Silver Belles-Santi, Baby Chapter 1

Panay ang sulyap ni Santi sa labas ng bintana sa likod ng sofa na inuupuan niya sa loob ng bahay nila. Isang makapal na libro ang hawak niya. Pero ni isa sa mga salitang nakasulat doon ay hindi pumapasok sa utak niya. For once, he didn’t care about reading or studying. Dahil ang mas nangingibabaw sa isip niya ng mga sandaling iyon ay ang pagdating ng kaeskwela at kaibigang si Nikki.

Bukas ay Lunes. May pasok na ulit sila sa eskwela. Posibleng makita rin naman niya sa eskwelahan si Nikki. Pero mas gusto niyang masabi kay Nikki ang gusto niyang sabihin nang walang ibang kaeskwela o kaibigan nito ang nakakakita.

Kusang umangat ang mga sulok ng mga labi niya nang matanaw niya ang pagpasok sa gate nila ng dalagitang hinihintay. Itinutulak ni Nikki ang pink na bike nitong may puting basket sa harapan. May mga libro at notebook sa loob ng basket. Magpapaturo na naman ito sa kanya ng assignment nito. Bukod sa mga libro at notebook ay may plastic container din sa loob ng basket.

At pupusta siya, kung hindi macaroons ang laman ng plastic container, lumpiang shanghai iyon na iniluto ng Lola Ima nito. Mga pagkaing alam ni Nikki na paborito niya. Mga pagkain na madalas ipanuhol ni Nikki sa kanya para makumbinsi siya na siya na ang gumawa ng assignment o kaya project nito imbes na turuan lang niya ito kung paano gawin ang mga iyon. Pero malas lang ni Nikki dahil hindi siya nito makukuha sa kahit na anong suhol. Kaya naman hanggang ngayon, hindi pa rin siya nauuto ng dalagita na gawin ang assignment o project nito para dito.

Narinig niya ang masiglang pagbati at pangungumusta ni Nikki sa matandang kasambahay ng pamilya niya na si Manang Bising sa may front door ng bahay nila. Maya-maya pa ay natanaw na niya ang dalaga na papasok sa main living room ng bahay nila.

Si Nikki lang yata ang taong nakita niya na kahit pawisan at pagod mula sa pagba-bike ay mukhang napakabango at napakaganda pa rin. Pero hindi na niya pinagtakhan iyon. Dahil may pagkabanidosa naman talaga ang dalagita. Bagay na sigurado siyang namana ni Nikki sa lola nitong si Lola Ima. Sa kabila kasi ng edad ni Lola Ima, hindi pa yata niya nakikita ang matandang babae na walang make-up sa mukha, mapa-umaga man o gabi. Lagi ring nakapostura ang matandang babae na akala mo ay may pormal na party na dadaluhan lagi. Dating aktres at singer daw si Lola Ima kaya ganoon.

At itinuro ni Lola Ima ang lahat ng beauty regiments nito kay Nikki. Kaya laging mukhang napakabango at napakaganda ni Nikki ay dahil sa maya’t mayang pag-aayos ng dalagita sa sarili at pagtingin sa salamin. Sa lahat ng mga babae sa eskwelahan nila, malamang isa si Nikki sa mga babaeng nasa grade 6 pa lang yata ay marunong nang maglagay ng lipstick at foundation sa mukha. Kaya ngayong nasa fourth year highschool na sila ay bihasang-bihasa na ito sa pag-aayos ng sarili.

Nakasuot si Nikki ngayon ng pink shorts at white t-shirt na may mukha ng paboritong cartoon character nito na si Tweety. Naka-ponytail ang itim, mahaba at napakalambot na buhok ng dalagita at nangingintab ang mga labi sa lip gloss. Namumula rin ang mga pisngi ng dalagita dahil sa magkahalong blush on at pagkahapo bunga ng pagba-bike ng dalagita mula sa subdivision nito patungo rito sa subdivision nila.

