Skylander Series Chapter 18

“Alam ko na kung nasaan si Jet Madrigal,” basag ni Kimberly sa tahimik na hapunan sa mansion kasama ang mga magulang niya. Sinabi niya kay Rohann na nasa ibang bansa ang mga magulang niya. Subalit ang totoo, gusto niyang kausapin ang mga ito nang sarilinan tungkol sa natuklasan niya.

Natigil ang kalansing ng mga kubyertos. Nakita niya ang magkahalong saya at galit sa mata ng Papa niya. “Nasaan na ang walang hiyang iyon? Panahon na para ipaghiganti natin ang kuya mo. Puntahan natin ang grupo nila Rory. Kailangan natin silang kausapin tungkol dito.”

Hindi siya tuminag sa kinauupuan. “Hindi ko sasabihin kung nasaan siya.”

Bumadha ang galit sa mukha ng Papa niya. “Anong kalokohan ang sinasabi mo, Kimberly?”

“Anak, matagal na nating hinintay ang pagkakataong ito. Hindi mo ba gustong bigyang katarungan ang pagkamatay ng kuya mo?” mahinahong tanong ng Mama niya kahit alam niyang naghihinanakit ito.

Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mga magulang habang nananatiling walang emosyon sa kanyang mukha. Tumigil ang mga mata niya sa Papa niya. “Naka-confine siya ngayon sa ICU. Comatose at malala ang lagay niya. Who knows, bukas-makalawa baka wala na rin siya. Kaya kalimutan na ninyo ang paghihiganti, Papa. Dahil wala na tayong paghihigantihan.”

Muling bumalik sa upuan ang Papa niya at uminom ng alak. “Hindi sapat ang pagka-comatose niya. Buhay pa siya habang patay na ang kapatid mo.”

“He doesn’t deserve to be in that state,” kontra niya. “Tahimik na si kuya habang nahihirapan pa rin siya. Isn’t that enough to quench your thirst for revenge?”

Kinuyom ng Papa niya ang kamao nito. “Inalis ng lalaking iyon ang tsansa natin para maging masaya kasama ang kuya mo!”

“Si Kuya Luigi at ang mga kaibigan niya ang nag-alis ng tsansa para maging masaya tayo! At sila rin ang nag-alis ng tsansa na tuparin ni Jet ang mga pangarap niya para sa sarili niya at sa pamilya niya.”

Natigilan ang Papa niya. “Anong ibig mong sabihin?”

Huminga siya nang malalim para ipunin ang lakas ng loob niya. Hindi madaling sabihin ang katotohanan na alam niyang maaring makasakit sa magulang niya. “Hindi si Kuya Luigi ang modelo at mabait na anak na inaakala ninyo. He grew up hating us. He grew up without being loved. Nagrebelde siya dahil iyon lang ang paraan niya para mapansin siya ng kinalakihan niyang ama. He craved for love and attention. Alam ba ninyong kinatatakutan siya sa school? Not because people respect him. He terrorized them. Iyon lang ang paraan niya para maramdaman niyang superior siya. Kaya hindi niya matanggap na may mas magaling sa kanya,” paliwanag niya.

“Huwag mong baligtarin ang istorya,” saway sa kanya ng Papa niya. “Ang Jet na iyon ang mayabang.”

“Rory lied to us. Hindi totoong grupo nila ang sinugod nila Jet. Sila ang sumugod kay Jet. It was ten against one. Pinagtulung-tulungan nila si Jet. At hindi iyon simpleng laban, Pa. They wanted to kill Jet. Sila ang may dalang kutsilyo at dinepensahan lang ni Jet ang sarili nila using his martial arts skills.”

“Kalokohan ang sinasabi mo!”

“Listen, Pa!” mariin niyang sabi. “Hindi ba kayo nagtataka kung bakit wala sa mga magulang nila Rory o kahit ang unang asawa ni Mama ang gustong ituloy ang kaso? Dahil sa huli, pangalan din nila ang makakaladkad sa kahihiyan. Sila Kuya Luigi ang ituturo ng lahat ng ebidensya. Jet Madrigal only defended his self. He is innocent!”

“Stop it, Kimberly!” galit na wika ng Papa niya. “Na-brainwash ka na ng mga taong iyon. Pati kapatid mo ay sinisiraan mo na.”

