Nagmamadaling naglakad palabas ng campus si Kimberly. Unang meeting pa lang nila sa History professor nila ay nagbigay na agad ito ng santambak na assignment. Enough to last for the whole semester. Kaya naman napagsaraduhan na siya ng library sa sobrang research.
Alas nuwebe na ng gabi. Wala nang tao sa dinadaanan niya at madilim. Lalo niyang binilisan ang lakad nang lumakas ang ihip ng hangin at sumigid ang lamig sa balat niya. Nang tumingala siya ay walang bituin sa langit. Malas. Mukhang uulan pa yata at wala siyang dalang payong.
May nadaanan pa siyang tatlong kalalakihan na nakatambay sa open amphitheater. Malakas na nagku-kwentuhan at nagtatawanan ang mga ito subalit biglang tumahimik nang makita siya.
“Uy, pare! May natitira pa palang maganda sa school natin,” sabi ng lalaking nakasuot ng cap at naka-T-shirt na black.
“Ang kinis!” dugtong ng isa na naka-white na jacket.
Pinaswitan naman siya ng ikatlong lalaki na may suot na bonnet. “Miss, ang ganda mo! Pwede bang I-date mo kaming tatlo?”
“Mukha ninyo!” bulong niya sa sarili kahit na gusto niyang ipagsigawan iyon. Hindi bale sana kung karapat-dapat nga niyang I-date ang mga ito. Samantalang mukhang kumag ang mga iyon. Mga tipo ng lalaki na walang babaeng papansin.
Nang nagpatuloy lang siya sa paglalakad at hindi niya pinansin ang pagpapansin ng mga ito ay lalong lumakas ang kantiyawan. Kinabahan siya nang humarang ang isa sa dadaanan niya. “Miss, huwag ka namang suplada,” anang lalaking nakasuot na bonnet.
“Nakikipagkaibigan lang naman kami,” anang naka-cap at ngumisi. “Ayaw mo bang magkaroon ng mga kaibigang kasing guwapo namin?”
“Hindi ba pwedeng tumanggi?” nakataas ang kilay niyang tanong. “Karapatan ko naman sigurong piliin ang mga kakaibiganin ko, hindi ba?”
Humugong muli ang tuksuhan ng mga ito. “Ang talas ng dila, pare!” sabi ng nakasuot ng bonnet. “Pwede daw ba tayong tanggihan?”
“Ano?” galit na bulalas ng lalaking naka-white jacket at nakiharang din sa dadaanan niya. “Itong babae lang ba na ito ang unang tatanggi sa atin?” Ngumisi ito. “Para sabihin ko sa iyo, Miss. Kahit si Donita Rose, hindi kami natanggihan nang makita kami. Kaya wala kang karapatan.”
Hinawakan ng naka-cap ang braso niya at inilapit ang mukha sa kanya. “Hindi mo ba kami nakikilala?”
Hinatak niya ang braso dito at pilit na inilayo ang mukha niya. “Bitiwan mo nga ako! Hindi malaking kawalan sa akin kung hindi ko kayo kilala.”
“Matapang talaga!” ngingisi-ngising sabi ng naka-white na jacket. “Bago ka pa lang dito kaya hindi mo alam kung ano ang ginagawa namin sa mga tumatanggi sa amin. Dapat sa mga tulad mo, tinuturuan ng leksiyon.”
Akmang hahawakan din siya nito nang kagatin niya ang braso ng may hawak sa kanya. Nagsisigaw ito sa sakit at nabitiwan siya kaya nagawa niyang makatakbo palayo. Subalit narinig niya ang mga yabag ng mga lalaking humahabol sa kanya.
“Anak ng… Akala mo ba makakatakas ka sa amin?” nanggagalaiting sabi ng lalaking naka-bonnet.
“Babalatan ka namin ng buhay kapag naabutan ka namin,” banta ng lalaking naka-cap na hawak ang nasaktang kamay.
“Saklolo! Tulungan ninyo ako!” sigaw niya.