Kadalasan ay siya ang nagpupunta sa bahay ng dalagita at ni Lola Ima kapag magpapa-tutor ang dalagita sa kanya. Pero dahil sa na-sprain ang paa niya matapos siyang matapilok sa sneakers na iniwan sa hagdan ng magaling niyang Kuya Harley, si Nikki na lang ang nagpunta rito sa bahay nila.

Naiinis na niyuko ni Santi ang mga kamay. Inilapag niya sa ibabaw ng coffee table ang hawak na libro. Saka niya ipinunas sa suot na pants ang biglang namawis na mga kamay. Bahagyang nanginginig na rin ang mga kamay niya.

Bumunot siya ng malalim na paghinga. Kailangan niyang maging kalmado. Wala naman siyang dapat ikatakot, hindi ba? Matagal na niyang kaibigan si Nikki. Matagal na niyang kilala ang dalagita. Second year highschool pa lang ay magkakilala na sila. At anuman ang ipagtatapat niya kay Nikki ay hindi naman siguro mamasamain ng dalagita.

Simple lang naman ang gagawin niya. Magtatapat lang siya ng damdamin niya para sa dalagitang matagal na niyang lihim na nagugustuhan. Hindi naman kasalanan ang nararamdaman niya, hindi ba? Hindi naman kasalanan na matutunan niyang mahalin ang matalik na kaibigan. Pero kinakabahan at ninenerbiyos pa rin talaga siya.

Paano kung magalit si Nikki? Paano kung iwasan na siya ng dalagita? Paano kung ayaw na siyang maging kaibigan ng dalagita dahil sa ipagtatapat niya? Paano kung mali pala siya sa iniisip niya na pagkakapareho ng damdamin nila para sa isa’t isa?

Ipinilig ni Santi ang ulo upang palisin ang mga agam-agam sa isip niya. He’s now seventeen. Isang taon na lang ay iiwanan na niya ang pagiging menor de edad. At kung hindi niya pa rin matutunan ngayon kung paano panindigan ang mga desisyon niya, kailan pa?

Isa pa, si Nikki din naman mismo ang nagpayo at nag-udyok sa kanya na bawasan niya ang pagiging mahiyain at tahimik niya. Isa raw sa mga dahilan kaya siya binu-bully ng mga kaeskwela nilang walang maggawa sa buhay ay dahil sa sobrang kawalan ng imik niya. Lakasan daw niya ang loob niya. Maging matapang raw siya. At bawasan daw niya ang pagiging kimi niya kapag may kaharap na ibang tao.

Seventeen na siya at fifteen lang si Nikki. Pero minsan, kung umasta ang dalagita ay parang mas matanda pa ito sa kanya. Nag-uumapaw ang confidence ng dalagita na minsan nasasabihan itong mayabang ng ibang hindi lubos na nakakakilala sa dalagita. Samantalang ang confidence niya, kulang na kulang. Bagay na kung tutuusin ay baligtad. Dahil siya, nanggaling sa buo at masayang pamilya. Hanggang ngayon nagsasama pa rin ang Mama at Papa niya. At kahit minsan nagtatalo sila ng mga kuya niya, alam niyang maaasahan niya ang mga ito anumang oras.

Samantalang si Nikki ay ni hindi kilala ang mga tunay na magulang nito. Sapagkat ipina-ampon lang si Nikki kay Lola Ima ng dating manikurista ni Lola Ima noong magta-tatlong taong gulang pa lang si Nikki. Ayon sa dating manikurista ni Lola Ima na si Chona, ibinilin lang raw kay Chona ng isang kaibigan nito si Nikki noong ilang buwang taong gulang pa lang si Nikki. Sabi raw kay Chona ng kaibigan nitong si Heidi, mangingibang-bansa si Heidi para may maipakain sa anak. Hindi raw kasi pinanagutan ng dating nobyo si Heidi nang mabuntis kay Nikki.

