Skylander Series Chapter 15

Nagmamadaling lumabas ng boarding house si Kimberly. Hindi siya pwedeng ma-late sa unang subject niya dahil terror ang professor niya doon. Paglabas niya ay nagulat siya nang mamataan si Rohann na nakatayo sa tabi ng gate na parang may inaabangan. Nagkahinala tuloy siya na baka may nililigawan ito na isa sa mga ka-boardmate niya.

Dapat ay iiwas na lang siya dahil iyon ang ipinangako niya sa sarili niya nang nakaraang gabi. Kaya niyang iganti ang kuya niya nang hindi ito ang ginagamit. Subalit kusang naglakad ang mga paa niya palapit dito.

“Hi, Rohann!” bati niya. “Anong ginagawa mo dito?”

Tumuwid ito ng tayo. “Hinihintay ka. May pasok ka ng nine o’clock, hindi ba?”

“P-Paano mo nalaman?” gulat niyang tanong.

Nagkibit-balikat ito. “Basta alam ko. Gamit mo,” anito at kinuha ang mga librong hawak niya.

She noted that he was a gentleman. Natutuwa siya dahil siya pala ang sinundo nito at hindi isa sa mga ka-boardmate niya. At nagulat din siya dahil alam nito ang schedule ng klase niya. Interesado ba ito sa kanya?

“Inaalala mo ba ako dahil sa nangyari kagabi? Okay na ako. Hindi ka na sana nag-abala na I-check ako,” sabi niya habang naglalakad sila palabas ng street. Kailangan pa nilang sumakay ng jeep o taxi papunta sa university.

“Tapos na iyon. Ikaw ang inaalala ko ngayon dahil wala kang kasama.”

“But…”

“Don’t tell me you are old enough to protect yourself,” putol nito sa ikakatwiran niya. Parang nabasa na nito ang sasabihin niya. “Dahil napatunayan ko kagabi na hindi mo pa rin kayang mag-isa.”

Bumuntong-hininga siya. “Wala na akong sinabi.” It was useless arguing with him dahil alam nito kung ano ang kahinaan niya.

“Mabuti naman,” sabi nito at tuwid ang tingin habang naglalakad. Alam kasi nito na hindi na siya makikipagtalo pa dito.

“Papayag akong ihatid mo ako sa school kung sasabay kang mag-lunch sa akin mamaya.”

“Pero may practice pa ako ng karate,” protesta nito.

Isa iyon sa mga napansin niya dito. Kapag may lumalapit dito, awtomatiko nitong inilalayo ang sarili. Kaya siguro lagi itong mag-isa at walang malalapit na kaibigan. He gives a piece of his self but he doesn’t allow anybody near him.

“Twelve ang tapos ng klase mo sa Biology at one o’clock pa ang simula ng practice mo sa karate. Ibig sabihin, may isang oras ka para mag-lunch. Pwede mo pa akong sabayan.”

Bumakas ang pagkagulat sa mukha nito. “Paano mo nalaman ang schedule ko para sa araw na ito?”

Ngumiti siya at nagkibit-balikat. “Basta alam ko.”

Hindi nito alam na sadya niyang inalam ang mga bagay tungkol dito. Hindi dahil sa paghihiganti niya para sa kuya niya. Kundi dahil talagang interesado siya dito. If she could get near Rohann, it won’t be a revenge business anymore. Kundi puso na niya ang nagdidikta sa kanya.

Hindi pa rin niya nakakalimutan ang paghanap niya ng katarungan para sa Kuya Luigi niya. Subalit iisip siya ng ibang paraan. Iyong di gagamitin si Rohann.

NAKAUPO si Kimberly sa bench malapit sa puno ng narra sa tabi ng library. Mas tahimik kasing mag-review doon. Break time niya noon kaya may oras siya para paghandaan ang quiz niya sa History. Ayaw yata niyang magkaroon ng bagsak sa terror niyang professor. Namamahiya kasi ito ng estudyante na may bagsak sa quiz.

Natigilan siya sa pagbabasa nang maramdaman niyang may nakatingin sa kanya. Nang lumingon siya ay namataan niya si Rohann na nakahalukipkip at pinagmamasdan siya habang nakasandal sa puno.

Tumayo siya at agad na nilapitan ito. “Hi! Anong ginagawa mo diyan?”

Binuklat nito ang hawak na libro at itinuon ang tingin doon. “Nagbabasa.”

“Huwag mong sabihing mas gusto mong tumayo diyan. May bench naman doon. Wala akong kasama. Tabi na lang tayo,” yaya niya dito.

“Okay na ako dito. Isa pa, makakaabala lang ako.”

