Skylander Series Chapter 79

Pinalakpakan ni Shandie si Alex nang tapos na itong kumanta. Nagpa-practice ito para sa jamming mamaya. Alas singko pa lang nang hapon ay nasa Sanctuary na siya. Nagse-set up pa lang ng instrumento ang mga performers pero nandoon na siya. Excited kasi siyang makita si Alex.

“Wow! That’s great. Practice pa lang, maganda na. Paano pa kaya mamaya kapag actual na?” aniya at inabot dito ang mint tea.

“Pumunta ka kasi dito kaya pinasiklaban na agad kita.”

Lalong tumaba ang puso niya dahil para sa kanya ang kanta nito. “Ngayon ko lang narinig ang kanta na iyon. Nakaka-in love.”

“I composed it for Rayanne,” Alex said with the glow in his eyes.

“Your girlfriend?” may pait niyang wika. Hindi niya matanggap ang nakikitang pagmamahal nito sa babae. “Nasaan siya?”

“She’s in New York right now. She’s a prima ballerina. Ang totoo, nami-miss ko na siya. Lalo na noong birthday ko last week. Hindi ko siya makasama. May show kasi sila sa Europe. Kaya sa webcam na lang kami nag-usap,” malungkot nitong sabi.

She tapped his hand for comfort. “Dapat malapit lang ang girlfriend mo sa iyo para lagi kayong magkasama.” Katulad niya. Malapit lang siya dito.

“Oo nga. Para hindi ko na siya mami-miss,” anito at bahagyang tumawa. “But it can’t be help. Pangarap niyang maging magaling na ballerina.”

“I-celebrate natin ang birthday mo bukas. Mag-picnic tayo sa falls,” yaya niya dito. Kung di ito kayang pasayahin ng girlfriend nito, siya ang magpapasaya dito.

“That would be nice.” Good. Umaayon ang lahat sa plano niya. Maipapakita niya kay Alex na kailangan nito ng isang babae na laging nasa tabi nito. Ballerina nga ang girlfriend nito pero hindi naman nito makakasama. Wala ring silbi.

“O, Tukayo!” pagkuwan ay sabi ni Alex. Naramdaman niyang nakatayo sa tabi niya si Klein. “Bakit ngayon ka lang? Kanina pa kami nagkakatuwaan.”

“Pwede ko bang makausap si Shandie kahit sandali?”

“Sure,” sabi ni Alex. Ni hindi na niya magawang makatutol.

Matalim ang mata siyang sumunod kay Klein hanggang makarating sila sa labas ng music lounge. “Ano ba? Nakita mo namang nag-uusap kami ni Alex pero nang-iistorbo ka. Mamaya mo na lang sabihin ang sasabihin mo.”

Akmang babalik siya sa loob nang pigilan nito ang braso niya. “What the hell are you doing to yourself?”

“Bakit? Ano ba ang ginagawa ko sa sarili ko? I am trying to be happy.”

“At the stake of other people’s happiness? May girlfriend na si Alex. Kung nandito lang si Rayanne, plano na siyang alukin ng kasal ni Alex.”

“But she’s not here. Saka hindi pa sila kasal. Kung mahal talaga nila ang isa’t isa, hindi sila dapat na magkahiwalay.”

Padarag siyang binitawan ni Klein. “I can’t believe that I am hearing this from you. Huwag mong ipagsiksikan ang sarili mo sa taong hindi ka mahal.”

“Ano ba ang pakialam mo? This is my life!”

“Ako ang nasasaktan sa ginagawa mo dahil mahal kita.”

Maang siyang napatitig dito. He was dead serious. Pero malay ba niya kung nagsasabi ito ng totoo. Baka inuuto lang siya nito para di niya guluhin si Alex. “I don’t have time for this crap.”

“That’s the truth, Shandie,” anito sa mas mahinang boses. “I love you. I waited for you for along time. Noong nasa Cayman Islands ka, ilang beses akong na-tempt na sundan ka. Pero hindi ko ginawa kahit na alam ko kung nasaan ka. Hinintay ko na lang ang pagkakataon na sinasabi mo na mapapatunayan ko lang na mahal nga kita kung magkikita ulit tayo. And I still love you. And I thought that we could start again where we left off.”