Naghalakhakan ang tatlo na parang mga demonyo. “Sige, sigaw pa! Wala namang makakarinig sa iyo. Malayo ang guardhouse. Walang magtatanggol sa iyo dito. Dahil kami ang batas sa eskwelahang ito.”
Wala siyang pakialam kung ano ang mga ito sa eskwelahang iyon. Ang mahalaga sa kanya ay makatakas sa galamay ng mga ito. At ipinapangako niyang kapag nakaligtas siya, siya ang magtuturo ng leksiyon sa mga bastos na tulad nito.
Papaliko na siya sa isa pang building na mas maliwanag. Baka sakaling may mahingan siya ng tulong doon. O kaya ay makarinig sa sigaw niya. Nang bigla siyang bumangga at may humawak baywang niya kaya hindi siya tuluyang bumagsak.
Napatili siya sa sobrang takot. “Huwag!” Nagwala siya upang makatakas mula sa pagkakahawak nito. Hindi siya mamamatay nang walang laban.
“Anong problema?” tanong ng isang matatag na boses ng lalaki.
Nang idilat niya ang mata ay natuklasan niyang si Rohann ang may hawak sa baywang niya at hindi isa sa mga humahabol sa kanya. Naiiyak siyang yumakap dito at isinubsob ang mukha sa dibdib nito. “Iyan kasing mga lalaking iyan!” aniya at itinuro ang mga humahabol sa kanya.
“Anong ginawa nila sa iyo?”
“B-Binastos nila ako,” humihingal niyang sabi habang nangangatog pa rin siya sa magkahalong takot at pagod. Akala talaga niya ay wala nang tutulong sa kanya at tuluyan na siyang mapapahamak.
Hinaplos ni Rohann ang likod niya. “Huwag kang mag-alala. Ako ang bahala sa mga nambastos sa iyo.”
Natigilan naman sa pagtakbo ang mga lalaking humahabol sa kanya. “Pare, kumuha ka ng sa iyo. Sa amin ang babaeng iyan,” sigaw ng lalaking naka-bonnet. Hanggang ngayon ay astang siga pa rin ang mga ito.
“Huwag kang epal, pare! Kami ang unang nakakita sa kanya. Kaya mabuti pang umalis ka na bago ka pa samain sa amin,” banta ng naka-white na jacket at pinatunog pa ang kamao. Handa itong makipagbasag-ulo.
Nakaramdam tuloy siya ng takot dahil baka masangkot sa gulo si Rohann. Mga basagulero pa mandin ang mga ito at mga tipo ng tao na wala nang babasagin sa mukha. Hamak na mas sanay sa gulo ang mga ito kumpara sa mga lasenggong nakalaban ni Rohann noon.
Hinarap ni Rohann ang mga ito. “Sino ang sasamain sa inyo?” kaswal nitong tanong na parang hindi ito pinagbantaan ng masama.
“Ikaw…” Ngunit nabitin ang sasabihin ng lalaking kinagat niya ang braso nang makilala si Rohann. “Boss Rohann!”
Biglang naging maamong tupa ang anyo ng mga lalaki. “Pasensiya na sa abala, boss. Iyan kasing babaeng iyan, kabao-bago pa lang pero sinupladahan na kami. Samantalang nakikipagkilala lang naman kami,” sabi ng naka-bonnet.
Nilingon siya ni Rohann. “Nakikipagkilala lang ba talaga siya sa iyo?”
“Ayoko ngang makipagkilala sa kanila,” mariin niyang sabi. Kahit sabihan pa siyang suplada, wala siyang pakialam.
“Nakita mo na ba kung gaano kasungit, bossing?” gagad ng naka-white na jacket. “Kilala mo naman kami, ayaw namin ng sinusungitan kami.”
“Pasensiya na sa ginawa ng babaeng ito,” sabi ni Rohann.
“Anong pasensiya?” bulalas niya na lalong nagpainit sa ulo niya. Akala pa mandin niya ay kakampi niya si Rohann pero kakampi pa yata ito sa mga kumag.
