Skylander Series Chapter 2

“Nandito na ang bus, Jeje,” utos ni Charity kay Jemarra.

“Sa wakas!” nakangiti na niyang sabi at bitnitbit ang mountain bag. “Akala ko habambuhay tayong maghihintay dito.” Mag-iisang oras na silang naghihintay ng bus. At natatakot na siya na baka mawalan ng pwesto dahil maraming nakaabang.

Pumila sila sa likod ng ibang pasahero. Sana lang ay maka-access pa siya sa library. Biyernes na noon at huling pagkakataon niya para makakuha ng documents tungkol sa Bontoc at sa mga tribo na nakatira doon.

Patuloy siya sa pagpaplano sa isip sa kung ano ang gagawin sa mga susunod na araw sa Bontoc at Sagada nang makita si Charity na may katabing mama. May bakanteng pwesto sa katapat nito sa aisle pero ang makakatabi niya ay ang lalaking chinito. Binigyan niya ng nang-aakusang tingin si Charity. Subalit nakangiti siya nitong sinenyasan na umupo na. Wala na siyang pagpipilian kundi tabihan ang lalaking singkit dahil nasa likuran na ang ibang bakanteng upuan. Ayaw niyang magkalayo sila ni Charity. Mahaba ang biyahe at wala siyang makakausap.

Mabuti na lang at pantatluhan ang upuan. At dahil puno ng mga bagahe ang aisle at hindi kasya sa baggage rack ang bag ay ihinarang na lang niya iyon sa pagitan nila. “You deliberately did it,” akusa niya kay Charity nang umupo.

“I deliberately did what?” inosente nitong tanong ngunit nasa mga labi naman ang pilyang ngiti.

“Na pagtabihin kami nitong iniilusyon mong chekwa.”

Humalukipkip ito. “I know nothing! But I am happy for you. At last magkaka-lovelife ka na. And I am proud to be your cupid.”

Itinakip niya ang panyo sa mata at ini-adjust ang brim ng fisherman’s hat na suot para tantanan na siya nito.Gusto niyang matulog at magkaroon ng katahimikan.

“Jeje, tingnan mo!” excited na sabi ni Charity at kinalabit siya.

“Ano iyon?” tanong niya. Hindi pa siya nakakatulog ay nangungulit na ito. Nang tingnan niya ang itinuturo nito sa side ng bintana nito ay nakita niya ang pamosong Banaue Rice Terraces. Ihinanda niya ang camera ngunit nailang naman siyang makikuha ng picture sa mama na katabi nito sa bintana.

“Sayang, hindi mo nakuhanan. Diyan ka na lang sa side mo,” sabi nito.

“Tama, maghihintay na lang ako ng magandang view dito.” Ngunit nadismaya siya nang maalalang ang katabi pala niya ay ang lalaking chinito. Again, Charity did it on purpose. Magaling talaga ito sa kalokohan.

Tahimik na lang siyang tumingin sa bintana kahit nakaharang ang lalaking chinito sa view. Nakatingin ito sa labas ng bintana na parang napakalalim ng iniisip. Parang nakakahiya na abalahin ito.

Subalit hindi na siya makatiis nang makita ang isa pang magandang set ng rice terraces sa nadadaanan ng sasakyan nila. At mapapraning siya bilang photographer kung hindi niya makukunan ang magandang view.

“Excuse me, pwedeng makikuha ng picture?”

Lumihis lang ito ngunit hindi naman maipinta ang mukha. Hindi niya alam kung masama lang ang loob nito sa pagbibigay sa kanya o may body odor siya. Kampante naman siya na hindi ang huli dahil hygienic naman siya.

Kaysa mainis sa expression nito, ipinagpatuloy na lang niya ang pagkuha ng picture. Pakialam niya kung naiinis ito. Basta siya, nag-e-enjoy.

Nakakasampung shots na siya nang mapadaan ang sinasakyan nilang bus sa lubak. Na-out of balance siya at humilig sa side ng lalaki. Naging maagap naman ito at inalalayan siya sa baywang. Kaya halos nakakandong na siya dito.

“Sorry,” sabi niya at namumulang lumayo dito.

