Something Twisted Chapter 10

HINDI na dumaan pa si Adam sa reception hall ng Hidden Valley. Sa halip ay dumiretso siya sa villa kung saan siya tumutuloy. Pero napatigil si Adam sa paglalakad ng makasalubong niya ang kanyang Lola Carmen at Lolo Timothy. Halatang nagulat ang mga ito pagkakita sa kanya. Of course, dahil si Jared ang nakikita ng mga ito sa kanya ngayon.

“Jared, ano’ng…ginagawa mo dito?” tanong ni Lola Carmen.

“Uh, para po sa trabaho. May ipapagawa po kasing extension at renovation ang may-ari. Titingnan ko lang po ‘yong lugar,” pagsisinungaling ni Adam sa mga ito.

“O, sige,” tila alanganin pang sabi ni Lola Carmen.

Kukunot-noo sana si Adam kung hindi niya alam na siya ang inaalala nitong makita ni Jared. Kaya tinanguan na lang niya ito at nagpatuloy ng lakad. Pagkuwa’y nilingon niya ang dalawang matanda kung nakatingin pa sa kanya bago niya tinungo ang villa kung nasaan si Jared. Pakiramdam ni Adam ay nagsasalamin siya nang pagbuksan siya ng pintuan ni Jared. Pinangilabutan siya.

“Fuck, this is so weird,” nanlalaki ang mga matang sabi niya.

“And creepy,” dugtong naman ni Jared gamit ang bibig at boses niya.

At mas lalo siyang pinangilabutan doon. Pagkuwa’y hinila na niya ito papasok sa loob ng villa dahil baka may makakita pa sa kanilang bisita ng lola niya at magtanong kung bakit magkasama silang dalawa ni Jared. Hindi pa nila kayang sumagot ng tanong ngayon dahil wala rin naman silang mga kasagutan.

“May ideya ka ba kung bakit at paano ‘to nangyari?” tanong ni Jared. Nakaupo ito sa upuang naroon samantalang si Adam nama’y nasa kama.

“Yep. Ang hidden spring. May legend dito sa Hidden Valley tungkol sa isang hidden spring na tumutupad ng mga kahilingan. Pero nagpapakita lang daw ‘yon sa mga piling tao. I think I was a chosen one dahil nakita ko ang mahiwagang bukal na ‘yon kagabi at nag-wish ako doon,” kaswal na paliwanag ni Adam kay Jared.

Napakunot-noo ito. “At hiniling mong magkapalit tayo?”

“Hindi. Bakit ko naman gugustuhing maging ikaw? Fuck! Alam mo bang hindi ako naligo ngayon dahil…Ugh! I cannot touch your body,” nanghihilakbot na sabi niya rito. He even felt a shiver down his spine.

“At sa tingin mo ay hindi ko rin ‘yan problema ngayon? Umayos ka nga, Adam! Hindi kapani-paniwala ang sinabi mo tungkol sa isang bukal na maaaring tumupad ng mga kahilingan. Sabihin mo sa’kin ang totoo. May ginawa ka ba kaya—“

“Hindi ka naniniwala sa hiwaga ng bukal na ‘yon? Puwes, sa tingin mo ay panaginip pa rin ito hanggang ngayon?” sabad niya rito. Natahimik si Jared. “Look, kailangan lang ulit nating makita ‘yong hidden spring. Sa tingin ko ay ‘yon lang ang tanging paraan para makabalik tayo sa dati,” paliwanag niya rito.

Tumayo na si Adam mula sa kamang kinauupuan nang may tumunog na cell phone. Tsinek niya ang phone ni Jared pero hindi iyon ang tumutunog.

“Si Kris,” pagkuwa’y sabi ni Jared habang nakatingin sa phone niya. Kinukuha ni Adam dito ang kanyang phone pero inilayo lang iyon sa kanya ni Jared. “Magtataka siya kung bakit ako ang sumagot ng tawag sa phone mo.”

Napatda si Adam. Oo nga pala. Shit! Kailangan na talaga naming mag-switch back agad. “Turn the speaker phone on,” utos niya kay Jared. Pero hindi iyon ginawa ng bastardong lalaki.

“Yes…Kris?” sagot nito sa tawag. Pinukol niya ito ng masamang tingin. Pagkuwa’y sinenyasan niya itong i-on ang speaker phone. Pero tinalikuran lang siya ni Jared. “Na-late lang ako ng gising. Pero papasok ako ngayon,” sabi pa nito.

Fuck. Kapag hindi pa rin sila bumalik sa dati ni Jared ay mas magiging malapit ito kay Kris bilang siya. This isn’t what I’ve wished for, himutok niya sa sarili.

