Something Twisted Chapter 4

Five years ago…

“HINDI ka man lang ba dadalaw kay mommy ngayon sa ospital?” seryosong tanong ni Adam sa kanyang amang si Roberto Marasigan nang maabutan niya itong nag-uumagahan sa kanilang bahay pagkaling niya sa ospital.

Isang taon na ang nakalilipas nang ma-diagnose na may breast cancer ang kanyang ina. Stage three na iyon, late diagnosis pero nagawan pa rin ng paraan ng mga doktor. Matapos ang surgery nito—kung saan tinanggal ang right breast nito—ay nag-undergo ito sa post-chemotherapy session at radiation. Dahil nanghihina ito sa sunud-sunod na radiation therapy ay kailangan nitong i-confine sa ospital. Dahil ayaw niyang malungkot ang mommy niya sa ospital ay doon siya naglalagi pagkagaling niya sa eskwelahan o kaya’y kapag wala siyang pasok.

“Pupunta ako do’n mamaya,” simpleng sagot ng kanyang ama.

Naikuyom ni Adam ang magkabila niyang kamao dahil sa matinding galit na nararamdaman para dito. Ilang beses na nito iyong sinabi pero sa tuwina’y hindi naman ito dumadalaw sa kanyang ina. Kahit si Adam ay abala din naman sa unang taon niya sa kolehiyo pero sinisiguro pa rin niyang magka-oras para sa kanyang ina. Si Roberto, sinuportahan ito ng mommy niya sa ilang taong pagsasama ng mga ito at ngayong ang mommy naman niya ang nangangailangan ng suporta ay hindi nito iyon maibigay dito. How selfish could he be?

Hindi lingid sa kaalaman niya na arranged marriage lang ang nangyari sa pagitan ng kanyang mga magulang pero nakita niya kung paano sinubukan ng kanyang ina nag awing matagumpay ang pagsasama ng mga ito. Pero habang sinusubukan nito’y mas lumalamig lang ang pakikitungo ng kanyang ama dito. Kaya naman ilang beses na niyang itinanong sa mommy niya kung bakit hindi na lang ito makipaghiwalay sa kanyang ama.

“Humans are nothing but a bunch of selfish creatures, Adam. We always want what we can’t have and we tend to do everything to get them. This is the price I paid for having him stay by my side. I’m okay, anak.”

Iyon ang palaging sinasabi nito sa kanya tuwing hinihiling niyang makipaghiwalay na lang ito sa kanyang ama kaysa magdusa pa ito ng matagal sa malamig na pakikitungo ng daddy niya rito. His mother was obviously madly in love with his dad—the bastard who can’t even appreciate her love.

“Sana ay madalaw mo nga siya dahil obligasyon mong alagaan ang asawa mo,” malamig na paalala ni Adam kay Roberto.

Nang magpatuloy ito sa pagkain at hindi man lang tumingin sa kanya’y napatiim-bagang si Adam. Gusto na niya itong saktan ng mga oras na iyon pero isang pigura ng lalaking hindi pamilyar sa kanya ang nakakuha ng kanyang pansin. Bigla na lang itong sumulpot doon at dahil hindi ito nakauniporme katulad ng kanilang mga katulong ay nagtaka siya kung sino ito. Ang labis pa niyang ipinagtaka’y pamilyar ang mukha nito sa kanya kahit sigurado siyang hindi pa niya ito nakikita noon.

“Sino ka?” tanong niya rito.

“Jared,” simpleng pakilala ng lalaki.

“Hindi ko tinatanong kung anong pangalan mo. Sino ka dito?” inis na sabi niya rito dahil mainit pa rin ang ulo niya. Natigilan ang lalaki dahil sa sinabi niya pagkuwa’y dumako ang tingin nito sa kanyang ama.

“You should respect him, Adam. Mas matanda siya sa’yo at mula ngayon ay dito na siya titira,” anang kanyang ama.

“Bakit?” kunot-noong tanong niya rito.

“Dahil anak ko siya.”

Another unlucky bastard to have a father like you, then, ngali-ngaling sabihin niya iyon dito. Pero nang mag-sink in sa kanya kung ano ang ibig nitong sabihin ay pakiramdam niya’y nahulog sa sahig ang kanyang puso at pinadaan iyon ng malaking maso.

“Kapatid mo siya, Adam,” sabi pa ng kanyang ama.

