“May naiisip ka na bang design para sa wedding gown mo? Saan ninyo planong magpakasal? Saan ang reception?” sunud-sunod na tanong ni Portia kay Aiesha. Galing sila sa art gallery at papunta sa isang bagong bukas na bar para mag-relax. Sinasamantala niya ang pagkakataon dahil kapag kasal na siya kay Aldrich, plano niyang bawasan ang paglabas-labas at dito ibuhos ang panahon.
“Gimmick natin ito. Ayoko munang isipin ang tungkol sa kasal dahil next year pa naman iyon. Isa pa, sila Mommy na ang nagplantsa sa halos lahat ng details. My opinion won’t matter,” aniyang pilit itinago ang iritasyon. Mas excited pa yata ang mga magulang nila ni Aldrich kaysa sa kanila.
Their wedding will not be a simple union of souls. It is also an alliance between the business and political world. Dadaluhan ng sikat na political at business personalities. She didn’t mind dahil iyon talaga ang mundong ginagalawan niya. And she didn’t care if some see it as a pact forged to strengthen their family’s stand in the influential world. Ang importante ay nagmamahalan sila ni Aldrich.
“Mas gusto mo ba ang simpleng kasal?” tanong nito. “Ayaw mo bang maging ninong at ninang ang president, vice president at senador ng Pilipinas?”
“I’m thrilled with the idea.” Sino ba ang tatanggi na maging ninong at ninang ang mga sikat at makapangyarihan sa bansa? “Pero sana hinayaan nila kami ni Aldrich na magplano sa kasal. Pati iyong designer na gusto ko, hindi nila sinunod. Gusto daw nila ang pinakasikat.”
Hindi pa daw sikat ang kaibigan niyang designer at baka disaster lang daw ang mangyari sa wedding gown niya. Samantalang mas subok na niya ang kaibigan kaysa sa ibang mas sikat. Unique kasi ang designs nito.
Tinapik nito ang braso niya. “Tama ngang kalimutan mo muna ang kasal mo. Baka tumanda ka sa sobrang konsumisyon at frustration.”
Jam-packed ang bar pagpasok nila at kanta ni Shakira ang pumapailanlang sa bar. “Doon tayo sa second floor para hindi masyadong crowded,” sabi niya.
“Ayaw mo bang makigulo dito?” tanong nito at bahagyang sumayaw at kumanta nang mag-chorus ang kantang Objection ni Shakira.
Hinila niya ito papunta sa hagdan. “Mamaya ka na magwala. Gusto ko munang magpahinga. Kung bakit ngayon pa nagsisugod ang mga kliyente natin.”
Pag-akyat nila ay halos puro magkasintahan ang naroon. Pawang magkakaakbay at naghahalikan. Walang pakialam sa ingay sa baba.
Napangiwi siya. “Mukhang out of place tayo dito. Sa baba na lang tayo.”
Nagtaka siya nang nakatigagal lang ito. “Ash, tingnan mo,” anito at may itinuro. “Hindi ba sina Minerva at Aldrich iyon?”
“Aldrich? Anong gagawin ni Aldrich dito? May cocktail party siyang pupuntahan,” natatawa niyang sabi at sinundan ang itinuro nito.
Namutla siya nang makilala ang pareha sa di kalayuan. Mahigpit ang yakap ng lalaki sa babae at habang ang huli naman ay binubuksan ang polo ng lalaki. As if it was a prelude to lovemaking.
Parang tinadyakan siya sa dibdib. Sa kabila ng bahagyang dilim, kitang-kita niya ang dalawa. Ang suot na polo ni Aldrich ay bigay niya dito nang nakaraang birthday nito. Ilang beses na rin niyang nakitang suot ni Minerva ang mala-manang na vest nito. Bagamat wala nang salamin, nakapusod pa rin ang buhok ni Minerva pero dahan-dahan na tinatanggal ni Aldrich sa pagkakatali.
“Geez, totoo ba ito? Boyfriend mo ba talaga iyon?” bulalas ni Portia na tinakpan ang bibig sa sobrang pagkabigla.
“Let’s go home,” matigas niyang sabi at tinalikuran ang eksena.
