Isang pakikibaka ang buhay. Iyon ang laging pumapasok sa isip ni Rahya tuwing nagbabangayan ang boss niyang si Misha at ang pinsan niyang si Rome na nobyo nito. Kaya sa ganoong pagkakataon, pumapailanlang na lang sa isip niya ang pagkakataon na makarating sa Stallion Island at pakasalan ng pinapangarap niyang si Prince Rostam.
Pero di siya pwedeng mag-date habang di nakakasal sina Misha at Rome. Doon lang siya makakawala sa pag-alalay at pagbabantay sa pinsan niya. Pero sa malas niya, tuluyang naging disaster ang relasyon ng dalawa at nadamay pa ang project niya para sa commercial ng Stallion Shampoo, ang tanging ticket niya para makapasok sa pinaka-eksklusibong isla.
Isa lang ang paraan para mangyari iyon. Turuan si Misha Santoros kung paano maging perfect boyfriend. Pero habang ginagawa niya iyon, parang nagta-transform na ito na Prince Charming niya. And she was starting to like it.
“Good morning, Imhan!” bati ni Rahya pagsakay sa CRV ng kaibigan. Magkatabi lang ang apartment nila sa Manila. At dahil gusto niyang makiisa sa pagtitipid sa enerhiya at gasolina ay nakikisabay siya dito papasok sa trabaho. Nadadaanan kasi ang advertising company kung saan ito nagtatrabaho papunta sa ospital kung saan naman isa itong pharmacist.
“Wow! Nangangamoy Stallion Shampoo tayo, ah! Saka mukhang blooming na blooming ka,” puna nito.
“Sweldo ko ngayon kaya dapat lang maganda ako. Rarampa ang beauty ko. Sweldo mo rin, di ba? Nood naman tayong sine. Pa-spa na rin tayo.”
Umiling ito. “Di ako sigurado. May trabaho pa ako.”
“Iwan mo muna iyang mga gamot at pasyente ninyo. Nato-toxic ka na. Dapat lagi kang maganda para kapag dumating ang prinsipe mo, gandang Stallion Shampoo ka!” Then she flipped her hair.
Isang sensasyon ang Stallion Shampoo sa bansa. Naging myth nang kapag gumamit ng naturang shampoo ay malaki ang tsansa na maakit ang lalaking pangarap ng bawat isa. At di siya naiiba sa mga babaeng iyon.
Kasabay ang pagsikat ng Stallion Shampoo ay ang pagsikat din ng Stallion Riding Club kung saan ginawa ang unang commercial. Isa iyong exclusive men’s club na tanging mayayaman at kilalang kalalakihan lang sa bansa ang tinatanggap. Di basta-basta makakapasok sa riding club ang mga non-members nang walang permiso o imbitasyon sa isa sa mga member.
Kaya nagsimulang magkandarapa ang mga kababaihan na pasukin ang riding club at makabingwit ng maiilap na Stallion Boys. Kahit mga batang paslit ay kasama ang pangarap na makapasok sa Stallion Riding Club. Pahuhuli ba naman siya? Gusto rin niyang makapag-asawa ng isa sa miyembro nito.
“Bakit? Sure ka na bang makikita mo ang prince mo?”
“Of course!” Inilabas niya ang isang magazine. “Tadan! Bigay sa akin ito kagabi ng isa sa bading na staff.” Binuklat niya ang magazine. “Ganda talaga.”
Ang Stallion Island ay isang exclusive island sa bandang Palawan. Mistulang isa itong paraiso sa malinis na beach, maputing buhangin at ang bundok na pawang luntian. It was a perfect haven. At ginagarantiyahan pa ang exclusivity at security ng lugar sa mga intruders. Malaya ring nakakatakbo ang mga kabayo.
Bagong branch ito ng Stallion Riding Club na binuksan lang noong isang buwan. Walang masyadong ideya ang sambayanan kung ano ang mayroon sa isla. Gaya ng pagiging pribado ng Stallion Riding Club, mahigpit din ang Stallion Island. Kaya naman ang magazine na iyon ang unang sulyap sa naturang exclusive resort island at sa mga miyembro ng mga ito.
