magkahinang na ang mga labi nila. Hindi niya alam kung sino sa kanila ang unang lumapit, ang unang umangkin. Naramdam siya ng panghihina. Unti-unti nitong hinihigop ang lakas niya. Ni hindi niya namalayang naibagsak na niya ang basket ng berries.

Naramdaman din niya ang panghihina nito. Saka niya naramdaman ang lakas na nagmumula sa pagkatao niya. Ibinuka niya ang mga labi na parang nag-uudyok dito na palalimin ang halik. She could taste the remnants of sweet berries in his mouth. She went wild. She had never felt so wild because of a single kiss.

Isinuklay niya ang kamay sa buhok nito. She felt her soul burn. Isang kamay niya ang dumako sa tapat ng puso nito. Nararamdaman niya ang init ng katawan nito sa ilalim ng suot nitong polo. Both of them were in flame.

Ang mainit nitong labi ay ibang-iba sa malamig na labi ni Aldrich. Bawat dampi ay bumubuhay ng bagong sensasyon. Hindi niya alam kung paano papatayin ang apoy. Tanging nais niya ay magpatuloy iyon sa pagliyab.

Napadilat siya nang maramdaman ang mumunting patak. Tumingala siya nabasa ang mukha niya ng tubig na nagmumula sa langit. Excited niyang sinulyapan si Silang. “Umuulan na!” aniya at yumakap dito.

Kumalas siya nang hindi ito gumalaw o nagsalita man lang. Nang tingnan niya ito ay matiim ang mga nito habang nakatitig sa kanya. Pagkatapos nilang pagsaluhan ang isang mainit na halik, ngayon ay malamig na ito sa kanya. Wala itong iniwan sa perpektong iskultura na madalas niyang paghambingan dito.

“Pulutin mo na ang mga berries mo. Uuwi na tayo,” walang buhay nitong sabi at nagpatiunang maglakad.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.