Skylander Series Chapter 40

“Ito na ba ang lahat ng gamit mo?” tanong ni Rohann habang inilalagay ang mga gamit ni Jenna sa van. Ito ang maghahatid sa kanya hanggang Manila dahil may aasikasuhin ito sa sport’s store ng kapatid na si Jet.

“Oo. Nandiyan na lahat,” aniya at pinanood ito sa pagpapasok ng mountaineering bag niya at mga accessories na gagamitin niya para sa damit na ide-design niya. “Rohann, pwede bang kausapin ko muna si James bago ako umalis?”

Natigilan ito sa pagpapasok ng mga gamit sa loob ng van. “Hindi pa ba kayo nagkakausap?”

Bahagya siyang napayuko. “Hindi pa.”

Nang katukin niya ang bahay nito ay walang sumasagot. Hanggang nang sunduin siya ni Rohann ay hindi pa niya ito nakikita. Nang tanungin niya ang mga kapitbahay ay hindi daw ang direksiyon patungong orange farm ang pinuntahan nito kundi ang papuntang bayan.

“Mukhang alam ko na kung nasaan siya. Ihahatid na lang kita doon kaya sumakay ka na,” sabi nito at umupo sa driver’s seat. Maya maya pa ay tumigil sila sa gate ng Mission Compound. “May hagdan paakyat diyan. Papunta iyong Cavalry. Doon mo siya matatagpuan. Hihintayin na lang kita dito.”

“Thanks, Rohann,” aniya at binuksan ang pinto ng van.

“Jenna, intindihin mo na lang ang pinsan ko. Marami na siyang pinagdaanan. All he needs is someone who will love him without reservations. Iyong iintindi sa lahat ng nararamdaman niya. Be patient.”

“I know,” sabi niya at bumaba ng van.

Tikatik na ang ulan nang makaakyat siya ng Cavalry. Sa lahat ng mga puting puntod na nandoon, nakita niya ang nakatayo ang pigura ni James. Nakayuko ito at parang walang pakialam sa pagtama ng mahinang ulan sa katawan nito.

Dahan-dahan niya itong nilapitan. “James,” tawag niya dito.

“Anong kailangan mo, Jenna? Hindi ba sinabi kong ayoko nang kausapin mo ako?” anitong hindi inaalis ang tingin sa puntod.

Lalo pa siyang lumapit at nakita niyang nakasulat sa ibabaw ng puntod ang pangalang Joann San Agustin. “Ayoko sanang abalahin ka sa pagdalaw mo kay Joann. Pero baka ito na ang huling pagkakataon na magkikita tayo. I am leaving. I just came here to say goodbye.”

Mahabang sandali itong hindi gumalaw sa kinatatayuan at ni hindi man lang nagsalita. Pagkuwan ay lumingon ito sa kanya nang walang anumang emosyon sa mukha. “Iyon lang ba ang sasabihin mo?” he asked in a tone void of emotion.

Napayuko siya dahil hindi niya matagalan ang malamig na paningin nito. Parang yelong tumama sa puso niya. Siya ba ang dahilan ng kalamigang iyon?

“I am sorry, James. Naging mabuting kaibigan ka sa akin and I really enjoyed the times I spent with you. Kung nasaktan man kita, hindi ko sinasadya iyon. Kung makikinig ka lang sana sa akin…”

“The damage had been done,” anito at ibinalik ang tingin sa puntod ni Joann. “Sinira mo ang tiwalang ibinigay ko sa iyo. Katulad ka rin ni Joann!”

Biglang umangat ang ulo niya dahil sa matalim nitong salita. “James, ano ba ang sinasabi mo? Bakit naman sisirain ni Joann ang tiwala mo?”

Kinuyom nito ang palad. “Binuo ko ang lahat ng pangarap ko sa kanya. She left me hanging in hell. Sinabi niyang hindi niya ako iiwan. Umalis siya nang hindi naaayos ang lahat sa pagitan namin.”

Naramdaman niya ang sakit na nararamdaman nito. He felt betrayed. Marami itong pangarap para dito at para kay Joann. Nang mawala si Joann, naiwan itong pasan ang lahat ng guilt at nasirang pangarap. It was really hell living that way.

