Something Twisted Chapter 11

“KUNG sino ka man, kung ano man ang ginawa mong ito sa’min, sana’y pabalikin mo na kami sa dati. O kaya’y bigyan mo kami ng sign kung paano kami babalik sa dati. Why did this even happen to us? Hindi ito ang hiniling ko sa’yo, pero please, ibalik mo na kami sa dati,” hiling ni Adam sa kawalan—sa kung sinuman ang nagmamay-ari ng misteryosong tinig na narinig niya kagabi.

Kahit tirik na tirik na ang araw ay ilang minuto pang nagpaikot-ikot sa mala-gubat na lugar na iyon si Adam bago siya sumuko sa paghahanap sa hidden spring. Ayaw pa niyang bumalik sa loob ng Hidden Valley dahil hindi niya alam kung paano siya haharap muli kay Jared. Ayaw niyang bumalik doon ng walang dalang magandang balita dahil sigurado siyang mang-uuyam na naman ang lalaking iyon.

Paulit-ulit pa ring tumatakbo sa isipan ni Adam ang mga sinabi ni Jared kanina. Pero hindi pa rin niyon naalis ng tuluyan ang galit sa kanyang dibdib. Siguro ay dahil ma-pride siyang tao kaya kahit alam niyang tama ang mga sinabi nito kanina ay hindi pa niya iyon magawang tanggapin. And he was ashamed of himself.

Hindi kaya nagkapalit kami ni Jared bilang parusa sa’kin dahil hindi nagustuhan ng ‘boses’ na ‘yon ang hiling ko? pagkuwa’y tanong ni Adam sa sarili. Pero bakit kailangang magkapalit pa kami?

Napabuga ng hangin si Adam ng hindi pa rin magpakita o magparamdam sa kanya ang hiwaga ng lugar. Kaya nagdesisyon siyang bumalik na sa loob ng resort. Habang naglalakad si Adam pabalik ay nag-iisip siya ng mga plano sakaling manatili sila ng ganito ni Jared ng matagal.

Paano nila haharapin ang buhay ng isa’t isa? Posible bang magpanggap sila bilang ang isa’t isa sa harap ng mga taong malalapit sa kanila? Hindi siguro nakahalata si Elice kanina kay Jared pero hindi magtatagal ay siguradong malalaman nitong may mali sa kanya. At siya? Paano niya makakayang harapin sina Roberto at Rita? Hindi siya maaaring magpanggap na gusto niya ang mga ito.

No. May pag-asa pa. ‘Yong mga taong narinig namin ni Elice na nag-uusap tungkol sa hidden spring kahapon.

“Nakita mo ba?” agad na tanong ni Jared sa kanya nang makabalik siya sa villa kung saan ito naghihintay. Umiling siya rito. “Shit. Negative din ‘yong sa inutos mong tingnan ko kanina.”

“Nagtanong ka rin ba sa ibang resort staffs tungkol sa hidden spring?” tanong niya rito.

“Oo pero alamat lang daw ‘yon na gawa ng mga sina-unang tao. Ang alam din lang daw nila ay piling mga tao lang ang nakakakita sa hidden spring at iyon nga, na maaari ‘yong tumupad ng mga kahilingan. Obviously, hindi nila alam na totoo ang alamat no’n,” ani Jared.

“Shit. There must be some other way to undo this switch,” aniya saka pabagsak na umupo sa kama.

“Hindi kaya napaglaruan ka ng engkanto kagabi? I’ve heard stories about them before. Sa probinsya namin ang kwento’y nangunguha at nanliligaw sila ng mga tao. Iba ang sitwasyon natin do’n pero ano’ng malay natin sa kayang gawin ng mga engkanto, ‘di ba?” pagkuwa’y sabi ni Jared.

So, naniniwala rin pala ito sa kanya kanina. “Okay. May alam ka bang ibang paraan para makabalik tayo sa dati?”

“Kailangan nating kumonsulta sa isang albularyo. Baka may makita tayong albularyo malapit dito. Baka may nahawakan na siyang ganitong kaso noon at baka may alam din siya sa hidden spring.”

Hindi naniniwala si Adam sa mga albularyo pero dahil mas lalong hindi kapani-paniwala ang nangyari sa kanila ni Jared ay bakit hindi? “Okay. Let’s go. Pero magpaalam ka muna kina lolo’t lola. Hihintayin kita sa kotse mo.”

