Skylander Series Chapter 17

“Dumating pala ang parents mo pero hindi mo sinasabi sa akin,” nagtatampong sabi ni Rohann habang naglalakad sila sa gilid ng lake sa Burnham Park. Tapos na ang klase niya pero ayaw pa niyang umuwi.

“Masyado ka kasing busy nitong nakakaraang araw kaya hindi ko nasabi sa iyo.” Naghahanda ito para sa Karate Regional Competition na gaganapin sa susunod na linggo. “Saka sandali lang naman sila dito. May kinausap lang na investor si Papa tapos bumalik na sila sa Manila.”

“I would really love to meet them.”

Napabuntong-hininga siya. Dahil kung siya ang tatanungin, mas gusto niyang huwag na itong makilala pa ng mga magulang niya, lalo na ang Papa niya.

“Actually, wala namang kakaiba sa pamilya ko. I grew up in States at may vineyard ang family ko doon. My mother is a simple housewife. Paminsan-minsan, tinutulungan niya si Papa sa pamamahala ng vineyard. Si Papa ang businessman. At ngayong umuwi na kami sa Pilipinas, gusto pa rin niyang magtayo ng bagong negosyo. Bukod pa sa pag-aari ng mga lolo ko.”

“Wala ka bang kapatid?”

“May kuya ako,” aniya at biglang nawala ang ngiti sa labi.

“Bakit? May problema sa kuya mo?” tanong ni Rohann nang mapansin ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha niya.

Napayuko siya. “He is gone. Kaya kami umuwi sa Pilipinas dahil sa nangyari.” Inangat niya ang tingin dito. “Ikaw, wala ka yatang masyadong ikinukwento tungkol sa pamilya mo.”

“Apat kaming magkakapatid. Dalawang lalaki at dalawang babae. Ako ang pangalawa sa panganay at iyong dalawang amazona kong kapatid, parehong mas bata sa akin. Nai-kwento ko na sa iyo na wala na si nanay.”

“Ang tatay mo?”

“Masyadong mabait si tatay. Siya ang bumuhay sa mga kapatid niya dahil nag-asawa agad ang tita ko na panganay niyang kapatid. Nagtanan at sa States na tumira. Napagtapos ni Tatay ang lahat ng kapatid niya. Pero sa huli, siya naman ang kinalimutan. Ni hindi na nga siya nakatapos ng pag-aaral dahil sa pagtatrabaho sa bukid na iniwan ng lolo ko. Alam mo bang may kaya ang halos lahat ng kapatid niya at kami lang ang pinakamahirap? Pero nang magkasakit ang nanay ko, hindi man lang nila kami tinulungan,” anito at mariing kinuyom ang palad. Nararamdaman niya ang matindi nitong hinagpis lalo na’t nawalan ito ng ina. Alam kasi niya kung paano mawalan ng isang mahal sa buhay.

“Galit ka ba sa tatay mo?” tanong niya.

Huminga ito nang malalim at umiling. “Hindi ako galit sa kanya. Minsan lang, hindi ko siya maintindihan dahil masyado siyang mabait. Kaya naabuso siya. Parang hindi siya marunong magalit.”

“Nandito rin ba sila sa Baguio ng mga kapatid mo?”

“Wala sila dito. May kaibigan si tatay sa La Union na may-ari ng furniture company. Doon siya nagtatrabaho ngayon. At doon din nag-aaral ang dalawa kong kapatid na sina Aki at Arwen,” kwento nito.

La Union. Posible kaya na naroon din ang kuya nitong si Jet? O baka malapit lang doon. Iyon ang kailangan niyang kumpirmahin.

“Ang kuya mo?” tanong niya.

“Si Kuya Jet? Magaling siya sa martial arts,” anitong hindi maitago ang matinding paghanga sa kapatid. “Alam mo na siguro iyon dahil sikat siya sa school. Siya kasi ang representative ng taekwondo team.”

“Nasaan na siya?”

Bumalik ang galit sa mukha nito at tumayo. “Medyo mahamog na dito. Baka pagalitan ako ng landlady mo kapag ginabi ka ng uwi. Halika, ihahatid na kita,” paiwas na sabi nito at inalalayan siyang tumayo.

Ayaw talaga nitong sabihin sa kanya kung nasaan ang kuya nito. Sana nga ay hindi na lang niya malaman dito kung nasaan si Jet Madrigal. Dahil ayaw niyang masaktan pa ito.

