Tahimik ang sasakyan ni Noah habang bumibiyahe sila papuntang San Martin. Nakapikit siya at nagkukunwaring tulog.
“Olay, alam ko gising ka. Mag-usap tayo. Ayokong pumunta ka sa San Martin. Hindi ngayon,” sabi nito at naramdaman niya ang pagpaling ng tingin nito mula sa daan papunta sa kanya.
MArahan siyang dumilat. There’s no use pretending. Hindi niya alam kung paano niya itong maiiwasan sa anim na oras na biyahe nila papuntang San Martin pero mukhang sinadya nitong huwag gamitin ang chopper mula Manila Domestic Airport hanggang San Martin. Sa halip ay ipinadala nito ang kotse nito para lang magkausap silang dalawa.
“Masama bang mag-perform ako para sa mga taga-San Martin? Gasino ba namang pasayahin ko sila kahit paano. Malaki naman ang naitulong nila sa akin.”
“Alam mo ba kung gaano kalaking gulo kapag nakita ka nila Lolo at Papa. Please don’t tell me that you will spill your guts today. Hindi ito ang tamang panahon para sabihin sa kanila ang totoo. Hindi ito ang plano ko. baka mapahamak ka. Ano ba talaga ang tumatakbo sa utak mo?”
Hindi rin niya alam kung ano ang tumatakbo sa utak niya. Mula nang malaman niya ang tungkol sa babaeng unang minahal ni Noah na si Amber at nalaman niyang pupunta rin ito sa San Martin sa kaarawan ng pinsan ni Noah ay nagulo na ang utak niya. Gusto na lang niyang tapusin ang lahat.
When she fell in love with Noah, she knew at the back of her mind that she was doomed. Di lang niya masyadong inintindi dahil nagpadala siya sa kaligayahang nararamdaman niya. Ngayon ay kailangan na niyang tapusin ang kahibangan niya. Kailangan niyang tapusin kung saan nagsimula ang lahat. Sa San Martin.
“Alam ko ang ginagawa ko. Relax!”
“Relax? Anong gagawin mo kapag nandoon na sila Lolo at Papa? Paano kapag nalaman nila na ikaw ang Miss Gay San Martin?”
“Kung nahihiya kang makasama ako, sabihin mo hindi naman talaga tayo close. Na nakilala mo lang ako sa isla. Nang makita nila tayo sa indoor garden, may task lang sa akin ang mga village lords at pinagkakatuwaan ka.”
Mariing nagdikit ang labi nito. “Parang ganoon lang sila kadaling mapaniwala.”
“Kung ayaw mo, ako na lang ang magsasabi sa kanila.”
Hindi na ito kumibo ngunit mukhang iritado ito sa kanya. Hindi nga siya nag-iisip. Di niya naisip na maaring magkaroon ng komplikasyon kay Noah ang mga aksiyon niya. Dala niya ang alalahanin hanggang makarating sila ng San Martin. Nagsisimula nang dumilim noon at may mga tao nang naglalakad papuntang plaza kung saan gaganapin ang kaarawan ng mayor kasama ang mga constituents nito. Ang ilan ay bumati pa nga kay Noah. Nagmistulang ginto ang bukirin ng mga bulaklak na nadaanan nila ni Noah. It was lovely.
Maya maya pa ay pumasok na sila sa gate ng Villa Ames kung saan nakatirik ang ancestral house ng pamilya ni Noah. Mula doon ay tanaw ang ekta-ektaryang taniman ng mga bulaklak.
“Anong ginagawa natin dito?” tanong niya.
“Dito ka tutuloy. Iyon ang sabi sa akin ni Vix.”
Napatuwid siya sa pagkakaupo. “Ano? Pero wala bang inn dito? O hotel? Kahit ako na lang ang magbayad.” Kapag nasa villa siya, makikita niya ang lolo at Papa ni Noah. Malaking gulo iyon.
“Too late for that. Binigyan kita ng pagkakataong mag-back out kanina,” anito at ihinimpil ang kotse nito sa front door ng makalumang mansion. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa panahong ng Kastila.
Lumabas sina Freezia at Vix para salubungin sila. “Kuya Noah! Olay!” anang si Freezia at niyakap sila. Si Vix ay hinalikan naman siya sa pisngi.
“Sana naman hindi ka na-bore kasama si Kuya Noah. Six hours din iyon! Sabi ko naman magpasundo na lang sa chopper,” sabi ni Vix.
“It’s okay. Na-enjoy ko naman ang view.”
Naestatwa siya sa kinatatayuan nang lumabas ang lolo ni Noah at ang Papa nito. “Noah! At kasama mo rin pala si Olay,” tuwang-tuwang sabi ni Lolo Marcelo at niyakap siya. “Lalo ka yatang gumanda.”
Sinapo niya ang pisngi. “Hindi naman po.”
“Lolo, kilala po pala ninyo ang Miss Gay San Martin. Si Olay!” pagpapakilala ni Vix.
Namutla si Lolo Marcelo at umurong palayo sa kanya. Pinagpapalit-palit nito ang tingin sa kanila ni Noah. Hindi niya alam kung anong sasabihin o gagawin.
“You mean my son is having an affair with a gay? Ano bang kalokohan ang ginagawa mo, Noah?” galit na galit na sabi ng Papa ni Noah at dinuro ito. Saka matalim ang tinging ibinaling sa kanya. “At ang lakas ng loob mo dalhin ang babaeng… hindi babaeng…”
Humarang si Noah sa pagitan nila. “Pa, mag-ingat kayo sa pananalita ninyo. Bisita namin si Olay.”