Pero noong mga unang dalawa hanggang tatlong buwan lang raw nakipag-ugnayan si Heidi kay Chona. Tatlong buwan lang na nagpadala ng pera si Heidi kay Chona para sa gatas at mga pangangailangan ni Nikki. Pagkatapos niyon ay hindi na raw nakipag-ugnayan pa si Heidi kay Chona. Parang bulang bigla na lang naglaho si Heidi at walang makapagsabi kay Chona kung nasaan na ang babae.

Hanggang mag-tatlong taong gulang si Nikki ay nasa poder ito ni Chona. Pero nang mag-asawa raw si Chona ay tumanggi ang napangasawa nito na patuloy na kupkupin at alagaan si Nikki. Kaya naman naghanap si Chona ng mag-aampon kay Nikki. Doon na napunta si Nikki kay Lola Ima.

Nikki always knew she was adopted by Lola Ima. Alam ni Nikki ang buong istorya kung paano ito napunta kay Lola Ima dahil bata pa lang raw si Nikki, sinabi na rito ni Lola Ima ang totoo. Nikki had been rejected twice even before she was five years old. And yet, she was never insecure, never uncertain and never doubted her own worth. Buong-buo ang tiwala ng dalagita sa sarili sa kabila ng naranasan nito sa murang edad nito.

Kaya naman mas lalong nanliliit si Santi sa sarili sa tuwing ikinukumpara niya ang kawalan niya ng tiwala sa sarili niya sa buong-buong loob ni Nikki. Siya na walang dahilan para pagdudahan ang pagkatao at pamilyang pinagmulan niya ang siya pang duwag, mahiyain at susukot-sukot.

Bumunot siya ng malalim na paghinga. Pero ngayon, magbabago na iyon. Hindi na niya hahayaan pa ang pagiging mahiyain niya na diktahan ang lahat ng ikinikilos niya.

Nikki doesn’t deserve to be with a weak and cowardly man.

Karamihan sa mga kaedad ni Santi ay may mga naging nobya na. Subalit dahil mas nakatuon ang interes at atensyon niya sa pag-aaral, hindi siya nabahala na siya na lang sa kanila ng mga kaklase at mangilan-ngilang kaibigan niya ang wala pang nobya o nakakaranas na manligaw. Walang saysay din naman sakaling subukan nga niyang manligaw dahil alam niyang basted agad siya.

Sino ba naman kasi ang gugustuhing maging nobyo ang isang payat na nga ay malalaki pa ang mga mata na tulad niya? Tukso nga sa kanya mula pa pagkabata niya, mukha raw siyang tutubi. Payat pero ang lalaki ng mga mata. Sa kanilang tatlong magkakapatid na pawang mga lalaki, siya lang yata ang hindi namana ang hitsura ng mga magulang nila.

Ang Kuya Gadiel at Kuya Harley niya ay parehong namana ang gandang lalaki ng dating aktor na ama nilang si Iago Silverino. Samantalang siya, namana ang hitsura niya sa side ng ina nilang si Opal Santiago Silverino. Pero ang mga features na maganda sa kanilang ina, hindi magandang tignan sa kanya.

Magsisinungaling siya kung sasabihin niyang balewala na sa kanya ang mga pambubuskang natatanggap niya dahil sa hitsura niya. Pero mula nang maging kaibigan niya si Nikki, nabawasan na ng bigat, lason at sakit ang mga pang-aasar na naririnig niya.

Lalo pa at si Nikki ay isa sa mga itinuturing na pinakamaganda sa buong eskwelahan nila. Kahit nga mula sa college department ng eskwelahan nila ay may mga manliligaw ang dalagita.

Thirteen pa lang si Nikki nang una niya itong makilala. Nahulog ang ID ng dalagita sa labas ng eskwelahan nila at siya ang nakapulot niyon. No ID, no entry ang patakaran sa eskwelahan nila kaya naman pagdating niya sa gate, naabutan niya pa si Nikki na nakikipagtalo sa guard na ayaw itong papasukin. Lumapit siya sa dalagita at isinauli rito ang ID nito. Kulang na lang halikan siya ni Nikki sa labis nitong pasasalamat sa pagkakadampot niya sa ID nito.