“Hindi ko sinisiraan si Kuya Luigi. Sinasabi ko lang ang totoo. Buksan ninyo ang isip ninyo, Papa. Ginagamit lang tayo nila Rory para makaganti kay Jet. Kung totoong sila ang inosente, bakit hindi nila kayang lumaban nang harapan?”

“Mahal na mahal ko ang kapatid mo. Hindi ako papayag na sa ganito lang matapos ang lahat,” matigas na sabi ng Papa niya.

Nilapitan ito ng Mama niya at pinisil ang balikat. “Tama ang anak mo, Horacio. Akala ni Luigi, hindi natin siya mahal. At lalong hindi siya minahal ni Andres. Kay Luigi nabuhos ang lahat ng galit ni Andres sa atin. Di natin nasubaybayan ang paglaki niya. Tanggapin natin na napabayaan natin siya kahit di natin gusto. Masakit man ang kinasapitan niya pero kailangan nating tanggapin.”

Matalim na tiningnan ng Papa niya ang Mama niya. “Pero hindi mo mabubura ang katotohanan na pinatay pa rin ng lalaking iyon ang anak natin. At kahit sino pa ang may kasalanan, hindi na niyon maibabalik pa ang buhay ni Luigi.” Ihinagis nito ang napkin sa mesa at iniwan sila.

Niyakap nilang mag-ina ang isa’t isa at hindi maiwasang mapaiyak. “Ma, ayoko nang maghiganti. Wala namang kasalanan sila Jet. Hayaan na lang nating manahimik si Kuya Luigi.”

“Kami ng Papa mo ang nagkulang sa kanya. Hindi niya matanggap iyon dahil masakit pa sa kanya ang pagkamatay ng kuya mo.” Pinahid nito ang luha niya. “Hayaan mo munang palipasin niya ang galit niya. Ang kailangan lang nating gawin ay ipaliwanag ito sa mga kaibigan ng kuya mo.”

“Pero hindi uurong si Papa sa revenge business na ito.” Kilala niya ang Papa niya. Hindi ito basta-basta tumatanggap ng pagkakamali lalo na’t isang mahal nito sa buhay ang gusto nitong ipagtanggol.

“Ako ang bahalang kumausap kina Rory. Kailangan matigil na ang kagustuhan nilang maghiganti kay Jet.”

“Thanks, Ma.”

Ngayon niya naramdaman na may kakampi ulit siya. Mas open minded kasi ito kaysa sa Papa niya.

Hinaplos nito ang buhok niya. “I’m glad that you were able to find out the truth. Masyado kasi kaming nabulag sa pagmamahal sa kuya mo. We felt cheated. Ni hindi man lang niya naramdaman ang pagmamahal namin ng Papa mo.”

“So do I. Pero alam na siguro niya ngayon na mahal natin siya. Na hindi natin siya gustong iwan. At matatahimik na rin ang pamilya nila Jet.”

Ngumiti ito. “You were so brave a while ago. Hindi ko sukat akalain na kaya mong manindigan sa Papa mo. Are you doing this for Rohann?”

“No. I am doing what I think is right. But it was Rohann who opened my mind. Dahil mahal niya ako. Kung hindi dahil sa kanya, baka puro paghihiganti pa rin ang nasa puso ko at hindi ko na malalaman ang totoo.”

“Pagkatapos ng lahat ng gulong ito, gusto kong makilala si Rohann. I want to know why you fell in love with him.”

“He also wants to meet you, Ma. I’m sure you will like him,” aniya sa magaang tono. Nawala na ang takot niya sa maaring gawin ng Papa niya. Alam niyang hindi ito basta-basta gagawa ng hakbang nang hindi kumokonsulta sa Mama niya. At alam niyang hindi siya pababayaan ng Mama niya.

At hindi siya papayag na masira ang lahat ng pangarap na binuo niya para sa kanila ni Rohann. Sa ngayon, natatakot pa rin siyang maaring maging banta ang Papa niya sa kaligayahan nila. But she’ll get through this.

“YUP! Rohann won the gold!” excited na kwento ni Kimberly kay Gianna nang tawagan niya ito sa boarding house. Nasa isang pay phone booth siya sa gilid ng Ninoy Aquino Stadium kung saan ginanap ang National Karate Cup. “He will represent the country in Tokyo this coming February.”

Iniwan lang saglit niya ang grupo nila Rohann na nagsasaya sa loob ng stadium. Maya maya ay magsisimula na ang awarding ceremony. Sinamantala lang niya ang pagkakataon na ibalita kay Gianna ang resulta ng laban.

