Hindi feel ni Josef ang mga miyembro ng Stallion Island lalo na ang mayabang na si Slade Villacorta. Inakusahan siya nitong may modus operandi para kumita ang auto shop niya samantalang ito wala nga itong alam sa mga sasakyan.
Sa kamas-malasan, isinali siya ng nanay at kapatid niya sa Stallion Shampoo makeover challenge. At ang Prince Charming niya ay si Slade mismo.
Kailangan niyang manalo sa contest na iyon para mabuo ang pamilya niya. Pero paano siya mananalo kung sinisira ni Slade ang diskarte niya? Gusto nitong patunayan na bago matapos ang kompetisyong iyon ay in love na siya dito.
Sunud-sunod ang subo ni Josef. Paborito niyang monggo na may tinapa ang ulam kaya masarap ang kain niya. Umaga pa lang ay nasa talyer na siya at nagtatrabaho kaya hindi siya halos nakakain ng agahan. Sa kanya kasi nagpagawa ng sasakyan si Mayor at may pagka-demanding ito. Kaya naman kahit wala pa halos siyang tulog ay pinilit niyang ayusin ang sira ng sasakyan nito.
“Anak, ibaba mo naman ‘yang paa mo,” sabi ni Aling Letty habang ipinagtitimpla siya ng gatas. “Parang hindi ka babae.”
“Nay talaga!” aniya at ininom ang gatas. “Nasisira ang concentration ko sa pagkain kapag po nakababa ang paa ko. Hindi ba si Tatay ganito din kapag ginaganahang kumain?”
“Pero hindi naman babae ang tatay mo,” sabi nito at pinunasan ng basang bimpo ang mukha niya. “Kita mo. May grasa ka pa. Magpasalamat ka hindi ka masyadong tinitighiyawat.”
“Oh, my! Mother, what is that grease human doing here?” bulalas ng Kuya Jillian niya na naka-sequined hanging silver blouse at black leggings. Kagagaling lang nito sa parlor nito na nasa kanto nila.
Tinaasan niya ito ng kilay. “Anong grease human?”
“Taong grasa. Hindi kita nakilala, sister. Mukha kang taong grasa,” nakangiwi nitong sabi. “As in eeewww!”
Tinirikan niya ito ng mata. “Kuya, huwag kang mang-asar. Kulang ako sa tulog at gutom ako. Baka kahit tao makakain ako.”
Pumalatak ito at hinaplos ng daliri nito na may singsing na parang mini-feather duster ang baba niya. “Masyado kang exaggerated, sister. Will you slow down? Kailan ka ba huling tumingin sa salamin? Look at you. Hindi ka na mukhang tao.” Inilapit nito ang mukha sa kanya at sininghot-singhot siya. “At hindi ka na rin amoy tao. Super eeewww!”
“Sa talyer ako nagtatrabaho. Natural lang na madumihan ako.”
Tumayo ito sa likuran niya at humawak sa balikat niya. “Kailangan mo naman ng panahon sa sarili mo para mailabas natin ang kagandahan mo. Magpa-spa tayo. At ‘yang buhok mo kailangan ng treatment.”
Tiningala niya ito. “Treatment? Hindi ba pwedeng grasa na lang ang treatment sa buhok ko?”
Binatukan siya nito. “Walang maakit na lalaki sa iyo maliban kay Tikboy na tambay diyan sa kanto. You should aim higher. Like the Stallion Boys!” sinapo nito ang pisngi. “Tapos titira tayo sa palasyo na parang mga prinsesa.”
Sinabayan lang niya ng pagkain ang pangangarap ng gising ng kapatid niya. Halos lahat yata ng mga kababaihan ay pinangarap ang mga Stallion Boys. Mapabata o mapamatanda. Kasalanan iyon ng commercial ng Stallion Shampoo na nagpakita kung gaano kaganda ang eksklusibong Stallion Riding Club at ang mga guwapo’t mayamang miyembro nito.
Ngayon ay sumulpot pa ang bagong Stallion Island Riding and Leisure Club. Hindi marahil makapaniwala ang mga kababaihan sa Pilipinas na pwedeng bumaha ng ganoon kaguguwapo at kayayamang lalaki sa isang lugar. Kaya naman lahat ng kababaihan ay gustong languyin ang naturang club at makaulayaw ang mga Stallion Boys. Para namang papansinin ng mga ito ang ordinaryong tulad niya.