“Sige. And by the way, tumawag si Kris. Hinahanap ka na niya dahil ngayon pala ang meeting n’yo about Calypso. Kailangan ko na ring makabalik dahil ngayon din kami magsisimulang magtrabaho ng team ko para sa Calypso project,” sabi ni Jared.

“Talaga? Akala ko hindi mo na kailangang gumawa ng plano para do’n dahil…kayo na ni Tina, ‘di ba?” nang-uuyam na sabi niya rito. Muling bumalik ang inis na naramdaman ni Adam ng malaman niya na sa Rodriguez Holdings pala ang Calypso.

“It was just one date, Adam. Hindi ko rin alam na siya pala ang ‘meeting’ na dapat kong puntahan sa hotel. Don’t worry, I’m going to fight fair and square,” seryosong sabi naman ni Jared.

Adam smirked at him. “Iyan ba ang sabi ng presidente n’yo?”

“Hindi. But this is my project. I’ll do it my way,” sagot ni Jared.

“Right. Well, kailangan na talaga nating bumalik sa dati.” Hopefully. Kung hindi ay si Jared ang makakasama ni Kris habang gumagawa ng Calypso project ‘pag nagkataon. Hindi pwede ‘yon.

Damn. The hidden spring didn’t grant him his wish at all. It cursed him.

MAINIT ang tingin ni Adam kay Tatang Wasto—ang matandang lalaking albularyo na itinuro sa kanila ng mga lokal na pinagtanungan nila kanina ni Jared. Hindi dahil may gusto siya dito kundi dahil wala siyang tiwala dito. Hindi natatakot dito si Adam pero medyo…kinakabahan siya sa maaari nitong gawin sa kanila.

Mukhang ordinaryong tao si Tatang Wasto maliban sa isang medalya at kung anu-anong batong naka-adorno sa katawan nito. Hindi rin nagustuhan ni Adam ang amoy ng mga kandila sa bahay nito dahil pakiramdam niya’y nasa sementeryo siya ng mga oras na iyon. May kung anu-anong anting-anting at halaman ding naka-dekorasyon sa maliit nitong bahay.

Fine. This house is creeping me out, pag-amin ni Adam sa sarili.

“Ano’ng sadya n’yo sa’kin?” tanong ng matanda habang nakatingin sa kanilang dalawa na para bang pinag-aaralan sila.

“Tatang Wasto, alam n’yo po ba ang tungkol sa alamat ng hidden spring sa may Hidden Valley?” tanong ni Jared sa matanda.

“Alam ko ang tungkol sa alamat ng naturang bukal pero wala pa namang nakapagpapatunay na totoo iyon,” sabi ng matanda pagkuwa’y binigyan sila nito ng isang makahulugang tingin. “Hinahanap n’yo ba ang bukal para humiling?”

“Hindi po. Curious lang po kami kung totoo nga. Uh, galing po kami sa isang TV network at naghahanap kami ng material para sa Halloween special ng isa naming show. Pwede mo po ba kaming kwentuhan—“

“Hay, naku. Wala akong alam,” biglang bawi ni Tatang Wasto sabay tayo mula sa kinauupuan nito. Ni hindi na nito pinatapos pang magsalita si Jared. Tiningnan ni Adam ng masama si Jared. “Umalis na kayo dito. Show-show na naman. Marami na namang magiging interesado sa mga kababalaghan at sasakit na naman ang ulo ko kapag may nangyari sa kanilang masama,” sabi pa nito na tila sarili lang ang kausap.

“Bakit po? May nangyayari bang masama kapag nakikita o humihiling ang isang tao sa bukal?” painosenteng tanong ni Adam sa matanda.

“Hindi ko alam. Wala akong alam,” paiwas na sagot ni Tatang Wasto.

“Tatang Wasto, magbabayad kami kahit magkano sagutin n’yo lang ang mga tanong namin. Hindi po totoong empleyado kami ng isang TV network dahil ang totoo n’yan, mga arkitekto kami. Curious lang po talaga kami sa hiwaga ng bukal na ‘yon. Gusto ko po kasi sanang makita ‘yon at humiling do’n na sana’y gumaling ang nanay ko,” pagda-drama dito ni Adam.

Humugot ng isang buntong-hininga si Tatang Wasto bago ito muling nagsalita. “’Wag n’yo nang pangarapin pang hanapin ang bukal na ‘yon dahil isang sumpa ang kapalit ng bawat hiling doon. Maghahanap lang kayo ng sakit ng ulo.”