“Hindi kita yayayain kung nakakaabala ka lang niya sa akin,” aniya at hinatak ito paupo sa bench na inokupa niya.

Napabuntong-hininga na lang ito at nagpatianod sa pangungulit niya. “Hindi mo naman ako kailangang hatakin.”

“Hindi ka komportable nang nakatayo,” protesta niya.

“Okay na sa akin na panoorin ka sa malayo.”

“Pinapanood mo ako?” aniyang hindi maitago ang saya sa boses.

Sanay na siya na tinatapunan ng tingin ng mga lalaki pero iba ang pakiramdam niya kapag si Rohann ang nakatingin sa kanya. Parang siya ang pinaka-espesyal na babae sa mundo.

“Dahil wala ka na namang kasama. Hindi ba sinabi ko sa iyo na huwag kang maglalakad dito sa campus nang mag-isa dahil maraming loko dito.”

“Wala namang kumakanti sa akin, ah!” katwiran niya.

Mula nang ipagtanggol siya nito sa mga nambastos sa kanya, hindi na nasundan pa ang insidenteng iyon. Ang tingin niya niya sa mga estudyante doon, sabihin lang ang pangalan ni Rohann ay nangangatog na.

“Kahit na. Hindi ka pa rin nakakasigurado. Mabuti nang nag-iingat.”

“Pero safe naman ako ngayon dahil kasama kita, hindi ba? Mabuti pa, samahan mo na lang akong mag-review sa history. Balita ko kasi ikaw ang pinaka-favorite ng professor natin doon.” Kahit ang terror na professor ay kaya nitong paamuin ayon sa nabalitaan niya.

“Hindi ako favorite noon.”

“Magaling ka siguro sa History.” Tiningnan niya ang librong binabasa nito. World War II. “Nasa Japanese occupation ka na agad? Ni hindi pa nga tumutuntong ang lesson namin sa Spanish era. Masyado ka namang advance.”

“Hindi ako advance. Kung tutuusin, mas masipag kang mag-aral kaysa sa akin. Anong ituturo ko sa iyo?”

“Paano ka magiging favorite ng professor natin kung hindi ka nag-aaral masyado sa history? Hindi ka naman siguro sipsip, no?”

“Bata pa lang ako, kung anu-ano na ang ikinu-kwento sa akin ng lolo ko. Before kami mag-practice ng martial arts, kukwentuhan niya kami mula sa panahon ng mga ninuno namin. Kung paano makipagkalakan sa mga Intsik hanggang dumating ang mga Kastila. Pati na rin panahon ng Hapon, nai-detalye niya sa amin. Kaya hindi lang martial arts ang natutunan ko. Pati na rin History. Kaya hindi simpleng history lang ang pwede kong I-share sa klase namin. Pati na rin iyong mga kwento na hindi mo basta-basta mababasa sa history books. Pero iyon naman ang na-experience ng mga ninuno namin.”

“That’s wild!” bulalas niya. “Parang gusto ko tuloy maki-seat in sa klase ninyo. O kaya kwentuhan mo ako tungkol sa mga kwento ng lolo mo."

Wala siyang interes masyado sa history. Sa katulad niyang lumaki sa Amerika, mas pamilyar niya sa American history kaysa Philippine history. Ngayon lang niya natuklasan na interesanteng pag-aralan ang kasaysayan ng lahing pinagmulan niya.

Ngayon lang din niya nalaman na sa kabila ng pagiging tahimik ni Rohann, may laman ang utak nito. Hindi katulad ng ibang nakilala niya na magaling lang makipaglaban at makipagbabag pero wala namang alam.

“Kimberly!” tili ni Gianna nang humahangos silang nilapitan. “Alam mo ba kung ano ang usap-usapan sa campus tungkol sa inyo ni…” Natigilan ito nang mapasulyap sa gawi ni Rohann. Parang nagulat pa ito nang makitang naroon ang binata. Alanganin itong kumaway. “Hi, Rohann!” parang nahihiyang bati nito.

Tumayo si Rohann. “Paano, aalis na ako.”

“Aalis ka na agad? Parang ayaw mo akong kasama,” nakalabing sabi ni Gianna. “Nakakatampo ka naman.”

“Kaya nga ako aalis dahil dumating ka na. May makakasama na si Kimberly dito.” Tinapik nito si Gianna sa balikat. “Ikaw na ang bahala sa kanya.”

“Rohann, mag-ingat ka sa practice mo sa karate,” sabi niya.

“Ikaw ang dapat mag-ingat. Huwag kang maglalakad sa campus nang walang kasama. Lagi kang sasama kay Gianna.”

