Something Twisted Chapter 3

“GUSTO mo na bang marinig ang balita ko para sa’yo?” tanong kay Adam ni Kris pero alam niyang dini-distract lang siya nito.

Kaya nanatili pa rin ang pagtingin ni Adam sa lalaking pareho nilang kinaiinisan ni Kris. Nakatingin din ito sa kanya—sa kanila. Noon lang niya muling nakita si Jared makalipas ang limang taon. He was the embodiment of their past. Kaya pakiramdam niya’y tila rumaragasang tubig na bumalik kay Adam ang alaala ng nakaraan. Pagkuwa’y naramdaman niyang kinuha ni China mula sa kanyang mga bisig si Philip at ginagap naman ni Kris ang isa niyang kamay.

“How about dessert?” nakangiting tanong ni Kris kay Adam ng sa wakas ay tumingin na siya rito.

“Me want!” sigaw ni Philip. Napangiti si Adam sa inaanak. Kahit paano’y nawala ang lumukob na poot sa kanyang puso dahil sa cuteness na taglay ng bata.

“Okay, buddy. We’ll have dessert,” nakangiting sabi niya rito sabay upo tabi ni Kris.

Nang muli niyang sulyapan si Jared ay nakita niyang lumapit ito sa isang pamilyar na babaeng nasa mesang malapit sa bintana. Nang humarap ang babae sa gawi nila ay nakilala niya ito—Tina Rodriguez, isang sikat na stylist at fashion icon na bunsong anak ng Rodriguez Holdings. Napaismid si Adam ng ma-realize iyon.

So, the bastard knows how to use his head, huh.

“Adam,” pukaw sa kanya ng tinig ni Kris. Nang muli siyang tumingin dito ay tumingin ito sa baba—sa pagitan nilang dalawa. Nakita niya roon ang magkahugpong pa rin nilang kamay.

Nginisihan niya ito. “Ikaw ang kusang humawak sa kamay ko, ‘di ba?”

“Oo nga, pero bitaw na,” anito.

Sa halip na sundin ito’y hinalikan lang ni Adam ang kamay nitong hawak niya. “Ganito ang mangyayari sa puso mo. Kusa mo ‘yang ibibigay sa’kin…sa tamang panahon. At hinding-hindi ko ‘yan bibitawan pa ‘pag nangyari ‘yon.”

“Team Adam!” sabi ng mag-inang China at Philip kasabay ng marahas na pagbawi ni Kris sa kamay nito.

“Shit, Adam. Tama na, please. Nakakapanindig balahibo ang mga banat mo. ‘Kainis!” reklamo naman ni Chino na ngayon lang ulit nagsalita. Siguro kasi’y nakaramdam din ito ng tensyon dahil sa presensiya ni Jared.

Naiikot ni Adam ang mga mata sa kaibigan. “Magtiis ka, Chino. Gusto mong ipaalala ko sa’yo ‘yong mga panahong napaka-sweetcorn n’yo ni China? Palagi n’yo na lang akong ginagawang third wheel noon kaya magtiis kayo ngayon.”

“Sino bang nagsabing mag-third wheel ka lagi sa’min noon?” ganti ni Chino.

“Ikaw. Kasi ang totoo n’yan, mas mahal mo pa ako kaysa kay China,” nakangising sabi niya rito.

“Okay lang. Mas mahal naman ako ni Kris kaysa sa’yo,” hirit ni China sabay belat sa kanya.

“Switch loves?” offer niya rito.

“Deal,” nakangising tanggap naman ni China. Walang nagawa sina Kris at Chino kundi ang mapailing na lang sa kanilang dalawa.

“So, ano ang balita mo para sa’kin?” tanong niya kay Kris.

“Mamaya na lang natin pag-usapan,” tila nag-aalangan pang sabi nito.

“Bakit?” kunot-noong tanong niya rito.

“Basta. Teka, ‘di ba birthday ng lola mo? Ano’ng ginagawa mo dito?” pagkuwa’y pag-iiba nito ng usapan.