Siguro nga ay mahal siya nito. But things haven’t changed between them. Wala pa rin dito ang katangian ng lalaking gusto niyang pakasalan. “You are a bigger fool than I thought, Klein.” Kalokohan na mahalin pa rin siya nito.

“You had feelings for me then, Shandie. Nararamdaman ko iyon.”

“Yes, I was attracted to you.” And she was still attracted to him. “But I didn’t love you. Malayo ka sa lalaking gusto ko. To tell you frankly, I didn’t really have plans to commit myself to you. Kahit na nagtagal pa ako sa Pilipinas, our relationship won’t last. We had some good times and that’s it. Everything was just a game.”

Humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya at mariin siyang tinitigan. “No! That’s not true!” Hurt was evident on his face.

“Iyon ang totoo, Klein,” she said in an even tone. “Ayokong saktan ka pero ayoko ring buhayin ka sa ilusyon.” Hindi naman niya alam na mahal pa rin siya nito hanggang ngayon. “I was leaving for Cayman Islands. Excited ako na mabigyan ng atensiyon ng isang guwapong lalaking katulad mo. I was flattered. You are my one last fling before I left.”

Dahan-dahang lumuwag ang pagkakahawak nito sa kanya. “You never really loved me? Pinaikot mo lang pala ako. Pinaglaruan!”

“Right! So stop interfering with my life because you have no right!” Hindi siya natutuwa sa pakikialam nito at wala siyang pakialam sa pagmamahal nito. “Ayoko sa iyo. Panggulo ka sa aming dalawa ni Alex. Sagabal sa kaligayahan ko!”

“I am not deaf, Shandie,” walang kangiti-ngiti nitong sabi. His eyes suddenly turned cold. “You don’t have to yell.” Tinalikuran siya nito. His back was ramrod straight. He didn’t even dare look back. “Don’t worry, I won’t bother you anymore. Kung gusto mong magpakabaliw kay Alex, bahala ka.”

Hindi iyon ang inaasahan niyang magiging reaksiyon nito. She didn’t expect him to let her go right away. May kaunting sakit siyang naramdaman nang maalala ang masasakit na salitang sinabi niya. Pero iyon ang totoo. Masakit tanggapin ang katotohanan. Nilingon niya si Klein na pasakay na ng kotse nito. She felt a tinge of pain. Hindi siya dapat ma-guilty. Ginawa lang niya kung ano ang dapat.

“GOOD morning po, Manang Berta!” bati ni Shandie nang dumulog sila sa mesa para mag-agahan. Alas sais pa lang nang umaga noon pero bumangon na sila. Si Jade para maglibot sa farm at siya naman para paghandaan ang date nila ni Alex.

“Nasaan po si Klein?” tanong ni Jade at dumulog sa mesa.

“Maaga siyang bumangon,” sabi ni Manang Berta at inilapag ang sinangag na kanin at fried egg sa harap nila. Nakahain na rin pati bacon at tapa, pati na rin sariwang prutas. “Titingnan daw muna niya ang mga bus bago bumiyahe. Tag-ulan kasi ngayon kaya madalas ang disgrasya.” Ang Lizardo Bus na bumibiyahe sa Baguio at sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera Region ay pag-aari din ng mga Lizardo.

“Ni hindi man lang niya ako ginising,” anang si Jade at sumubo ng ham.

“Ayaw niyang gisingin kayo. Nagkasiyahan ayo sa Sanctuary kagabi kaya tiyak na napagod kayo.Susunduin daw niya kayo para mamitas ng berries mamaya.”

Tahimik lang siya habang nakikinig sa usapan tungkol kay Klein. Nang nakaraang gabi, tuluyan niya itong binura sa isip niya. Ayaw niyang isipin na kasalanan niya iyon. “Manang Berta, tulungan po ninyo akong magluto mamaya. Magpi-picnic kami ni Alex sa falls. Gusto ko po masarap ang iluto natin.”

“Ako na ang bahala doon,” sabi ni Manang Berta.

Niyakap niya ito at hinalikan sa pisngi. “Thank you!”

“Shandie, nag-away ba kayo ni Klein kagabi?” tanong ni Jade nang silang dalawa na lang sa kuwarto. “Ni hindi siya sumama sa Sanctuary. Iyong driver lang niya ang pinasundo sa atin. Tapos ngayon, umiiwas siya.”