“What the fuck?” mariing sigaw niya sa mga ito. Nanlalaki ang mga matang tiningnan niya ang lalaking nagpakilala bilang Jared—ang lalaking kapatid daw niya. Hindi siya makapaniwala sa rebelasyong iyon. Gusto niyang maawa dito. Gusto niyang maawa sa sarili niya. Pero higit na nakaramdam siya ng awa sa kanyang ina.

“Language, Adam,” saway sa kanya ni Roberto. Bumilis ang tibok ng kanyang puso at agad iyong nabalot ng poot.

“Stop saying my name!” galit na sigaw ni Adam dito. Hindi na niya napigilan ang kanyang sarili at sinugod niya ng suntok ang kanyang ama dahilan para matumba ito mula sa kinauupuan. Ni ayaw niyang marinig ang kanyang pangalan sa bibig nito. “How dare you! Paano mo nagawa ‘yon kay mommy? Wala kang kwentang asawa!”

Mabilis siyang naawat ng kanilang mga kasambahay at nang bodyguard ng kanyang ama pero kahit paano’y natuwa siya ng makasuntok siya ng isa dito. Kahit masakit na ang kamao niya dahil sa pagsuntok dito’y gusto ulit niya itong saktan. Kulang pa ang sakit na iyon para sa ibinigay nitong sakit sa kanya at maging sa kanyang ina.

“Damn you! Ito ba ang dahilan kung bakit hindi ka dumadalaw kay mommy? May iba ka ng pamilya? Fuck you! Naghihirap si mommy sa ospital pero ito lang ang ginagawa mo. You deserve to rot in hell!” galit pang sigaw niya kay Roberto habang yapos siya ng bodyguard nito para pigilan siyang muling umatake dito.

Bago pa niya ma-realize ay umiiyak na pala siya dahil sa matinding galit. But his damn father simply brushed off the blood from the side of his lip and uttered nothing in response. Tiningnan lang siya nito ng malamig at saka siya tinalikuran. Dahil doon ay nagpakawala ng malakas na sigaw si Adam habang nagpupumiglas siyang makawala sa bodyguard nito.

Wala siyang puso, paulit-ulit na sigaw niya sa kanyang isipan. Inisip niya ang kanyang ina. Hindi nito dapat malaman ang tungkol dito. Ayaw na niyang dagdagan pa ang sakit na nararamdaman nito ngayon. Po-protektahan niya ito mula sa kanyang ama.

“Ikaw!” baling niya kay Jared. Nang tingnan niya itong mabuti ay agad siyang nakaramdam ng poot dahil na-realize na niya ngayon kung bakit ito mukhang pamilyar sa kanya. Kamukhang-kamukha kasi ito ni Roberto noong bata pa ang kanyang ama. “Kung ayaw mong mahirapan, mabuti pang umalis ka na dito dahil sinisigurado ko sa’yo, I’ll make you face hell if you dare stay,” banta niya rito saka ito marahas na itinulak.

Alam niyang noon pa ma’y may lamat na ang relasyon ng kanilang pamilya dahil unang-una sa lahat ay hindi naman bunga ng pag-ibig ang kasal ng kanyang mga magulang. Pero ayaw niyang mapunta lang sa wala ang ilang taong pinagpaguran ng kanyang ina para mapanatiling buo ang kanilang pamilya. Gagawin niya ang lahat para walang makasira niyon—lalo na kung iyon lang ang tanging rason para magpagaling ang mommy niya.

‘MAHIRAPAN’? Hindi mo alam kung anong klaseng hirap ang pinagdaanan ko noon bago ko nakilala si Roberto Marasigan, sa isip-isip ni Jared patungkol sa banta kanina sa kanya ni Adam. Kung galit ito sa kanya’y naiinis naman siya dito. Ni hindi muna nito inalam ang istorya kung paano siya napunta doon at kung paano siya nabuhay bago ito.

Nauna ako kaysa sa’yo. Nauna kami ni mama kaysa sa inyo ng mommy mo. Hindi kami ang nang-agaw kundi kayo, ngali-ngaling sabihin niya kanina kay Adam sa gitna ng komprontasyon. Hindi ba nito naisip iyon? Alam niyang immature iyon pero may umuudyok sa kanyang ipamukha iyon dito.

