Something Twisted Chapter 19

“CONGRATULATIONS!”

Sabay na nilingon nina Jared at Kris si Adam matapos i-announce ni Greg Rodriguez na ang plano ng Villarosa & Associates ang napili nito para sa Calypso project. Naglahad ito ng isang kamay sa kanya na agad naman niyang tinanggap. Pagkuwa’y nakita niya itong ngumisi sa kanya at gusto niya itong kutusan ng mga oras na iyon.

This brat. He did not lose, anyway, sa isip-isip ni Jared.

“Thanks,” aniya rito. Pagkuwa’y hinarap ni Adam si Kris na nasa kanyang tabi at naglahad ng kamay dito. Siya naman ang napangisi kay Adam ngayon. Gusto nitong umakto sila ng naaayon sa kani-kanilang personalidad kaya naman inakbayan niya si Kris katulad ng maaaring gawin ni Adam kung ito nga ang nasa posisyon niya ngayon. “We won together.”

“You did. Do you want me to give up on her, Adam?” makahulugang sabi ni Adam. Tiningnan ito ng masama ni Jared.

Inalis ni Kris ang pagkakaakbay ng kamay niya sa balikat nito at pumagitna sa kanila ni Adam. Pinaglipat-lipat nito ang tingin sa kanila ni Adam pagkuwa’y humalukipkip at pareho silang tinaasan ng kilay.

“Kailan pa kayo naging civil sa isa’t isa?” nagtatakang tanong ni Kris kina Jared at Adam. Sabay naman silang nagkibit-balikat ni Adam bilang sagot doon. Pero alam niyang gigisahin siya ng tanong ni Kris mamaya tungkol doon. “Anyway, stop sending me flowers, Jared. Nagsasayang ka lang ng pera.”

Natigilan si Jared at nagbigay naman ng nagtatanong na tingin sa kanya si Adam. Sinenyasan niya itong um-“oo” na lang. Pero nakaramdam siya ng sakit at frustration dahil hanggang ngayon pala’y “kaaway” pa rin ang tingin ni Kris sa kanya. Kahit gaano pa karaming bulaklak, pagkain at apology ang ibinigay niya rito nitong mga nakalipas na araw ay galit pa rin ito sa kanya.

Pero hindi naman talaga mabilis kalimutan ang ginawa mo sa kanya noon. You have to pay for it, Jared. Pero huwag kang susuko, mariing sabi ni Jared sa sarili.

“Tsk. Way-ways mo, Jared. Bakit hindi mo ako sinabihan?” tanong ni Adam sa kanya nang pareho silang talikuran ni Kris.

“Bakit? Hindi mo rin naman ako sinasabihan ng sinasabi mo sa kanya sa Messenger,” ganti niya rito saka ito iniwan doon at sinundan si Kris. Naabutan niya ito sa hallway ng hotel malapit sa main restaurant ng hotel. “Kris! Galit ka ba?”

“Hindi. Pero hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko’y niloloko n’yo lang ako. Kailan pa kayo naging civil sa isa’t isa ni Jared?” tanong ni Kris nang tumigil ito sa paglalakad at hinarap siya. “I don’t know why but somehow, I felt betrayed.”

Shit. “Bakit naman?” maang na tanong niya rito.

“Hindi ko alam. Isa pa, pakiramdam ko nitong mga nakalipas na araw ay parang nagbago ka. Na parang naging ibang tao ka. Ugh. Nagiging weird na ba ako?” litanya ni Kris—hindi maikakaila sa tinig nito ang pagtataka.

“No. I did change. But I’m still in love with you,” madamdaming sabi niya rito.

And without further notice, he swooped in for a kiss.

PAPUNTA sana si Elice sa bar ng hotel dahil may gusto siyang itanong kay Chino pero nakita niya ang nagmamadaling pigura ni Adam sa hallway ng hotel malapit sa Silver Plate na restaurant na pinagtatrabahuhan niya. Hindi siya nito nakita dahil palabas pa lang siya ng kitchen pero paglabas niya roon ay tinawag niya ito. Iyon nga lang ay hindi siya narinig ni Adam kaya hinabol na lang niya ito.

Pero natigilan siya nang makitang hinahabol din pala nito si Kris. She smirked at the bitterness of life—at how pathetic the situation was for them. Palagi siyang naghahabol kay Adam pero palagi din naman itong naghahabol kay Kris. Naitanong niya sa sarili kung kailan ba matatapos ang lahat ng ito. Kailan ba matatapos ang nararamdaman niya kay Adam na gusto man niyang maalis sa kanyang puso ngunit hindi naman niya magawa?