Tumili siya nang bumungad sa kanya ang pinaka-head ng Stallion Island. “Oh, gosh! It’s Prince Rostam!” Inilapit niya sa pisngi ang picture ng real life prince na sumakop sa isang buong page. “Humanda ka! Ako na ang prinsesa mo!”
Prinsipe ito ng Al Ishaq, isang kaharian na mayaman sa langis at sikat sa mamahaling breed ng Arabian horses. May lahi itong Filipino kaya naisipan din nitong magkaroon ng bakasyunan sa Pilipinas. At dahil malapit sa may-ari ng Stallion Riding Club, nagdesisyon itong I-adapt ang konsepto. After all, isang magandang negosyo rin naman ang naturang riding club. At isang pang-akit dito na isa itong prinsipe para magkumahog ang iba na makabungguang siko ito.
“Baliw na baliw ka diyan. Well, guwapo nga ang mga members diyan.”
Binuklat niya ang sumunod na page. “Ayan! May iba pang prinsipe dito. Kung gusto mo isa sa mga village lords na lang ang sa iyo.”
Bagamat si Prince Rostam ang head ng isla, may anim naman itong mga kaibigan na pawang nabibilang sa mayayamang angkan sa iba’t ibang bansa. Binubuo ng iba’t ibang village ang isla at ang anim ang namumuno. Mayayaman at guwapo din naman ang mga ito kahit na walang korona.
“Ewan ko, ha? Di naman por que member niyan, Prince Charming na,” skeptical nitong sabi. “Siyempre kailangan din mabait saka walang topak.”
“Siyempre! Pwede bang maging member ng Stallion Island kung hindi perfect? Kaya lahat sila pwede kong maging boyfriend.” Natigilan siya nang salubungin siya ng matiim na tingin ng isang guwapong lalaki sa sumunod na picture.
Kakaibang kilabot ang gumapang sa himaymay ng laman niya nang magtama ang mga mata nila. Picture lang iyon pero parang buhay ang larawan. Di niya alam kung nang-aakit o nananakot ang mga maiitim na mga mata. At bigla ay parang gusto niyang pangapusan ang hininga. Sa lahat ng picture na nandoon, iyon lang ang picture na bigla siyang kinabahan at pinagpawisan nang malamig.
Mabilis niyang isinara ang magazine. Baka magsalita ang larawang iyon at marinig niya ang boses niyon. Ninenerbiyos siya. Bigla niyang naihagis sa dashboard ng kotse ang magazine. Bigla ay ayaw na niyang hawakan ang magazine.
“Bakit namumutla ka? Tubig?” alok nito ng mineral water.
Dali-dali niyang kinuha ang bote ng tubig at tinungga iyon. Kahit paano ay kumalma ang sistema niya. “Di pala lahat ng lalaki sa Stallion Island pwedeng maging Prince Charming.” May Prinsipe Sungit din doon.
Natawa ito nang masilip ang picture na kinatatakutan niya. “Boss mo? Picture pa lang natatakot ka na. Ang putla mo!”
“May trauma na ako sa lalaking iyan.”
Misha Santoros ang presidente ng Define Advertising. Mabalasik ito at napaka-perfectionist. Bagamat talented ito at magaling sa pamamalakad ng kompanya, wala naman itong sinisisi. At kapag may di ito nagustuhan, parang latigo ang dila nito na humahagupit kahit sino pa ang tamaan.
Sa kasamaang palad ay nobya nito ang pinsan niyang si Rome. Si Rome ang head ng creative department at assistant cum sekretarya siya nito. Maraming nagsasabi na perpekto ang dalawa kapag magkasama. Si Misha ay guwapo at maganda si Rome. Parehong apo ng haligi ng advertising industry ng bansa ang dalawa. Pero oras na magsagupa ang topakin niyang pinsan at ang aroganteng si Misha ay daig pa niya ang na-trap sa warzone.
“Parang di ka nasanay na makita siya araw-araw.”
Sinapo niya ang noo. “Oh, please! Huwag niyang sirain ang magandang araw ko. Sayang ang ipinang-shampoo ko kung masisira lang ang mood ko sa kanya.” Nag-retouch siya ng lipstick. “Panira siya ng ilusyon. Oras na magpakasal kami ni Rostam, mi amor palalayasin ko siya. Ganti sa pagsusungit niya sa akin at sa ilang beses na muntik na akong atakihin sa puso sa kasungitan niya.”