Nagulat siya nang bigla siyang akbayan ni Rohann. “Ako na ang bahalang magpakilala sa inyo sa kanya.”
Napigil niya ang paghinga nang lalong lumapit ang katawan ni Rohann sa kanya. Hindi niya maintindihan kung ano ang ginagawa nito. Pero binalewala muna niya ang galit. Her instinct told her that he was doing something to protect her.
Isa pa, sasamantalahin na rin niya na mapalapit dito. Sabi ng marami, suplado ito at walang interes sa babae. Pero hindi naman ito duwag. Handa itong tumulong at magtanggol. Lalong nadagdagan ang paghanga niya dito. Parang gusto niyang yumakap nang yumakap dito at patuloy na matakot.
Muntik na niyang tuktukan ang sarili. Sa oras ng krisis ay puro kalokohan ang naiisip niya. Na parang okay lang na may humabol na mga luko-luko sa kanya basta lagi siyang babagsak sa mga bisig ni Rohann.
Napanganga ang lalaking naka-cap. “Paanong ikaw ang magpapakilala sa kanya samantalang hindi mo nga sinasabi sa amin ang pangalan niya?”
Tinanggal ng lalaking naka-bonnet ang bonnet nito at hinampas sa ulo ang naka-cap. “Tanga! Hindi mo ba nakikita na inakbayan ni Boss Rohann iyong chick? Ibig sabihin, girlfriend niya iyon.”
“At hindi ninyo siya pwedeng kantiin,” dugtong ni Rohann. “Dahil kapag may nakita ako sa inyo na lumapit sa kanya, malilintikan sa akin.”
“Opo, bossing!” anang naka-white jacket. “Hindi na po mauulit ang nangyari.”
“Saka sasabihin pa namin sa iba na huwag nang makipagkilala sa girlfriend ninyo kung ayaw nilang samain. Tama?” sabi ng naka-bonnet at yumuko pa.
Tumango si Rohann. “Mabuti naman at nagkakaintindihan tayo. Sige, umalis na kayo bago pa kayo samain sa akin.”
“Opo, bossing!” anang mga lalaki at sabay-sabay na nagpulasan.
Mabilis na inalis ni Rohann ang pagkakaakbay sa kanya nang makaalis ang mga lalaki. “Wala na sila. Hindi ka na siguro nila guguluhin.”
“Thank you sa pagliligtas sa akin. I’m Kimberly Mercado. First year din ako tulad mo,” pagpapakilala niya at inabot ang kamay dito.
Ginagap nito ang kamay niya. “Rohann Madrigal.”
“Yeah. Iyon nga ang nakalagay sa ID mo.”
Binawi nito ang kamay at namulsa. “Masyado nang gabi. Alas nuwebe na. Kanina pa nag-uwian iyong ibang estudyante. Bakit mag-isa ka lang?”
“Galing kasi ako sa library dahil may research ako. Ikaw din, mukhang ginagabi na.”
“Katatapos lang ng practice namin sa karate. Ako ang nagsara ng headquarters namin nang marinig ko ang sigaw mo.”
“Kung hindi dahil sa iyo, baka napahamak na ako. Salamat.”
“Wala iyon. Sumabay ka na sa akin hanggang sa gate.”
Dali-dali siyang sumabay sa paglalakad nito. “Nag-dinner ka na?”
“Hindi pa.”
“Ako rin hindi pa nagdi-dinner. Gusto mo bang magdi-dinner tayo? Ako ang bahalang mag-treat sa iyo?” yaya niya.
“Bakit mo ako ililibre?”
“Dahil ikaw ang nagligtas sa akin.”
“Hindi kita iniligtas. Kinausap ko lang naman sila. Wala akong ibang ginawa.”
“Huwag ka nang magpa-humble.”
“Sa ibang araw na lang siguro. Marami pa akong gagawin. Kung gusto mo, samahan na lang kitang bumili ng makakain mo. I-take out mo na lang.”
“Ayaw mo ba talagang kumain?”
“May naghihintay na pagkain sa akin sa boarding house. Ipinagluto ako ng kasamahan ko. Masasayang lang iyon. Saka hindi magandang tingnan kung ililibre ako ng babae.”