“James,” usal niya at pinisil ang balikat nito. Gusto niyang iparamdam dito na alam niya ang sakit na pinagdadaanan nito. She felt for him.

Tinabig nito ang kamay niya. “Stop acting as if you really care about me, Jenna. Because you are worse than Joann.”

Natigagal siya. Lahat ng luhang nagbabadyang pumatak sa mga mata niya ay napigil at parang nagkabikig siya sa lalamunan. “Don’t say that, James,” aniya at tinangkang haplusin ang mukha nito subalit umiwas ito sa kanya.

“Don’t touch me, Jenna! Don’t!” Lumakas ang buhos ng ulan subalit walang sinuman ang gumalaw sa kanilang kinatatayuan. He was looking at her with so much emotions in his eyes. Naroon ang galit at hinanakit. Na parang naroon na ang lahat ng gusto nitong sabihin sa kanya. “I was at the brink of hell when you came. Masaya na ako sa ganoong buhay. Ang sisihin ang sarili ko at malunod sa guilt dahil sa pagkawala ni Joann.

“Pero inalis mo ako doon. You pulled me out of the limbo. You freed me from guilt and I opened my heart and soul to you. Pinaniwala mo ako na may natitira pang buhay para sa akin. Pero kasinungalingan lang ang lahat. Dahil hindi ko pa mandin nasisimulan ang bago kong buhay, itinulak mo ulit ako sa dati kong kinalalagyan. And worse than that, you pushed me directly to hell. Na wala akong ibang pagkakatiwalaan maliban sa sarili ko. Na wala na akong babalikan sa mundo mo. Sa dating mundo na pinagmulan ko.” Tinalikuran siya nito. “Sana hindi na lang kita nakilala para nanatiling tahimik ang buhay ko.”

“I can’t blame you for feeling that way. Kaya nga alam ko na mas makakabuti kung aalis na lang ako. But I won’t leave without making you listen. Joann didn’t betray you. Hindi niya ginustong mamatay at iwan ka. Kung buhay lang siya, baka naging maayos ang relasyon ninyo. Hindi niya sisirain ang buhay at pangarap mo dahil mahal ka niya. At ganoon din ako. Kung bubuksan mo lang ang puso mo, mararamdaman mong ang pinakahuling bagay na gugustuhin kong gawin ay saktan ka. Mas gugustuhin ko pang saktan ang sarili ko kaysa sa iyo.”

Tiningnan siya nito sa matalim na mga mata. “And why should I believe you, Jenna? Wala na akong katiting na tiwala sa iyo, remember?”

“Because I love you, James. You might think I am crazy. Na imposibleng maramdaman ko iyon sa ganoon kaikling panahon. But I do. Huwag mo na sanang kuwestiyunin ang nararamdaman ko dahil iyon lang ang naiisip kong dahilan kung bakit hindi kita magagawang lokohin at saktan.”

“Jenna…” gimbal nitong usal. Gumitla ang pagkalito sa anyo nito. Itinaas nito ang kamay na parang gusto siyang yakapin o haplusin. Ngunit ibinaba rin nito ang kamay na kuyom ang palad.

Lalo lang siyang nasaktan sa ginawa nito. It means that her love doesn’t mean a thing to him. “Aalis na ako. Malabong mabuksan ko ang puso mo ngayon. Siguro hindi mo rin ako pinaniniwalaan. Pero at least sinabi ko sa iyo. Aalis ako nang walang pinagsisisihan. Unlike you, I will never regret the day I met you. Because you taught me how to love again. We had happy times, James. Sana iyon na lang ang alalahanin mo at hindi ang mga masamang nangyari sa atin. My only grief is that we have to end up this way.” Tinalikuran niya ito at nagsimulang maglakad palayo. “Goodbye, James,” aniyang halos bumulong na lang sa hangin.

Napatingala siya sa langit nang lalo pang lumakas ang ulan. As if the rain was crying with her. She just wished that the rain would change James’ heart. She hoped that it would wash away all the pain. Sana ay maisip nito na totoo nga ang pagmamahal niya para dito. Sana ay hindi siya nito hayaang umalis.

