“Bilog na bilog ang buwan, Santiago. Kapag ganyan daw ang buwan, naglalabasan ang mga maligno, aswang at may sira ang ulo!”
Natatawang napailing si Santi sa pananakot ni Nikki habang inililigpit nila ang mga libro at notebook nito. Katatapos lang nilang gawin ang mga assignments ng dalagita. Magkaharap na nakaupo sila sa garden set na nasa loob ng gazebo na nasa gitna ng malawak na hardin ng bahay nila. Paboritong lugar ng mama niya ang gazebo. Madalas doon nagpapalipas ng oras ang mga magulang niya.Kwento pa sa kanilang magkakapatid ng mama nila, sa ekskatong lugar kung saan nakatayo ang gazebo raw inalok ng kasal ng papa nila ang mama nila. Matagal na kasi sa pamilya ng mama niya ang lupaing kinatatayuan ng bahay nila. Kaya naman doon rin sa eksaktong lugar na iyon niya nais pormal na ipagtapat kay Nikki ang damdamin niya para dito.
Tumingala siya sa langit. Tama si Nikki, bilog na bilog nga ang buwan. Kahit siguro hindi nakasindi ang mga poste sa loob ng hardin ay sapat na ang liwanag ng buwan upang magsilbing ilaw nila. Dumagdag pa sa liwanag na tumatanglaw sa kanila ang mga makukulay na Christmas lights na nakasabit sa mga puno sa loob ng hardin. May mga umiilaw na parol pa sa ilalim ng bawat poste. Last week pa lang ng November ay isinabit na ang mga iyon ng mama niya. At malamang hanggang sa second week pa ng January na nakasabit ang mga iyon roon.
Tila nakikisama naman ang panahon sa binabalak niyang pagtatapat ng damdamin sa dalagita. Hinihipan ng malamig na hangin ang sari-sari at mababangong bulaklak na tanim ng mama niya. Kaya mistulag niyayakap silang dalawa ni Nikki ng halimuyak ng pinaghalo-halong bango ng mga bulaklak.
“Ikaw lang ang takot sa multo, aswang o maligno, Nikki. Malamang nga kung biglang may umalulong na aso dito, iiwan mo ako rito at kakaripas ka ng takbo hanggang sa inyo,” tudyo niya sa dalagita na ni manood ng patalastas ng horror movies o horror shows sa TV ay iniiwasang gawin.
“Oo na, oo na, duwag na ako. Ikaw na ang matapang. At wirdo!”
“Wirdo porket mahilig ako sa horror? Ikaw at si Cinda ang wirdo. Alam naman ninyong hindi totoo ang mga iyon pero takot na takot pa rin kayo.”
Tulad ni Nikki, hindi rin mahilig sa horror ang pinsan niyang si Cinda na nakapisan na ngayon dito sa kanila. Limang taong gulang lang si Cinda nang mamatay ang mga magulang nitong sina Tito Israel at Tita Jessa. Pinsan ng dad niya si Tita Jessa. Nang maulila si Cinda ay napunta ito sa poder ni Tita Leah, ang half-sister ni Tita Jessa. Pero three years ago ay natuklasan nilang pinagmamalupitan pala ni Tita Jessa at ng asawa ng babae si Cinda. Kaya naman ginawa ng mga magulang niya ang lahat para makuha si Cinda mula sa poder nina Tita Jessa.
At dahil magka-edad sila, mas parang kapatid kaysa pinsan niya si Cinda. Iyon nga lang, hindi sila magkaeskwela dahil ayaw mag-transfer ni Cinda sa eskwelahan niya.
“Paano ka naman nakakasiguro na hindi sila totoo?” untag ni Nikki.
“Bakit, nakakita ka na ba ng aswayng, multo o maligno? Hindi pa naman, ‘di ba?”
“Bakit nakita mo na ba ang utak mo? Hindi pa rin naman, ‘di ba? Meaning hindi rin totoo na may utak ka?” pilosopong tugon ni Nikki.
Napapalatak at napailing na lang si Santi sa eksasperasyon.