“Isara na natin ang bintana. Umaambon na,” sabi nito at ibinaba na ang takip ng bintana ng bus.

Habol niya ang hininga nang bumalik sa sariling upuan. She had never been so embarrassed in her life. Baka iniisip nito na sinadya niya ang paghilig dito. Sinulyapan niya si Charity. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang nakatakip ito ng panyo sa mukha. Ibig sabihin ay mahimbing ang tulog nito at walang nakita.

Ibinalik niya ang camera sa bag at sinabayan ng tulog si Charity. Para hindi na siya magkaroon ng urge na kumuha na naman ng picture kahit nangangati na ang kamay niya. At hindi na niya bubulabugin si Mr. Chinito sa sarili nitong mundo.

“JEJE, gising! Nasaan na tayo?”

Naalimpungatan si Jemarra sa makulit na kalabit ni Charity. Napahaba yata ang tulog niya. Nang tingnan niya sa labas ay nakita niya ang karatula na Isamoki, Bontoc. “Nasa Bontoc na tayo,” sabi niya at hinaplos ng naka-ponytail na buhok.

“Bontoc na tayo?” anito at nagkukumahog na hinagilap ang bag.

“Bontoc pero sa palagay ko wala pa tayo sa mismong Poblacion. Doon tayo pupunta,” sabi niya at ni-review mga impormasyon na kailangan niyang makuha.

Hindi lang picture at impormasyon ang kukunin nila sa lugar. Susulat din sila ng travelogue tungkol doon. Isasama kaya niya sa istorya niya si Mr. Chinito? Napasimangot siya. Huwag na. Baka sumikat pa ito.

Maya maya pa ay natanaw na nila ang maraming bahayan mula sa dinadaanan nila sa taas ng bundok. Sa palagay niya ay iyon na ang sentro ng Bontoc. Nagsimula nang magbabaan ang ilang mga pasahero nang pumasok na sila sa kabayanan. Excited na rin siyang makahiga sa totoong kama.

“Excuse me, saan ang Lynda’s Guesthouse?” tanong niya kay Mr. Chinito.

Pinasadahan lang nito ng tingin ang papel na ipinakita niya. “I’m sorry. Hindi ko alam,” sabi nito at tumayo na bitbit ang backpack. “Excuse me.”

“Thanks anyway,” aniya at binigyan ito ng daan. Sumabay itong bumaba sa ibang mga pasahero.

“Alam ba niya kung saan ang Lynda’s Guesthouse?” tanong ni Charity. “Hindi rin kasi alam ng manong na katabi ko.”

“Sa kondoktor na lang tayo magtanong,” sabi niya.

“Naitanong mo ba ang pangalan?”

“Ng kondoktor?”

“Iyong cute guy na katabi mo kanina, gaga!”

“Hindi.” Hinarap niya ito. “Kaysa mag-matchmake ka diyan, itanong mo na lang sa kundoktor kung saan ang Lynda’s Guesthouse. At itanong mo na rin kung saan ang Bontoc Library at Bontoc Museum.”

“Nakakadismaya ka namang I-matchmake. Puro trabaho pa rin ang iniisip mo,” anito at tinanong ang kundoktor na papalapit.

"GANITO pala ang amoy ng fog, ano? Malamig,” excited na sabi ni Charity. "Para akong sumisinghot ng yelo. Jeje, look at me."

Umakto itong naninigarilyo at saka bumuga sa hangin. Nakigaya na rin siya. Isa daw iyon sa dapat na unang gawin kapag nasa Sagada sabi ng isa niyang kaibigan na nakarating na doon. Nasa Sagada ka talaga kapag may nakita kang lumalabas na usok sa bibig mo sa sobrang lamig.

Humagikgik sila sa kalokohan nila. Sagada is indeed a different place. Mas mataas ito nang hamak kaysa sa Bontoc o sa Baguio. Sa dinadaanan ng jeep na sinasakyan nila ay may halera ng pine trees, mga bulaklak at rice terraces. Mangilan-ngilan lang din ang bahayang nadadaanan nila. Hindi tuloy niya mapigilang kunan ng camera ang mga tanawing nakikita nila.

“Miss, saan kayo bababa?” tanong ng driver ng jeep. “Poblacion na ito.”