Pero maaari mong i-sabotage ang Calypso project plan ng M Architects ngayong ikaw na si Jared. Maaari mong pigilan ang kasal nina Roberto at Rita bilang si Jared—at mas pabor ‘yon sa’yo. Kapag nagkataon, matutupad nga ang wish mo na matalo si Jared sa lahat ng bagay, sulsol naman ng isang bahagi ng kanyang isipan.

Pero paano si Kris, sina Elice at Chino, ang team namin habang ako si Jared? tanong naman niya sa sarili. Hindi pwede. Kailangan na nilang bumalik ni Jared sa kani-kanilang katawan ngayundin.

MAHIGIT beinte minutos na yatang naglalakad sina Adam at Jared sa forest trail ng Hidden Valley pero hanggang ngayon ay wala pa rin silang nakikitang kahit anong bukal. Nakakaramdam na rin siya ng iritasyon dahil sikat na ang araw at hindi alam ni Jared kung paniniwalaan ba niya ang tungkol sa hidden spring na sinasabi ni Adam. Ang tanging naiisip niyang kapani-paniwala ngayon na madalas niyang marinig noon sa kanilang probinsya ay napaglaruan sila ng mga engkanto.

Ano’ng ipinagkaiba ng mga engkanto sa hidden spring na ‘yon, Jared? sabi naman ng isang bahagi ng kanyang isipan. Napabuga siya ng hangin dahil hindi na niya alam kung ano’ng dapat isipin.

“Fuck. Mukhang naglaho ang bukal na ‘yon pagkatapos kong humiling kagabi. Natatandaan kong nag-fade din kasi ang mga liwanag kagabi bago ako umalis,” maya-maya’y sabi ni Adam pero tila ang sarili lang nito ang kinakausap nito. Pagkuwa’y lumingon-lingon ito sa paligid at tumingala sa langit. “Voice, who ever you are, nandito na ulit ako! Ang sabi mo tutulungan mo akong matupad ang hiling ko, ‘di ba? Bakit ganito ang nangyari?” pagkuwa’y sigaw ni Adam sa kawalan.

“Sino’ng kinakausap mo?” kunot-noong tanong ni Jared dito. Kinakabahan na naman siya. Baka nga napaglaruan sila ng mga engkanto.

“Hindi ko rin alam. May narinig kasi akong misteryosong boses kagabi na naghikayat sa’king sundan ‘yong mga bola ng liwanag—“

“’Bola ng liwanag’?” ulit niya sa huling sinabi nito—hindi makapaniwala. Hindi kaya Apoy ni Santelmo ang nakita nito kagabi?

Marami siyang narinig na alamat at kung anu-ano pang kwento sa kanilang probinsya noon mula sa “bulong”—na tungkol sa mga engkantong nanliligaw at nangunguha daw ng mga tao—hanggang sa pagpaparaya o pangungulam ng mga mangkukulam at albularyo, gayuma at mga aswang. Pero ni minsan ay hindi siya nakarinig ng nakatago at naglalahong bukal. Pero nasa ibang lugar nga pala sila at maraming alamat sa iba’t ibang lugar.

“Hindi kita pinipilit na maniwala sa’kin. Kung gusto mo, humanap ka ng sarili mong paraan para makabalik tayo sa dati,” sabi ni Adam na masama ang tingin sa kanya. Tila may panghahamon pa siyang nahimigan sa tinig nito.

“Fine. Kung naglaho nga ang hidden spring na ‘yon, paano ulit siya magpapakita sa’tin? Hindi kaya sa’yo lang ‘yon maaaring magpakita at dahil kasama mo ako ngayon ay hindi ‘yon lumalabas?” sabi ni Jared.

Tila pinag-isipan ni Adam ang sinabi niya. “Right. Bumalik ka na sa resort. Pero hanapin mo do’n ang isang matandang staff na nagwawalis—“

“Adam, paano kung maraming matandang nagwawalis do’n? You have to be more specific.”

Umungol ito bilang reklamo. “Hanapin mo na lang nga ang isang babaeng guest na mala-Avril Lavigne ang hitsura at may kasamang matangkad na lalaki. Narinig namin sila ni Elice na nag-uusap tungkol sa hidden spring kahapon. For sure, may alam sila tungkol do’n. ‘Pag nag-check out na, hingin mo sa reception ang contact numbers nila,” utos ni Adam.

“Sige. Pero sabihin mo nga sa’kin kung ano ang hiniling mo sa bukal na ‘yon,” aniya rito.