“Naku! Lalong dadami ang karibal mo niyan kay Rohann.”

Mula nang maging boyfriend niya si Rohann ay nag-iba na ang aura nito. Mas madalas na itong ngumiti at hindi na ito masyadong suplado. Kaya mas approachable na ito at mas guwapo. Idagdag pa na magaling ito sa martial arts. Kaya parami nang parami ang nahuhumaling dito.

“Subukan lang nilang lapitan si Rohann at magpa-cute. Bibigyan ko sila ng tig-I-tig-isang blackeye,” banta niya. Possessive siya pagdating sa taong mahal niya lalo na kay Rohann.

“Maharap palang kalabanin ang girlfriend ng isang martial artist. Kasi pati ikaw marunong nang bumira.”

Natawa siya. Wala pa rin siyang alam sa martial arts kahit na proper punching. Pero mukhang kailangan na niyang matuto para depensahan si Rohann sa ibang babaeng umaaligid dito. “Paano, babalik na ako sa loob. Baka kanina pa ako hinahanap ni Rohann.”

“Congrats na lang sa kanya.”

Papasok na siya sa stadium nang biglang may humila sa kanya sa gilid na isang lalaki. Tinangka niyang sumigaw subalit maagap nitong tinakpan ng palad ang bibig niya. “Shhh…” saway nito sa kanya. “It is me, Rory.”

Nanlaki ang mata niya nang makilala ang kaibigan ng Kuya Luigi niya na bahagyang natatabingan ng cap. “Rory?” bulalas niya. “What are you doing here?”

Luminga siya sa paligid. Baka may makakilala pa dito at makitang magkausap sila. Malaking gulo iyon.

“We need to talk,” anito at lalong ibinaba ang cap.

“Not now,” mahina niyang tinanaw ang entrance ng stadium. “Rohann is waiting for me.”

“Another Madrigal?” Ngumisi ito nang patuya at hinawakan ang braso niya. “Siya ba ang dahilan kaya ka umuurong sa mga plano natin?”

Pilit siyang kumala sa pagkakahawak nito. “I told you, this is not the right time. Saka na natin ito pag-usapan.”

Lalong humigpit ang kamay nito at bumalasik ang anyo. “Anong klase kang kapatid? Hindi mo na ba naisip ang ginawa ni Jet Madrigal na iyon sa Kuya Luigi mo? Sa palagay mo ba, matutuwa ang kuya mo kapag nalaman niyang ipinagpalit mo siya sa kapatid ng lalaking pumatay sa kanya?”

Pumiglas siya at tuluyan itong nakabitiw sa kanya. “Stop using my brother, Rory! Alam ko na ang totoo. Kayo ang may kasalanan sa nangyari. Kayo ang gustong pumatay kay Jet. Wala kayong karapatang maghiganti.”

“No! Hindi pa kami tapos ni Jet Madrigal. Patutunayan namin na kami ang magaling. Tatalunin namin siya.”

Napailing siya dahil masyado na itong hibang. “Si Jet ba ang gusto ninyong talunin? Comatose na siya. He is as good as dead. Ano pang kailangang patunayan ng mga duwag na katulad ninyo? You always fight in numbers. You have your weapons. You don’t fight fairly. Nanalo na kayo.”

Nanlaki ang mata nito. “Wala kang karapatang tawagin kaming duwag!”

Akmang sasampalin siya nito nang matapang niyang sinalubong ang mga mata nito. “Hindi ako natatakot sa iyo. Tama na, Rory. Patahimikin mo na si Jet Madrigal. At patahimikin mo na rin ang kuya ko.”

“Kim!” narinig niyang tawag sa kanya ni Rohann.

Mabilis na lumayo si Rory sa kanya. “Magkikita pa rin tayo. Hindi pa tayo tapos,” babala nito.

Pinuntahan agad niya si Rohann na nagmamadali siyang sinalubong. “Sino ang lalaking iyon?” tanong nito habang hindi inaalis ang tingin sa direksiyong tinakbuhan ni Rory.

“Wala. May itinanong lang,” aniya at iginiya ito palayo.

Pinigil siya nito sa dalawang balikat at hinaplos ang pisngi niya. Bakas ang matinding pag-aalala sa mga mata nito. “You made me so worried. Saan ka ba nagpunta? Kanina pa kita hinahanap.”

