Skylander Series Chapter 13

“Volleyball pala ang PE mo. Mabuti na lang ako modern dance. Wala kasi akong hilig sa bola. Natatakot akong tamaan,” sabi ni Gianna habag papasok sila ng St. Louis. Unang araw ng klase kaya marami pa siyang dapat na alamin tungkol sa bagong papasukang eskwelahan. Bagong environment at bagong pakikisama.

“Sasabay ka ba sa aking mag-lunch?”

“Sorry. May klase kasi ako ng twelve. Mas maaga akong magla-lunch sa iyo. Hindi bale. Magkaklase naman tayo sa Intro to Philosophy. Kaya magkikita tayo mamayang one thirty.”

Pareho silang freshman kaya magkasundo rin sila. Pero dalawang subject lang sila magkaklase at minsan ay iba rin ang oras ng klase nila. Pero marami pa naman siyang makikilalang bagong kaklase at magiging bagong kaibigan.

“Teka, wala akong yellow pad. Bibili lang ako sandali. Nakakahiya naman kung first day ng class makikihingi ako sa kaklase ko,” sabi nito.

“Sige. Hihintayin na lang kita sa gate,” aniya at nauna nang pumunta ng gate. Palapit siya nang mapansin niyang may lalaking nakikipagtalo sa guwardiya. Hindi sana niya papansinin iyon kung hindi lang si Rohann ang lalaking iyon.

Awtomatiko siyang napangiti. Ilang araw siyang hindi pinatulog nito. Nakatitig lang siya sa ID picture nito habang kinakausap iyon. Ilang gabi na siyang nagmukhang baliw. Subalit ngayong nakita na niya ito, wala siyang magawa kundi ang titigan lang ito. Masarap kasing pagmasdan ang maamo nitong mukha.

“Hindi ka talaga pwedeng pumasok. Huwag kang makulit,” anang guwardiya at pilit itong hinaharangan papasok ng gate.

“Pero nawala nga po ang ID ko, Manong,” magalang na paliwanag ni Rohann.

“Registration card mo?” anang guwardiya at inilahad ang palad.

Hinawakan ni Rohann ang strap ng backpack bag. “Nasa scholarship office pa nga po. Pinaiwan sa akin. Ngayon ko pa lang kukunin. Kaya paano ko makukuha ang registration card ko kung hindi ninyo ako papasukin?”

“Basta, hindi ka pa rin pwedeng pumasok!” maangas na sabi ng guwardiya. “Hindi dahil scholar ka at sikat ka dito, papasukin na kita.”

Sasaklolo na sana siya at ibibigay kay Rohann ang ID nito. Ngunit nagkibit-balikat ito at tumalikod. “Bahala kayo,” anito at umalis.

Nagtaka siya kung bakit basta na lang ito umalis. Hindi na ba ito papasok? Na-curious siya kung saan ito pupunta. Sinundan niya ito nang gumilid ito sa eskwelahan kung saan walang masyadong tao.

Lalapitan sana niya ito nang makita niya itong sumampa sa may kataasang pader. He moves like a ninja. Ni hindi man lang ito nahirapang sumampa ng bakod. Parang sanay na ito sa ginagawa.

Akmang tatalon ito sa kabila ng pader nang tawagin niya ito. “Hey, wait!” aniya at nilapitan ito.

Natigilan ito sa pagtalon at tumingin sa kanya. Subalit di tulad ng ibang lalaking mabilis na nagkakagusto sa kanya, wala itong karea-reaksiyon ang makita siya maliban sa pagtataka. “Ako ba ang kailangan mo, Miss?”

“Oo. Wala namang ibang tao dito maliban sa ating dalawa, hindi ba? Anong ginagawa mo diyan sa bakod?” usisa niya.

“Tatalon. Wala kasi akong ID kaya ayaw akong papasukin ng guard. Hindi naman ako pwedeng um-absent dahil unang araw ng klase ko. Kailangan ng karate master ko ng assistant para sa mga bagong estudyante na gustong sumali sa karate club. Sige, nagmamadali ako!”