“Paano mo naman po nasabing sumpa ang kapalit ng bawat hiling sa bukal? May kumonsulta na po ba sa inyo dati na isinumpa ng bukal?” tanong pa dito ni Adam.

“Wala. Pero iyon ang sabi sa’kin ng mga lolo ko noon,” sabi ni Tatang Wasto saka ito muling umupo sa harapan nila. Pagkuwa’y nagsimula itong magkwento tungkol sa alamat ng isang adang nagngangalang “Paraluman”.

Noong unang panahon daw ay umibig si Paraluman sa isang mortal. Sa ngalan ng pag-ibig na iyon ay isinuko nito ang kapangyarihan para maging mortal at makasama ang lalaking minamahal. Buong-pusong naniwala si Paraluman na wagas na pag-ibig din ang iaalay dito ng lalaking minamahal. Pero matapos daw nitong ipagkatiwala sa lalaki ang lihim ng lahi nito’y ipinagkanulo daw ito ng lalaki sa mga taong-bayan kasabay ng pagtatapat na may iba itong babaeng minamahal.

Si Paraluman ay pinagbintangan bilang masamang engkanto ng mga taong-bayan. Itinali daw ang ada sa puno na pinaliligiran ng apoy. Samantalang ang mga mortal naman daw—na pinamunuan ng lalaking iniibig ni Paraluman—ay sumalakay sa tahanan ng mga adang katulad nito. Para nakawin ang nakatagong yaman ng kaharian ng lahi nito.

Sa galit at hinagpis daw ay ginamit ni Paraluman ang natitira nitong kapangyarihan bilang ada para gawin ang ipinagbabawal na salamangka ng lahi nito—ang agawin ang katawan ng isang mortal. At pinili daw na makipagpalit ng katawan ni Paraluman sa babaeng tunay na iniibig ng lalaking minahal nito.

Nang umabot si Tatang Wasto sa parteng iyon ng kwento ay muling nagkatinginan sina Adam at Jared. Pero dahil doon kaya sinisi ni Adam ang sarili. Dapat pala’y nag-research muna siya tungkol sa alamat bago siya humiling sa hidden spring na iyon.

Balik sa kwento, nagtagumpay daw si Paraluman sa pakikipagpalit ng katawan sa babaeng mortal. Pero hindi natuloy ang balak nitong pagpatay sa lalaking iniibig dahil bigla nitong natagpuan ang sariling may kalong na isang sanggol. Ang iyak daw ng inosenteng sanggol na iyon ang bumali sa salamangka ni Paraluman. Bumalik daw sa dati nitong katawan si Paraluman—na nakagapos sa puno sa gitna ng apoy.

Bago mamatay ay gumawa daw ng isang makapangyarihang sumpa si Paraluman—na mula sa matinding galit at poot nito sa mga mortal—at ang sumpang iyon ang tuluyang nagwakas sa buhay ng ada. Narinig daw ng Bathala ng Kalikasan ang panaghoy ni Paraluman at bilang ganti sa kamatayan ng Ada ng Bukal ay isinumpa ng Bathala ang mapait na katapusan ng mga taong-bayan na nangahas nakawin ang yamang hindi nararapat para sa mga ito.

Nang araw daw na iyon ay bumuhos ang napakalakas na ulan sa lugar hanggang sa bumigay ang lupa sa bundok at ibaon niyon sa hukay ang buong bayan. Nang humupa daw ang napakalakas na ulan ay naging payapa na ang bayang natabunan ng lupa. At sa lugar kung saan daw huling nakitang buhay si Paraluman ay may umahong bagong bukal. Pero sa isang kisapmata’y naglaho iyon.

“Sa paglipas ng panaho’y naging usap-usapan na dito ang tungkol sa bukal na ‘yon na nagpapakita lamang sa mga piling tao. Dahil sa hiwagang bumabalot sa bukal ay pinaniwalaan ng mga taong may kakayahan iyong tumupad ng mga kahilingan. Ang sabi ng isang lolo ko noon, dahil mula daw sa dugo ni Paraluman—na may matinding poot sa mga taga-lupa—ang bukal na iyon ay sinumang humiling doo’y tatanggap sa sumpa ng ada,” pagtatapos ni Tatang Wasto sa alamat ni Paraluman—at nang hidden spring.

“Tatang Wasto, base sa kwento mo, maaaring ang pagkakapalit ng katawan ang maging sumpa ng bukal, ‘di ba?” pagkuwa’y sabi ni Jared.