“It is his fault,” nakataas ang kilay niyang sabi. “Pinakikialaman kasi niya kami ni Alex. Mantakin mo, mahal daw niya ako.” Tumawa siya nang pagak. “Akala naman niya basta-basta niya ako mauuto. And I told him that I don’t like him a bit. Na kahit noon, hindi ko naman talaga siya minahal.”

But Jade didn’t share her laughter. “You are so cruel! So unfeeling!”

“Dapat lang iyon sa pakialamerong tulad niya. Saka huwag mo ngang kampihan ang lalaking iyon. Dapat lang na matuto siya ng leksiyon.”

“Klein is also my friend. At ngayong nasaktan mo siya, masaya ka na ba?” sardoniko nitong tanong.

She smiled sweetly. Ayaw niyang maapektuhan sa pangongonsensiya nito. “I am very happy. Sa wakas, wala nang panggulo sa lovelife ko.”

“I hope you won’t regret what you did to Klein,” Jade said in flat tone and left her alone. She suddenly felt cold. Masaya nga ba siya sa ginawa niya kay Klein? Yes, she was laughing. She almost had Alex. But she felt void.

Binura niya ang pakiramdam na iyon. Siguro dahil bahagya siyang nako-konsensiya. Pero lilipas din iyon kapag kasama na niya si Alex. At mare-realize din ni Klein na hindi siya ang babae para dito.

“BAKIT hindi mo isinama sila Klein at Jade?” tanong ni Alex habang kumakain sila ng tanghalian sa tabi ng Bokkong Falls.

“May iba silang pupuntahan ni Jade,” paliwanag niya. “Mamimitas yata sila ng blackberries dahil gustong ipagawa ni Jade na jam.”

“I thought at first that you and Klein were an item.”

Nagsalubong ang kilay niya. “Then you are wrong.”

“It is Jade then.”

Natigilan siya sa pag-inom ng canned iced tea. “What about Jade?”

“Sa palagay ko siya ang nililigawan ni Klein, right? Siya siguro ang binabanggit ni Klein na matagal na niyang gusto. Sa Manila pa lang, magkakilala na silang dalawa, di ba? They look good together.”

Humigpit ang hawak niya sa canned drink. Ang alam niya, siya ang matagal nang gusto ni Klein at hindi si Jade. Nag-init ang ulo niya maisip lang na magkasama sina Jade at Klein. They look good together? That’s madness!

Dahil alam niyang hindi si Jade ang gusto ni Klein kundi siya. At paano naging bagay ang dalawa kung hindi naman nagmamahalan ang mga ito?

“Bagay ba talaga silang dalawa?” nakayuko niyang tanong.

“Yes. Hindi mo ba napapansin? Saka mukhang tiwalang-tiwala si Klein kay Jade. Sabagay, Klein is not getting any younger. At kung si Jade ang pakakasalan niya, tiyak na magugustuhan siya ng pamilya.”

Bigla siyang napatayo. That was not right!

“Shandie, what’s wrong?” tanong ni Alex sa kanya.

“Umuwi na tayo.” Tumingala siya sa bughaw na langit na unti-unting nalalatagan ng madilim na ulap. “Baka kasi umulan.”

Hindi naman kumontra si Alex at ihinatid siya. Pero sa bungad lang siya ng farm. Naglakad siya papunta sa ancestral house. Gusto niyang mag-isip-isip kung ano ang nangyari. Malapit na sa bahay nang marinig niya ang halakhakan nina Klein at Jade. Klein looked genuinely happy habang sinusubuan ng lemon si Jade, na iniiwasan ng dalaga. Parang hindi ito ang lalaking bigo na kasama niya kagabi.

“O, napaaga ka yata ng balik,” sabi ni Jade at tumuwid ng upo. “Kumusta ang date ninyo ni Alex?”

“Okay lang,” aniya at ngumiti kay Klein.

Pero nakangiti lang itong bumaling kay Jade at inabot dito ang orange. “Jade, ipagbalat mo naman ako,” malambing nitong sabi.

“Sure! Ikaw, Shandie? Gusto mo?” alok ni Jade.

“No, thanks,” she said blandly. “Magpapahinga muna ako.”