Subalit walang James na sumunod sa kanya. Siguro ay mas nais nitong manatili sa tabi ni Joann. After all, hindi naman niya kayang palitan ang dati nitong kasintahan sa puso nito. O baka mas gusto nitong manatili sa lugar na iyon dahil itinuring na siya nitong patay. Na isa lang siyang malungkot na bahagi ng buhay nito na gusto na nitong ibaon sa limot.

Marahil nga ay patay na siya. Sa kabila ng malamig na tubig-ulan ay wala na siyang maramdaman sa puso niya kundi ang sakit. It was not an ordinary heartache. She was crying a different kind of tears. No amount of rainfall could wash away the tears or the heartache. Dahil habambuhay niyang iiyakan ang araw na iyon-ang pagkawala ni James sa buhay niya.

“I’M sorry, Jenna. Hindi ko alam na pinakialaman ng editor ko ang personal picture files ko. Pati iyong picture ninyo ni James, inilabas niya. She didn’t even ask for my permission. Pinagalitan nga niya ako dahil hindi daw iyon ang inilagay ko. Huli na nang malaman ko,” paliwanag ni Sally nang tawagan siya nito sa cellphone. Kadarating lang niya noon sa Manila at ihinahanda ang mga designs niya para sa conceptualization ng fashion show niya.

Karamihan sa mga accessories at disenyo niya ay ethnic. Pawang kinuha niya ang concept sa Sagada. Mga staff na ng producer na si Shanna ang bahalang makipag-coordinate sa mga taga-Sagada tulad ng accessory designer na si Anarinda at ang bandang tutugtog sa fashion. Kung maari lang sana ay bumalik pa siya doon. Kababalik pa lang niya sa Manila ay nami-miss na niya ang Sagada. Marahil dahil naiwan niya sa Sagada ang puso niya.

“Wala na iyon, Sally. Tapos na ang lahat.”

Subalit kung tutuusin ay simula pa lang iyon ng panibagong gulo sa buhay niya. Kapag lumabas siya para sa press conference ng fashion show niya ay tiyak na uulanin siya ng mga tanong lalo na ang tungkol kay James. Baka kahit siya ay hindi magawang sagutin ang mga tanong na iyon.

“Pero baka galit ka sa akin. Nakita ba ni James ang diyaryo?”

“Oo,” walang buhay niyang sagot.

“Nagalit ba siya?”

“Okay lang iyon,”napipilitan niyang sagot.“Kalilimutan din niya ang nangyari.”

“Bakit parang hindi ka okay?”

“Don’t push it, Sally. Basta pumunta ka sa press conference para sa fashion show ko. Baka isipin mo na galit ako sa iyo.”

“Jenna, kahit pilitin mong maging masaya, alam ko na nasasaktan ka. At kasalanan ko iyon. Naging careless ako. You warned me before. Na hindi pa handang humarap si James sa press. Kung naging maingat lang sana ako, hindi masisira ang relasyon ninyong dalawa. Katatapos nga lang kay Iñigo, tapos heto ulit.”

“Survivor ako!” sabi niya at tumawa. Sana ay nagmukhang totoo ang tunog ng tawa niya at hindi pagak.

“Mag-a-apologize ako kay James. Kailangang sabihin ko sa kanya ang totoo. Siguro kahit galit din siya sa akin, kakausapin pa rin niya ako. May contact number ako ng pinsan niyang si Rohann. Iyong wu shu champion. Siguro naman ipapakausap niya sa akin si James dahil personal naman ang reason ko. Alam mo bang hindi alam ng mga reporters na sumugod sa Sagada kung saan siya hahanapin”

“You don’t have to. Sabi ko sa iyo, pagkatapos ng ilang araw, wala rin iyon kay James.” Magsasayang lang ito ng oras dahil hindi ito pakikinggan ni James. “And about those pesky reporters, good luck na lang sa kanila.”

Sa mood ni James ngayon, malabong makiharap ito sa mga reporters. Kung naroon lang siya, siya mismo ang magtatago kay James para hindi na ito guluhin pa ng mga reporters. Siya mismo ang poprotekta dito.

“Basta, magso-sorry pa rin ako kay James,” giit ni Sally.