Mas lalong nagtaka si Adam dahil sa comment nito kanina sa Facebook post niya’y tila excited pa itong sabihin sa kanya ang isang balita. May kinalaman ba iyon kay Jared kaya ayaw pag-usapan iyon ngayon ni Kris?

“Malinaw na sa’yo kung sino ang una sa puso ko?” sabi ni Adam kay Kris. Kinilig siya sa naging reaksyon nito dahil nag-blush si Kris. Nag-init ang buong mukha ni Adam ng makita iyon. His heart swelled with so much pride and joy.

Konting push na lang, Adam, pagtsi-cheer niya sa kanyang sarili.

PANAY ang tawag ni Elice kay Adam pero hindi nito sinasagot ang kanyang mga tawag. Alas-singko na ng hapon. Dalawang oras na lang ay magsisimula na ang birthday celebration ni Lola Carmen at mahigit dalawang oras pa ang biyahe mula Maynila hanggang doon sa Hidden Valley. Kung bakit ba naman kasi bumalik pa ito ng Maynila gayong maaari naman nitong makita si Kris bukas.

Alam na alam mo ang sagot d’yan, Elice. Tanggapin mo na kasing kahit ikaw ang pinakamalapit na babae sa buhay ni Adam ay hindi naman ikaw ang mahal niya, nang-uuyam na sabi niya sa sarili.

“Elice, nasaan si Adam? Kanina ko pa siya hindi nakikita,” sabi ni Lola Carmen.

Naroon sila sa open area ng Hidden Valley kung saan nagse-set up ang catering service ng lugar para sa party nito mamaya. On request ay pinadagdagan nito ng ilaw ang lugar dahil ayaw ni Lola Carmen ng masyadong madilim mamaya.

“Lumabas lang po muna siya sandali, lola. May…importante lang daw po siyang pupuntahan pero babalik din po agad ‘yon,” palusot ni Elice sa matanda. Ayaw naman kasi niyang magtampo ito kay Adam.

“Itali mo na kasi sa baywang mo ang batang ‘yon para hindi na makawala pa, Elice,” nanunuksong saad ni Lolo Timothy.

“Tito Tim, mahirap naman po ‘yong sa’yo nga ‘yong tao pero hindi naman ikaw ang mahal niya. Kaya palagi kong sinasabi dito kay Elice na humanap na lang siya ng iba. Clearly, Adam loves someone else,” seryosong sabad ng Mommy Myrna niya.

“Mom,” nanlalaki ang mga matang sabi niya rito dahil parang inamin na nito sa lahat ng bisitang naroon na mahal nga niya si Adam. Pero alam ni Elice na ayaw lang ng mommy niya na matulad siya sa best friend nito—ang Tita Elizabeth niya na ina ni Adam.

“Well, true. Pero mahirap din naman ‘yong sumuko ka na agad gayong hindi pa tapos ang laban,” sagot dito ni Lolo Timothy. Pagkuwa’y binigyan siya nito ng isang makahulugang tingin.

“Okay. Listen up, oldies. Hindi ako umaasa kay Adam, okay? Naka-move on na nga ako kaya move on na rin kayo, please?” hindi niya napigilang sabihin sa mga ito. Pero umani lang siya ng panunudyo dahil doon.

Napabuga na lang ng hangin si Elice. Looks like that confession would haunt her forever. Iyong confession niya noon kay Adam na ikinalat ng damuhong iyon sa buong mundo. Ugh. Isipin pa lang niya ang ginawa niyang iyon noon ay naninindig na ang kanyang mga balahibo.

Nasa Grade Eleven sina Elice at Adam nang magtapat siya rito. Apat na taon niyang pinaghandaan ang confession na iyon. Apat na taon niyang pinag-isipan kung okay lang ba na ma-in love siya sa best friend niya. Apat na taon niyang siniguro na in love nga siya kay Adam. But it took only a minute to regret everything she did. Dahil nang magtapat siya noon kay Adam ay tinawanan lang siya nito at dinaan sa biro ang lahat.

That fucking jerk.