“Nagpapasalamat lang naman ako.”
“Hindi mo na ako kailangang ilibre. Basta tiyakin mo lang sa susunod na hindi ka na magpapagabi at uuwing mag-isa. Maraming loko sa panahong ito.”
“At hindi ka kasama sa mga lokong iyon?”
Tuwid lang ang tingin nito habang naglalakad. “Marami akong planong gawin sa buhay ko. Wala akong oras sa kalokohan.”
Noon niya napatunayan kung gaano ito kaseryoso. Naisip tuloy niya na napaka-misteryoso nito. Hindi madaling hulaan ang iniisip nito o ang pagkatao sa isang tingin lang.
“KUMUSTA? Nagkita na ba kayo ng kapatid ni Jet Madrigal?” tanong ni Rory, ang kaibigan ng Kuya Luigi ni Kimberly nang tawagan siya nito kinagabihan.
“Oo. Tinulungan pa nga niya ako sa mga bumastos sa akin,” sabi niya habang nilalaro ng daliri ang telephone cord. Hindi siya komportable na kausapin si Rory o kahit sino na may gustong maghiganti sa kuya niya. Parang wala sa tamang huwisyo ang isip niya na nakalutang pa rin sa alapaap dahil ihinatid siya ni Rohann.
“Good. Hanga talaga ako sa iyo.”
Natigilan siya. “Anong ibig mong sabihin?”
“Nakagawa ka agad ng paraan para makalapit sa kapatid niya.”
“Rory, pwede bang ibang paraan na lang ang isipin natin para mahanap natin ang location ni Jet Madrigal? Wala akong planong maging malapit sa kapatid niyang si Rohann,” matabang niyang sabi.
“Ano ba ang sinasabi mo? Nasa iyo na ang opportunity para makakuha ng impormasyon sa kanya. Huwag mo nang aksayahin. Siya ang lang ang tanging susi para malaman natin ang kinalalagyan ng kapatid niya.”
“I don’t think I can do this,” aniya at huminga nang malalim.
Rohann was a nice man. Hindi yata niya kayang suklian ng pagta-traidor ang kabutihang ginawa nito sa kanya. Kung nag-iba lang ang sirkumstansiya, gusto talaga niyang mapalapit dito.
“Huwag mong sabihing nanlalambot ka na. Hindi dahil iniligtas ka niya, kalilimutan mo na ang kuya mo. Nangako ka sa kanya na ipaghihiganti mo siya.”
“Hindi ko nakakalimutan ang pangako ko sa kanya. Kaya nga ako nandito, hindi ba? Hindi naman ako umuurong. Ang sa akin lang, hindi madaling kuhanan ng impormasyon si Rohann. Hinding-hindi siya magbibigay ng impormasyon lalong-lalo na tungkol sa kuya niya. Mga tao mismo dito ang nagsasabi na talagang itinatago ang location ni Jet Madrigal.”
“Think, Kim. Hindi ka namin ipinadala diyan para sumuko. Kailangan mong maging malapit kay Rohann. If you have to make him fall for you just to extract information from him, do it!”
“Rory!” bulalas niya. Hindi niya kayang gumamit ng damdamin ng ibang tao para lang sa pansarili niyang kapakanan. Even if it was as important as her revenge business for her brother. May sarili pa rin siyang prinsipyo.
“Let me tell you this. Inire-reveal ng isang taong in love ang lahat ng sekreto niya sa taong mahal niya. Believe me. Behind every man’s victory and downfall is a woman.”
“I can’t make him fall for me.” Imposibleng ma-in love sa kanya si Rohann.
“Of course you can. Use your charm. Iyon na lang ang naiisip kong paraan para tuluyan kang mapalapit sa kanya. Alalahanin mo na si Jet Madrigal ang pumatay sa kuya mo. We don’t have room for pity. Hindi mo rin kailangang makonsensiya. Dahil hindi rin siya nakonsensiya nang pinatay niya si Luigi.”