“Good luck na lang sa iyo, friend.”

Subalit nang huli, umandar pa rin ang pagmamahal niya kay James. Idinayal niya sa telepono ang numero nito. Nagsimulang maghabulan na parang mga daga ang tibok ng puso niya nang mag-ring ang phone. Naipagdasal niya na sana ay ito ang sumagot at hindi iba. At hindi rin sana siya nito patayan ng cellphone.

“Hello.” Sumikdo ang dibdib niya nang marring ang boses ni James. Nanlamig ang palad niya at hindi alam ang gagawin. Paano siya magsasalita nang hindi nito nalalaman na siya ang tumatawag? Sa kaiisip niya ay muli itong nagsalita. “Hello? Jenna, ikaw ba iyan? Jenna, magsalita ka…”

Dali-dali niyang ibinaba ang telepono. Nanginginig niyang pinagsalikop ang palad. Paano nito nalaman na siya iyon? Jeez, nakakahiya! Wala na nga siyang pride nang sabihin niyang mahal niya ito. Siya pa ang unang tumawag dito kahit na alam niyang ire-reject din siya nito.

“You are a fool, Jenna! Baliw! Baliw!” aniya habang sinasabunutan ang sarili.

“Mukha ka talagang baliw, Jenna. Si James ang tinawagan mo, no?” sabi ni Jemarra na nakasandal sa pinto ng kuwarto niya. Ni hindi niya napansin na nakapasok ito samantalang ugali nitong kumatok.

Bigla siyang tumayo sa sobrang gulat. “Ate, paano mo nalaman?”

Humalukipkip ito. “Parang hindi mo ako kilala, sister dear. Bakit mo siya binabaan ng telepono?”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “Nalaman niyang ako ang tumatawag. At wala akong lakas ng loob na kausapin siya.”

Tinabihan siya nito at inakbayan siya. “Be patient, Jenna. Dadating din ang oras na mare-realize niya ang totoo. Na mali na hinayaan ka niyang mawala. But who knows. Baka may dahilan ang Diyos kung bakit pinaghiwalay kayo ngayon. Baka hindi pa ngayon ang oras para sa inyong dalawa.”

“Or maybe we are not meant for each other.”

“Jenna, may mga dahilan ang Diyos kung bakit nagpapadala siya ng ulan sa buhay natin. Minsan maganda ang epekto at minsan hindi. Pero ang alam ko, may tamang oras sa pagbagsak ang ulan. At tiyak na babago iyon sa buhay natin. All you have to do is wait for another rain. Malay mo, baka hindi na lungkot kundi saya ang dala niyon sa iyo.”

“You mean I have to wait for a rain to bring another James into my life?” Ayaw niyang mangyari iyon. Gusto niyang si James na ang huli niyang mamahalin.

“No. You have to wait for another rain to bring James back into your life.”

HINDI inaalis ni Jenna ang tingin sa wallpaper ni James sa monitor ng computer niya Nai-download niya iyon sa site ng bagong chocolate energy drink na ini-endorse nito. Hindi siya makapaniwala nang makita ito sa TV noong isang araw. Tuluyan nang nagbalik sa sports world si Michael James Lizardo.

Nagulat siya nang sa halip na magtago nang matagal sa press ay humarap rin ito at nagpa-interview. Saka nito sinabi na willing itong bumalik sa pagta-taekwondo. Dumagsa ang mga offer dito at sinagot din nito ang ilan sa mga tanong. Na nagpahinga lang ito sandali.

Hindi siya natinag kahit nang may kumatok sa pinto at pumasok ang Ate Jemarra niya. “Hindi ka ba sasama sa launching ng bagong commercial ni James? Pwede ka pa naming hintayin ng Kuya Rui mo.”

“Hindi naman ako invited. Bakit ako pupunta?”

Baka masira pa ang gabi ni James kapag nakita siya. Dahil kahit na nangyari ang bagay na hinihiling niya para dito, wala pa rin siyang puwang sa buhay nito.

“Mas gusto mo pa palang tumunganga dito kaysa kausapin siya?”

“Nakikita ko naman siya sa TV. Okay na sa akin iyon,” aniya at pilit ngumiti. At least the James on TV won’t reject her.