Pinilit niyang hulihin ang mga mata ni Klein subalit iniiwas nito ang mata sa kanya. Parang ayaw na siya nitong makita. O invisible siya sa paningin nito. And she hated that feeling as if she didn’t exist at all. All she wanted was Klein to smile at her. Kahit isang ngiti lang.

MALAMIG ang hangin pero hindi makatulog si Shandie sa kuwarto niya. Habang si Jade naman ay mahimbing na natutulog sa kabilang kama. Gusto daw nitong mag-beauty rest dahil magiging masaya na naman ang tugtugan sa Sanctuary mamaya. Gusto daw nito ay fresh pa rin ito. Parang may pinagpapagandahan.

The sweetness between Klein and Jade bothered her. Paano kung ma-in love ang kaibigan niya kay Klein kahit siya pa ang mahal nito?

Nang hindi makatiis ay bumaba siya sa kusina para kumuha ng tubig. Naabutan niya si Klein na nagtitimpla ng kape. “Gusto mo ng kape?” alok nito. Pero hindi na ito kasinglambing ng dati. Ni hindi siya nginitian.

Umiling siya. “Iinom lang ako ng tubig.”

“Kumuha na lang kayo ni Jade ng kape sa percolator. Kabe-brew pa lang niyan. And there’s also lemon tart inside the ref,” sabi nito at binitbit ang kape. Babalik na marahil ito sa library para magtrabaho o baka iniiwasan lang siya.

“Klein, magkalinawan tayong dalawa.”

Tumigil ito sa paglalakad at hinarap siya. “About what?”

“Bigla kang naging sweet kay Jade. Ginagamit mo ba siya para gantihan ako o para pagselosin ako?”

Sumandal ito sa mahogany na kitchen table. His stance was suddenly intimidating. “And why would I do that?”

“Dahil ayoko sa iyo. Sinaktan kita dahil si Alex ang gusto ko. Kaya naman kay Jade mo ibinabaling ang atensiyon mo. Maybe you are thinking that you could use her against me. And since Jade is a nice person, you can easily manipulate her.”

Kaswal nitong inilapag ang tasa ng kape sa mesa at humalukipkip. “I am not a sore loser, Shandie. Revenge is not in my vocabulary either. Ayokong sayangin ang oras ko sa walang kwentang bagay.”

Bahagya siyang nasaling sa papuranggit nito. Isang walang kwentang bagay lang pala ang tingin nito sa kanya. “How about Jade? Pinaglalaruan mo lang siya at panakip-butas sa akin!” bintang niya dito.

His lips thinned in a line. “If there’s someone who loves to play around, I am sure it is not me,” he stressed. “At hindi si Jade ang tipo na magiging panakip-butas. Si Jade ang tipo ng babae na seryoso kaya dapat ding seryosohin.”

She suddenly lost her cool. “What did you say?” nagpupuyos niyang sabi at pabagsak na ibinaba ang baso ng tubig. “Are you telling me that men don’t take me seriously because I didn’t treat you right then? Wala kang karapatan na sabihin iyan! You don’t know me well!”

Nagkibit-balikat ito. He was not a bit moved by her anger. “Wala akong sinasabing ganyan, Shandie. Ikaw ang nag-isip niyan. And even if I am pertaining to you, hindi ka naman maapektuhan. You don’t have a conscience, remember?”

“Why you!” Akmang sasampalin niya ito nang saluhin nito ang palad niya.

“Afraid of your own ghosts, Shandie?” he asked then smiled spitefully. “Don’t worry, I won’t bother you. Sinisimulan ko nang kalimutan ka. And if I would fall in love with Jade, I can assure you that I won’t hurt her. Sana nga lang, mahalin ka ni Alex katulad ng pagkabaliw ko sa iyo dati. I wish you happiness anyway.”

Binitiwan siya nito saka ito lumabas ng kusina bitbit ang tasa ng kape. Sa halip na uminom lang ng tubig ay napilitan siyang maghilamos. She didn’t care if the water from the faucet was freezing. It wasn’t enough to cool her boiling blood.

“Damn you, Klein!” bulalas niya at sinabuyang muli ang mukha ng tubig. Parang kinulam siya nito. Bakit nakaramdam siya ng sakit nang sabihin nito na ‘kung sakaling mai-in love ito kay Jade’?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.