Apparently, may test ang dalagita nang araw na iyon at mali-late na ito sa klase nito. Pareho silang second year highschool pero iba ang section ng dalagita kaya noon lang niya ito nakilala. Class A siya samantalang si Nikki naman ay nasa Class C. Transferee si Nikki nang taon na iyon kaya sa lowest section ito napunta.

He was charmed by her bubbly personality and her friendly smile. Akala niya doon na lang nagtatapos ang pagkakakilala nila. Kaya naman nagulat siya nang kinabukasan sa recess ay lapitan siya ni Nikki kasama ang dalawang kaibigan nito habang kumakain siya sa loob ng canteen. Parang matagal na silang magkakilala at magkaibigan na nakipag-usap si Nikki sa kanya at ipinakilala siya sa mga kaibigan nito.

Mula nang araw na iyon ay naging kaibigan na niya si Nikki. Kahit na nasa Class B na ngayon ang dalagita ngayong fourth year nila at siya ay nananatiling nasa Class A pa rin, hindi nawala ang pagiging malapit nila sa isa’t isa. Ang nakakahiya lang, siya ang lalaki pero mas madalas sa hindi ay siya pa ang ipinagtatanggol ni Nikki sa mga nambu-bully sa kanya sa eskwela nila.

Hindi siya basagulero kaya kadalasan pinapalampas na lang niya ang mga kaklase o kaeskwela niyang nang-aasar sa kanya. Pero hindi pwede ang ganun kay Nikki. Ang dalagita pa talaga ang nakikipag-away sa mga lalaki nilang kaeskwela na naririnig o nakikita nitong nambu-bully sa kanya. Tuloy, lalo lang siyang inaasar na lampa at walang buto ng mga kaeskwela. Dahil babae pa nga naman ang nagtatanggol sa kanya.

Hindi niya alam kung kailan siya nagsimulang mahulog ang loob kay Nikki. Parang basta na lang isang araw, natagpuan niya ang sarili na hindi na basta kaibigan lang ang tingin sa dalagita. Akala niya, hindi pa ngayon ang panahon para maranasan niyang umibig. Wala pa naman kasi iyon sa plano niya.

Pero balewala ang mga plano niya dahil puso na niya ang nagdikta. Mahal niya si Nikki. At malakas ang pakiramdam niya na mahal din siya ni Nikki. Madalas nga ay binibiro at pinaparinggan siya ni Nikki na marami raw ang nag-iisip sa mga kaeskwela nila na magnobyo na sila.

Pero sa tingin niya, hinihintay ni Nikki na siya ang maunang pormal na magsabi ng nararamdaman niya. Kahit na matabil ang dila ng dalagita at prangka kadalasan, babae pa rin ito. Bagamat hindi tipikal na mahinhin o mahiyain si Nikki. Hindi ito diretsong makapagsasabi ng nararamdaman nito para sa kanya. Siya bilang lalaki ang dapat maunang magtapat.

Ilang buwan na lang ay graduation na nila. Maghihiwalay na sila ng papasukang eskwela. Kaya hindi na niya dapat palampasin pa ang pagkakataong mayroon siya ngayon. At para mawala na rin ang agam-agam sa mga isip nila, magtatapat na siya ngayon sa dalagita.

“Hi, Santiago!” masayang bati ni Nikki nang pumasok sa living room ng bahay nila.

Javier ang totoong pangalan niya. Javier Santiago Silverino. His family and friends used to call him Javier. Pero magmula nang magkamali ng basa si Nikki sa last name niya na inakala nitong Santiago imbes na Silverino, Santiago na ang madalas nitong itawag sa kanya. Si Nikki din ang nagpaikli sa Santiago at nagbansag sa kanya ng Santi. Tuloy pati ibang tao ay Santi na ang itinawag sa kanya.