“Sige, magtiis kang kausapin ang James na iyan. Kahit magdamag kang makipagtitigan diyan, hindi iyan gagalaw. Aalis na nga kami ni Rui. Baka abutan pa kami ng ulan,” sabi nito at lumabas ng kuwarto niya.

Gumalaw lang siya sa kinauupuan nang marring ang pagbagsak ng ulan sa bubong ng bahay. Lumapit siya sa bintana at pinagmasdan ang pagbagsak niyon.

The rain always reminded her of James. Lagi siyang umaasa na sa bawat pag-ulan ay magkikita pa rin sila. Pero sa bawat pagtatapos ng ulan ay nawawalan rin siya ng pag-asa. Maaring ang pagkikita nilang iyon sa Sagada ang huli na nilang pagkikita. Ang huling ulan na makikita niya ang lalaking mahal niya.

Maya maya pa ay may pumaradang kotse sa tapat ng bahay niya. Hindi siya makapaniwala nang bumaba si James mula sa sasakyan nang may dalang bulaklak. He didn’t even bother to put on a raincoat or bring an umbrella. Ano ba ang iniisip nito at nagpakabasa ito sa ulan?

Bitbit ang payong ay lumabas siya at binuksan ang gate. “James, anong ginagawa mo sa ulanan? Pumasok ka,” sabi niya.

Tangkang pasusukubin niya ito sa payong ngunit tumanggi ito. “Diyan ka lang. Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ko sinasabi ang gusto kong sabihin.”

“Ano ba iyon?” aniyang gusto nang mainis dito. Gaano ba kaimportante ang sasabihin nito at kailangan pa nitong magpakabasa sa ulan?

“I’m sorry,” anito at inabot sa kanya ang isang tangkay na rosas. “Naniniwala na akong wala kang kinalaman sa pagkaka-publish ng pictures.”

“Sinabi sa iyo ni Sally?”

Nakayuko itong tumango. “Pero noong una pa, naniniwala na ako na inosente ka. Ayaw ko lang pakinggan ang sinasabi ng puso ko. I was too stubborn to listen. Ayoko nang basta-basta magtiwala mula nang mamatay si Joann. Ayoko nang bumuo ng mga pangarap. Nang dumating ka, tinulungan mo akong bumuo ng mga bagong pangarap. Pero natakot akong makinig nang dumating ang problema. Like what I did to Joann, I blamed you for everything. Kahit di mo kasalanan. Dahil doon, nasaktan kita. Ni hindi ko naisip na pareho lang tayong nasaktan. Na tinutulungan mo akong bumangon dahil ganoon ka rin. You are also trying to build a new life.”

“Naiintindihan kita, James. Hindi madaling basta-basta magtiwala lalo na sa pinagdaanan mo. Hindi rin madaling buksan ang puso mo sa iba. At hindi rin kita masisisi kung paghinalaan mo ako nang hindi maganda. After all, it was your peace and solitude that was bothered.”

“Pero wala pa rin akong karapatan na isisi sa iyo ang lahat. After the good things you did for me.” He gave her another rose. “Will you forgive me?”

“Kahit na hindi ka mag-sorry, pinapatawad na kita.” Nag-alala siya nang hindi pa rin ito tumitinag sa kinatatayuan. Palakas nang palakas ang ulan at mukhang wala pa rin itong planong pumasok. “James, why don’t we get inside before you get sick? Baka hindi ka makapagtrabaho nang maayos. Ngayon pang bumalik ka na ulit sa pagta-taekwondo.”

“Hindi ako papasok hangga’t hindi ko nasasabi ang lahat ng gusto kong sabihin sa iyo,” matatag nitong sabi.

Tiningnan niya ang dalawang hawak na rosas. The first one was a sign a apology. For the second one, he asked if he was forgiven. Tiningnan niya ang hawak nito. Marami pang naroon. Siguro ay kulang-kulang isang dosena pa.

“Huwag mong sabihin sa akin na uubusin mo ang lahat ng rose na iyan? Baka pulmonya na ang abutin mo pagkatapos niyon.”