“Tinawagan ko lang sa phone si Gianna kanina. Ibinalita ko ang tungkol sa pagkapanalo mo. Congrats daw.”

Niyakap siya nito. “Basta huwag kang aalis nang walang kasama. Manila ito. Mas maraming maloko dito.”

“Opo,” sabi niya at pinisil ang pisngi nito. “Pumasok na tayo sa loob. Baka nagsisimula na ang awarding ceremony.”

Hindi siya natatakot sa banta ni Rory. Wala ring kwenta ang anumang balak nito. At walang mas importante sa kanya ngayon kundi si Rohann. At sinumang mahal ni Rohann ay hindi rin niya hahayaang masaktan.

“HINDI lang si Rohann ang sikat ngayon. Pati ikaw instant celebrity na rin. Nakakainggit naman,” sabi ni Gianna habang binabasa ang university organ nila kung saan naka-feature si Rohann. Nagulat pa nga siya dahil may picture din siya doon. And she was dubbed as ‘First Lady of the Karate Team’.

“Eh, di mag-boyfriend ka na rin. Marami namang ka-team si Rohann na nagpapalipad-hangin sa iyo, hindi ba?” sabi niya at umupo sa bench malapit sa library. May klase pa si Rohann at maghapon din itong magte-training dahil sa susunod na buwan na ang laban nito sa Tokyo, Japan.

“Mas gusto ko imported. Sabihin mo nga kay Rohann, ihanap ako ng cute na Hapon o Intsik doon. Weakness ko kasi ang mga singkit.”

“Huwag kang mag-alala. Sasabihin ko iyon sa kanya.”

Mas natahimik na ang isip niya nang makabalik ng Baguio. Nangako kasi ang Mama niya na kakausapin nang masinsinan ang Papa niya. Wala na nga naman silang mapapala sa paghihiganti. At sa palagay niya ay nakumbinsi na rin nito ang grupo nila Rory dahil wala na siyang naririnig mula sa mga ito. What’s the use of fighting with a man who was almost dead?

Maya maya ay may lumapit sa kanya na isang lalaki. “Miss, may nagpapabigay sa iyo,” anito at nagtatakbo rin palayo. Hindi na niya naitanong kung sino ang nagpabigay.

“Ano iyan? Love letter?” nag-uusyosong tanong ni Gianna at pilit na sinilip ang sulat na bigay sa kanya.

Inilayp niya ang sulat dito. “O… Sa amin na lang ito ni Rohann,” pabiro niyang sabi. Madalas kasing magpadala ng sulat si Rohann kapag hindi sila nagkikita.

“Damot!” anang si Gianna at tinalikuran siya. “Hindi rin kita pababasahin ng love letter ng future boyfriend ko na Hapon.”

Natawa siya. “Paano mo iyon maiintindihan kung Japanese ang sulat?”

“Eh, di mag-aaral ng kanji at katakana at kung anuman ang sulat nila.”

Muli niyang binuklat ang sulat. Subalit nawala ang ngiti niya nang mabasa ang laman ng sulat. Hindi iyon galing kay Rohann.

Kim,

Meet you at 348 Dominican Hills at 7 pm tonight. Magpakita ka sa akin kung ayaw mong mapahamak si Rohann.

Rory

Mabilis niyang nilamukos at pinagpunit-punit ang sulat saka itinapon sa basurahan. Hindi pa rin tumitigil sila Rory. She wondered what his plans are. Pero natitiyak niyang hindi iyon nakakatuwa lalo na’t nagbanta pa ito.

“O, bakit mo pinunit? Nag-away ba kayo ni Rohann?” tanong ni Gianna nang lapitan siya.

“Hindi,” kaila niya at dinampot ang mga gamit. “Isa lang sa babaeng patay na patay kay Rohann. Aagawin daw niya si Rohann sa akin.”

“Ang bruha!” nagngingitngit nitong sabi. “Anong pangalan? Ako mismo ang sasabunot sa kanya. Nang malaman niya kung sino ang karibal niya.”

“Hayaan mo na iyon. Pumunta na lang tayo sa next subject natin.”

Subalit hindi siya mapalagay. Hindi niya maiwasang matakot sa banta ni Rory lalo na’t pati si Rohann ay gusto nitong idamay. Pero poprotektahan niya si Rohann kahit na anong mangyari.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.