Buong buhay niya’y wala siyang kinilalang ama at hindi niya inisip pa ang makilala ito. Tanging ang ina lang niyang si Rita—na kasalukuyang assistant ng isang mayor sa Marinduque—ang nagtaguyod sa kanya. Kaya naman nagpupursige siyang makatapos sa pag-aaral. Tubong-Marinduque sila ng kanyang ina at sa Maynila siya nakapag-aral ng kolehiyo dahil nakakuha siya ng scholarship doon habang nagpa-part-time siya bilang isang fast food crew.

Si Jared ang uri ng tao na pulos ambisyon kaya nagpursige siyang makapasok bilang isang OJT sa nangungunang architecture firm sa bansa—ang M Architects—na may pangarap na ma-absorb ng kompanya pagka-graduate niya dahil ilang buwan na lang naman. Hindi niya akalaing ang ambisyon pala na iyon ang magiging daan para makilala niya ang kanyang ama.

Nang makadaupang-palad niya si Roberto Marasigan sa isang meeting na dinaluhan ng team na kinabibilangan niya—bilang isang OJT—ay tinanong nito ang kanyang pangalan at kung taga-saan siya. Pagkatapos ng meeting na iyon ay ipinatawag siya nito sa opisina nito. Akala niya’y may nagawa siyang mali noong una pero iyon pala’y para kumpirmahin kung si Rita Jandusay ba ang kanyang ina.

Hindi pa nito sinabi sa kanya noon kung paano nito nakilala ang kanyang ina at wala pa siyang ideya noon na ito ang kanyang ama. Kaya nagulat siya nang sumunod na buwan ay lumuwas ang kanyang ina at nagkaharap silang tatlo. Doon sinabi ng mga ito sa kanya ang katotohanan. Na nagkaroon daw ng relasyon ang mga ito bago ikasal si Roberto sa kasalukuyan nitong asawa na si Elizabeth. Na ipinagkasundo lang daw ito kay Elizabeth ng mga magulang nito dahil sa negosyo at dahil tutol ang mga ito sa relasyon ni Roberto sa kanyang ina.

Isa siyang Marasigan. Nang ma-realize niya iyon ay wala siyang ibang inisip kundi sa wakas ay hindi na sila maghihirap ng kanyang ina. Iyon ang tanging nasa isipan niya nang magdesisyon siyang tanggapin ang kamay ni Roberto—ang kaginhawahan ng buhay nilang mag-ina. Dahil karapatan din naman niyang makamit iyon bilang anak nito.

Kaya dapat ay matutunang maging mapagbigay ng Adam na iyon. Hindi naman niya balak agawin mula dito ang lahat at wala siyang intensyong saktan ito at ang mommy nito.

Natigil sa pagmumuni-muni si Jared nang biglang may tumakip na kamay sa kanyang mga mata. Napangiti siya dahil iisang tao lang ang gumagawa niyon sa kanya—ang nobya niyang si Kris.

“Kulit…” sambit ni Jared sa tawag niya rito. Naramdaman niya ang paghalik nito sa tuktok ng kanyang ulo bago nito tinanggal ang takip sa kanyang mga mata.

“Bakit parang malungkot ka?” nag-aalalang tanong nito nang makaupo ito sa harapan niya. Kasalukuyan silang nasa cafeteria ng M Architects—doon din kasi ito pumasok bilang OJT.

“Nakilala ko na ‘yong kapatid ko,” sagot niya rito.

“Talaga? Mas gwapo sa’yo kaya nakasimangot ka d’yan?” pabirong tanong nito.

“Paano kung mas gwapo nga kaysa sa’kin?”

Ngumisi muna ito bago sumagot saka initapat ang dalawang hintuturo sa gilid ng mga mata nito. “’Wag kang mag-alala, ikaw lang ang gwapo sa paningin ko. Alam mo bang ikaw lang ang target nito? At lumabo man ito’y ikaw pa rin ang hahanap-hanapin ko,” banat nito sa kanya.

Nagkunwari si Jared na pinanindigan ng balahibo dahil sa sinabi nito kaya hinampas siya nito sa dibdib. Bilang ganti ay hinawakan niya ang isang kamay nito at hinalikan iyon. “Ito pa lang, sapat na para mabuhay ako,” masuyong sabi niya rito. Ito naman ang kinilig—literally—dahil sa sinabi niya.