Pero sa huli ay ipinagpasalamat din ni Elice na idinaan ni Adam sa biro ang confession na iyon—sa kabila ng lahat ng natanggap niyang pang-aasar mula rito—dahil hanggang ngayon ay magkaibigan pa rin sila ni Adam. Hanggang ngayon ay magkasama pa rin sila. Kaya okay lang kay Elice na maging best friend nito habang buhay kung iyon lang ang tanging paraan para hindi mawala si Adam sa kanya.

“Where the hell are you?” singhal ni Elice kay Adam ng sa wakas ay sagutin nito ang kanyang tawag.

“Ihahatid ko lang si Kris sa apartment niya ‘tapos babalik na ako d’yan. I’ll be there. I promise. Male-late lang ako ng konti,” sabi ni Adam.

“Okay,” tanging nasabi niya. Dahil ganoon naman palagi ang dapat niyang maramdaman pagdating kina Adam at Kris—‘okay’.

“Elice,” pukaw ni Lola Carmen sa kanyang atensyon.

“Lola, male-late daw po si Adam,” aniya rito. Tumango ito saka kanya saka siya hinawakan sa balikat.

“Elice, I hope you’d be with Adam in times like this,” pagkuwa’y sabi nito sa kanya.

“Bakit po? May nangyari ba?” kunot-noong tanong niya rito.

Bumuntong-hininga muna si Lola Carmen bago ito muling nagsalita. “Nagpaalam kasi sa’min si Roberto. Magpapakasal na daw sila ni Rita.”

Oh, God. That is so bad news.

MARAHAS ang naging pagtapon ni Jared sa hinubad na polo pagkauwi niya sa kanilang bahay. Hindi na niya hinatid pa sa bahay si Tina dahil may pupuntahan pa daw ito. Siguro’y naramdaman din ng babae na hindi siya seryoso sa date na iyon kaya ito na mismo ang umiwas sa kanya. Hindi niya binalak na bastusin si Tina kanina pero hindi lang niya mapigilan ang sarili na mag-concentrate sa table nina Kris.

Fuck, mura niya nang muling maalala ang sweetness nina Adam at Kris sa isa’t isa. Nasasaktan siya tuwing naaalala niya kung paano halikan ni Adam si Kris, kung paano naghawak-kamay ang mga ito at kung paano magtinginan ang dalawa. Magkarelasyon na ba ang mga ito? Fuck. Isipin pa lang niya ay umiinit na ang ulo at dugo niya. Hindi yata matatanggap ni Jared kung totoo ngang may relasyon ang mga ito. Paano kung ginagamit lang ni Adam si Kris para makapaghiganti sa kanya?

Pabalag niyang inihiga ang sarili sa kama. Alam niyang malapit na sina Adam at Kris sa isa’t isa. Makikita iyon sa constant interactions ng mga ito sa Facebook. Ilang beses pa ngang bumisita si Adam kay Kris sa Singapore. Pero hindi naman sinasabi sa status ng mga itong magkarelasyon na ang dalawa.

Jared, sila man o hindi ay wala ka ng pakialam pa do’n. Wala kang karapatang pigilan sila dahil ‘ex’ ka na lang, nang-uuyam na sabi ng isang bahagi ng isipan niya sa kanya.

But I want Kris back, sabi niya sa sarili. Matagal na niya iyong gusto pero mukhang mahihirapan siyang gawin iyon lalo na’t magiging magkalaban sila sa Calypso ni Kris ngayon. And then, there’s Adam.

Natatandaan pa ni Jared ang sinabi niya noon na mas lamang siya kay Adam. Dahil mas matanda siya, sa oras na maka-graduate ito’y marami na siyang experience at nang panahong sinabi niya iyon ay sila pa ni Kris. Pero nagbago na ang lahat ngayon. Mas lamang na si Adam kay Jared dahil ito ang mas malapit kay Kris ngayon.

Pero hindi ako susuko. Alam niyang baka isipin ni Kris na wala na siyang karapatang hangaring muli itong makasama pero babawi siya rito. Pagkatapos iyong ma-realize ay nag-drive si Jared papunta sa Marasigan mansion kung nasaan si Roberto. Babawiin niya ang nawalang panahon sa kanila ni Kris noon na kasalanan niya. Kahit ibig sabihin ay kailangan na namang may isakripisyo siya.