“Fine. I wished for your misery. Na hindi matuloy ang kasal ng mga magulang mo at sana’y hindi kayo magkabalikan pang muli ni Kris. Dahil gusto kong maramdaman mo ang naramdaman kong ka-miserablehan no’ng nawala si mommy,” seryoso at puno ng poot ang tinig na sabi ni Adam.

Napatiim-bagang si Jared dahil sa narinig. Naikuyom niya ang kanyang mga kamao dahil sa galit. “Alam mo kung ano’ng tawag d’yan, Adam? Selfishness, envy, insecurity and madness. Puro sarili mo lang ang iniisip mo. Ni hindi mo alam kung ano ang pinagdaanan namin ni mama bago kami makarating sa kung nasaan kami ngayon. Iniisip mong ambisyon ko lang ang nagdala sa’kin sa posisyon ko ngayon? No, Adam. I’m here by blood. Dugo’t laman ako ng tatay mo at wala kang magagawa kundi tanggapin ang katotohanang magkapatid tayo sa ayaw mo man o sa gusto. Kung ano’ng mayro’n ka noon at ngayon, entitled din akong magkaroon ng lahat ng ‘yon.”

“Ang mommy mo ang nang-agaw in the first place, dahil ang mama ko ang tunay na mahal ni papa. Kami ang nauna. Alam mo naman ‘yon, ‘di ba? Pero hindi mo matanggap. Ayaw mong tanggapin dahil ayaw mong tuluyang maging miserable. Ayaw mong sirain ang alaala ng mommy mo pero kahit siya’y inamin na ang katotohanang ‘yon sa kanyang sarili noon. Ikaw na lang ang hindi. Give yourself a break, Adam. Walang magandang idudulot sa’yo ang poot at galit na kinikimkim mo d’yan sa puso mo. Give your mother’s soul the peace she deserves. Iyon na lang ang magagawa mo para sa kanya ngayon.”

Tangkang susugurin siya ng suntok ni Adam pero agad naman itong napigilan at nakwelyuhan ni Jared. “Hindi pa ako tapos magsalita. Alam mo ba kung ano’ng nararamdaman ni Papa? Siyempre, ‘yong bad side lang niya ang importante sa’yo para may masisi ka sa pagkawala ng mommy mo. Pero diktador man siya kung tutuusin, may puso din ‘yon,” mariing sabi niya kay Adam bago niya ito pinakawalan.

“At siguro nga’y kasalanan ko nang iwan ko si Kris noon, pero hinding-hindi ako gagawa ng paraan para pigilan siyang maging masaya. The truth is, Adam, you’re insecure of what Kris and I had before. Aminin mo man o hindi, may kasamang insecurity ang kung anumang pagmamahal na nararamdaman mo sa kanya ngayon. Gusto mo akong burahin sa mga alaala ni Kris pero hindi mo ‘yon magagawa dahil higit pa sa pagkakaibigan ang pinagsamahan namin noon.”

“Yeah. And you chose to throw it all away because of your damn ambition,” nang-uuyam na sabi ni Adam.

“You’re right. Iyon lang ang tanging pinagsisihan ko noon. Pero nandito na ako ngayon and I intend to get her back,” seryosong sabi ni Jared dito bago niya ito tinalikuran at naglakad pabalik sa loob ng Hidden Valley.

Naiinis pa rin si Jared kay Adam pero pakiramdam niya’y nakahinga siya ng maluwag ng masabi ang lahat ng iyon dito. Hindi niya akalaing iyon ang hiniling ni Adam. Bakit sinayang nito ang isang hiling sa ganoong bagay? Ayaw ni Jared na matulad sa kanya si Adam noon—selfish at piniling saktan ang mga taong mahalaga sa kanya para lang sa pansarili niyang kapakanan. Dahil sigurado si Jared na pagsisisihan iyon ni Adam sa huli katulad ng nararamdaman niya ngayon kina Kris at Chino.

Pero nangyari na ang nangyari. Ang dapat nilang gawin ngayon ay humanap ng paraan para bumalik sila sa dati. It’s either Adam finds the hidden spring first and Jared hopefully contacts the pair he’s supposed to look for; or they go to someone who knows about enchantments, legends and myths.

“Hi. May guest kayo na mala-Avril Lavigne ang look, ‘di ba? May kasama siyang matangkad na lalaki,” sabi ni Jared sa babaeng receptionist nang makabalik siya sa Hidden Valley. Asking that seemed so ridiculous. Malay ba niya kung madami palang mala-Avril Lavigne na guests doon?