Di dapat tumatanggap ang Stallion Island ng mababalasik na nilalang na tulad nito. Baka mamaya mahawaan pa nito ng simangot ang ibang mga members.
“Ang puso mo! Kung magiging mabait ka sa boss mo, may tsansa kang makapasok sa riding club. Makikita mo na si Prince Rostam.”
Maingat niyang pinunit ang page na may picture ni Misha. “Ayan! Pwede ko nang ituloy ang ilusyon ko dito.” Inangat niya ang lid ng compartment nito. “Ikaw na ang bahalang magtapon, ha?” Ngayon ay makakapangarap na siya ng matiwasay sa mga Stallion Island Boys niya. Napansin niya na may papel na may gintong border na nakasuksok sa compartment nito. Naintriga siya. “Patingin, ha?”
“Huwag na iyan! Basura lang iyan.”
Tinangka nitong agawin ang imbitasyon sa kanya pero nabasa na niya ang nakasulat. “Wow! May invitation ka para Stallion Island.” Umikot ang paningin niya.
“Alam mo ba kung anong ibig sabihin nito, Imhaem Rada Panganiban? Iniimbitahan ka para pumunta sa isla ng mga pangarap ko. Member ba doon ang manliligaw mo?”
Anak ng may-ari ng ospital ang manliligaw nito. Pero di naman nabanggit ni Imhaen kung miyembro ito ng riding club.
“Padala lang iyan ng kababata ko na gasoline boy doon.”
“Gasoline boy? Ganito na kaasenso? Naka-emboss pa sa gold ang invitation? Pwede bang isanla ito?” pabiro niyang tanong at saka tinapik ang braso nito ng imbitasyon. “Sosyal! Isama mo naman ako sa isla.”
“Para sa isang tao lang iyan. Kung pwede nga lang ikaw na si Imhaem Panganiban para di naman masayang ang invitation na iyan.”
“Wala kang balak magpunta?”
“Kung si Jayson Alden Arcega ang mag-iimbita, no way!” At tumiim ang anyo nito. Noon lang niya napansing nairita si Imhan. Napakapasensiyosa nito kahit sa makukulit na mga lalaki. Ngayon lang niya ito nakitang nainis.
“Well, wala akong magagawa kung ikaw lang ang invited. May chance din akong makapunta diyan kapag nakuha namin ang account para sa Stallion Shampoo commercial. Kaya nga kina-career ko ang paggamit ng shampoo para makapag-isip ako ng magandang idea.”
Sa Stallion Island ang location ng magiging commercial. Kailangan pa nilang makipaglaban sa ibang advertising company para sa commercial na iyon. Malaking project iyon kapag nakuha niya at matutupad pa ang pangarap niya. Ang makatapak sa Stallion Island at maging isang official island goddess.
At pagkakataon na rin niya iyon para maging masaya sa wakas.
PASAKAY na ng elevator si Rahya. Excited na siyang simulan ang pagtatrabaho nang mag-ring ang cellphone niya. Dali-dali niyang sinagot iyon nang makita ang Lolo Ildefonso niya ang caller. “Hello! Kumusta na ang guwapo kong lolo?”
“Nasa opisina ka na ba?” pormal nitong tanong, di man lang pinansin ang paglalambing niya. Parang di apo ang trato nito sa kanya.
Nawala ang siglang nararamdaman niya. “Nasa elevator po.”
“Alalayan mo si Rome. Di nakarating si Misha sa dinner namin kahapon dahil may biglaang meeting sa ilang Japanese clients. Kaya hindi maganda ang mood ni Rome. Make sure she won’t do anything stupid.”
Anything stupid meant jeopardizing her work. And Rome’s work means the creative department. Her department. At bilang assistant nito, siya ang babagsakan ng problema kapag tinopak ito.
Bumagsak ang balikat niya. Kapag na-depress si Rome dahil sa palyadong date nito at ni Misha ay nagwawala ito sa trabaho. Kung may importanteng meeting o presentation ay di ito pumupunta. Mapipilitan siyang I-handle iyon. At ang masaklap, umaabot pa minsan sa komprontasyon nito ay ni Misha. Ayaw kasi ni Misha na napapabayaan ang trabaho at kompanya. Gulo ulit iyon.