“DIYOS ko po! Huwag naman po sana silang magkatamaan,” hiling ni Gianna habang nakatakip ang mga mata. Nasa Baguio Gymnasium sila at pinanonood ang laban ni Rohann. Gold na ang labanan at ang mananalo sa Karate Regional Cup ang siyang ilalaban sa national competition sa Manila.

“Hoy! Ano ba ang idinasal mo at pati Diyos ay idinadamay mo?” untag ni Kimberly dito. “Saka huwag ka ngang magtakip ng mata. Baka akala ng mga tao may topak ka.”

“Ayoko kasing makakita ng nagkakasakitan,” anitong hindi pa rin inalis ang pagkakatakip ng palad sa mata. “Ayoko naman talagang manood ng tadyakan at sapakan. Kung bakit kasi isinama mo pa ako dito.”

“Natural. Para moral support kay Rohann,” sabi niya. Bigla siyang napapalakpak nang tinamaan ni Rohann ng isang straight punch sa kaliwang pisngi ang kalaban nito. Puntos iyon para kay Rohann. “Yes! Go, Rohann!”

“Mabuti na lang hindi niya ako niligawan,” anang si Gianna na naglabas na lang ng press powder at nagpulbo ng mukha. “Hindi ko ma-imagine ang sarili ko nanonood ng ganitong klaseng competition. Tapos mag-uuwi ako ng boyfriend na puro pasa at bali-bali ang buto.”

But she loved watching Rohann’s fights. Alam kasi niya na hindi ito basta-basta nagpapatalo. Parang ipinanganak na ito na taglay ang mga fighting skills nito. And he didn’t fight just to win. There was an innate art in his moves.

Maya maya pa ay idineklara na ng referee na si Rohann ang nanalo. Nagkagulo ang lahat dahil iyon ang huling laban. At dahil si Rohann ang nakakuha ng huling gold, ang team nito ang idineklarang over-all champion sa tournament.

Binuhat ng mga ka-team nito si Rohann. Pati sila ni Gianna at iba pang estudyante ng university nila ay nagpalakpakan para dito.

Nang ibaba si Rohann ay tumakbo agad ito sa kanya. Ni hindi nito pinansin ang ibang nakikipagkamay. Nagulat pa siya nang yakapin siya nito sa harap ng maraming tao. “I did it, Kim! Kasali na ako sa national competition. At kapag nanalo ako doon, makakasali na ako sa international competition,” excited nitong kwento. Noon lang niya ito nakita na parang bata sa sobrang saya.

“You did great, Rohann. I am proud of you!”

“Thank you,” he said and then he kissed her.

She was shocked. It was the first time that he initiated a kiss. And his kiss was different from the chaste ones she used to give him whenever she wanted to tease him. She felt her soul burning. Mahigpit siyang kumapit sa balikat nito sa takot na tumilop ang tuhod niya.

“Rohann…”

“I love you, Kim,” anito at ikinulong ng palad nito ang mukha niya. “Are you my girl now?”

“Yes!” walang pagdadalawang-isip niyang sagot at niyakap ito. That was the best day of my life. She kept on praying everyday na mahalin din siya nito. At ngayon, sinagot na ang mga dasal niya.

Lalong lumakas ang hiyawan at palakpakan. Hindi lang dahil sa pagkapanalo ni Rohann kundi dahil sa pagsagot niya dito. He was officially her boyfriend.

“You won’t regret this,” bulong nito sa kanya habang mahigpit pa rin siyang yakap. Parang ayaw na siya nitong pakawalan pa.

“And I hope you won’t regret loving me,” mahina niyang sabi. Ngunit hindi niya alam kung narinig nito dahil pinagkaguluhan ulit ito ng mga ka-team at ng iba pang bumabati dito.

Dahil sa kabila ng sayang nararamdaman niya ay naroon ang matinding pangamba. Nagbabantang sirain ang lahat ng kaligayahang nararamdaman niya.

Paano kung malaman ni Rohann ang kaugnayan niya sa lalaking napatay ng kuya nito? Paano kung malaman nito ang isang misyon na pilit na niyang kinakalimutan? Mahalin pa kaya siya nito?

“ANONG ginagawa natin dito?” tanong ni Kimberly nang humimpil ang sinasakyan nilang taxi ni Rohann sa St. Luke’s Medical Center. Kasama siya nito sa Manila para sa National Cup ng karate competition kung saan makakalaban nito ang pinakamagagaling sa bansa. Saglit lang itong humiwalay sa mga ka-team nito dahil may pupuntahan daw ito. Kinabukasan pa ang opening ceremony ng competition.