“Hindi ko po kilala si Avril Lavigne, Sir,” agad namang sabi ng babae.

Oka-y. “Uh, mukhang rocker ang dating. May eyeliner,” aniya.

Umiling ang babae. “Kaanu-ano n’yo ba siya, Sir?”

“Wala naman. May itatanong lang ako sa kanya. Nakita ko siya kahapon dito.”

“Ah. Baka po nakaalis na siya dito. Puro mga may edad na po kasi ang guests na natira dito ngayon. Mga guests ng lola n’yo, Sir,” sabi ng babae.

Tumangu-tango siya rito. “Pero pwede ba akong tumingin sa log book n’yo? Kailangan ko ng contact number niya.”

“Sorry po, Sir, pero hindi po kami pwedeng magbigay ng impormasyon tungkol sa aming mga guests,” tanggi ng babae.

“Sige na. Sa’kin lang naman. May itatanong lang ako sa kanyang importante,” pangungulit niya rito.

“Sorry po, Sir. Hindi talaga pwede. Pagagalitan ako ng boss ko.”

Napakamot sa ulo si Jared. “Okay. Kwentuhan mo na lang ako ng tungkol sa hidden spring.”

“’Hidden spring’? Naniniwala kayo do’n, Sir? Hindi ‘yon totoo. Ang dami na ring nagtanong sa’kin n’yan pero gawa-gawa lang naman ‘yon ng mga sina-unang tao dito,” natatawang sabi ng babae.

“Talaga? Pero may nakausap daw dito ‘yong kaibigan ko kahapon ng tungkol do’n. Matandang empleyado n’yo na nagwawalis. Siya ang nagsabi do’n sa kaibigan ko ng tungkol sa hidden spring na ‘yon,” pagsisinungaling niya rito. Well technically, si Adam ang nakarinig ng pag-uusap na iyon at siya naman si Adam ngayon.

“Ah, si Tatang Ondoy. Day-off po niya ngayon. Naku, Sir. Naniniwala nga siya sa alamat na ‘yon pero kahit siya ay hindi pa nakikita ang hidden spring. Ang alam niya ay alam din ng nakararami—na tumutupad nga ng hiling ang hidden spring ngunit sa mga piling tao lamang,” paliwanag ng babae.

Nahilot ni Jared ang kanyang sintido dahil sumakit na naman iyon. Hindi na niya alam kung ano pa ang sasabihin sa babae. Isa lang ang paraang naiisip niya sakaling hindi makita ni Adam ang hidden spring—ang kumonsulta sila sa isang albularyo. Baka may alam din ang isang albularyong malapit doon sa hiwaga at alamat ng hidden spring.

Hinugot ni Jared mula sa kanyang bulsa ang cell phone ni Adam. Nakalimutan na nilang magpalitan ng cell phones kanina. Naghanap siya ng signal dahil medyo mahina ang signal doon at nang magkaroon siya ng signal ay nagulat pa siya ng makita ang pangalan ni Kris sa screen niyon. Alas-otso na kaya siguradong itatanong na naman nito kung nasaan na si Adam. Kaya gumawa muna ng alibi si Jared bago sinagot ang tawag—pero wala siyang maisip na maganda.

“Adam, nasaan ka na ba? ‘Di ba sinabi ko na sa’yo kahapon na ngayon tayo magsisimulang magplano para sa Calypso project? Kumpleto na ang team dito. Ikaw na lang ang kulang,” agad na bungad ni Kris nang sagutin ni Jared ang tawag nito.

“Babalik na ako. Nagka-emergency lang. Mag-meeting na kayo. I’ll catch up later,” sabi niya rito.

“Ano’ng nangyari sa’yo?” nag-aalalang tanong ni Kris.

“It’s just…something crazy. Mamaya na ako magpapaliwanag.”

“Okay. Pero kailangan mo talagang pumasok ngayong araw, okay? Ayokong mas lalo pang makaangat sa’tin si Jared,” seryoso at puno ng determinasyon ang tinig na sabi ni Kris.

Ouch. “Okay,” tanging naisagot ni Jared dito dahil nasaktan siya sa sinabi ng dating nobya. Kasalanan naman niya kung bakit ganoon ito. Maliban sa pakikipaghiwalay niya dito noon ay siguradong iniisip ni Kris na nandaraya si Jared dahil sa pakikipag-date niya kay Tina Rodriguez kahapon.

Wala siyang ibang dapat gawin kundi ang patunayang hindi iyon totoo. Sana lang ay bumalik na sila sa dati ni Adam para magawa niya iyon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.