Something Twisted Chapter 23

ABALA SA PAGTIPA sa kanyang laptop si Keziah ng biglang tumunog ang cell phone niya. Hindi naka-register sa phone niya ang numerong tumatawag ngunit may hinala na siya kung sino iyon—ang daddy niya. Ganoon naman ito tuwing tumatawag sa kanya, palaging unkown number pero kapag sinasagot niya ay ito naman pala.

Tatlong taon na mula nang magkasira sila ng daddy niya at tatlong taon na rin mula ng humiwalay siya sa mga ito. Nang sumama siya kay Robb at hindi niya ito sundin tungkol sa pagpapakasal nito sa kanya sa kung sinong lalaki ay nagalit ito sa kanya at itinakwil siya nito. Pero okay lang naman sa kanya dahil matagal na niyang gustong umalis sa poder nito. Marami silang problema ng kanyang ama at nasasakal na siya rito kaya ginusto na rin niyang sumama kay Robb noon. Ngunit nang mawala si Robb ay nagkausap silang dalawa at nagpaliwanag ito sa kanya noon.

“I’m sorry, anak. I’m sorry kung hindi ko naipaintindi sa’yo ng maayos ang lahat noon. Your mother knew about Koreene. Alam na niya noon pa mang mabuntis ko si Aurora. It was a mistake but your mother was so kindhearted to understand everything. No’ng nakikipaglaban siya sa kanyang sakit, hiniling niya sa’kin na ipakilala ko sa’yo si Koreene. She said that it’ll be better if you two would grow up together. Kaya mali ang pagkaintindi mo noon na inuwi ko lang sa bahay si Koreene dahil wala na ang mama mo. It was your mother’s wish.”

“Iyong tungkol naman sa pagpapakasal mo sa lalaking ipinagkasundo ko sa’yo, it was also your mother’s wish. Si Riley ay anak ng isa sa mga kaibigan ng mama mo na nasa States. You and Riley used to play when you’re still kids. Pero nag-migrate sila sa Florida. Hindi mo na siguro siya matandaan ngayon. Your mother believed that you two would be perfect together. Bago pa niya malaman ang tungkol sa sakit niya’y inaayos na niya ang lahat tungkol sa pagde-date n’yo ni Riley. Mali lang talaga ang naging approach ko noon dahil gusto ko kayong ipakasal agad. Because I believed that he’s going to be good for you too.”

“And about you and Robb, I’m sorry, anak. Nang alam kong nasa tamang edad ka na ay ginusto ko lang tuparin ang mga gusto ng mama mo. Hindi ko sinabing ang mama mo ang may kagagawan ng lahat ng ito. Ako ang may kasalanan ng lahat. Mali ang naging daan ko para gawin ang gusto niya. Hindi ko inalala kung ano ang mararamdaman mo noon. Nagalit ako sa’yo noon dahil sinusuway mo ang lahat ng utos at gusto ko para sa’yo. Pero alam kong dahil iyon hindi mo matanggap si Koreene at hindi mo ako mapatawad sa nagawa ko noong pagkakasala sa inyo ng mama mo. Hindi ko sinasadya na itakwil ka noon dahil sumama ka kay Robb. Pero naisip ko noon na siguro, kapag nahirapan ka ay babalik ka sa’kin. Kaya pinahirapan ko si Robb. Patawarin mo ako, anak.”

Sa totoo lang ay unti-unti na niyang napapatawad ang kanyang ama. Pero hindi pa siya handang bumalik sa poder nito lalo na’t alam niyang naroon ang half-sister niyang si Koreene na malabo niyang makasundo.

“Hello?” sagot niya sa tawag.

“Keziah, kumusta ka na?” tanong ng malagong na boses ng daddy niya sa kabilang linya.

“I’m fine and I’m busy,” seryosong sagot niya rito.

“Okay. Pero ‘pag may kailangan ka—“

“Uuwi ako ‘pag okay na ako at kaya ko nang harapin si Koreene,” agad na sabi niya rito. Narinig niya ang paghugot nito ng malalim na buntong-hininga sa kabilang linya.

“Pupunta ka ba sa anniversary party ng kompanya? It’s a Halloween—“

“No. Hindi naman ako parte ng kompanya. I have to go. May tinatapos pa akong manuscript,” pagpapaalam niya rito. Muli ay narinig niya itong bumuntong-hininga.