“Teka, hindi ka ba natatakot na tumalon sa bakod?”

“Bakit ako matatakot?”

“Mataas iyan saka baka mahuli ka pa ng guwardiya o ng professor. Baka mapagalitan ka pa,” nag-aalala niyang sabi.

Umupo ito sa bakod at inilawit ang paa sa kabilang bahagi ng pader. “Hindi naman mataas itong pader. Saka hindi naman ako mahuhulog dito. Sanay na ako. Saka hindi naman ipinagbabawal na sumampa ng pader. Kailangan ko lang talagang kunin ang registration card ko sa scholarship’s office para papasukin na ako ni Manong Guard. Bahala ka kung isusumbong mo ako.”

Nakangiti siyang umiling. “Hindi kita isusumbong.”

Kumunot ang noo nito at isinampa ulit ang isang paa sa bakod upang bahagyang makaharap sa kanya. “Kung ganoon, bakit kanina ka pa sunod nang sunod sa akin? Huwag mong sabihing tatalon ka rin sa bakod dahil wala ka ring ID.” Inilahad nito ang kamay sa kanya. “Tutulungan na kita. Baka hindi ka pa makapasok sa klase mo dahil tiyak na hindi ka papapasukin ng guwardiya.”

Sa isang saglit, parang gusto niyang gagapin ang kamay nito at sumampa kasama nito sa bakod. Alam niyang bawal iyon at hindi tamang gawin ng isang babae. Lalo na sa isang tulad niya na hindi lumalabag sa mga patakaran. Pero nate-tempt siya lalo na’t mukhang nag-e-enjoy si Rohann sa ginagawa.

Nakangiti siyang umiling. “Hindi,” tanggi niya. “Hinabol kita dahil nasa akin ang ID mo. Nalaglag yata noong awayin ka ng mga lasing noong isang araw. Iiwan ko na sana sa guard outpost kanina kaso umalis ka na pala.”

Inabot niya dito ang ID. “Ganoon ba?” anitong hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon sa mukha. “Salamat. Sige, aalis na ako.”

“Sandali…”

“Kim, anong ginagawa mo diyan?” untag sa kanya ng boses ni Gianna. Nilingon niya ang nakapamaywang na ang kaibigan. “Kanina pa ako hanap nang hanap sa iyo, dito ka lang pala nagsusuot.”

“Kasi kausap ko si ano…” Lumingon siya at itinuro ang pader na sinasampahan ni Rohann. Ngunit wala na ito doon. Ni hindi man lang niya naramdaman ang paggalaw nito o ang pagbagsak nito sa kabilang bahagi ng bakod. Parang pusa itong gumalaw sa sobrang bilis.

“Sino ang kausap mo?” usisa ni Gianna at tiningnan ang itinuturo niya. “Wala naman, ah!”

“Kanina nandiyan lang siya sa bakod.”

Nanlaki ang mata nito. “Huwag mong sabihing may tao diyan dahil tayong dalawa lang ang nandito. Baka namamaligno ka na. Ayoko ng ganyang biro, Kimberly!”

“Hindi! May tao talaga kanina,” giit niya.

Hinatak nito ang kamay niya palayo. “Naku! Ang aga-aga, kung ano-anong kalokohan ang pumapasok sa utak mo. Pati ako tatakutin mo pa. Sabihin mo sa manliligaw mong engkanto, huwag kang sundan dito sa school. Dahil pati ako mabuwang na katulad mo.”

Nanahimik siya at pasimpleng nilingon ang bakod na tinalunan ni Rohann kanina. Lagi siya nitong sinosopresa. Una, nasindak nito ang tatlong lasing. Pangalawa, kaya rin nitong umakyat sa mataas na bakod. Dinaig pa nito ang pusa. Lalo lang tumindi ang interes niya dito. Ano pa kaya ang kaya nitong gawin?

