Skylander Series Chapter 11

Si Kimberly ang ginamit ng kanyang Papa para ipaghiganti ang pagkamatay Kuya Luigi niya. Kaya pumunta siya sa Baguio upang makahanap ng clue sa pamamagitan ng nakababatang kapatid ni Jet na si Rohann.

Subalit nawala sa isip niya ang paghihiganti nang mahalin niya si Rohann. Hanggang balikan siya ng mga taong kasama niya sa paghihiganti. Bawat isa sa mga ito ay may intensiyong maningil. At buhay ni Rohann ang naging kapalit.

“Anak ko! Luigi!”

Napuno ng panaghoy ni Bettina ang tahimik na memorial park. Pinid ang bibig ni Kimberly habang pinakikinggan ang hinagpis ng ina. She hated cemeteries. Ayaw rin niyang napag-uusapan ang kamatayan. Subalit nang mga oras na iyon ay nagdadalamhati rin siya dahil isang kadugo niya ang nawala. Ang nakatatanda niyang kapatid na hindi niya nakilala kahit kailan.

Niyakap niya ang inang nakalupasay sa harap ng puntod ng kanyang kapatid. “Tahan na, Mama. Makakasama sa inyo ang pag-iyak.”

“Matagal kaming di nagkita. Matagal ko siyang hindi nayakap. Sabi ko, yayakapin ko agad siya pag-uwi ko ng Pilipinas. Pero hindi na pala mangyayari iyon,” anito sa pagitan ng paghikbi. “Bakit binawi agad siya sa atin?”

Mula sa airport ay tumuloy agad sila sa Manila North Cemetery kung saan kalahating taon nang nakalagak ang labi ng kanyang Kuya Luigi. Masakit sa mga magulang niya ang pagkamatay nito. Kahit ang Papa niya na si Horacio na hindi pa natinag kahit kailan ay puno ng hinagpis ang anyo. Tahimik lang ito subalit masakit para dito na hindi nayakap ang kanyang kapatid kahit kailan.

“Sayang, Luigi. Ni hindi mo man lang ako nakilala. Ni hindi mo man lang nalaman kung ako nga ang tunay mong ama. Siguro puno ka ng galit sa amin ng Mama mo hanggang mawala ka,” puno ng emosyong sabi ng kanyang Papa.

“Anim na buwan. Ni hindi man lang sinabi sa akin ni Andres na wala na si Luigi,” puno ng hinanakit na sabi ng Mama niya sa una nitong asawa.

Masakit sa mga magulang niya ang nangyari. Anim na buwan nang patay ang kanyang kapatid. Kung hindi pa sinabi ng isang dating kaibigan ng kanyang Mama nang nakipagkita ito sa pamilya nila sa Napa Valley kung saan may maliit na vineyard ang pamilya nila ay hindi nila malalaman na wala na ang kuya niya.

Labinwalong taon ang Mama niya nang mabuntis ito sa Papa niya. Subalit dahil mortal na magkaaway ang pamilya ng mga ito ay pinaghiwalay ang mga ito. Ipinakasal kay Andres Ledesma ang kanyang Mama na malapit na kaibigan ng pamilya nito. Si Andres Ledesma na ang kinilalang ama ng Kuya Luigi niya.

Dalawang taon na ang kuya niya nang muling magkita ang mga magulang niya. Nakipaghiwalay ang Mama niya kay Andres ngunit tumutol ito. Kaya nang sumama ito sa Papa niya ay naiwan sa poder ni Andres ang kapatid niya at hindi na ipinakita sa Mama niya kahit kailan.

Nang sumunod na taon ay ipinanganak siya. Ngunit kahit kailan ay hindi nakompleto ang kasiyahan ng mga magulang niya dahil kulang ang kanilang pamilya. Inilayo na nang tuluyan ni Andres si Luigi. At ang masakit, tinuruan ni Andres na mamuhi ang kuya niya sa Mama’t Papa niya.

Umaasa ang mga magulang niya na makakabawi sa Kuya Luigi niya pag-uwi ng Pilipinas at mabubuo ang kanilang pamilya. Pero huli na. Naglaho ang lahat ng pangarap at pag-asa na mangyari iyon dahil sa pagkawala ng kuya niya.

“Ni hindi man lang ako nakabawi sa iyo, anak. Binawi ka na agad sa amin,” anang Papa niya sa kontroladong boses ngunit buong lakas nitong binayo ang lupa.