“Dito na po kami,” aniya at tinulungan sila ng mga kapwa pasahero sa pagbababa ng mabibigat nilang gamit.“Now all we have to do is find a place to stay.”

“Saan ba tayo tutuloy?” anito at nakitingin sa listahan niya ang guesthouses.

“Doon!” aniya at itinuro ang unang guesthouse na nakita niya. Dahil iyon ang isa sa may pinakamurang accomodation sa lugar. Hindi naman nila kailangan ng magandang lugar. Basta komportable at okay sa budget, pwede na.

Palapit na sila sa guesthouse nang may mapansin siya sa may tindahan na bumibili. Naningkit ang mata niya nang makita na si Mr. Chinito ang lalaking iyon.

"Oy, Jeje," tawag nito sa kanya nang hindi siya natinag sa kinatatayuan. "Halika na. Ano pang tinutunganga mo riyan?"

"Nakikita mo ba ang nakikita ko?"

Tiningnan nito ang direksiyong tinututukan ng mata niya. "Yeah, well, he's a guy. Let's go."

"That's him!" Naniningkit ang mga mata niya. "Ano ang ginagawa ng Chekwang kutong-lupa na iyan dito?"

"What do you care? Akala ko ba hindi ka interesado sa kanya at sa pagma-matchmake ko sa inyo. Bakit ngayon tinititigan mo pa siya?"

Napasinghap siya nang mabilis siya nitong nadagukan. "Actually, interesado nga ako sa kanya. Interesado akong ilibing siya nang buhay. That guy practically annoyed the hell out of me back in Banaue and Bontoc!"

Kung tutuusin, dapat ay nakalimutan na niya ito. Pero hindi maalis sa isip niya ang pagbibigay nito ng maling impormasyon sa kanila at ang hindi sinasadyang pagkakakandong sa kanya nito sa bus. Naiinis siya kapag naalala niya iyon.

"Ganon ba? E, di sige, balian mo na siya ng buto."

"I can't. I still have a lot of work to do. Ikaw na lang ang gumanti para sa akin.” Tutal, iginanti naman niya ito sa ex-boyfriend nitong kutong-lupa.

"Paano naman akong napasok sa gulo mo?"

"Ikaw ang marunong sa taekwondo sa ating dalawa. Bigyan mo ng kahit isang flying kick lang ang herodes na iyon."

"Balak mo pa akong magmukhang basagulero. Magpapahinga na lang ako,” walang buhay nitong sabi at nagpatuloy sa paglalakad.

Himala. Samantalang noong nakaraan ay kinukulit pa siya nito sa lalaki. Pagkatapos ngayon ay parang wala na naman itong interes. Iyon na nga ba ang sinasabi niya. Tinamad kasi itong lumabas ng kuwarto noong nasa Bontoc sila. Habang nag-iinterview siya ay nakatunganga lang ito at nakikipag-usap sa mga butiki. Malamang ay binalikan nito ang multo ng nakaraan at nawalan na naman ng interes sa lalaki. Sabagay, nag-trip lang ito sa pagma-matchmake sa kanya noong nakaraan. Mabuti na ring hindi na siya nito inisin pa.

"Room for two, please,” anang si Charity nang dumulog sila sa reception ng Sagada Guesthouse at ini-ring ang bell nang wala pa ring tao.

Iginala niya ang paningin. This was the exact place she needed. She had never felt at home with expensive hotels. Bukod pa sa tiyak niyang hindi sila sisingilin ng mahal.

"Excuse me," ulit ni Charity sa lumabas na lalaki. Bad. Mukhang masama na ang timplada nito. Mukhang sinapian ito ng espiritu ng manhater at ang lalaking nasa harap nila ang bagong biktima. "I said do you have available room for two? My friend and I really have to rest n---"

"Yes," putol ng lalaki sa litanya nito. "May available room pa kami for two. Are you going to take the private room or just the ordinary one?"

"Anong pinagkaiba ng dalawa?" tanong niya. Hindi naman siya masyadong kuripot. Kung magkalapit lang ang presyo ng ordinary at private room, doon siya tutuloy sa private tulad ng ginawa nila sa Bontoc.