“Ako po ang bahala sa kanya, Lolo.”
“Tiyakin mo lang. Or you’ll answer to me.”
“Yes, Lolo. I miss…”
Di pa niya natatapos ang sasabihin ay nadinig na niya ang tone na nagsasabing nakikipag-usap na siya sa hangin. Binabaan na siya ng matanda.
Sanay na siya sa malamig na trato ng lolo niya. Di siya isang tunay na Avenuel. Inampon lang siya ng matandang dalagang bunsong anak ni Don Ildefonso. Habang si Rome ang tunay nitong apo. Lahat ng gagawin niya ay para sa kapakanan ni Rome. Kaya kahit na gusto niyang mangibang-bansa para doon magtrabaho ay napilitan siyang manatili sa Pilipinas at sayangin ang talento niya bilang alalay ni Rome dahil iyon ang gusto ng lolo niya.
Umaasa siyang tatratuhin nito ng patas. Na mamahalin siya nito gaya ng pagmamahal nito kay Rome.
Pagpasok niya ng opisina ni Rome ay inaasahan niyang wala pa ito. Late naman kasi ito kung pumasok lalo na’t may topak. Nagulat siya dahil maaga pa ay naroon na ito. Tumili siya nang makitang nagkalat ang mga papel at story board sa sahig. Daig pa niyon ang dinaanan ng bagyo.
“Anong nangyari dito?” tanong niya. Nakaprente ng upo si Rome sa mesa habang naninigarilyo. Di pa ito nasiyahan at tinabig pa ang folder na nasa tabi nito. Kumalat pa iyon sa sahig. Inis siyang nagpulot. “Problema mo?” She crinkled her nose. Humalo kasi ang amoy ng usok sa aircon. Yuck! “Patayin mo iyan.”
Iwinaksi nito ang kamay. “Huwag kang kontrabida.”
“Nag-away na naman kayo ni Misha?”
Ngumisi ito bago ibinuga ang usok ng sigarilyo paitaas. “Hindi siya sumipot sa date namin. Hinayaan niya akong maghintay sa wala. Naranasan kong magbakasyon sa Boracay ng tatlong araw pero di siya nagpakita. Ilang family dinner na rin ba ang di niya sinipot dahil kailangan niyang makipag-meet sa mga investors at kung sinu-sino pa. Ni hindi niya ako masamahan sa mga party ng mga kaibigan ko. At pati ang anniversary namin noong isang araw nakalimutan niya.”
Sina Ildefonso Avenuel at Pablo Santoros na lolo ni Misha ang founder ng Define Advertising, isa sa pinakamatagal at pinakamatagumpay na ad agency sa bansa. Muntik na iyong bumagsak sa pamamahala ng ama ni Misha pero nakabawi nang itaguyod ni Misha ang kompanya.
At para di mapalakas ang koneksiyon ng dalawang pamilya ay pinag-pair up sina Misha at Rome. Noong una ay mukhang perpekto ang lahat. Ang problema ay masyado itong workaholic at nakakalimutan ang maraming bagay dahil sa trabaho. Iyon ang madalas na pag-awayan nina Misha at Rome. Hindi si Rome ang totoong girlfriend ni Misha kundi ang Define Advertising. Isang taon nang nobyo ni Rome si Misha. Sa loob ng isang taon, marami nang hinanakit na dinanas ang pinsan niya.
Rome made a face. “Bahala siya. Mahalaga pala ang kompanya na ito. Di ako a-attend ng meeting. Manigas siya.”
“No! Hindi pwede. Importante ang meeting na iyon. Mga client natin sa web advertising ang kakausapin mo. Umayos ka!” aniya at inunat ang ibang nalukot na papel. Kailangan pa niyang I-reprint ang iba doon ngayon. “Kapag di ka pumunta sa meeting pupunta dito si Misha. Kakaladkarin ka noon nang ganyan ang itsura mo. You are a mess. Amoy sigarilyo ka. Misha will give you hell.”