What she feels for Adam was too precious to let go. Halos buong buhay niya iyong inalagaan at inipon kaya bakit itatapon na lang niya basta? Ang kailangan niyang gawin ay lumaban—ang ilaban ang nararamdaman niya. Kahit hopeless case pa iyon. At least, she tried, right? Katulad ni Jared.

Pero hindi kinaya ng puso niya ang nasaksihang eksena sa pagitan nina Adam at Kris. Hindi lang yata ang kanyang mga mata ang lumaki kundi pati na ang kanyang puso hanggang sa sumabog iyon. Nagdilim ang paningin ni Elice. Hindi dahil nahimatay siya kundi dahil may nagtakip ng kamay sa kanyang mga mata.

“Don’t look,” anang pamilyar na tinig ni Jared sa tapat ng kanyang tainga.

Hindi alam ni Elice kung dahil lang sa proximity nila kaya biglang bumilis ang tibok ng puso niya o…baka naman nagulat lang siya sa presensiya nito. Eitherway, tinanggal ni Elice ang kamay nitong nakatakip sa kanyang mga mata at nakita niyang magkalapat pa rin ang mga labi nina Adam at Kris.

“Tsk. Masokista ka ba?” tila inis na sabi ni Jared sa kanya. Pagkuwa’y hinawakan nito ang isa niyang kamay at hinila siya patungo sa elevator na pang-empleyado sa gilid ng kitchen nila. “You’re frustrating me,” sabi ni Jared sa kanya nang makasakay sila sa elevator.

“Hindi mo naman kailangang makialam sa’kin, Jared. Pero thank you dahil minulat mo ang mga mata ko nang magkausap tayo noon. I’ll fight. I’ll tell Adam that I love him,” seryosong sabi niya rito.

“Hindi na kailangan,” sabi ni Jared.

“Ha? Bakit?” nagtatakang tanong niya rito.

“Alam na niya,” simpleng sabi ni Jared pero hindi niya maintindihan kung bakit tila nahihiya pa itong sabihin iyon.

“Paano? ‘Wag mong sabihing sinabi mo?” kastigo niya rito. Hindi ito nakasagot pero sakto naman ang pagdating ng elevator sa penthouse ng hotel kung nasaan ang kanilang pool amenities. “Sinabi mo nga?” sigaw niya rito.

“Uh, basta nalaman lang niya.”

Tiningnan ng masama ni Elice si Jared. Dahil sa inis ay hindi niya napigilan ang sariling hampas-hampasin si Jared. “Bakit mo sinabi sa kanya?” inis na sigaw niya rito. Pagkuwa’y nanlulumo siyang umupo sa sahig at naiiyak na niyakap niya ang kanyang mga tuhod. “Kaya ba parang nanlamig siya sa’kin nitong mga nakaraang araw? Akala ko ay weird ang ikinikilos niya ‘yon pala’y dahil sinabi mo na sa kanya!”

“I’m sorry, Elice,” hinging paumanhin ni Jared. Naramdaman niya ang pagluhod nito sa harapan niya at saka marahan siyang niyakap. Pero itinulak ito palayo ni Elice.

“Wala kang karapatan para sabihin ‘yon kay Adam. It’s my right to confess those to him. Inagaw mo sa’kin ang chance na ipaglaban ang nararamdaman ko para sa kanya,” inis na sabi niya rito.

Pero muli siyang napayuko sa kanyang mga tuhod dahil isa lang ang ibig sabihin ng panlalamig ni Adam sa kanya gayong alam na pala nito na in love siya rito—hindi siya kayang mahalin ni Adam.

“Pero ibig sabihin no’n ay hindi talaga niya ako kayang mahalin,” mahinang sabi niya kay Jared. Pagkatapos ay umiyak siya at pinaghahampas ang sahig na kinauupuan niya hanggang humapdi na ang kanyang mga palad. She’s acting so immature. Pero hindi niya alam kung paano ilalabas ang sakit at frustration na kanyang nararamdaman.

“Elice! Stop it,” saway sa kanya ni Jared. “Confess to him if you want. Sabihin na lang nating hindi valid na sinabi ko sa kanya,” konsola nito sa kanya saka nito hinawakan ang magkabilang kamay ni Elice at hinipan ang mga iyon.

Napakunot-noo siya kay Jared. Why does he care for her feelings anyway? Hindi naman sila close.

“By the way, Jared, kailan pa kayo naging close ni Adam para masabi mo sa kanya ang feelings ko?” nagtatakang tanong ni Elice dito.

Natigilan si Jared sa tanong niya. “Ah. Medyo okay na kaming dalawa,” tila paiwas na sabi ni Jared.