“Sige na, sige na, panalo ka na naman,” aniya.
Malawak ang ngising tumango-tango naman ang dalagita at tinapik-tapik pa siya sa ulo.
“Iyan, ganyan nga. Matuto kang umamin at tumanggap ng pagkatalo. Teka, ano nga ba kasi iyong sasabihin mo dapat kanina? Sabihin mo na! Pa-suspense ka pa masyado,” anito.
Sa halip naman na sagutin na ang dalagita, bumunot si Santi sa bulsa ng pantalon niya. Naglabas siya ng lighter. Hindi siya naninigarilyo. Sasakalin siya ng mama niya at pakakainin siya ng papa niya ng upos ng sigarilyo kung maninigarilyo siya. Wala siyang balak gumaya sa mga kuya niya na pinakain ng papa nila ng upos ng sigarilyo nang malaman ng mama nila na naninigarilyo ang mga kuya niya.
Pero kahit hindi siya naninigarilyo, hindi siya nawawalan ng lighter sa bulsa. Ginagamit niya kasi ang lighter na iyon para sa magic tricks na hilig niyang aralin at gawin kapag wala siyang ibang maggawa. Nagkaroon siya ng interes sa pagma-magic nang makita niya iyon sa isang kabarkada ng Kuya Harley niya. Noong una ay sa kabarkada ng kuya niya siya nagpapaturo. Pero ngayon, siya na mismo ang naghahanap ng mga libro at videos tungkol sa pagma-magic. At mag-isa niyang pinag-aaralan ang mga magic tricks na nagugustuhan niya.
“Ano’ng mas gusto mo, Hershey’s kisses o chocolate heart?” tanong niya kay Nikki.
Itinukod ni Nikki ang mga siko sa ibabaw ng salaming mesa ng garden set. Titig na titig na ang dalagita sa mga kamay niya. Si Nikki ang paborito niyang pakitaan ng magic tricks niya. Nakakaaliw kasi ang pagkukunwari ng dalagita na hindi ito namamangha kapag perpekto niyang naisasagawa ang magic tricks niya. Pero mas nakakaaliw ang frustration ng dalagita kapag kahit na anong gawin nito ay hindi pa rin nito mahuli ang sikreto sa magic trick niya.
“Hmm...Toblerone!” nang-aasar ang ngising sagot ni Nikki sa kanya.
Sinimangutan ni Santi ang dalagita. Hershey’s kisses at chocolate heart lang ang naikubli niya sa hidden pocket ng pants niya.
“Hershey’s kisses at chocolate heart lang ang pagpipilian mo. Huwag kang makulit.”
“Fine! Fine! Hershey’s kisses. Para katumbas na rin ng tunay na kisses!”
“Tunay na kisses? At kaninong kisses naman ang gusto mo? Huwag mong sabihing pinagtataksilan mo na ako?!” kunway galit na aniya habang inilalapit sa mukha ng dalagita ang nakakuyumos na papel na gagamitin niya para sa magic trick na gagawin.
“Umamin ka na kung sino ang lalaki mo! Si Dodong na anak ni Aling Charing, ano?! Ang anak ng nanay niyang tupang iyon! Kaya pala lagi kang may dalang sampaloc candy! Galing sa kanya lahat ng iyon!” nakapagbibiro pa siya sa kabila ng walang sinlakas na tibok ng puso niya habang minamasdan ang aliw na aliw na anyo ni Nikki.
Eksaheradong pinalaki ni Nikki ang mga mata. Inilapat pa ng dalagita sa mga pisngi nito ang dalawang palad.
“Oh no! Alam mo na ang totoo tungkol sa amin?! Kanino mo nalaman?! Patawarin mo ako, Santi, pero hindi na namin mapigilan pa ang tunay na nararamdaman namin! Aamin na ako, nag-iibigan nga kami ni Dodong! At balak na naming magtanan bukas ng tanghaling tapat! Hindi ka namin nais saktan! Hindi namin nais na durugin ang puso mo at lagyan iyon ng asin, paminta, bawang at toyo!” kunway humihikbing malakas na pahayag ni Nikki.