Maging siya ay hindi mapigilang lumuha. Ramdam kasi niya ang kalungkutan ng mga ito. “Sayang, hindi man lang kita nakilala, Kuya,” mahina niyang usal at inilapag sa ibabaw ng puntod nito ang bulaklak.

Hinaplos niya ang nakaukit nitong pangalan sa lapida. Mag-isa lang siyang lumaki. She wanted a brother who will support her. A brother who will protect her. A brother whom she could share her secrets with. Pwede niyang kulitin kapag gusto niyang malaman ang mga nililigawan nito. At guwardiya niya kapag may mga luku-lukong lalaki na umaaligid sa kanya.

“Anak, sino ang gumawa nito sa iyo?” sa pagkakataong ito ay puno nang galit na tanong ni Horacio. He was wearing a grave expression on his face.

Hindi simpleng kamatayan lang ang dinanas ng kuya niya. Ayon sa kaibigan ng Mama niya, isang riot ang kinasangkutan ng kuya kasama ang mga kaibigan nito. Subalit ang kuya niya ang binawian ang buhay. Hindi pa rin malinaw ang lahat ng impormasyon. At iyon ang gusto nilang alamin sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas. Gusto nilang ihanap ng katarungan ang pagpanaw ng kapatid.

Dumakot ng lupa ang Papa niya kasabay ng malakas na pagtangis. Anyo ito ngayon ng isang ama na puno ng hinanakit. “Ipinapangako ko, anak. Ipaghihiganti ko ang gumawa nito sa iyo. Pangako.”

Pinisil niya ang balikat ng kanyang Papa upang iparamdam ang buong suporta niya dito. Mahal na mahal niya ang mga magulang. Alam niyang mahal siya ng mga ito ngunit hindi niya naramdaman nang buo ang pagmamahal ng mga ito dahil mas malaki ang inilaan nitong pagmamahal sa Kuya Luigi niya.

Nawalan din siya. Masakit sa kanya na makitang nasasaktan ang mga magulang. “Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nakukuha ang katarungan para kay Kuya, Papa. Gagawin ko ang lahat para matahimik ang kaluluwa niya,” mariin niyang sabi. At walang maaring manakit sa pamilya niya nang hindi nagbabayad nang mahal. Pagsisisihan ng sinumang pumatay sa kuya niya na nabuhay ito sa mundo.

“CONDOLENCE po, Tita. Nakikiramay po kaming mga kaibigan ni Luigi sa nangyari sa kanya,” malungkot na sabi ni Rory, ang tumatayong bagong lider ng mga grupo ng kaibigan ng Kuya Luigi niya.

Kaklase rin ang mga ito ng kuya niya sa dating unibersidad na pinapasukan ng mga ito sa Baguio. Subalit mula nang mangyari ang malagim na insidente kung saan namatay ang kuya niya at malubhang nasugatan ang kasamahan ng mga ito ay pinabalik na ang mga ito ng mga magulang sa Manila.

“Salamat, hijo,” sabi ng Mama niya. Dahil sa pagtatanong ay nalaman nila kung sinu-sino ang malalapit na kaibigan ng kuya niya. Kaya mabilis nilang inimbitahan ang mga ito sa bagong bili nilang mansion. Sa Pilipinas na rin kasi planong manirahan ng mga magulang niya.

Kasabay ng pananatili nila sa Pilipinas ay ang pagsagot sa mga misteryo sa pagkamatay ng kanyang kapatid at paghanap na rin ng katarungan. Hindi tumigil ang mga magulang niya hangga’t hindi nakakausap ang mga kaibigan ng kuya niya.

Noong una pa nga ay ayaw ng mga magulang ng mga ito na kausapin nila. Marahil ay gusto ring kalimutan ang gulo. Kundi pa nakiusap ang Mama niya at sa impluwensiya na rin ng pamilya ng Papa niya ay hindi papayag ang mga ito.

Tumikhim ang Papa niyang si Horacio. “Maari ba ninyong ikwento sa amin kung ano ang totoong nangyari. Hindi kasi kami makapaniwala sa nakalagay sa police blotter na kayo ang nagpasimuno ng gulo ayon sa mga witness.”

Ngumisi si Javier na parang nakakaloko. “Mga kakampi po ni Madrigal ang mga witness na iyon.” Si Jet Madrigal ang itinuturo ng grupo ng kuya niya na sanhi ng pagkamatay ng kanyang kapatid. “Pero ang totoo po si Jet naman talaga ang nanggulo. Mayabang po kasi siya. Palibhasa magkalaban po sila ni Luigi sa taekwondo. Junior pa lang ang Jet na iyon pero kung makapagyabang sa amin, parang siya ang master.”