Gusto pa sanang magtanong ni Elice pero agad na nagpaalam si Jared. Naalala niya ang naging “blind date” nila noon—nang makita niya rito ang personalidad ni Adam. Come to think of it, he’s also weird. Na para bang nagkapalit ito ng personalidad kay Adam.

Ugh. Ano bang naiisip ko? I’m the weird one.

“OH? BAKIT ang aga mo yatang uminom? Hindi ka ba hahanapin sa opisina n’yo?” tanong kay Adam ni Chino. Sa bar ng hotel siya dumiretso matapos niyang makipag-usap kay Elice sa penthouse.

“Tatayo pa rin naman ang kompanya kahit wala ako ro’n,” sarkastikong sagot ni Adam kay Chino.

“Oho! Ikaw ba talaga ‘yan? Kailan ka pa naging carefree na ganyan? Dahil ba natalo kayo sa bidding?” curious na tanong ni Chino pero may pag-aalala din sa mga mata nito.

Uminom muna siya ng alak bago umiling kay Chino at sumagot dito. “Hindi. Hindi ako natalo, believe me. Iba ‘to.”

“Si Kris ba?” tanong ni Chino.

“Hindi. Si Elice.”

“Ha? Si Elice?” hindi makapaniwalang sabi ni Chino. “’Nyeta naman, p’re. Lalo kayong mag-aaway ni Adam n’yan. Alam mo namang overprotective ‘yon kay Elice.”

“Hindi gano’n ‘yon. Basta,” aniya rito saka sinunod-sunod ang pag-inom ng alak. Gusto niyang hingin ang payo ni Chino pero hindi niya alam kung paano ito tatanungin sa paraang hindi nito mahahalata na siya si Adam.

Nabo-bother talaga siya sa nararamdaman ni Elice para sa kanya at nabo-bother din siya dahil tila nawawala na ang nararamdaman niya para kay Kris. Nagiging okay na nga para sa kanya ang makita itong kasama ni Jared. Whatever he comes to feel, he’s still going to be a jerk.

“Chino, just how do you love someone without hurting another?” seryosong tanong ni Adam kay Chino. Napatda si Chino dahil sa tanong niya. Napakunot-noo din ito kay Adam pero sinagot pa rin nito ang kanyang tanong.

“‘Depends. Kailangan kasing ma-realize nang mga taong involved kung ano talaga ang totoo nilang nararamdaman. Kasi kung pure love ang nararamdaman nong lalaki do’n sa isang babae, hindi na siya mababahala pa sa nararamdaman no’ng isa. Kailangang maliwanag talaga kung sino ang mas mahalaga. Kasi iisa lang ang puso natin at isang tao lang ang dapat na mabuhay do’n,” seryosong paliwanag ni Chino.

Malinaw naman yata ang pagkakasabi niyon ni Chino pero hindi pa rin maintindihan ni Adam kung ano ang kanyang nararamdaman. Pero ibig sabihin lang nito ay aware din ang puso niya sa nararamdaman ni Elice para sa kanya.

NASABUNUTAN ni Kris ang kanyang sarili habang nakaharap sa salamin. Katatapos lang niyang maghilamos—na ika-limang beses na yata niyang nagawa mula nang makauwi siya sa kanyang apartment. Hindi pa rin niya makalimutan ang halik ni Adam kanina. Nagulat siya, oo, pero iba iyon sa mga panakaw na halik nito noon. At naloloka na siguro siya pero naalala niya si Jared nang magkalapat ang kanilang mga labi kanina.

Ugh, Kris! Puro ka na lang Jared nitong mga nakalipas na araw. Nagiging unfair ka sa feelings ni Adam, sabi niya sa kanyang sarili. Pero anong magagawa niya kung sa tuwing may ginagawa sa kanya si Adam ay naalala niya si Jared?

Come to think of it, hindi kaya humihingi ng advice si Adam kay Jared kung paano siya suyuin? Hindi ba’t malapit na ang mga ito sa isa’t isa ngayon? Pero kung ganoon nga ay ibig sabihi’y isinuko na siya ni Jared kay Adam?

So? Sad ka naman? kastigo ng isang bahagi ng kanyang isipan.

“Teka, hindi. Bakit pa rin magpapadala ng kung anu-ano sa’kin si Jared kung sumuko na siya?” tanong ni Kris sa kawalan. She grunted in frustration.

Basta ang alam lang niya’y may maling nangyayari—o hindi kaya’y may wirdong nangyayari sa kanilang lahat. Mula noong Lunes ay may wirdo na siyang napapansin kay Adam at sa ikinilos—lalo na sa nasaksihan niyang ngisi at carefree attitude ni Jared kanina—ay alam niyang may wirdo talagang nangyayari sa mga ito. Curious siyang malaman kung ano ang totoo dahil involved din naman niya roon.