Wala siyang maramdaman kahit galit o sakit. Marahil ay awtomatikong nag-shut down ang pandama niya para hindi na niya maramdaman ang labis na sakit. Maging ang utak niya ay nakasara na rin.
“Bakit hindi mo sila komprontahin? Niloloko ka ni Aldrich nang harap-harapan. Wala ka bang gagawin? Nasaan na ang kilala kong Aiesha na fighter?”
“Don’t push it, Portia,” saway niya at lumabas ng bar.
Bahagya siyang nakahinga nang maramdaman ang malamig na hanging panggabi. Subalit hindi iyon sapat upang ibalik ang pakiramdam niya.
Kaya pala kahit anong magandang ipakita sa kanya ni Minerva, hindi pa rin niya ito gusto. Dahil may gusto rin ito kay Aldrich. At ngayon pa niya natuklasan ang pang-aakit nito sa nobyo niya kung kailan malapit na ang kasal nila.
Nagpapadyak sa inis si Portia. “I won’t allow this! He was sneaking and petting and kissing his secretary behind your back. At wala kang gagawin. Kung ayaw mong makipagsabunutan, I’ll do the dirty job for you,” panggagalaiti nito. Parang gusto na nitong ihinalahod si Minerva sa semento at gulpihin si Aldrich.
“Wala kang nakita, Portia. Hindi si Aldrich ang nakita mo. He loves me!”
Iyon na lang ang iisipin niya para hindi siya masyadong masaktan. Ikakasal na siya. Magiging masaya na siya. Isang pagsubok lang lahat para alamin kung hanggang saan ang pagmamahal niya kay Aldrich.
“Don’t be a fool, Ash!” nagpupuyos nitong sabi. “Si Aldrich ang nakita mo. Kung kaya mong utuin ang sarili mo, hindi ko kaya. Pwede mo sigurong isipin na hindi iyon si Aldrich. But how will you explain his saintly little secretary? Araw-araw ilang magkasama. Handa ka bang magkaroon ng kaagaw kay Aldrich?”
“Iyan ang hindi ko mapapayagan,” matigas niyang sabi.
Pero bago siya gumawa ng aksiyon, kailangan muna niyang malaman kung ano ang puno’t dulo ng relasyon ng dalawa. Baka si Minerva ang nang-akit kay Aldrich. At dahil lalaki, natural lang na maging mahina ito sa tukso. Girlfriend siya nito pero hindi pa siya nito nahalikan nang katulad ng nakita niya kanina.
“Kaya sugurin natin siya. Sabihin mo na alam mo na ang totoo.”
Hindi niya pinansin ang pagnunulsol nito at nag-dial sa cellphone. Kapag nasa oras ng kagipitan, mas dapat paganahin ang isip kaysa sa emosyon. “Hello, Calvin. I got a job for you.”
“HOW could that ogre do this to you?” gigil na gigil na sabi ni Portia at ihinagis ang mga picture na kuha nina Minerva at Aldrich sa ibabaw ng desk niya.
Nasa art gallery siya nang I-deliver ng kaibigan niyang private detective na si Calvin ang resulta ng imbestigasyon. Bago pa sila magkakilala ni Aldrich ay lihim na nitong nobya si Minerva.
Walang emosyon niyang tiningnan ang mga larawan. Kahit paano ay napaghandaan na niya ang resulta. Ang apartment na tinitirhan ni Minerva ay si Aldrich ang nagbabayad. May mga larawan pa na magkasama ang dalawa. At sa tulong ng telephoto lens ay iba pang larawan habang nasa loob ng apartment ang dalawa. Bukod pa sa mga pribadong lugar kung saan hindi umaakto si Minerva bilang ‘sekretarya’ nito. Gusto niyang paglalamukusin ang mga iyon at itapon. Pero hindi naman niyon mabubura ang katotohanan na may kahati siya sa nobyo.
“Ano ang plano niya kapag kasal na kayo? Gawin niyang mistress si Minerva?”
Nagkibit-balikat lang siya at inalis ang tingin sa mga larawan. “Baka maghiwalay din sila. Hindi lang makakuha ng tiyempo si Aldrich.”
“Ano pa bang tiyempo ang kailangan niya? Engaged na kayo at hindi iyon lingid kay Minerva.”