“PUMAYAG kang magpanggap na girlfriend ni Gideon Lee. As in Gideon Lee, my first love?” Sunud-sunod ang hugot ng hininga ng pinsan ni Yana na si Yulia habang kausap niya sa video chat. Sapo pa nito ang dibdib na parang hinihika. Dinampot nito ang bote ng tubig na nasa tabi ng laptop nito at tinungga. “Gosh! Habang ni-reject niya ako, siya naman magiging boyfriend mo. Unfair!”
“Huwag ka ngang OA diyan. Matagal ka na niyang nabasted at matagal ka na ring naka-move on. Nakatatlong boyfriend ka na uy!”
Tinapik ni Yana ang pisngi matapos talpakan ng moisturizer ang mukha. Matapos sumang-ayon sa deal ni Gideon sinabihan siya nito na magpahinga muna sa guestroom at bumawi ng tulog. Ayaw daw nito na haggard siya kapag magkasama sila lalo na kung siya ang ipapakilala nitong girlfriend. Umilip lang siya saglit at tinawagan ang pinsan. Nag-aalala na kasi ito kung anong nangyari sa kanya dahil huling message niya ay nasa airport pa siya.
“H-Hindi ko maintindihan kung paano napunta sa ganyan ang sitwasyon mo samantalang ang kwento mo lang sa akin kanina nakita mo si Dong Uk na may kasamang iba. Pero di ka muna uuwi ng Pilipinas dahil babawiin mo siya at tutulungan ka ni Gideon. Di naman kayo close para tulungan ka niya. May hindi ka ba ikinukwento sa akin?” panghuhuli ng pinsan niya at tinaasan siya ng kilay. “Ano ang nangyari sa pagitan ng nakita mo si Dong Uk na may kahalikang ibang babae at inalok ka ni Gideon Lee na maging fake girlfriend niya.”
Tumirik ang mata niy Yana at bumilang ng sampu saka ikinuwento sa pinsan ang nangyari. Na napadpad siya sa isang bar, napainom ng soju, hanggang sunduin ni Dong Uk sa bar at nagising siya sa bahay nito. Ikinuwento din niya kung paano siyang sinugod ng baliw na admirer nito at ipinakilala siya bilang girlfriend nito.
“Napasubo na ako, okay? Naipakilala na niya ako sa kay Sang Hee at kay Ma’am Mi Su na girlfriend niya. Ewan ko kung mapapangatawanan ko.”
Humagikgik ang pinsan. “The prude and the manwhore. I can’t imagine.”
Sinapo niya ang pisngi. “Sabi niya tutulungan daw niya ako kung paano akitin si Dong Uk. Iyon daw kasi ang advantage sa akin ni Eu Jin. Di ko tuloy alam kung tama ang desisyon ko.”
“Ano ka ba? Chance mo na itong magka-free lesson kay Gideon. Kung sa akin niya inalok iyan, ibibigay ko lahat-lahat sa kanya. Chance ko na iyon,” kinikilig nitong sabi. “Ang sarap siguro niyang maging lover.”
“Magtigil ka nga diyan. Siyempre walang mangyayari sa amin ‘no?”
“Kahit kiss man lang. Feeling ko ang sarap-sarap niyang humalik.”
Di lang niya masabi sa pinsan na titig pa lang ni Gideon, parang nakaka-devirginize na. Paano pa kaya ang halik nito? Paano kung halikan siya nito at ayaw na niyang tumigil? Di ba delikado iyon?
“Natahimik ka yata diyan?” puna ng pinsan.
“Wala. Kulang lang siguro ako sa tulog. May dinner pa kami kasama si Ma’am Mi Su.”
“O baka naman iniisip mo ‘yung lesson mo kay Gideon?”
“Baliw. Sige na. I-update na lang kita…”
“Yana, kahit wala ako sa tabi mo, suportado kita sa mga desisyon mo. Pero kung sa palagay mo iba na talaga ang mahal ni Dong Uk, hayaan mo na siya. Marami pang ibang lalaki diyan.”
“Salamat. Pero susubukan ko lang naman. Kaysa naman sumuko na lang ako agad nang hindi ko sinusubukan.” Tama naman si Gideon. Kailangan niyang ipaglaban ang sarili niyang kaligayahan para wala siyang pagsisihan sa huli.