“SO, DID you guys talk?” tanong ni Adam kay Kris habang lulan sila ng kanyang sasakyan. Katulad ng sinabi niya kanina kay Elice ay ihahatid muna niya si Kris sa apartment nito—na katabi lang ng sa kanya—bago siya bumalik sa Laguna.

“Oo. Anyway, pag-usapan na natin ang tungkol sa sasabihin ko sa’yo,” paiwas na sagot ni Kris. Sinulyapan niya ito at nakita niyang tila ba malungkot ito na hindi niya maintindihan.

And that didn’t sit well with Adam. Ano’ng pinag-usapan ng mga ito? Nagseselos ba si Kris kay Tina dahil ka-date ito ni Jared? Hanggang ngayon ba ay si Jared pa rin ang laman ng puso nito?

“Nagselos ka ba kay Tina?” hindi napigilang tanong ni Adam. Marahas ang naging pagharap sa kanya ni Kris.

“What? No. Bakit naman ako magseselos sa kanya? Wala akong pakialam kung nakikipag-date na sa iba si Jared. Matagal na kaming hiwalay,” tila masyadong defensive na sagot ni Kris.

“Pero nand’yan pa rin siya sa puso mo hanggang ngayon,” malungkot at mapait na sabi ni Adam dito.

“Adam…”

Binigyan niya ito ng isang ngiti. “Pero aapaw sa pagmamahal ko ang puso mo kaya maaalis din siya d’yan, ‘di ba? Ano nga pala ‘yong sasabihin mo sa’kin?” pag-iiba niya ng usapan dahil masyadong masakit kung iisipin pa niya ang tungkol doon. Pero hindi ibig sabihin noon ay sumusuko na siya.

Bumuntong-hininga muna si Kris bago muling nagsalita. “Pinauwi ako ni Sir Carlos dahil sa request ng isang kliyente na ako ang mag-head ng team para sa bidding na may kinalaman sa proyekto niya—ang Calypso, ang bagong itatayong subdivision at village sa Laguna. I want you to be on my team.”

“Okay. I’m game,” walang pakundangang sabi niya rito.

“Pero gusto ko ring malaman mo na ang bidding na ‘yon ay sa pagitan lang ng Villarosa & Associates at ng M Architects.”

“Alam mong wala akong pakialam kung makakalaban ko man sila o hindi,” seryosong sabi niya rito. Sa totoo lang ay mas na-excite pa siyang maging parte ng project na ito dahil iniisip pa lang niya ang magiging reaksyon ni Roberto ay natutuwa na siya.

His father—Roberto Marasigan, the President of M Architects—wanted him to “quit playing around”, quit Villarosa & Associates and be on his company instead. Pero ayaw magtrabaho ni Adam sa isang lugar na hindi niya gusto ang kanyang makakatrabaho kaya sa Villarosa & Associates siya nag-apply. Sinabi din sa kanya ng presidente ng Villarosa & Associates na kinausap pa daw ito ni Roberto para patalsikin siya sa firm at natuwa si Adam dahil hindi pumayag si Sir Carlos.

“Sino nga pala ang may-ari ng project?” pagkuwa’y tanong ni Adam. Matagal bago sumagot si Kris kaya muli niyang inulit ang kanyang tanong. Tila nag-aalangan pa itong sagutin siya at ipinagtaka niya iyon.

“Rodriguez Holdings,” sagot ni Kris. Natigilan siya at saka nagpakawala ng malutong na mura.

“Bakit hindi mo sinabi sa’kin kanina pa?”

“Dahil alam kong magre-react ka ng ganyan.”

Napapikit ng mariin si Adam. Pinipilit niyang kumalma dahil nagda-drive siya pero sumidhi lang ang galit na nararamdaman niya para kina Jared at Roberto ngayon. Kaya pala ka-date ni Jared si Tina. Tuso talaga ang kanyang ama at namana na iyon ni Jared.