Dinampot pa ng dalagita ang isang piraso ng scratch paper na ginamit nila kanina sa paggawa ng assignment nito. Nagkunwari si Nikki na panyo ang scratch paper at nagkunwari itong idinadampi iyon sa ilalim ng mga mata nito. Hindi pa nakuntento, nagkunwari pa ang dalagita na sumisinga sa papel.
Nagpipigil matawa sa hitsura ng dalagita na napailing siya.
Pagdating sa pagiging melodramatic, talo pa rin talaga siya ng dalagita. Sinindihan na niya ang kinuyumos na papel. Subalit bago maupos ang buong papel na hawak niya sa kanang palad niya, itinakip niya ang kaliwang palad niya sa nag-aapoy pang papel.
“Santi!” singhap ni Nikki sa magkahalong pagkagulat at takot.
Napatayo pa ang dalagita at napalapit sa upuan niya. inabot nito ang kamay niya. Pero nang ibuka niya ang mga palad, sa halip na abo ng nasunog na papel o napaso sa apoy na kamay niya ang bumulaga sa dalagita, tatlong piraso ng Hershey’s kisses ang nasa gitna ng mga palad niya.
Malawak ang ngiting sumilay sa mga labi niya nang makita niya ang pagkamangha at labis na paghangang bumakas sa anyo ni Nikki.
“Paano mo naggawa iyon?! Bakit hindi ka napaso? Saan mo kinuha ‘yang Hershey’s?” sunod-sunod na untag ni Nikki habang nakatitig sa mga palad at mga braso niya.
“Kaya bang gawin iyan ni Dodong ni Aling Charing?! Hindi niya kaya iyan!” pagmamalaki naman niya.
Ibinigay niya ang tatlong piraso ng Hershey’s kisses kay Nikki.
Nakakunot-noo pa rin pero napapalatak at napapangiti nang tinanggap ng dalagita ang mga tsokolate. Hinawakan ng dalagita ang mga kamay niya at kinapa-kapa iyon. Tinitignan nito kung napaso ba siya at kung saan niya posibleng ikinubli ang mga tsokolate gayong hindi naman siya nakasuot ng long sleeved na damit.
“Paano mo nga naggawa iyon, Santi?! Buti hindi ka napaso! Sira ka talaga! Huwag mo nang uulitin iyon!”
Napangiti siya sa pag-aalalang hindi maikakaila sa anyo at boses ng dalagita. Nakakaaliw nga ang pagkamangha at pagkatuliro ni Nikki habang pilit inaalam kung paano niya naggawa ang magic trick niya. Pero nakakataba ng puso ang pag-aalala nito na baka napaso siya.
“Saan mo nga itinago ang mga ito, Santiago? At paanong hindi ka napaso?”
“Sikretong malupit na sasabihin ko lang sa babaeng pakakasalan ko balang araw,” aniya.
Sa lakas ng tibok ng puso ni Santi, pakiramdam niya pati mga aliens na nakatira sa ibang galaxy ay naririnig na iyon. Hinawakan niya ang mga kamay ni Nikki. Bumunot siya ng malalim na paghinga at dahan-dahang pinakawalan iyon.
“Ang daya mo naman,” simangot ng dalagita sa kanya. “Ibig sabihin wala ka talagang balak sabihin sa akin kahit kailan?”
“Siyempre sasabihin ko sa iyo. Sabi ko nga, ‘di ba, sasabihin ko lang ang sikreto sa lahat ng magic tricks ko sa babaeng pakakasalan ko.”
“Ha?” sambit ni Nikki na napuno ng pagtataka ang anyo.
Lumunok si Santi upang mawala ang malaking bikig sa lalamunan niya. Sinalubong niya ang tingin ni Nikki. Saka bumuka ang mga labi niya upang bigkasin ang mga kataga at pangungusap na ilang beses na niyang prinaktis sa isip niya.
“I love you, Nikki. And someday, when we’re both ready, I’m going to marry you.”