“May ipapakilala ako sa iyo,” anito at ginagap ang kamay niya.

“Dito siya nagtatrabaho o dito siya naka-confine? Sino?”

“Basta. Makikilala mo rin siya. Importante siya sa akin. Nangako ako na kapag nagka-girlfriend ako, ipapakilala ko agad sa kanya. At dadalawin ko rin siya bago ako lumaban sa national competition.”

Tahimik lang siya hanggang makarating sila sa ICU. Bumungad sa kanya ang isang lalaki na sa tantiya niya ay nasa edad beinte. Nakahimlay ito at iba’t ibang life support system ang nakakabit sa katawan.

Nilapitan ito ni Rohann at magaang tinapik ang kamay. “Hey, bro! I’m here! Bumangon ka na diyan. I want you to meet my girlfriend, Kim. Maganda siya, hindi ba?” Hinawakan ni Rohann ang kamay niya at inakay siya para tumayo sa tabi ng hospital bed. “Kim, meet my brother, Jet.”

PARANG naestatwa si Kimberly habang pinagmamasdan ang kapatid ni Rohann. Una, hindi niya inaasahan na magkikita pa sila. She gave up hoping that she would meet him. Masyado kasing malihim si Rohann. At hindi niya ito inaasahan na makita sa ganoong kalagayan.

“What happened to him?” tanong niya habang mahigpit ang hawak sa kamay ni Rohann. Hindi kasi niya alam kung ano ang dapat na maramdaman nang mga oras na iyon. Wala kasi siyang makapa na galit sa pumatay sa kuya niya.

Inayos ni Rohann ang kumot nito. “Comatose. Matindi ang injury na nakuha niya sa laban.”

“Laban?” kunway inosente niyang tanong.

Ito ba ang lalaking hinahanap nila at gusto nilang paghigantihan? Parang napakalayo nito sa imahe ng mabagsik at masamang lalaki na pumatay sa kuya niya. Kung ngayon nila ito sisingilin, wala man lang itong kalaban-laban.

Nagtagis ang bagang ni Rohann at mahigpit na kinuyom ang kumot. “Kinainggitan siya ng isang grupo ng kasamahan niya sa taekwondo. Mas magaling kasi si Kuya Jet at hindi iyon matanggap ng mga senior sa kanya. Nainsulto siguro ang leader nila dahil kahit minsan, hindi pa siya nanalo sa sparring kay kuya.”

“Dahil lang sa inggit?” Hindi niya ma-imagine na may taong magkakapatayan nang dahil lang sa simpleng inggit.

“Naghahari-harian ang grupong iyon sa eskuwelahan. Ayaw tumanggap ng pagkatalo ng leader nila. Malapit nang lumaban si Kuya Jet noon sa international competition sa Singapore nang tinambangan siya ng grupong iyon. It was a losing fight. Ten against one.”

Parang tinadyakan siya sa dibdib sa natuklasan. “Sampu sila at mag-isa lang ang kuya mo?” Taliwas iyon sa kwento ng kagrupo ng kuya niya na si Jet ang unang sumugod at may mga kasama pa ito.

“Magagaling silang lumaban dahil mga blackbelter din sila. And worse, may dala silang mga kutsilyo. Pinagtulung-tulungan nila ang kuya ko.”

Napigil niya ang hininga. “How was he able to survive?”

Na-imagine na niya kung ano ang eksena. Ang mga barkada niya na may mga hawak na patalim at ang walang kalaban-laban na si Jet.

“With his skills and his bare hands. Di siya lumaban noong una kahit na may saksak na siya sa iba’t ibang parte ng katawan niya. Pero hindi niya matanggap nang may lumaban na sa kanya ng talikuran. Alam niyang intensiyon na siyang patayin ng grupong iyon. Nagawa niyang tiisin ang sakit. We were trained to endure pain. At napilitan din siyang gamitin ang ancient Chinese martial arts na itinuro ng lolo namin. Kinailangan niyang pamanhirin ang sarili niya sa sakit para ipagtanggol ang sarili niya. Saka niya nagawang lumaban. He let his instincts to take over.”

Kung ganoon ay magaling talaga itong lumaban. Pero tao lang ito. Kahit gaano pa ito kagaling lumaban, may limitasyon din ang katawan nito. Maybe only his will to defend his self and live kept him alive.