“Maaari. Bakit? Nagkapalit ba kayo ng katawan?” pabirong tanong ng matanda pero may laman iyon. Nagkaroon ng kutob si Adam na alam nito na totoong nagkapalit sila ng katawan ni Jared.

“May alam po ba kayong lunas sa gano’ng…pangyayari?” tanong naman dito ni Jared.

Agad na umiling si Tatang Wasto. “Wala pa akong nagagamot na gano’ng kaso. At hindi ko sigurado kung magiging epektibo ba sa gano’n ang mga ritwal na alam ko. Pagtatawas, pagtataboy ng masamang espiritu at paggawa ng mga gamot lang naman ang kaya kong gawin.”

Hindi naman kami masamang espiritu, isip-isip ni Adam.

“Pwede po bang subukan natin lahat?” biglang sabi ni Jared na ikinalaki ng mata ni Adam.

Napakunot-noo naman si Tatang Wasto saka pinaglipat-lipat ang tingin sa kanila ni Jared. Pagkuwa’y napabuga ito ng hangin. “Hindi ko alam na ganito pala ang sumpa ng bukal. Sino’ng may masamang loob ang humiling sa inyo sa bukal?”

Walang sumagot kina Adam at Jared. Kaya napailing na lang si Tatang Wasto. Saka ito naghanda ng mga gagamitin para “gamutin” sila. Nakita niyang naghanda ito ng kung anu-anong halaman at inilatag din nito sa kanilang harapan ang iba’t ibang anting-anting. Pagkuwa’y kumuha ito ng ilang kandila at inihilera iyon ng pabilog sa kanila ni Jared.

Napakunot-noo si Adam nang magsalita ng hindi niya maintindihan kung anong klaseng lenggwahe si Tatang Wasto. Matagal itong nagsalita ng ganoon hanggang sa hatawin sila nito ng hawak na halaman. He abhors any kind of pain. Kaya agad na napatayo si Adam ng maramdaman ang hampas nito.

“What the fuck?” bulalas niya.

“Sit still and pray that we go back to normal today, Adam,” seryosong sabi naman ni Jared habang patuloy pa rin ang hampas dito ng halaman ni Tatang Wasto.

Napanganga lang si Adam dito.

Ginagawa niya ang lahat para bumalik kayo sa dati, Adam. Magtiis ka, anang isang bahagi ng kanyang isipan. Kaya muli siyang umupo at tiniis ang panghahampas ni Tatang Wasto habang humihiling na sana’y bumalik na sila ni Jared sa dati. Pero natapos na ang ritwal ay wala pa ring nangyari. Pagmulat ni Adam ng kanyang mga mata ay siya pa rin si Jared.

Panay naman ang iling ni Tatang Wasto. Sandali itong nawala sa kanilang harapan at nagtudtod ng kung anu-anong halaman. Nang muli itong lumapit kina Jared at Adam ay may dala itong inumin na hindi niya alam kung inumin ba talaga. The weird concoction looked icky, smelled bad and it would probably taste disgusting too. Kaya sumama ang mukha ni Adam ng sabihin ni Jared na sabay nila iyong inumin.

“Seriously?” hindi makapaniwalang sabi ni Adam dito bago bumaling kay Tatang Wasto. “Ano po ba ang mga nilagay mo dito?”

“Inumin na lang natin, Adam. Malay mo ito na talaga ‘yong paraan para bumalik tayo sa dati,” sabi ni Jared.

“Iisang straight mo na lang, ‘toy. ‘Wag mong amuyin,” sabi naman ni Tatang Wasto.

Tinitigan ni Adam ang inumin at mas lalong sumama ang kanyang mukha. Pero nang bumilang si Jared ay pumikit siya, tinakpan na lang ang ilong at saka inisang straight ang inumin sa hudyat ni Jared. At kahit gusto nang masuka ni Adam ay hindi muna siya tumayo. Pinakiramdaman muna niya ang sarili at muling humiling na sanay bumalik na sila sa dati. Pero sa muling pagmulat niya ng kanyang mga mata ay siya pa rin si Jared.

“Hindi siguro epektibo dahil hindi bilog ang buwan ngayon. Bumalik na lang kayo ulit sa susunod na bilog ang buwan,” pagkuwa’y sabi ni Tatang Wasto.

Hindi na nakapagpasalamat pa si Adam dito dahil tumakbo na siya palabas ng bahay. The horrid taste of the concoction still lingered in his mouth and that made him threw up.

Hinding-hindi na ako babalik sa bahay na ‘yon kahit kailan, sabi ni Adam sa sarili.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.