“Okay. Tama na. Kinikilabutan na talaga ako,” pagkuwa’y sabi nito pagkabawi sa kanya ng kamay nito saka ito sumeryoso. “Sasabihin mo ba sa’kin kung anong nangyari?”

Huminga muna siya ng malalim bago ipagtapat dito kung ano ang nangyari kaninang umaga. “Obviously, hindi niya ako nagustuhan. Binantaan pa niya akong pahihirapan daw niya ako ‘pag do’n pa ako tumira. Sinuntok niya si Sir at wala akong nagawa dahil pakiramdam ko’y wala akong karapatang mangialam sa kanila. Hindi ko alam. Dapat ba ay inawat ko siya? O tama lang na hindi ako nakialam?”

“Technically, hindi naman talaga ikaw ang hindi niya nagustuhan kundi kung sino ka sa buhay niya, ‘di ba? Since mas matanda ka sa kanya, intindihin mo na lang muna kung saan siya nanggagaling. Lalo na’t nabanggit mong may sakit ‘yong mama niya, ‘di ba? Lahat naman tayo sensitive pagdating sa mga pinapahalagahan natin. I’m sure iniisip niya rin kung ano ang mararamdaman ng mama niya. Siguro naman ‘pag humupa na ang galit niya, magiging true brothers na kayo. ‘Wag mo na lang gatungan ang galit niya,” payo ni Kris.

“Pero ang immature din ng mga naisip ko kanina. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na kami naman talaga ni mama ang nauna. Na hindi kami ang nang-agaw,” pag-amin niya rito.

“Dahil nasaktan ka rin sa ginawa niya. Pareho kayong may dahilan para magdamdam pero pasasaan ba’t magkakaintindihan din kayo. After all, magkapatid pa rin naman kayo,” sabi naman ni Kris. Muli niyang hinawakan ang kamay nito at hinalikan iyon.

Freshman year, ito agad ang una niyang napansin dahil maganda si Kris. Nakuha agad nito ang kanyang interes pero nang tumagal ay nakilala pa niya ito ng mabuti at nalaman niyang hindi lang pala mukha ang maganda dito kundi pati na ang puso nito. Masaya itong kasama at nagkakaintindihan silang mabuti. Kaya apat na taon na silang magkarelasyon ngayon.

Lumaki ito nang halos walang kinikilalang mga magulang—dahil namatay ang mga magulang nito sa isang aksidente noong walong-taong gulang pa lang ito—pero hindi nagkulang sa kalinga si Kris dahil may Lola Guada ito. Hindi kaila sa kanya ang pagnanais nitong magkaroon ng buo at masayang pamilya sa hinaharap at ipinangako niyang ibibigay niya iyon dito pagdating ng panahon—dahil parehong iyon ang hindi nila nakasanayan.

Hindi lang ang mama niya ang pinahahalagahan niya ngayon kundi maging si Kris na rin. Ibibigay niya rito ang buhay na hindi nila naranasan noon.

ILANG araw makalipas ang nangyaring komprontasyon, nadatnan ni Adam na magkasalong kumakain ng hapunan sa kanilang bahay sina Roberto at Jared. Agad na nagngitngit ang kanyang kalooban dahil matagal na rin nang huli niyang makasalo sa hapag ang kanyang ama at mukhang maaliwalas pa ang mukha nito habang kasalo ang Jared na iyon. Pero pinigilan niya ang sariling magselos.

“Birthday ng mama mo sa susunod na linggo, ‘di ba?” narinig ni Adam na tanong ni Roberto kay Jared. Napatiim-bagang si Adam dahil doon. Naghihirap ang mommy niya sa ospital pero may panahon pa itong magtanong tungkol sa birthday ng ibang babae?

“Ah, opo, Sir—err, ‘Papa’. Maghahanda po kami ng konting salu-salo ng girlfriend ko para sa kanya. Pumunta ka po…kung may time ka,” sagot naman ni Jared.

“Pupunta ako. Sabihin mo sa mama mo,” anang pormal na tinig ni Roberto.

“Sasabihin ko po sa kanya,” tila excited na sabi ni Jared at ikinainis iyon ni Adam. Kaya hindi na niya napigil pang sumingit sa mga ito.