NAPABUNTONG-hininga si Kimberly habang pinapanood sa pakikipag-sparring si Rohann. Katatapos lang ng PE niya at may isang oras pang break bago ang susunod niyang klase. Nagkataong napadaan siya sa gymnasium at nakita niyang nagpa-practice ang mga miyembro ng karate club. Dali-dali siyang umupo sa isa sa mga bench nang makita niyang kasama sa mga ito si Rohann.

Mas lalo itong guwapong tingnan sa karate uniform nito. At bumibilis nang bumibilis ang tibok ng puso niya tuwing tinatamaan at napapatumba nito ang ka-sparring. Naalala niya kung paano ito nakipaglaban sa mga lasing noon. Masarap sigurong maging girlfriend nito. Lagi siya nitong maipagtatanggol.

“Hoy!” untag sa kanya ni Gianna at tinabihan siya. “Tapos na ang PE mo pero naka-PE uniform ka pa rin. Baka naman gusto mong magpalit ng damit.”

“Mamaya na. Kitang may pinanonood pa ang tao.”

“Ano naman ang pinanonood mo sa mga nagsisipaang iyan?”

Nangalumbaba siya at hindi inalis ang tingin sa mga naglalaban. “Si Rohann. Hindi ba ang cute niya?”

“Ano naman ang nakita mo sa lalaking iyan?”

Tumuwid siya nang upo dahil parang nainsulto siya. “Bulag ka ba? Hindi mo ba nakikita kung gaano siya kaguwapo? Tapos magaling pa siya sa martial arts. Kung ganyan ang boyfriend mo, tiyak na walang kakanti sa iyo.”

“That is, kung magkaka-girlfriend ang lalaking iyan,” sabi nito habang nagre-retouch ng make up sa mukha.

“Bakit naman nasabi mo iyan?”

“Dahil nuknukan ng suplado ang lalaking iyan. Ni hindi man lang marunong ngumiti. Kaya kahit siya pa ang pinakaguwapong lalaki sa mundo, hindi ko siya pagtitiisan. Ayoko sa lalaking hindi marunong ngumiti.”

Tama si Gianna. Hindi nga marunong ngumiti si Rohann. Kadalasan ay walang reaksiyon na makikita dito. Parang laging kalmado. Kahit nang nakikipaglaban ito sa mga lasing ay hindi man lang nagbago ang ekspresyon sa mukha nito. Maliban sa kislap ng galit sa mga mata nito.

“Pero mas okay nga iyon, hindi ba? Challenge iyon sa akin. Kung gaano katindi ang karisma mo para mapangiti ang isang tulad ni Rohann.”

Napangiwi ito. “No thanks. Wala akong mapapala sa pagpapangiti sa isang lalaki na wala sa bokabularyo ang ngumiti. Hindi lang siya ang guwapo sa mundo. Kung tutuusin, mas guwapo siya sa kuya niya. Pero mas madaling I-approach iyon dahil palangiti. Di tulad niya.”

Naalarma siya sa nalaman. “May kuya si Rohann?”

“Oo naman. Wala yata sa St. Louis ang hindi nakakakilala sa kanya dahil siya ang nag-represent sa amin sa national competition sa taekwondo.”

Sumasal ang kaba sa dibdib niya. “A-Anong pangalan ng kuya ni Rohann?” tanong niya kasabay ng dasal na huwag sanang mangyari ang iniisip niya.

Gianna twisted her lips. “His brother is Jet Li Madrigal.”

“Jet Li?” wala sa sariling usal niya.”

Saglit siyang pinangapusan ng hininga. What a twist of fate. Nangyari ang ipinagdarasal niyang hindi mangyari. Kapatid ni Rohann ang lalaking pumatay sa kapatid niya. At si Rohann mismo ang susi para mabigyan niya ng katarungan ang pagkamatay ng kuya niya.