“Pwede naman akong mag-feeling prinsesa pero ikaw ang gagawa ng trabaho sa talyer. Magpapaganda naman ako,” nakangisi niyang sabi.
“Eeewwwness! No way!” Namaywang ito habang nakataas ang kilay. “Mukha ba akong magtatalyer? Oh, please! I won’t do it even for you, sister! Hindi ko nga nagawa para kay Tatay. Sa iyo pa kaya?”
Nakadama siya ng lungkot nang maalala ang ama. Ito ang nagtayo ng talyer na nasa bungad ng bahay nila. Pangarap nito na ang kuya niya ang magmana ng negosyo at pinaghirapan nito. Subalit iba ang ambisyon ng kapatid niya-ang maging isang babae. Kaya naman galit na galit ang tatay niya sa Kuya Jillian niya at muntik na itong itakwil.
Dahil diyan ay pinili niyang maging mekaniko para mapasaya ang tatay niya. Bata pa lang siya ay interesado na siya sa mga makina ng sasakyan. Dalawang taon na ang nakakaraan ay pumuntang Saudi Arabia ang tatay niya dahil gusto ng dati nitong amo na bumalik ito. Sa kasamaang-palad ay napagbintangan ang tatay niya na kasabwat sa pagnanakaw amo nito. Hanggang ngayon ay nakakulong ang tatay niya. Kaya doble ang pagsisikap niya na magtrabaho dahil gusto niyang may balikan pa ang tatay niya sa talyer paglaya nito.
Pero bago iyon, kailangan niya itong mapalabas muna sa bilangguan. Hindi biro ang dinadanas ng mga bilanggo sa ibang bansa. Mahal ang bayad sa abogado doon. Walang ibang tutulong sa tatay niya kundi siya lang.
Sa dami ng iniisip niya, di na niya makukuha pang magpaganda. Isa pa, ano namang pagpapaganda ang gagawin niya? Di rin iyon makikita dahil lagi naman siyang madungis sa trabaho. Sayang lang.
“Naku! Kumain na nga kayong dalawa. At tanggalin mo muna ‘yang malaking bulaklak sa ulo mo, Jillian. Naaalibadbaran ako. Baka bigla ka na lang dapuan ng ibon. Akalain pugad ‘yan,” sabi ni Aling Letty at saka binuksan ang TV.
Nanghaba ang nguso ng Kuya Jiliian niya. “Mother, you are so cruel.”
Naging habit na nilang magsalo-salo tuwing tanghalian habang nanonood ng noontime show. Sa gabi naman ay naghahapunan sila pagkatapos ay manonood ng balita at teleserye. Iyon kasi ang nakagawian sa bahay nila.
“Bilisan mo diyan! Mag-aalas dose na at may lalabas na bagong commercial ang Stallion Shampoo,” excited na sabi ng nanay niya.
Halos mabulunan ang kapatid niya sa kamamadaling sumubo matapos lang ang pagkain. Habang nakatutok na sa harap ng TV ang nanay niya.
Nang marinig ang theme ng Stallion Shampoo ay di na mapakali ang kapatid niya. May pagkain pa ito sa bigbig nang bitbit ang baso ng juice. Ipinakita ang magandang beach, ang isang magarbong kastilyo sa tuktok ng berdeng bundok at kabundukang may mga windmill.
“Mother, Stallion Island!” tili ni Jillian. “Baka may mapapanalunang date at diyan naman dadalhin sa Stallion Island. Tulad doon sa Stallion Island. Kailangang ako ang manalo para chance ko nang may mapangasawang Stallion Boylet!”
“Hay! Pagkaingay-ingay mo,” reklamo ng nanay niya na numero-unong kunsintidor sa ilusyon ng kapatid niya. Minsan nga naiisip niya na baka may lihim din na ilusyon ang nanay niya na may maka-date na Stallion Boy.