“Oh? Ano’ng mayro’n? Mini-reunion of bastards?” aniya sa mga ito. Nasira ang magandang aura ng paligid at napalitan iyon ng tensyon. Napangisi si Jared sa kanyang sarili. Hindi lang sila ng mama niya ang dapat na masaktan. Kung hinihiling ni Jared na maging patas siya rito, iyon ang gagawin niya.

“Adam…” tila nagbabantang sabi ni Jared.

“Yes, Kuya?” sarkastikong baling niya rito. Saka niya ito tiningnan ng masama.

“Kumain ka na bago ka bumalik sa ospital, Adam,” sabi naman ng kanyang ama.

“Hindi na, Dad. Naghihintay pa kasi ang asawa mo sa ospital. Sana maalala mo siya bago ka pumunta sa birthday ng kabit mo,” sarkastikong sabi niya rito.

Marahas na napatayo si Jared mula sa kinauupuan nito at binigyan siya ng masamang tingin. “Hindi kabit ang mama ko,” mariing sabi nito sa kanya.

“Oh? Ano bang tawag sa babaeng pumapatol sa—“

“Adam!” nanaway na sabi ni Roberto kasabay ng paglipad ni Jared sa kanyang harapan at paglapat ng kamao nito sa kanyang mukha. Parang déjà vu tuloy iyon nang una nilang pagkikita-kitang tatlo. Agad din silang naawat ng kanilang mga kasambahay at bodyguard ni Roberto.

“Hindi kabit ang mama ko!” mariing sigaw ni Jared sa kanya pagkatapos. Ngisi lang ang naging sagot niya rito. Katulad ng ginawa noon ni Roberto ay wala siyang sinabi at simpleng pinahid lang niya ang dugo sa gilid ng kanyang mga labi saka nanunuya itong tiningnan.

“Umalis ka na, Adam,” walang emosyong utos ni Roberto sa kanya pagkatapos.

“Sa tingin n’yo’y magiging masaya na kayo kapag wala na kami dito ni mommy? You can never be happy,” nang-uuyam na sabi niya kay Roberto bago siya bumaling kay Jared. “At ikaw, sa tingin mo ay masayang maging anak niya? Good luck.”

Being Roberto Marasigan’s son was both a pleasure and a curse at the same time. Try to withstand everything, Jared. I dare you.

Pagdating niya sa ospital nang gabing iyon ay napakinggan niyang umiiyak ang mommy niya habang kausap nito ang Tita Myrna niya—na ina ng kababata at best friend niyang si Elice. At base sa payo ng Tita Myrna niya dito’y nalaman na ng kanyang ina ang tungkol sa pag-uuwi ni Roberto kay Jared sa kanilang bahay maging ang tungkol sa babae nito.

“Ano bang mali sa’kin, Myrna? Ginawa ko naman ang lahat para maging maayos ang pagsasama namin. Sinubukan kong maging katulad niya para magustuhan ako ni Roberto. Bakit…hindi pa rin ako sapat para sa kanya?” madamdaming sabi ng mommy niya.

Naikuyom ni Adam ang magkabila niyang kamay nang marinig ang mga nakakaawang katagang iyon mula sa kanyang ina. Iyon ang unang beses na narinig niya kung ano talaga ang saloobin ng kanyang ina at labis siyang nasaktan para dito. Hindi dapat nito iyon ginagawa sa sarili—ang maging kaawa-awa para lang sa isang taong walang-pakialam dito. Sino ba si Roberto Marasigan para mahalin nito ng ganito?

“Walang mali sa’yo, Liz. Bulag lang talaga si Roberto. Kaya magpagaling ka para magkaroon ka ng lakas na ipakita kay Roberto kung sino ba ang mas maganda,” pabirong sabi ng Tita Myrna niya. “Lumaban ka para sa pamilya mo, okay?” pangmo-motivate na rin nito sa mommy niya.

Pero isang linggo mula noon ay pumanaw ang kanyang ina. Hindi nakayanan ng katawan nito ang sunud-sunod na radiation at panghihina ng puso nito sa kaalamang mas mahalaga na kaysa sa kanila ang isa pang pamilya ng kanyang ama. Walang ibang sinisi si Adam kundi sina Jared at ang ina nito maliban kay Roberto na puno’t dulo ng lahat. Bakit kailangang ngayon pa dumating ang mga ito sa buhay nila? Bakit kailangang sirain ng mga ito ang natatanging motivation ng mommy niya para magpagaling?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.