Ayaw ni Misha na ihinahalo ang personal na buhay sa trabaho. Habang wala namang pakialam si Rome sa policy na iyon. Bilang apo ng isa sa may-ari, reyna ito sa kompanya. Magagawa nito ang anumang gustuhin nito.
“I am in hell because I love him. Nagsasawa na ako. Kung ayaw niya akong asikasuhin, mag-break na lang kami.”
Natuliro siya. “Ay, hindi! Huwag muna kayong mag-break. Saka na. Pwedeng bukas o kaya sa isang buwan. Basta huwag muna ngayon.”
Misha and Rome breaking up means disaster-slash-hell day. Katumbas niyon ang lahat ng delubyo – bagyo, tsunami, lindol, pagsabog ng bulkan, wild forest fire at pati ang El Niño. Magkabasagan ng lahat ng mababasag oras na magkaharap ang dalawa. Minsan nang nakipag-break si Misha kay Rome at pinagbabasag ni Rome ang mamahaling sculptures na bili ng lola niya. Pati ang monitor ng computer nito ay binato nito ng vase. Sinesante nito ang halos lahat ng taong makita nito kasama na siya. Naayos lang iyon nang makipagbalikan si Misha.
Ayaw na niyang maulit pa iyon. Sanay na siya sa tantrums ng bratinella niyang pinsan. Ganoon na ito bata pa lang. Pero nadodoble ang topak nito kapag si Misha na ang concerned.
“But I am tired. Hanggang kailan niya ako sasaktan?” Maiiyak na ito. Nawala ang pagka-glamorosa nito. Ayaw niyang mahawa sa depression nito.
“Magkakausap din kayo pero hindi ngayon. Ayusin mo ang sarili mo. Kukunin ko ang files na kailangan ko. A-attend ka ng meeting.” Lumabas siya ng private office nito niya nang mag-ring ang cellphone niya. “Hello.”
“Rahya, nandiyan na ba ang boss mo?”
Muntik nang bumagsak ang cellphone na hawak niya nang marinig ang lalaking-lalaking boses ng tumawag sa kanya. “Misha!”
Si Misha Santoros ay may boses na kayang tumunaw sa tuhod ng kahit sinong kausap na parang natutunaw na tsokolate. Iyon ang lagi niyang reaksiyon tuwing kausap ito. Noong una ay kinikilig siya kapag naririnig ang boses nito. Ngayon ay nangangaligkig na siya sa takot gaya ng ibang mga tao sa paligid nito.
“Bakit wala pa rin siya sa conference room? She can’t keep our clients waiting! Gusto ba niyang ako pa ang sumundo sa kanya?”
“Papunta na siya doon. Palabas na siya.” Pumasok siya sa opisina ni Rome bitbit ang report nito. Pinanlakihan niya ito ng mata nang makitang naninigarilyo pa rin ito. Di man lang ito nakinig sa kanya.
“I am on my way. Itse-check ko kung nandiyan pa siya.”
Sumakit ang sentido niya matapos makipag-usap kay Misha. “Dadating daw siya ngayon dito?” kaswal nitong tanong at ibinuga ang usok. “Hayaan mo siya. Wala akong pakialam kahit makita niya akong ganito.”
Inagaw niya ang sigarilyo dito at idinuldol sa ashtray. “Straighten up your self! Have some pride. You are Rome Avenuel. Kung anuman ang problema ninyo, pwede pa ninyong maayos. So don’t look pathetic!”
Kumislap ang pag-asa sa mata nito. “You think so?”
“Yes. Just attend the damn meeting.” Ginagawa lang niya ang bilin ng lolo niya. Kung siya lang naman, mabuti nang maghiwalay sina Misha at Rome para mabawasan ang sakit ng ulo niya.
“Sige. Basta gagantihan ko ang lalaking iyon.” She lazily walked out of her office. Alam niyang nasasaktan si Rome sa sitwasyon nito. Pero kilala niya ang pinsan. Di rin nito hihiwalayan si Misha sa huli. She was crazy in love.
Dahil wala nang epekto ang air freshener na nasa aircon ay inilabas niya ang extra na air freshener na nasa emergency kit niya. Ini-spray niya iyon nang bumukas ang pinto. “Where is Rome?”