“Good luck sa lesson mo diyan kay Teacher Gideon. Namamalo kaya siya kapag di mo nakuha ang lesson?” Hinampas nito ang sariling pigi. “I am such a bad girl. Punish me, Sir.”
Ngumiwi siya. “Kadiri ka! Bye na!”
At pinutol agad niya ang pag-uusap nila ng pinsan. Muntik na siyang mag-hyperventilate doon. Paano kung adventurous si Gideon sa sex at ibang level na ang ituro sa kanya? Paano kung masyadong maging mainit ang lesson at manganib ang puri niya?
Kailangan may mga patakaran sila ni Gideon. Kailangang alam nila kung hanggang saan lang ang hangganan ng pagpapanggap nila bilang magnobyo.
Pero bago siyang maging girlfriend nito, kailangan muna siguro niyang namnamin ang Jeju Island. Isa pa, di pa siya bayad sa utang niya sa bar. Kailangan din siguro niyang I-settle iyon kay Gideon.
“Sir Gideon!” tawag niya sa lalaki paglabas ng kuwarto. Nang di ito sumagot ay tinawagan niya ang phone nito. Sumagot naman ito matapos ang dalawang ring. “Hello. Nasaan ka?”
“Nandito ako sa rooftop. Lumabas ka sa balkonahe sa dulo ng hallway. May hagdan doon papunta sa rooftop.”
Sinunod niya ang instruction ng lalaki. Naabutan niya ito na nakaupo sa yoga mat at naka-Indian seat. Nakaharap ito sa magandang view kung saan tanaw ang dagat. “Wow! Ang ganda pala dito,” usal niya.
Tinapik nito ang mat sa tabi. “Umupo ka. Kapag gusto kong mag-relax, dito lang ako sa rooftop. Dito rin ako nagme-meditate.”
“Naabala ko ba ang meditation mo?” tanong niya sa lalaki.
Uminom ito ng tubig. “That is fine. Tapos na rin naman ako.”
“I never pegged you for a yoga type of guy.”
“Bakit naman?” nakakunot ang noo nitong tanong.
“Alam mo ‘yung party boy na image, walwal araw-araw, inom dito at inom doon, babae dito at babae doon,” pag-amin niya dito.
“You can’t put people in a box. We are more complex than you think. And besides, yoga has a lot of benefit.”
“Like?”
“Flexibility and endurance. Sa palagay mo paano nagagawa ng mga Indian noong unang panahon ang mga Kamasutra position? Yoga helped a lot. So you should try yoga,” nakangising sabi nito. “I can teach you. Pwede na nating simulan ang lesson mo ngayon.”
His warm breath caressed her ear and the side of her face. Sa halip na simpleng yoga position lang ang naiisip niya, naiisip na niya ang mga acrobatic Kamasutra position - nilang dalawa. Pagdating kay Gideon, wala nang ino-inosente. Pati nananahimik na yoga nadamay. He was corrupting her.
Bigla siyang tumayo at lumayo sa mat. “Uh! Pwedeng huwag muna tayong mag-lesson? Kasi ‘yung bill ko sa bar ikaw ba ang nagbayad? Magkano?”
“Hindi mo na kailangang bayaran. Sagot kita. It is my bar.”
Nanlaki ang mata niya. “Oh! Sa iyo palang bar iyon.”
“Yes. Mabuti na lang doon ka napunta. No worries. I got it covered.”
Niyakap niya ang sarili nang umihip ang malamig na hangin. “Pero kailangan ko pa rin magbayad.”
“Ibili mo na lang ng bagong damit ang pera mo. You might need more thicker clothes. Malamig pa dito sa Jeju dahil spring.” Lumapit ito at hinaplos ang magkabila niyang braso. “Sasamahan kitang mag-shopping.”
“Pero Gideon…”
“Feel free to call me oppa.”
“Oppa?” tanong niya.
“Yes. Katulad ng tawag ng mga babae sa partner nila sa Korean drama. Oppaaa!” pinatinis ng lalaki ang boses at kunyari ay nagpa-cute. Isang krimen para sa isang makisig na lalaki na magpa-cute pero bakit bagay ay Gideon? Hindi ito nakakainis o nakakabawas sa kakisigan nito.
Natawa na lang siya. “Isa pa nga.”