“Hinamon po niya ng away si Luigi,” dugtong ni Newton. “Ayaw po namang pumatol ni Luigi. Pati po kami hinamon niya. Kahit daw magsabay-sabay pa kaming lumaban, kaya niya kaming patumbahin. Pero may dala po siyang kutsilyo.”

“Pero sabi sa report kayo ang may dalang kutsilyo,” kontra naman niya. “Sabi nga sa report, nasaktan din ang Jet Madrigal na iyon.”

“Pero hindi katulad ng damage na tinamo namin,” katwiran ni Rory. “May namatay sa kampo namin. Isa pa, lahat naman ng ebidensiya niya, sa amin ibinibintang. Kami pa ang na-kick out sa school nang walang kalaban-laban.”

“Ano ang nangyari sa pumatay sa kapatid ko?” nagngingitngit niyang tanong.

“Hindi namin alam kung ano ang nangyari sa kanya. Pero ayon sa balita sa amin, allowed pa rin siyang bumalik sa school. Palibhasa bayani siya kung ituring doon. Siya kasi ang inilalaban sa mga taekwondo competitions at scholar pa siya ng school. Kami ang lumabas na kontrabida,” nanggigigil na kwento ni Newton.

“What? Paanong nangyari iyon? Hindi ba dapat nga matanggalan siya ng scholarship dahil sa ginawa niya?” gulat niyang bulalas. Napaka-imposible! Ganoon ba talaga kabulok ang sistema sa bansa?

“Napawalang-sala siya ng husgado,” nakayuko ang ulong sabi ni Javier.

Napatayo ang Papa niya. “Ang ibig mong sabihin, walang nangyari sa kaso ng anak ko? Ni hindi man lang nahuli ang taong pumatay sa anak ko at nanakit sa inyo?” anito sa mataas na boses.

“Kulang daw po sa ebidensiya laban sa kanya. At ang masama, si Jet pa po ang suportado ng university administration,” paliwanag ni Rory. “Kaya nga po minabuti na naming umuwi na lang ng Manila sa kagustuhan na rin ng mga magulang namin.”

Paulit-ulit na napamura ang Papa niya. Impit namang napaiyak ang Mama niya. Hindi matanggap ang nangyari.

Habang siya ay mariing kinuyom ang palad. “Sobra na ito,” usal niya. Lalo tuloy siyang namuhi kay Jet Madrigal. Wala itong puso!

Bakit sa Jet Madrigal na ito napunta ang lahat ng suporta ng mga tao? Habang ang kaawa-awa niyang kuya ay hinayaang mamatay. Galit siya sa lahat ng mga tao na naging malupit sa kuya niya.

Hindi nito alam ang ginawa ng mga ito. Sinira nito hindi lang ang kinabukasan ng kuya niya kundi maging ang kinabukasan ng buong pamilya niya. Hindi sila binigyan ng mga ito ng karapatang maging masaya at mamuhay nang sama-sama. Maging ang katarungan ay ipinagkait sa kanila.

“Si Andres?” tukoy ng Mama niya sa dati nitong asawa. “Wala ba siyang ginawa para kay Luigi? Hindi siya dapat pumayag na ganoon ang maging desisyon ng husgado. Siya ang kinikilalang ama ni Luigi!”

Nagkatinginan ang mga magkakaibigan at pagkuwan ay napayuko. “Hayaan na lang daw po naming manahimik si Luigi,” sabi ni Newton. “Gusto rin daw po niya ng katahimikan. Kaya nang matapos po ang kaso, lumipat na siya sa ibang bansa. Si Luigi lang naman daw po ang dahilan kung bakit siya nagtitiis sa Pilipinas.”

“Alam naman po ninyo Tita na hindi gaanong close sina Tito Andy at si Luigi,” nag-aalangang kumpisal ni Rory. “Lagi po niyang sinasabi na walang kwenta daw si Luigi dahil manang-mana sa pinagmanahan.”

Lalong umiyak ang kanyang Mama dahil nasaktan ito sa pagpapatungkol ng dating asawa. Naiintindihan niya ang sentimyento ni Andres Ledesma. Hindi nga naman nito totoong anak si Luigi ngunit inako pa rin nitong anak. Subalit sa huli ay pinili pa rin ng Mama niya ang Papa niya. Natural lang na lahat ng galit ni Andres sa Mama niya ay ibinuhos nito sa kapatid niya.