“We’ll start doing everything tomorrow. Tayo ang mananalo, Adam,” puno ng determinasyon na sabi ni Kris. She sounded and looked so cool that he was able to calm down. Sa mga pagkakataong ganoon napapatunayan ni Adam na matanda talaga sa kanya si Kris.

“Of course, mananalo tayo. Team Adam always wins,” nakangising sabi niya rito. Pero puno na ng galit at poot ang loob niya. Mukhang mas male-late pa siya lalo sa birthday party ng Lola Carmen niya dahil may kailangan siyang bisitahin.

“Mag-ingat ka sa pagda-drive ha. I’m sorry I couldn’t come with you. Pakisabi na lang kay Lola Carmen ang greetings ko,” bilin ni Kris ng maihatid niya ito sa bahay. Tangkang hahalikan niya itong muli pero agad itong tumakbo palayo sa kanya. “Go!” pagtataboy nito sa kanya.

Kung sa ibang pagkakataon iyon ay hindi pa tatantanan ni Adam ang pangungulit kay Kris. Pero dahil may kailangan pa siyang gawin ay hinayaan na lang muna niya ito. Nag-drive siya patungo sa bahay nila—ang dating bahay nila. Alam niyang doon pa rin nakatira hanggang ngayon si Roberto kahit madalas ito sa bahay na binili nito para kina Jared. Ano pang point ng pananatili nito roon gayong wala naman na ang pamilya nito roon?

“Dahil bigla kang sumugod dito, I would assume na sinabi na sa’yo ng lola mo ang totoo,” bungad ni Roberto kay Adam ng makarating siya sa bahay nila at makita niya ito. Nagtaka siya kung ano ang sinasabi nito. Hindi niya alam kung ano ang sinasabi nito na may kinalaman sa lola niya. “It’s time that I leave this house, Adam. Hindi ko na kaya pang tumira dito. And whether you like it or not, I’ll marry Rita.”

What. The. Fuck? Hindi ang balitang iyon ang ipinunta ni Adam doon pero mas nakapagpaigting lang iyon sa galit at poot na nararamdaman niya para kina Roberto at Jared. Hindi talaga nagkukulang sa pang-iinis sa kanya ang mag-ama. Hindi na maintindihan pa ni Adam kung ano ang nararamdaman niya dahil halo-halo na iyon. Akala niya’y nawala na ang galit at poot niya kina Roberto at Jared noon dahil kay Kris pero natulog lang pala ang mga emosyong iyon. At ngayon ay handa na iyong kumawala sa kanya.

“You and Jared are both jerks. Father and son nga. Bagay kayong tandem. Isa lang ang masasabi ko sa inyo, ipagdasal n’yo na hindi ako bored sa araw ng kasal n’yo,” mariing sabi niya rito bago niya talikuran ang ama. Pero napabalik siya ng maaalala kung ano ang tunay na pakay dito. “Fight fair and leave your dirty tactics behind. Hindi sapat ang pakikipag-date kay Tina Rodriguez para kayo manalo sa’min. At sisiguraduhin ko ‘yon.”

Papalabas siya ng bahay nang makasalubong niya si Jared. Tila nagulat pa ito ng makita siya. “I’d get her back, Adam,” pagkuwa’y seryoso nitong sabi sa kanya.

Napangisi siya dahil sa sinabi nito. “If you can. ’Wag mong itulad si Kris sa nanay mo, Jared. Hindi ba’t kaya siya iniwan noon ni daddy ay para pakasalan si mommy? Hindi mo pa rin ba nare-realize na nagiging katulad ka na niya? Ha. There. I spelled it out for you. Hindi isang laruan si Kris na iiwan at babalikan mo lang kapag gusto mo. Leave her alone. She’s mine now.”

Hindi alam ni Adam kung paano siya nakapag-drive ng maayos pabalik ng Laguna pero nagawa niya habang inaalala ang mga nangyari sa nakaraan. Ang nakaraan na dahilan para kamuhian niya si Jared at ang pamilya nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.