"Yung private rooms ay nasa extension house sa likod. May private bathroom at comfort room na iyon. May heater na rin at sariling terrace kung gusto ninyong magpahinga habang nakatanaw sa magandang view ng Sagada."

"How much?" tanong agad niya.

"Three hundred per head."

"Doon sa hindi private room, how much?" tanong niya.

"One hundred per head,” sagot ng lalaki.

"We'll take it,” sabi agad niya.

"The private room?"

"No, the other one. Wala na kaming pera,” walang gatol niyang sabi. “Siguro naman may hot water dito.”

“Yes, ma’am,” sagot ng lalaki. “Free po kapag nagluto kayo ng pagkain sa kitchen at para sa hot drinks. But we charge fifteen pesos for the hot bath.”

“Good enough,” usal niya at kinuha ng lalaki ang bag niya. She couldn’t imagine spending two hundred pesos para lang sa private bathroom at heater. Mabubuhay naman siguro sila sa public bathroom. Tutal ilang araw lang sila doon.

Umakyat sila sa second floor at itinuro ng lalaki ang public toilet at bathroom. “Dito po sa third floor ang kuwarto ninyo,” sabi nito at umakyat pa sila sa taas. "Walang cafeteria o restaurant dito sa loob ng hotel. Pero may kusinero naman kami at puwede kayong mag-request na magluto siya ng gusto ninyong kainin." Sa ikatlong palapag sila nito inihatid. "This is your room. Kung may kailangan pa kayo, pakisabi na lang sa akin. Lagi naman akong nasa ibaba."

"Okay. Salamat,” sabi ni Charity at binuksan ang pandulong kuwarto sa third floor. Pagpasok ay humilata ito sa napiling kama. "Ah, finally! Pakiramdam ko puwede na akong matulog ngayon at bukas na ng tanghali gumising."

Kinuha niya agad ang tuwalya at iba pang toiletries. "Nang hindi man lang nagbibihis at naliligo? Kadiri ka naman. Maghihilamos lang ako at feeling ko e nagpulbo ako ng alikabok sa biyahe natin kanina." Kailangang simulan agad niya ang trabaho at wala siyang oras magpahinga dahil hindi siya nakabakasyon tulad nito. Ayaw naman niyang gumala sa Sagada nang nanlilimahid.

"Nanguripot ka na naman kasi. E di sana may sarili tayong banyo ngayon."

"Wala na akong pera,” mariin niyang sabi. Pera ng kompanya ang dala niya at hindi sarili niyang pera. Kaya dapat siyang magtipid.

"Kailan ka pa nagkaroon? Lagi ka namang kapos. Mabuti na lang at iilan na lang ang occupants nitong guest house. Kung hindi, magpapalipat talaga ako sa private room. Mag-isa ka rito. I'm going to take a nap. Don't wake me up."

“Okay. After I clean myself, pupunta muna ako sa baba.”

“Why don’t you check your cellphone? Baka may signal na dito.”

Inilabas niya ang cellphone. “Oo, may signal nga pero low batt na ako. Kasalanan mo ito dahil puro ka games.” Isinaksak niya cellphone sa charger.

“Okay. Ibili mo na rin ako ng load. See you in my dreams,” pahabol pa nito nang lumabas siya ng pinto.

Inanalisa niya kung ano ang schedule para sa araw na iyon nang mapatili siya pagbuhos ng tubig. Sa sobrang pagmamadali niya ay nakalimutan niyang magpainit ng tubig. Huminga siya nang malalim at ipinagpatuloy ang pagbubuhos. It was just a matter of mind over matter. Inisip na lang niya si Mr. Chinito na makakasalubong niya sa Sagada anumang oras ay nag-iinit na ang dugo niya. Hindi niya namalayang nakatapos siya sa paliligo ng tubig na kasing lamig ng galing sa freezer sa pag-iisip lang dito. May silbi naman pala ito sa kanya.

Huwag lang itong hahara-hara sa landas niya kundi ay talagang magkakalaban sila. Sabagay, malaki naman ang Sagada. Basta siya, mag-e-enjoy muna siya sa magkasamang trabaho at bakasyon. Ayaw muna niyang isipin ang mga nilalang na maaring sumira ng araw niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.