Iglap na naglaho ang kaaliwan at pagtataka sa mukha ni Nikki. Nangunot ang noo nito. Umawang ang bibig pero walang katagang sinambit. Ilang beses pang napakurap-kurap ang dalagita na parang naluluha.
Muling lumunok si Santi. Parang biglang nanuyo ang lalamunan niya. Mas dumoble ang bilis ng pagtibok ng puso niya.
“A-ano…?” maya-maya ay anas ni Nikki.
“Mahal na mahal kita, Nikki. Papayag ka bang maging girlfriend ko?”
Napaawang ang mga labi na napatitig si Nikki sa kanya. Malakas na napasinghap ito. Bumukas-sara pa ang mga labi ng dalaga na parang hindi malaman kung alin sa mga nag-uunahang salita sa mga labi nito ang unang sasabihin.
Namula ang buong mukha ni Nikki. Saglit pa itong nag-iwas ng tingin sa kanya na para bang hindi na kayang salubungin pa ang tingin niya dahil sa sari-saring emosyong dumaraan sa mukha nito.
Masuyong sinapo naman ni Santi ang baba ng dalaga at pinihit ang mukha nito paharap sa kanya. Nauunawaan niya ang labis na pagkabigla ng dalagita. Marahil hindi mapagpasayhan ng dalagita kung alin ang uunahin, ang pag-amin ng katugong damdamin para sa kanya o ang malakas na pagtili sa katuwaan.
“Alam ko masyado pa tayong bata para---“
Marahas na umiling-iling si Nikki.
“H-hindi, hindi, Santi…” anas nito.
Binawi ng dalagita ang mga kamay nitong hawak-hawak niya. Humakbang ang dalagita palayo sa kanya. Iniyakap nito ang mga bisig sa sarili.
“Santi---“
“Nikki---“
Kapwa sila natigilan. Iminosyon niya ang isang kamay para paunahing magsalita ang dalagita. Dahan-dahan siyang tumayo at gamit ang tungkod ni Lolo Toper ay humakbang siya palapit sa dalagita.
Pero muling umatras palayo sa kanya si Nikki. Tila maiiyak ang hitsura ng dalagita. Pero ang mas nakapagpatigil sa kanya sa tangkang muling paglapit sa dalagita ay ang awa at galit na mabilis nitong pilit na ikinubli.
“A-ano bang sinasabi mo, Santi?! Hindi ko gusto ang birong ganyan. Para kang sira! Kung ayaw mong sabihin ang sikreto sa magic trick mo, huwag mo nang sabihin. Para kang sira diyan,” pilit na pilit ang tawa nito.
At naroon ang pagsamo sa anyo na bawiin niya ang mga katagang sinabi niya. Bakas sa mukha nito na hindi nito gustong tanggaping seryoso siya sa sinabi niya. Dahil kung seryoso siya, wala itong ibang maggagawa kung hindi aminin sa kanya na walang katugong damdamin rito ang ipinagtapat niya.
Nikki was giving him a choice, an out so he could salvage his pride. Sa pamamagitan ng ekspresyon sa mga mata ng dalagita at sa mga sinabi nito, binibigyan siya nito ng pagkakataong palabasin na nagbibiro lang siya kahit na seryoso siya sa sinabi niya.
Nanakit at nanghapdi ang mga mata ni Santi. Parang may malupit na kamay na pumipiga sa puso niya.
“Santi, nagbibiro ka lang, alam ko. Pero---pero huwag mo nang uulitin ito, okay? Hindi magandang biro ito. Hindi ako pikon pero sobra ka namang magbiro. Kapag sineryoso kita, lagot ka!” bahaw na bahaw ang tawa ni Nikki.
Namumula ang buong mukha ng dalagita at tila nangingilid na rin ang mga luha nito sa mata. Humakbang ang dalagita palapit sa kanya. Hinawakan nito ang nanlalamig na mga kamay niya at marahang pinisil iyon.
“Santi?”