Direkta siya nitong tiningnan sa mga mata at inabot ang isang pumpon ng rosas sa kanya. “I love you, Jenna and I need you in my life. Tatanggapin mo pa rin ba ako kahit sinaktan kita?”

“Oh, James!” usal niya.

Binitiwan niya ang hawak na payong at niyakap ito. And she didn’t mind the rain when his lips met hers. Angling his head, they sealed their mouths together. But she felt a searing sensation in her heart. Na parang tinatatakan rin nito ang puso niya. Her lips responded to the warm pressure of his.

He just held her in his arms when he pulled away. Walang sinuman sa kanila ang dumampot ng payong o nagtangkang sumilong. Na parang ang gitna ng ulanan ang pinakatamang lugar para sa kanila.

“Pinakamalaking pagkakamali ko siguro ay nang hinayaan kitang mawala sa buhay ko,” sabi nito at hinaplos ang basa niyang buhok palayo sa mukha niya. “Pakiramdam ko inilibing ko ang sarili ko nang buhay nang hindi kita pinigilang umalis. Noon ko nalaman na mahal kita dahil hindi ako nagluksa nang katulad nang kay Joann nang iwan mo ako.”

“You should have told me that you love me, James. Dahil kung pinigilan mo lang ako, hindi ako aalis,” aniya at lalong hinigpitan ang pagkakayakap dito. She was starting to feel cold. But his body was enough to warm her. Na parang kahit anong mangyari, naroon ito para pangalagaan siya. She felt comfortable and safe.

He cradled her face between his palms. “The old James can’t offer you anything, Jenna. I had to live again to face you now. I don’t want to offer a broken me. Gusto kong buong-buo na ang pagkatao ko kapag humarap ulit ako sa iyo. Iyong James na walang mapait na nakaraan at hindi na mamumuhay sa nakaraan. Someone who could offer you a bright future.”

“Kaya ka ba bumalik sa pagta-taekwondo dahil doon?”

“Yes,” anito at kinintalan siya ng halik sa labi. “And because I really love playing taekwondo in the first place. Unlike Joann, naiintindihan mo kung ano ang gusto ko at ang mga pangarap ko.”

“Kahit pira-piraso ka pang humarap sa akin, tatanggapin pa rin kita. Panonoorin ko ang lahat ng laban mo, on and off the fighting mat. Ako ang gagamot sa mga pasa mo. At kung may natitira pang pilat sa puso mo,” aniya at ipinatong ang kamay sa dibdib nito, “ako ang bahalang gumamot doon. Mamahalin pa rin kita kahit umuwi ka sa akin nang bali-bali ang buto. At para sa akin, ikaw pa rin ang pinakaguwapong lalaki kahit tadtad ka pa ng pasa.”

Pinisil nito ang ilong niya. “Basta huwag mong ipapapulis ang kalaban ko.”

Natawa lang siya sa biro nito. “I just can’t believe that you are here. Akala ko hindi na tayo magkikita ulit.”

“Hindi yata ako papayag na mangyari iyon. Two people who are in love should be together. Marami pang dadating na ulan sa atin. I don’t care if those rains would bring blessing or curse. Ang mahalaga kasama kita. At alam ko na handa ka ring sumuong sa ulan kasama ako. You are the best thing that rain brought to me.”

“Me, too.” And she would never forget the day she met him. Tiningala niya ito. “Wait, hindi ba may party ka pa?”

“Party?” anitong saka lang naalala ang launching party ng commercial nito. “Susunduin sana kita dahil ang sabi ni Ate Jemarra, ayaw mong sumama.”

“Pero paano pa tayo makakapunta nito? Tingnan mo nga ang itsura natin.” Daig pa nila ang basang sisiw.

“Pwede siguro akong hindi magpakita sa kanila.”

“But you are the star of the night. Ikaw ang pinaka-importanteng tao doon. Hindi ka pwedeng mawala.”

“Kung ganoon, pumunta na lang tayong ganito ang itsura.”

“Nakakahiya! Baka isipin nila baliw tayo.”

“No. They will find it romantic. Very romantic.”

Tama ang Ate Jemarra niya. She only has to wait for another rain to bring James back into her life. At natitiyak niyang mananatili silang magkasama sa mga susunod pang ulan na dadating sa buhay nila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.