“Alam mong hindi ako pipili sa inyong dalawa ni Koreene. I can’t let her leave, anak,” sabi pa nito sa kanya.

“Hindi ko naman hinihiling sa’yo na paalisin siya. Look, I’ll think about the party, okay?” aniya rito saka tinapos ang tawag.

Sa totoo lang ay ayaw niyang naririnig o nakikitang malungkot at problemado ang daddy niya. They used to be happy then. Noong nabubuhay pa ang mommy niya at hindi pa niya nalalaman na may isang Koreene pala sa buhay nila. Nagsimula lang namang magalit siya sa kanyang ama noong malaman niyang may anak pala ito sa labas na mas nauna pang lumabas kaysa sa kanya. Hindi niya matanggap noon na nagsinungaling ito sa kanya at nagtaksil ito sa mommy niya. Pero naresolba na ang kasong iyon nang magpaliwanag ito sa kanya noon. Ngunit hindi ang alitan sa pagitan nila ni Koreene.

Inis na inis siya kay Koreene dahil palagi na lang siya nitong sinisiraan sa ibang tao na ilang beses niyang nasaksihan noon. She’s a scheming bitch. Santa-santita sa harap ng ibang tao pero kapag sila-sila na lang ay maldita naman talaga. Naiinis din siya tuwing kinakampihan ito ng kanilang ama noon. Isa iyon sa mga rason na nagtulak sa kanya para magrebelde sa kanyang ama.

But she hated the thought that she used to be her dad’s only girl, and now he has two.

NANG WALA NANG MAISIP SI KEZIAH na isulat ay umakyat siya sa rooftop—sa may kubo doon—para magbasa ng libro. Tapos na siya sa lahat ng kailangan niyang gawin para sa araw na iyon kasama ang pagkakabit ng kurtina sa may laundry area niya. Kaya maaari na siyang mag-relax sa nalalabing oras ng gabing iyon.

Nagulat siya ng makita si Dette na nagbabasa ng librong gawa niya. Hindi na sana siya tutuloy sa pagpunta sa kubo ngunit nakita na pala siya nito. Ano kaya ang magiging reaksyon nito kapag nalaman nitong siya ang nagsulat noon? Not that she’s going to tell her she wrote it.

“Hi, Ate Keziah!” bati ni Dette sa kanya. Hindi niya ugaling makipag-usap sa ibang tao pero magaan ang loob niya kay Dette. Siguro’y dahil pareho silang nakakaramdam ng inis sa kuya nitong si Drew.

There you go with Drew again. Iisipin ko na talagang nagtataksil ka na kay Robb, anang isang bahagi ng isipan niya na nagdulot ng bigat at sakit sa dibdib niya. Ipinilig niya ang kanyang ulo para itaboy si ‘Drew’ sa kanyang isipan. Hindi siya maaaring magtaksil kay Robb. Nangako siya rito na ito lang ang lalaking mamahalin niya. That shouldn’t change.

“Hello. Nandito ka pala. Kaya pala kumatok ako sa inyo kanina para isoli ‘yong pyrex ay walang sumasagot. Thank you for the lasagna, by the way. Masarap,” aniya rito. Umupo siya sa kabilang bahagi ng kubo.

“Thank you! Specialty ko ‘yon,” nasisiyahang sabi naman nito.

“Hindi ba dapat nagre-review ka ngayon? I mean, finals na siguro sa inyo, ‘di ba?” tanong niya rito.

“Yes, ate. Pero kanina pa ako tapos. Ready na ako sa exam namin sa Monday,” nakangiting sabi nito sa kanya.

“That’s good to hear.”

“Ano nga pala ang trabaho mo, ate?” tanong naman nito sa kanya.

“Magtuturo na ulit ako next semester sa EU. Tourism department,” aniya rito.

“Wow! Professor ka pala sa university namin. Ngayon ka lang ba ulit magtuturo? Katabi lang ng building namin ang Tourism building pero hindi kita nakikita do’n,” anito.

“Ngayon pa lang ulit ako babalik sa pagtuturo. How do you find the book, by the way?” tanong niya rito saka itinuro ang libro niyang hawak nito.