“A-Anong nangyari sa mga kalaban niya?” tanong niya habang mahigpit na hawak ang metal rail sa tabi ng hospital bed.

“Most of them were severely injured. One of them died. Siguro namatay na rin ang kuya ko kung walang dumaan na tao sa lugar na iyon at isinugod siya sa ospital. He doesn’t deserve it!” naghihinanakit na sabi ni Rohann.

“Did they prosecute him?” Gusto niyang malaman ang tunay na kinalabasan ng kaso. Dahil kung nagawang umimbento ng kwento ng mga kaibigan ng kuya niya, maaring marami pa siyang matuklasan sa kasinungalingan ng mga ito.

“At first. Pero hindi na rin itinuloy ng mga duwag na iyon ang kaso dahil sila ang aggressor. My brother only defended his self. Di nila mai-push through ang kaso dahil kulang sa ebidensiya laban kay kuya. At sa huli, sila rin mismo ang madidiin. Mapapahiya lang sila kapag sila ang nakulong.”

Kaya pala talikuran ang gustong laban nila Rory. Dahil hindi na kayang lumaban ng mga ito sa husgado. Ang mga ito ang totoong may kasalanan. And they lied to her family. Ginatungan ng mga ito ang galit at paghihinagpis ng mga magulang niya para may makatulong sa paghihiganti. Ginamit siya ng mga ito.

Pinisil niya ang balikat ni Rohann. “I’m sorry,” hinging-paumanhin niya. “But I am sure, nagbayad na sila sa lahat ng kasalanan nila sa kapatid mo. May nagbayad na ng buhay niya.”

“No. All of them deserve to die. But that is not enough. Paano nila maibabalik ang mga pangarap ng kuya ko? Mga pangarap niya para sa pamilya namin at para maging sikat na martial artist? Walang katiyakang ibinibigay ang mga doktor na mabubuhay pa siya. At kung mabuhay man siya, hindi namin alam kung babalik pa siya sa normal. Kung hindi dumating ang tita ko from States para tulungan kami na ayusin ang bill dito sa ospital, malamang natulad na rin siya sa nanay ko. Baka namatay din siya sa isang mumurahing ospital.”

“Pero buhay pa ang kuya mo, Rohann. May pag-asa pa siya.”

“Himala na lang iyon. Alam mo na ngayon kung bakit takot akong mag-commit? I was forced to assume the role of the eldest. Nasanay ako na maging mas bata. May nakatatandang kapatid na sinusunod at tinitingala. At ngayon, kailangan ko ring ituloy ang mga pangarap niya.”

“Pero may sarili ka naman talagang pangarap, hindi ba?”

Bumagsak ang balikat nito. “No. Wala talaga akong pangarap noon. Para sa akin, simple lang ang buhay. I just fought because I want to and I know I can. Hindi mahalaga sa akin kung manalo o matalo. Wala akong planong sumikat. Ngayon, kailangan ko gawin ang lahat para sa kuya ko at sa iyo.” Ginagap nito ang kamay niya at kinintalan ng halik ang likod ng palad niya. “I want you to be proud of me.”

“I am already proud of you, Rohann.”

Hindi lang dahil magaling itong lumaban at alam niyang mananalo ito. Kundi dahil naging matatag ito sa pagharap sa problema. Kung magagawa lang niyang makuha ang kahit katiting sa tapang at lakas ng loob nito, hindi na niya kailangan pang matakot kapag hinarap niya ang mga magulang niya at kaibigan ng kuya niya. Dahil ang lahat ng natuklasan at nakita niya ngayon ay nagpabago sa anumang plano at paniniwala niya.

Ginagap ni Rohann ang kamay ni Jet. “Gumising ka na, bro. I want you to be there when I get my first gold in the international competition.”

Hinawakan niya ang isang kamay ni Rohann at ngumiti. “I know he will be there. Pipilitin niyang bumalik sa dati para sa iyo.”

Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “And I also want you to be there.”

Hindi niya maiwasang bigyan ng isang huling sulyap si Jet bago sila lumabas ni Rohann sa kuwarto nito. I am sorry for what my brother and his friends did to you, Jet. I’m sorry kung pinagtangkaan ka man naming paghigantihan. I thought my brother needs justice. Pero ikaw pala ang nangangailangan ng hustiya. Pangako, hindi ka na masasaktan. And I will take care of your brother.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.