Bumungad ang magandang imahe ng sikat na TV host na si Feliztine Pascual. “Stallion Shampoo is launching it’s first ever reality show. Para ito sa mga kababaihang gustong baguhin ang kanilang mga anyo at ilabas ang natural nilang kagandahan. Handa na ba kayong sumabak sa isang matinding pagbabago? This is your chance to change your life. Are you ready to accept the challenge of Stallion Shampoo Make Over Challenge? Kung sa palagay mo ikaw ang hinahanap namin, magpadala ka ng picture, kalakip ang sulat kung bakit ikaw ang dapat naming piliin. Magkakaroon ka pa ng pagkakataong makapunta sa pinapangarap ng lahat na Stallion Island Riding and Leisure Club at ma-meet ang mga Stallion Boys. Ano pang hinihintay ninyo? Sali na!”
“Mother, I like that! I super like that!” kinikilig na sabi ng Kuya Jilllian niya. “Ang mga pangarap natin, Mother.”
“Aanhin mo naman ‘yan, anak? Maganda ka na,” sabi ng nanay niya. “Hindi mo na kailangang magpa-make over pa.”
“Thank you, Mother. Mahal mo talaga ako.”
“Paanong di gaganda ang anak ninyo. Kung iyong ibang tao tumitira ng Glutathione para pumuti, siya naman ginagawang juice ang Stallion Shampoo,” patutsada niya sa kapatid niya.
“Hoy, taong-grasa!” anang Kuya Jillian niya at nakapamaywang siyang hinarap. “At least ako may kagandahan. Ikaw? May matris ka nga pero itinatago mo naman sa ilalim ng grasa. Sinasayang mo ang biyaya ng Diyos.”
Napahawak ang nanay niya sa braso ng Kuya Jillian niya. “Anak, dininig na ng Diyos ang mga dasal natin. Ito na ang pagkakataon ng kapatid mo.”
Maang na napatingin dito ang kuya niya. “Mother, you mean…” Nakangangang bumaling ang tingin nito sa kanya. Saka siya pinakatitigan. “You are right, Mother. Kung may nangangailangan ng himala dito, hindi ako iyon kundi itong babaeng grasa na ‘to.”
“Ha? Anong himala? Walang himala,” sabi niya at pumiraso ng galunggong.
Naglabas ng cellphone ang kapatid niya at saka siya kinuhanan ng picture kung kailan malaki ang subo niya. Humalakhak ito. “Oh, perfect! Mother, look! Sa palagay mo ba kukunin nila ‘tong kapatid ko?”
“Oo naman, anak! Ang mga ganyang picture ang dapat na mai-make over sa lalong madaling panahon,” excited na sabi ng nanay niya.
“Hoy! Para saan iyan?” tanong niya at sinubukang agawin sa kapatid niya ang cellphone.
“Para sa Stallion Shampoo makeover challenge. Para naman mapili ka sa wakas at magmukha kang tao. Nang maniwala naman ang mga tao kapag sinasabi kong magkapatid tayo,” anito at saka tinalikuran siya.
“Ano? Hindi ako sasali sa challenge-challenge na iyan. Puro kayo kalokohan!” sabi niya. “Nay, gusto ba ninyong magdala ako ng kahihiyan sa angkan natin?”
Subalit di siya pinansin ng butihin niyang ina dahil nagpaplano na ito ng game plan para sa Stallion Shampoo makeover challenge. “Anak, sino sa ating dalawa ang susulat? Kailangan bang maging isa akong ina na nagmamakaawa sa kanila na bigyan ng pagkakataong magbago ang aking anak?”
“Mother, gumawa ka ng sarili mong entry at gagawa rin ako. My poor little sister. My poor greasy sister.” At saka ito humikbi. “My sister is not a pig! Parang awa na ninyo. Kayo na lang ang pag-asa niya para sa normal na buhay.”
“Mga baliw,” usal niya at tinapos ang pagkain.
Ganoon ba talaga siya kapangit para naising magpa-make over? At ganoon na ba kadesperada ang mga ito para isalang siya sa isang make over? Kung siya ang tatanungin, simple lang ang kailangan niya – maraming pera at ang paglaya ng tatay niya. At hindi iyon maibibigay ng kahit anong make over sa kanya.
“TATAY, nag-iipon po ako para maikuha kayo ng magaling na abogado. Mabagal po kasi ang embassy natin diyan. Di pa kayo mapalaya. Hindi pa magaling ang abogado na kinuha para sa inyo,” determinadong wika ni Josef habang kausap ang ama sa telepono. Nakakulong ito sa isang detention cell sa Riyadh at wala pa ring katiyakan ang paglaya. Maimpluwensiya kasi ang pamilyang nagdemanda dito. Di nga ito nahatulan ng kamatayan pero parang habambuhay naman itong ibibilanggo.