“It was okay. Actually, pangatlong libro ko na ito ni Kellie Miranda,” anito saka isinara ang libro. “Kellie Miranda” ang pen name na ginagamit niya. “Puro tragic ang endings ng mga libro niya kaya luluha ka talaga. Nakakainis pero hindi ko mapigilan ang sarili kong bilhin ang mga libro niya. Tagos kasi sa puso ‘yong mga linya niya at saka mararamdaman mo talaga ‘yong mga emosyong pinagdadaanan ng mga characters niya. At saka, makatotohanan ang mga pangyayari. I mean, not everyone could have their happy endings, right?” sunod-sunod na sabi nito sa kanya na ikinangiti niya.

Iyon ang gusto niyang reaksyon mula sa mga makakabasa ng gawa niya. Iyon ang gusto niyang isipin ng mga ito tungkol sa mga libro niya.

“Nakabasa ka na ba ng gawa niya, ate?” pagkuwa’y tanong ni Dette sa kanya.

“Nabasa ko na ang lahat ng gawa niya,” aniya.

“Gusto mo naman? Alam mo, ate, I heard na never pang um-attend ng book launchings niya si Kellie Miranda. Elusive daw eh. Wala rin siyang Twitter, Facebook at blog man lang. Mysterious, ‘no?” sabi pa ni Dette.

“Well, baka tahimik lang talaga siya. Maybe everything she wants to say is in her books. At baka, may iba pa siyang bagay na pinagkakaabalahan maliban sa pagsusulat kaya hindi siya makapag-hold ng social networking sites o blog,” paliwanag niya kay Dette.

“Maybe. Pero alam mo minsan, gusto ko ring makabasa ng isang istoryang may happy ending mula sa kanya. For a change. Para malaman ko din kung paano ang atake niya sa happy endings,” ani Dette.

Binigyan niya ito ng isang payak na ngiti. “I think she’s the type of person who sticks on what she believes in. Magiging mahirap sa kanya ang pagsusulat ng happy endings kung hindi naman siya naniniwala do’n, ‘di ba?” aniya rito.

“Nakaka-curious lang kasi ang pagkatao niya. Ang sinasabi lang sa autobiography niya sa book, she’s in love with Daemon Black and that she lives by reading books. Si Nicholas Sparks nga, tragic love stories ang sinusulat pero may asawa, eh si Kellie Miranda kaya? YA ang genre niya. Hindi ba niya naiisip na makakaapekto ang tragic love stories niya sa paniniwala ng mambabasa niya? I think she’s too young to stop believing in happy endings,” komento ni Dette.

Gusto sana niyang sabihin dito na kung iyon pala ang opinyon nito sa mga libro niya ay huwag na itong bumili dahil hindi magbabago ang style of writing niya o ang voice niya. Pero bago pa man siya makapagsalita ay bumukas ang pinto ng rooftop at pumasok doon si Drew. Bumangon na naman ang matinding inis niya rito.

Pero ikinagulat niya nang makitang may suot itong damit na pang-itaas. He’s wearing a white camisole-style three-fourth sleeved shirt. And even with a shirt on, he was still drool-worthy.

Dammit! There you go again.

“Girl talk? Pwede ba akong sumali?” bungad nito sa kanila ni Dette. Ngunit hindi niya ito pinansin.

“May bago ka ng ka-‘girl’ talk, Dette. You should call him ‘Ate’ from now on. Come to think of it, kaya pala ugali niyang maghubad. Gusto niya sigurong maging burlesque queen,” aniya kay Dette na parinig at pang-aasar para kay Drew. Natawa naman sa mga sinabi niya si Dette. Tumayo siya mula sa kanyang kinauupuan pagkatapos at tinungo ang pinto ng rooftop. Pero hinarangan siya ni Drew doon.

“Aalis ka kasi nanghihinayang ka? Trust me, Peach. I’m not a girl. I wouldn’t be one. I love girls too much,” anito sa kanya.

“Well, maybe your loving girls too much led you to loving being like them. After all, you love yourself too much,” sagot naman niya rito. Tinangka niyang lumampas dito pero hinarangan na naman siya nito. Ibinuka nito ang dalawang braso nito para harangan siya ngayon.

“Gusto mong patunayan ko sa’yo ngayon kung gaano ako kalalaki? After all, to see is to believe nga daw,” sabi naman nito sa kanya. Ibinaba nito ang dalawang kamay nito at hindi man niya tingnan kung saan napunta ang mga iyon ay may ideya na siya. Her gaze locked with his. Bumilis na naman ang tibok ng puso niya.

Really. What. The. Hell. Is. Happening. To. Me.

“Kuya!” nananaway na sigaw dito ni Dette.