“Yes, boss!” aniya at pabirong sinaluduhan ito. Hindi niya inalis ang tingin dito hanggang salubungin ito ng mga ka-team nito sa karate. Napapitlag siya nang biglang tumikhim si Gianna. “Bakit?” tanong niya at nilingon ito.

Humalukipkip ito. “Ano ang ibig sabihin noon?” anito at inginuso ang direksiyong pinuntahan ni Rohann.

“Wala,” aniya at binalikan ang nire-review.

“Ang walang hiya! Hindi na nga pinapansin ang kagandahan ko, ginawa pa akong yaya mo. Sabihin mo nga, mukha ba akong yaya mo?” ngitngit nito.

Isinara niya ang binabasang libro dahil hindi rin siya makapag-concentrate sa pagbabasa. “Ano na nga ba iyong sinasabi mo kanina na tsismis dito sa campus? Tungkol saan iyon?” tanong niya para ilayo ang atensiyon nito kay Rohann.

Sumandal ito. “Iyon mismong eksena kanina. Magkasama kayo ng Rohann Madrigal na iyon na nuknukan nang suplado. Anong ipinakain mo doon at naging maamo sa iyo?”

“Wala,” kaila niya.

“Nililigawan ka ba niya?” pabulong nitong tanong.

“Hindi. Mabait lang talaga sa akin si Rohann.”

Ngumiti ito na parang nakakaloko. “Alam ko na! Ikaw siguro ang nanliligaw sa kanya.” Siniko siya nito. “Alam ko naman na malakas ang tama mo doon. Saka natural lang sa mga galing sa Amerika ang maging liberated, di ba?”

“Gianna!” saway niya dito. Kahit naman laki siya sa Amerika, hindi naman siya manliligaw ng lalaki. Hanggang pagpapa-cute at pagpaparamdam lang ang kaya niyang gawin.

“E bakit parang anino mo na siya? Balita nga dito sa campus, boyfriend mo na siya. Nakakainis ka! Friend kita pero ako ang nahuhuli sa tsismis ng buhay mo.”

“Concern lang siya sa akin. Noon kasing nakaraang gabi, late na akong umuwi. May mga nambastos sa akin at siya ang nagtanggol sa akin. Tinitiyak lang niya na may kasama ako simula noon. Akala tuloy ng mga tao, boyfriend ko na siya.” Inisip rin ng mga bumastos sa kanya na boyfriend niya si Rohann. Kaya nga naman hindi siya pwedeng bastusin o kantiin ng mga ito.

“Ah,” nakakaintindi nitong sabi at tumango. “Kaya pala wala nang lalaking lumalapit sa iyo. Lahat takot kay Rohann.”

“Bakit? Lahat ba ng lalaki dito, bastos?”

“Hindi. Pero notorious ang temper ni Rohann. Saka siya ang pinakamagaling lumaban dito sa campus. Siyempre, kung mano-mano lang na laban, kaya niyang patumbahin ang mga loloko-loko sa iyo.”

“Hindi naman siya basagulero. Unless na-provoke siya.”

“Kasi naman, sa sobrang takot sa kanya pati iyong ibang gustong manligaw sa iyo hindi makalapit. Siguro dahil nirerespeto rin siya dito.”

“Hindi ko naman kailangan ng ibang manliligaw.” Masaya na siya sa atensiyong ibinibigay ni Rohann sa kanya. Iyong alam niya na nag-aalala ito sa kanya at pinoprotektahan siya.

“Binabantayan ka lang ni Rohann pero hindi ka naman niya nililigawan. Ikaw na mismo ang nagsabi na concern lang siya sa iyo. Wala nga siyang hilig sa mga babae. Manhid iyon.”

Bumuntong-hininga siya. “At least magkaibigan kami.”

“Pero malay mo may emosyon din pala ang kumag na iyon. Bakit hindi mo itanong sa kanya kung type ka rin niya?”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Puro ka kalokohan! I can’t do that. Hindi ganoon kakapal ang mukha ko. Mamaya ma-reject pa ako. Baka mas lalo pang lumayo si Rohann sa akin.”

“Ako na lang magtatanong. Para kung wala naman siyang balak na ligawan ka, mas mabuti pang layuan ka na lang niya para mapormahan ka naman ng ibang lalaking nagkakagusto sa iyo.”

“I told you, I don’t care about other guys. All I care about is Rohann. At wala akong pakialam kahit na hindi niya ako ligawan.”

Noong una nga, masaya na siya na pagmasdan si Rohann. Bakit ngayon pa siya papayag na layuan nito ngayong nasa kanya na ang atensiyon nito?

Naiiling nitong binasa ang mga notes. “In love ka nga.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.