Sa kabila ng sakit na iniinda, hindi bingi si Santi sa himig ng pakikiusap, paghihirap at pagdurusa sa boses ni Nikki. Ilang beses pang lumunok at suminghot ang dalagita.
Sumagap siya ng hangin. Ibinuka niya ang mga labi para sabihin ditong seryoso siya sa sinabi niya. Mahal niya ang dalagita. Handa siyang manligaw rito. Handa siyang gawin ang lahat ng kailangan niyang gawin para mapaibig niya ito.
But when he looked deeper into her light brown eyes, he saw the plea in them. At ang matinding takot. Sa ngayon, posibleng hati pa ang kalooban ng dalagita kung maniniwala sa kanya o hindi. Pero nang mga sandaling iyon din ay naunawaan niya na kung aaminin niyang seryoso siya sa ipinagtapat niya, wala itong ibang mapagpipiliang gawin kung hindi biguin siya. At layuan siya.
Dahil hindi siya mahal ng dalagita. Hindi sila pareho ng nararamdaman ni Nikki.
Saglit na nagtagis ang mga bagang ni Santi upang mapigilan ang pag-alpas ng iyak, ungol o kung anumang ingay na posibleng malikha niya dahil sa pinong-pinong sakit na tumagos sa dibdib niya. Pagkuwan ay bumuka ang mga labi niya para sabihing kahit hindi pa siya mahal ni Nikki sa ngayon, bigyan lang siya nito ng pagkakataon para maturuan niya itong mahalin din siya pagdating ng tamang panahon. Pero walang katagang lumabas mula sa mga labi niya. Dahan-dahang lumaylay ang mga balikat niya.
Inilapat niya ang kanang kamay sa tila naninikip niyang dibdib. Parang may matigas na bakal na paulit-ulit na bumabayo sa puso niya. Hinimas niya ang dibdib sa pag-aakalang makababawas iyon sa sakit na nadarama niya. Pero balewala ang paghimas niya sa dibdib. Patuloy pa rin ang pagkirot ng puso niya. Bahagyang napauklo siya. Napangiwi siya nang maitapak niya sa lupa ang na-sprain na paa.
“Ouch!”
“Santi? Santi, ayos ka lang ba?!” nag-aalalang tanong ni Nikki na napaluhod sa tapat niya upang matignan ang mukha niya.
Tinitigan ni Santi ang dalagita.
If he tells her that he loves her, he would certainly lose her forever. And he could not let that happen. So in the end, he kept his mouth close and silenced the voice of his heart. He chose to keep her in his life rather than lose her forever.
Isang malawak na ngisi ang pinasilay niya sa mga labi.
“Silverino, three points! Lirag, zero! Quits na tayo. Ganti ko ito sa ginawa mong pag-ubos sa lumpiang shanghai ko,” malakas na pahayag niya sa nang-aasar na tono.
Pagkuwan ay malakas siyang humalakhak. Sa sariling tainga niya ay bahaw at wala ni katiting na bahid ng kaaliwan ang halakhak niya. Pero base sa pag-iiba ng ekspresyon sa mukha ni Nikki, kumbinsido ang dalagita na totoong-totoo nga ang halakhak niya.
Tinampal siya ng dalagita sa braso. Natatawang napapalatak pa ito.
“Siraulo ka talaga! Tinakot mo ko! Akala ko talaga nagtatapat ka na ng walang kamatayang pag-ibig!”
“Asa ka pa, Lirag. Hindi kita type. Si Rachelle ang gusto ko.”
Napalitan ng pagkagilalas ang anyo ni Nikki. Gusto niyang isipin na may bahid ng pagseselos ang paniningkit ng mga mata ng dalagita pero guni-guni lang niya iyon. Dahil maya-maya malutong na humahalakhak na ito.
“Sabi ko na nga ba eh! Akala mo naman secret pa iyon? Matagal ko na kayang alam iyon. Gusto mo tulungan kitang ligawan siya?”
Ngumiti lang si Santi at umiling. May mas masaklap pa ba kaysa sa kaalamang tutulungan pa siyang manligaw sa ibang babae ng babaeng lihim na minamahal niya?