Ang kaawa-awa niyang kapatid. Hindi na nga nakilala ang tunay nitong pamilya, naiwan pa sa kamay ng taong walang alam sa mundo kundi galit at pagkamuhi. Ni hindi man lang nito natikman ang tunay na pagmamahal.

“Ang mga magulang ninyo,” tanong ng Papa niya. “Wala ba silang ginawa para ipagtanggol ang karapatan ninyo? Nasaktan din kayo, hindi ba?”

“Ayaw na pong itulak ng mga magulang namin ang kaso,” naiiling na sabi ni Javier. “Aksaya lang daw po panahon. Isa pa, ayaw po ng mga magulang namin ng eskandalo. Makakasama daw po iyon sa amin lalo. Baka sa huli kami pa daw ang madiin sa kaso. Lalong magkakagulo.”

“Paano matatahimik ang anak ko?” naghihinanakit na tanong ng Papa niya. “Ni hindi nabigyang katarungan ang pagkamatay niya. Kung sino pa ang may kasalanan, siya pa ang nakakalaya ngayon. Hindi ako papayag na mawalang-saysay ang buhay niya. Ipaghihiganti ko siya.”

“Kami rin po,” sang-ayon ni Rory. “Hindi po kami papayag na maupo lang sa isang tabi. Gusto rin po naming iganti si Luigi.”

“Humanda sa amin ang Jet Madrigal na iyon,” sabi ni Javier at isinuntok ang nakakuyom na kamao sa nakabukas na palad. “Titiyakin kong matututo siya ng leksiyon. Para hindi na maulit sa ibang tao ang nangyari kay Luigi.”

“Paano kayo makakaganti kay Jet Madrigal kung hindi na kayo makakalapit sa school na pinapasukan ninyo dati?” tanong niya sa mga kaibigan ng kuya niya. “Isa pa, grounded din kayo, hindi ba? Ni hindi kayo makalabas basta-basta ng mga bahay ninyo. At kahit telepono, hindi rin ninyo magamit.”

Natahimik ang mga ito. “Ang totoo, higit pa diyan ang problema namin. Walang sinuman ang nakakaalam ngayon kung nasaan si Jet. Itinago na yata siya ng mga kamag-anak niya,” sabi ni Newton.

“At hindi kami basta-basta makaka-extract ng impormasyon sa mismong university. Protektado ng mga tao doon si Jet,” sabi ni Javier.

“May alam ba kayong paraan para matunton si Jet Madrigal?” tanong ng Papa niya. “Kung pwede lang na ako mismo ang humanap sa kanya.”

“Masekreto ang mga Madrigal. May isa kaming kaibigan na dating doon nag-aaral. Sinubukan niyang magtanong-tanong. Wala rin siyang nakuhang impormasyon kung saan ang location ni Jet. Dead end,” nanlulumong sabi ni Rory.

“Isa na lang ang pag-asa namin, Tito,” sabi ni Newton. “Naka-enroll din sa university na iyon ang nakababatang kapatid ni Jet. Iyon kasi ang usap-usapan noong huli kaming nakibalita doon.”

Pinagsalikop ang Papa niya ang mga kamay. “Ano ang plano ngayon?”

“Kailangan natin ng isang taong mapagkakatiwalaan para maka-extract ng impormasyon sa kapatid ni Jet kung nasaan siya.”

“Pupwersahin ba ninyong magsalita ang kapatid ni Jet?” tanong niya. “O siya mismo ang gusto ninyong gantihan para mapalabas si Jet?”

Ngumisi si Rory. “Huwag kang magmadali, Kimberly. Ang kailangan lang nating gawin ay kunin ang tiwala ng kapatid ni Jet. Saka na tayo umaksiyon kapag nalaman natin kung nasaan ang Jet na iyon. Sa kanya tayo gaganti.”

“Kung ganoon, ako ang haharap sa kapatid ni Jet Madrigal. Ako mismo ang kukuha ng impormasyon,” prisinta niya.

“Anak, pwede naman tayong mag-hire ng ibang tao,” tutol ng Mama niya. Lalo itong naging overprotective sa kanya nang mamatay ang kuya niya.

“Pabayaan mo siya, Bettina,” anang Papa niya. “Responsibilidad niya iyan.”

“Tama si Papa, ‘Ma,” aniya at niyakap ang kanyang ina. “Kailangan ko itong gawin para kay Kuya Luigi. Nangako ako na ihahanap ko siya ng katarungan. Ito na ang pagkakataon ko. Hindi ko siya bibiguin.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.