Pagkalabas niya sa banyo ay pumunta siya sa balcony ng kanyang apartment dala ang isang beer in can. Magpapaantok lang siya pero nakita niyang umibis ng isang sasakyan si Elice bitbit ang isang paper bag. Napangiti siya nang makitang tila kinausap muna ni Elice ang sarili bago nagsimulang tahakin ang daan papunta sa apartment building nila ni Adam.

Inabangan niya ito sa labas ng kanyang apartment dahil may gusto siyang itanong dito. Best friend ni Elice si Adam at magkasama na ang mga ito mula pagkabata. Hindi rin lignin sa kanyang kaalaman na in love si Elice kay Adam—bulag lang ang hindi makakahalata niyon kaya malamang ay bulag si Adam. Having said that, alam ni Kris na si Elice ang unang makakapansin kung may wirdo bang ikinikilos si Adam.

“Elice,” tawag niya rito nang makatapak ito sa floor nila.

“Hello, Kris,” bati nito sa kanya.

Nginitian niya ito para kahit paano’y mawala ang awkwardness sa pagitan nila. Hindi pa kasi sila nakakapag-usap ng silang dalawa lang noon.

“Can I have some of your time? May itatanong lang ako sa’yo,” aniya rito.

“Sige,” agad namang pagsang-ayon nito. Inanyayahan ito ni Kris sa loob ng kanyang apartment. Inalok ito ng inumin ni Kris at dahil yata nakita nitong umiinom siya ng beer ay iyon na rin ang pinili nito.

“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, Elice,” sabi niya nang mabigyan niya ito ng beer. “May napapansin ka bang weird kay Adam?”

“Napapansin mo rin?” nanlalaki ang mga matang tanong nito.

“Oh my gosh! Sabi ko na nga ba’t hindi ako ang weird. May ideya ka ba kung ano’ng nangyayari sa kanya? Parang…ibang tao kasi siya sa office eh. Parang naging seryoso siya lalo na sa trabaho niya. May mga nasabi ba siya sa’yo?”

Umiling si Elice. “Wala. Pero nawi-wirduhan din ako sa kanya. Parang nanlamig siya sa’kin. ‘Yong parang may sikreto siya pero hindi niya masabi sa’kin gayong dati nama’y hindi siya nagtatago ng sikreto sa’kin. Hindi niya rin sinasabi sa’kin kung paano sila naging open sa isa’t isa ni Jared. And get this, ang weird din ni Jared,” hayag ni Elice.

“Paanong weird?” curious na tanong niya rito kahit may napansin na rin siyang weird kay Jared kanina.

“Naka-date ko kasi siya.”

Kris felt a pang in her heart. What the heck?

“Uh, it’s not like we both wanted it. Na-set up lang kami ng mama niya,” mabilis na paliwanag ni Elice. “Doon ko unang napansin na parang may weird sa kanya. Kasi ilang beses ko nang nakita si Jared sa mga events before that. Alam kong serious type siya at pormal. Pero may nangyari na biglang pakiramdam ko ay si Adam siya. And I know Adam. Ang weird, ‘di ba?”

“Oh! Exactly! Ganyan din ang pakiramdam ko kay Adam. Simula no’ng Lunes ay pakiramdam ko’y siya si Jared,” hindi makapaniwalang sabi niya kay Elice.

“Weird!” sabay nilang sabi ni Elice pagkuwa’y nagtawanan sila.

“Ah!” sigaw ni Elice na tila may naalala ito. “Nag-start pala ang weirdness na ‘yon no’ng nasa Hidden Valley kami. Ginising ko si Adam dahil may usapan kaming alas-kwatro kami ng umaga babalik dito sa Maynila dahil ihahatid niya ako sa hotel. Pero giniginiit niya sa’kin noon na hindi daw siya si Adam kundi si ‘Jared’.”

“Huh? Bakit?”

“Hindi ko rin alam pero—“ Nahinto sa pagsasalita si Elice nang may marinig silang malakas na kalampag sa kabilang apartment—sa apartment ni Adam.

Dali-dali silang tumayo mula sa kanilang kinauupuan at tumakbo sa pintuan ng apartment ni Adam. Pareho pa silang napakunot-noo nang malamang hindi iyon naka-lock. Binuksan nila ang pinto ng apartment ni Adam at hinanap ito. Pero nagulantang sina Kris at Elice nang matunghayan ang nakakalokang larawan nina Adam at Jared sa sahig ng sala nito.

Sunud-sunod ang pagsigaw nina Kris at Elice ng “oh my God” nang makitang nakapaibabaw kay Adam si Jared at magkalapat ang mga labi ng mga ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.