Labas-masok na si Nikki sa bahay nila. Magiliw na magiliw sa dalagita ang mga magulang niya pati na ang mga kuya niya. Kung maaari nga lang, tiyak inampon na ng Mama niya ang dalagita.

Una, dahil matagal nang gustong magkaroon ng babaeng anak ng ina niya. Pangalawa, dahil kahit minsan may pagka-maldita rin si Nikki ay likas na mabait naman ito. At pangatlo, dahil nagpapasalamat ang ina niya kay Nikki sa pakikipagkaibigan ni Nikki sa kanya.

Pasalampak na naupo sa tabi niya si Nikki.

“Kumusta na ang paa mo? Masakit pa rin ba?” untag ng dalagita na inginuso ang na-sprain niyang paa.

Salamat sa nakaharang sa hagdan na sneakers ng Kuya Harley niya, nadulas siya at muntik magpagulong-gulong sa hagdan kagabi. Buti na lang nakahawak agad siya sa hand rails. Gayunpaman, na-sprain pa rin ang kanang paa niya.

“Bawal ko pa raw ilakad pero hindi na gaanong makirot.”

“Bakit ka kasi nag-tumbling sa hagdan? Tsk, tsk, ingat-ingat din, Santiago,” palatak ni Nikki. Saka nito iniabot sa kanya ang plastic food container na dala nito. “Nagluto si Lola Ima ng lumpiang shanghai for you. Isang dozen iyan kanina. Kaso nagutom at napagod ako sa pagba-bike papunta rito kaya kinain ko na ‘yung kalahati.”

Binuksan ni Santi ang plastic food container.

“Salamat. Kahit five and a half dozen na lang ang itinira mo,” palatak niya dahil iyong isang lumpiang shanghai, kalahati na lang.

“You’re welcome! Gawin na nating even number, akin na lang rin iyan,” ani Nikki sabay dampot sa kinalahati na nitong lumpiang shanghai. Isinubo nito iyon ng buo.

“Five is an odd number, Nikki, hindi even.”

“Eh ‘di odd number. Dito na ba tayo gagawa ng assignment ko?”

“Um, teka, Nikki, may gusto sana akong sabihin sa iyo…”

Napatingin si Santi sa nakabukas na pintong pinasukan ni Nikki. Saka siya sumulyap sa gawi ng dining room kung saan abala sa paglilinis ang mga kasambahay nila. Walang ibang tao ngayon sa bahay nila maliban sa kanya at sa dalawang kasambahay nila. Nag-date ang mga magulang niya at ang mga kuya naman niya at pinsang si Cinda ay may kanya-kanyang lakad din.

“Ano ‘yun?” untag ni Nikki.

”Mamaya ko na sasabihin, pagkatapos nating gawin iyang assignment mo,” sagot niya dahil nahihiya siyang baka marinig nina Ate Lingling at Manang Bising ang gagawin niyang pagtatapat sa dalagita.

Bahagyang kumunot ang noo ni Nikki. Isang nagtatakang ngiti ang sumilay sa mga labi nito. Bahagyang ikiniling pa nito ang ulo.

“Ano ba iyon? Bakit mukhang seryosong-seryoso ka? Bakit hindi mo pa ngayon sabihin?” giit na pag-uusisa ng dalagita.

“Mamaya na nga. Ano’ng subject ba iyang assignment mo?”

“Physics saka Economics. Pero, teka, sabihin mo na muna ‘yung sasabihin mo. Pa-suspense ka pa eh.”

“Mamaya na nga. Tara, doon tayo sa gazebo para mahangin.”

“Teka, teka, kaya mo bang humakbang? Baka naman bumagsak ka pa habang nagkakandirit papunta roon. Dito na lang tayo.”

“Gagamitin ko ‘yung lumang tungkod ni Lolo Toper,” aniya tukoy ang yumaong lolo niya na dito rin sa kanila nakatira noong nabubuhay pa.

“Bahala ka. Pero para sure na hindi ka magda-dive na naman sa sahig na walang tubig, humawak ka sa akin.”

~~~~

PrevNext

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.