“Don’t,” pigil niya kay Drew. Lumipad ang kamay niya sa ibabaw ng butones ng pantalon nito. Nagulat pa siya sa kanyang ginawa. And there comes his mischievous grin again.

“Whoa! Aren’t we too fast here, Peach? You can undress me in the bedroom, you know. Nandito pa si Dette. But if you really want to do it now, I’d tell her to—“

“Kadiri ka, kuya!” sigaw dito ni Dette. Kasabay niyon ang pag-igkas ng isang kamao niya sa mukha ni Drew. Hindi talaga ito nadadala sa kanya. Bahagya itong napaatras kaya nagkaroon siya ng pagkakataong makalayo dito.

“I’ll cut your balls off next time,” mariing banta niya rito.

“That means, undressing me, Peach,” sabi naman nito sa kanya. Pinukol niya ito ng masamang tingin. Hindi ba ito mauubusan ng isasagot—at ipanunukso—sa kanya?

“Nagbago na ang isip ko. I’ll just kill you next time,” sabi na lang niya rito.

“At least, ikaw ang huli kong makikita bago ako mawalan ng buhay,” sagot naman nito.

Pinili na lang niyang hindi ito sagutin dahil hahaba lang ang usapang iyon. Tinalikuran niya ito at bumalik na siya sa kanyang unit. In the first place, bakit nga ba siya nag-aaksaya ng laway dito?

Something is terribly wrong with me.

“HEADS, I WIN. Tails, you win.”

Napangiti si Keziah kay Robb. Pasalampak silang nakaupo sa carpeted na sahig ng sala nila. Nakapangalumbaba sila pareho sa center table na naroon. Tapos na silang kumain at napagkatuwaan nilang magpustahan ngayon base sa toss coin. Madalas silang magpustahan sa iba’t ibang bagay at iyon ang isa sa exciting na bagay sa kanilang relasyon. There’s never a dull moment between them.

“Ano naman ang pustahan natin ngayon?” tanong niya rito.

“I say, you should move forward without me. Hindi ka dapat ma-stuck sa nakaraan, Keziah. Na-appreciate ko ang pagmamahal at pagpapahalaga mo sa’kin pero tama na. I can’t bear seeing you lonely and sad. Gusto kitang maging masaya kaya hayaan mo ang sarili mong sumaya. Iyon ang dapat mong gawin pero ayaw mo,” anito sa kanya.

“But I still love you,” naiiyak na sabi niya rito.

“I know. But you love the memory of me. You can’t love a dead person until now, Keziah. You can just have a place for me in your heart but not love. Iniisip mo lang na mahal mo ako dahil sinisisi mo pa rin ang sarili mo hanggang ngayon sa mga nangyari, dahil pakiramdam mo ay obligado kang mahalin pa rin ako, dahil sa pangako mo sa’kin na ako lang ang mamahalin mo. Pero pagmamahal pa ba ‘yong matatawag kung hindi mo na nararamdaman sa puso mo na mahal mo ako? There’s one guy out there for you, Keziah. And it’s not me,” sabi sa kanya ni Robb.

“Robb, I’m...I’m so sorry,” lumuluhang sabi niya rito.

“Hindi mo kailangang humingi ng tawad sa’kin dahil hindi mo naman kasalanan ang lahat ng nangyari. Ako ang nang-iwan sa’yo. Maybe it’s meant to be and we’re not. Masaya ako sa kinaroroonan ko ngayon, Keziah. Sana ay hayaan mo rin ang sarili mo na sumaya,” nakangiting sabi nito sa kanya. Pagkuwa’y hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya at hinalikan ang tuktok ng ulo niya. “Kailangan pa ba nating magpustahan? Gusto mong tingnan kung sino ang mananalo?” pagkuwa’y tanong nito.

But even though she didn’t answer him, he still tossed the coin. Heads—she lost.

“Robb! No!” sigaw niya ng bigla na lang siyang magising. Nasapo niya ang kanyang dibdib dahil pakiramdam niya’y hindi siya makahinga at mabilis pati ang tibok ng kanyang puso.

Bakit bigla na lang niyang napanaginipan si Robb gayong matagal na niya itong hinihintay sa kanyang panaginip ngunit hindi naman ito dumarating doon? At bakit ganoon ang mga sinabi nito sa kanyang panaginip?

Robb, no one would ever replace you in my heart, piping sabi niya rito kung nasaan man ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.