“Huwag mo akong masyadong intindihin dito, anak,” anitong pilit na pinasasaya ang boses. “Sanay naman na ako dito at kumakain naman ako sa oras. Mababait naman ang mga kasama ko dito. Alam ko na mas kailangan ninyo ang pera diyan. Baka mamaya masayang lang kapag ginastos pa ninyo sa akin.”
Naramdaman niya ang pamamasa ng mga mata niya habang pilit na pinalalakas ang loob. “Tatay, huwag ninyong intindihin ang gastos. Mababawi natin iyon pag nakabalik na kayo dito. Kami ni Kuya gumagawa ng paraan.”
Ilang game show na ba ang tinangkang salihan ng kapatid niya sa TV. Pati mga text promo ay pinapatulan nito. Pati mga talent shows. At gaya niya, todo-kayod din ito sa pagtatrabaho. Ang nanay naman niya ay madalas mag-follow up sa POEA at sa OWWA. Pati mga pulitiko ay nilapitan na nito. Sa dami daw ng mga Pilipinong nangangailangan ng tulong sa abroad ay natabunan na ang kaso ng tatay niya. Mas priority daw ang mga bibitayin na o kaya ay mga kaso na sadyang makakakuha ng atensiyon ng maraming tao.
Malapit na talaga siyang maging desperada na palayain ang tatay niya. Kailangan pa ba ay lumapit siya sa presidente ng PIlipinas o kaya ay mag-rally sa harap ng Malakanyang at maghihiga sa kalye para mapansin?
“Hello, Josefa my love!”
Tumaas agad ang kilay niya nang makita ang kababatang si Tikboy sa pinto ng opisina niya. Ito ang nag-iisang manliligaw niya na ubod ng kulit. Wala na itong ginawa kundi magpa-cute at yayain siyang mag-date kahit na ilang beses na niya itong binasted.
“Tikboy, Josef ako! Hindi Josefa My Love. Kung yayayain mo lang din naman akong mag-date, umalis ka na lang sa harapan ko. Masyado akong busy at kundi lang din naman pera ang pag-uusapan natin, umalis-alis ka na. Bigyan mo na lang ng direksiyon ang buhay mo nang may mapala naman ang mundo sa iyo. Hindi iyong laging nakatambay ka at sinisimot mo alak doon sa tindahan ni Aling Pepay.”
Kung tutuusin ay guwapo si Tikboy. Crush pa nga niya ito noong high school siya. Kaso ay parang walang pangarap sa buhay. Ni ayaw nang mag-aral at pinili na lang bumarkada. Palibhasa ay nasa Amerika ang nanay nito kaya pinadadalhan ito ng pera. Sa halip na gamitin panghanap-buhay ay ipang-iinom lang. Ayaw niya talaga sa lalaking walang direksiyon ang buhay.
“May nasiraan ng gulong diyan sa may kanto. Kailangan daw magpalit. Hindi marunong ‘yung babae. Naghahanap ng talyer at ito ang pinakamalapit.”
Tumayo siya. “Bakit hindi mo sinabi agad?”
Kapag sira ng sasakyan ang usapan, to the rescue agad siya. Ibig kasing sabihin ay pagkakaperahan iyon.
Isang Hoda Jazz ang nakahambalang sa kanto nila. Napasipol siya dahil kulay violet sasakyang iyon at parang alanganin sa lugar nila. Isang babaeng may kaliitan na nakasuot ng microshorts ang nakasandal sa sasakyan. Mukha rin itong magara gaya ng kotse nito.
“Anong nangyari, Miss?” tanong niya paglapit.
“Na-flat ang gulong ko. Four of them would you believe? Hindi ko alam kung anong nangyari.” Humalukipkip ito. “Can you fix it?”
“Madaling magpalit ng gulong ang problema natin iyong reserbang gulong.”
“Magbabayad ako kahit magkano basta maayos lang ang kotse ko.”
“Walang problema,” sabi niya at tumango-tango. Basta babayaran siya wala silang magiging problema.