“Siya ang unang nagpasok sa amin sa national competition last year. Nabasa ko kasi ang school paper na na-publish last year. At mukhang susunod siya sa yapak ng kuya niya. Kaso…”

“Anong nangyari?”

“Kinainggitan kasi si Jet ng ibang kasamahan niya sa taekwondo club. Kaya pinagtulungan siyang gulpihin noong mga seniors. Kaso lumaban si Jet. Kaya napatumba niya iyong mayayabang na iyon.”

“Anong nangyari sa mga nakalaban niya?” tanong niya habang pigil ang emosyon. Alam na niya ang nangyari sa kuya niya at sa mga kaibigan nito pero gusto pa rin niyang marring sa ibang tao.

“One of them died and others suffered broken bones and ribs. Sabi ng iba, ibang martial arts daw ang ginamit ni Jet. Well, dinepensahan lang naman niya ang sarili niya. At sabi ng mga tao dito, talagang patapon na raw ang buhay ng mga nakalaban ni Jet. Kaya mabuti nga sa kanila dahil na-kick out sila dito. Ayoko yatang makasamang mag-aral ang mga halang ang kaluluwa na tulad nila.”

Nakagat niya ang labi habang pinakakalma ang sarili. Hindi niya maiwasang magalit sa pagtawag ni Gianna ng patapon sa Kuya Luigi niya. Hindi niya matanggap na masama ang impresyon dito ng mga tao samantalang ito na nga ang namatay sa laban nito at ni Jet. At kahit wala na ito ay ito pa rin ang masama. Bakit hindi si Jet ang kondenahin ng mga ito sa halip na ituring bayani?

“N-Nasaan na ang kuya niya?” lakas-loob niyang tanong.

Hindi niya maiwasang makonsensiya. May misyon siyang dapat na tuparin. Kailangan niyang ipaghiganti ang kuya niya pero sandaling nawala ang isip niya sa misyon dahil sa pagkahibang niya kay Rohann.

Lumabi si Gianna na animo’y nag-iisip. “Walang nakakaalam kung nasaan ang kuya ni Rohann. Nasaktan din kasi siya sa laban nila nung mga mayayabang na iyon. Sabi ng iba, nasa ibang bansa siya at nagpapagaling. Sabi ng iba, sa ibang bansa na rin siya nag-aaral. Pero ewan ko kung nasaan talaga siya.”

“Wala bang sinasabi si Rohann kung nasaan siya?”

Tumaas ang kilay nito at tiningnan si Rohann na sinangga ang suntok ng kalaban at gumawa ng counter attack. “Iyang lalaking iyan? E, parang pipi iyan. Hindi basta-basta nagsasalita. Mabuti nga hindi napapanisan ng laway. Kung tsismis lang, wala kang mahihita diyan.”

“Maybe they are really private.” Mahirap pagsalitain ang isang taong ayaw magsalita. Lalo na’t tungkol sa isang lihim. Sa palagay niya ay sadyang itinatago ng pamilya Madrigal si Jet sa takot na balikan ito ng kaibigan ng kuya niya.

Tumango ito. “Siguro nga.”

“Babalik pa ba ang kuya ni Rohann dito?”

“Who knows? Gusto mo ring makilala si Jet Madrigal, no?”

“Yeah. I would really like to meet him.” Tumayo siya. “Let’s go, Gee. Baka ma-late pa tayo sa next subject natin.”

“Hindi mo na tatapusin ang laban ni Rohann?”

Sinulyapan niya ang binata na nagawang ihagis ang kalaban. “Alam ko naman na mananalo siya. Sa susunod na lang ako manonood.”

Pero mas gusto niyang iwasan na lang si Rohann. Nagdadalawang-isip tuloy siya kung itutuloy pa ang misyon niya. Pero kailangan niyang gawin. Maraming tao ang umaasa sa kanya. Kasama na ang mga magulang niya.

I’m sorry, Rohann. I can’t change the fact that you are Jet Madrigal’s brother and your brother killed mine.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.