“S-Sir, nagkakamali po kayo. Wala kaming relasyon ni Noah,” aniya sa nanginginig na boses. “Maniwala po kayo.”
“Bulag ba ako? Si Papa siguro mauuto ninyo pero hindi ako.” Walang planong magbaba ng boses ang Papa ni Noah.
“Ano po… task lang po sa akin ng village lords ang nakita ninyo.” PInagsalikop niya ang palad. “Wala na pong iba. Wala po kaming relasyon ni Sir Noah.”
“Kaibigan ko si Olay,” matatag na sabi ni Noah. “At bisita siya nila Freezia at Vix. Magpe-perform siya para sa birthday ni Kuya Guilbert. Kung may problema kayo sa kanya, sa akin ninyo sabihin.”
“What’s going on?” tanong ng isang babaeng mukhang manyika dahil sa light brown nitong buhok at nakasuot ng light bloue baby doll dress. “Noah!”
“Hello, Amber!” bati ni Noah.
“Let’s go!” yaya ni Freezia sa kanya at inakay siya papunta sa isa sa mga kuwarto sa baba. Gusto sana niyang makita ang mukha ni Noah ngayong nakita na nitong muli si Amber. Pero di naman siya masokista. She saw the competition who was more beautiful than her imagination. Madudurog lang ang puso niya kapag namita niyang niyakap din ito ni Noah at nginitian. “Kailangang makalayo tayo habang wala sa iyo ang focus ni Papa. Pasensiya na. Ganyan talaga ang pamilya namin. Lalo na si Kuya Noah at si Papa kapag nagkikita. Giyera talaga. They always clash. Kaya huwag mong dibdibin ang mga sinabi niya sa iyo, okay?”
“Pasensiya na talaga. Nagdala pa yata ako ng gulo dito.” Di niya alam kung paanong iaayos ang gulong ginawa niya. Kung papa pa lang ni Noah ay nanginginig na siya nang magalit, paano kapag hinarap niya ang buong San Martin?
“This is the guestroom,” anito at binuksan ang bintana. “Kung mas maaga sana kayo, mas maganda ang view na makikita mo. Palubog na ang araw. Mamayang eight ang start ng show mo.”
“Okay lang ba na dito ako mag-stay?” tanong niya.
“Of course. Kaibigan ka ng kapatid ko. Wala siyang masyadong kaibigang babae. Believe me. Kahit pa mabait siya sa mga babae, di siya basta-basta nakikipagkaibigan. Mapili siya sa mga kaibigan. Lagi kasing kini-criticize ni Papa ang mga nagiging kaibigan niya. Ganyan siya. Gusto niya tumulad kaming magkapatid sa kanya. Gusto niya maging ruthless kami sa negosyo. But my brother and I aren’t like that. We want the more gentle approach like our mother. Minsan di ko alam kung bakit minahal ni Mama si Papa. Namatay lang siya sa sama ng loob. Lagi siyang sinisisi ni Papa kung bakit maaga silang nag-asawa. Nang mamatay si Mama, sa amin naman nasalin ang lahat ng galit niya.”
“That’s so sad.” Naalala niya kung paanong pahalagahan ni Noah ang relasyon nito at ng kapatid nito. Siguro dahil ang mga ito lang ang magkakampi pagdating sa Papa nito. “Pero mabait talaga si Sir Noah. Mahal ba siya ni Ma’am Amber?”
“Sana totoo na ang pagmamahal ni Amber sa kanya ngayon. INiwan ni Amber si Kuya dahil city girl at heart siya. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang magsayang ng mahabang oras si Kuya Noah sa art niya. At kailangan ni Noah ng babaeng makakaintindi sa kanya.”
“I see.” Sana nga ay si Amber na ang babaeng iyon. Ayaw niyang masaktan pa ang lalaking mahal niya. Imposible naman kasing siya ang mahalin ni Noah kahit na nasa kanya pa ang katangian ng babaeng hinahanap nito.
Isa lang siyang pagkakamali para kay Noah. At itutuwid na niya ang pagkakamaling iyon sa gabing iyon.
‘NAKAKAPAGOD maging beauty queen. Hindi ordinaryo ang buhay namin kumpara sa ibang tao,” monologue ni Olay habang suot ang magandang evening gown na suot din niya nang nanalo siyang Miss Gay San Martin. Nakaputong din ang korona niya sa kanya at hawak niya ang scepter. “Araw-araw kailangan kong pangatawanan ang pagiging beauty queen ko. Kailangang lagi akong maganda ang suot ang gown at crown ko. Sa simbahan, sa mall, pati sa pagpapa-salon suot ko ang crown ko.”
Umugong ang halakhakan sa plaza. Maging si Lolo Marcelo na katabi ni Mayor Guilbert ay namamayani ang tawa.
Namaywang siya at nag-pose na gaya ng isang tunay na beauty queen. “Hala! Tinataasan ako ng kilay ng tao. Ang totoo naiinggit sila dahil isa akong reyna. Iilan lang ang katulad ko na ipinapanganak na reyna. At siyempre naiinggit sila dahil pinagkakaguluhan ako ng mga boylets! Hindi ko naman sila masisisi kung gusto nilang mahalin ng isang reyna na katulad ko.”
Nawala ang ngiti niya nang magtama ang mata nila ni Noah. May lungkot sa mga mata nito. At ang lungkot na iyon ang tumatagos sa puso niya. Nadoblle ang sakit sa puso niya nang makitang nakakapit sa braso nito si Amber. She obviously adored Noah. At sa palagay niya ay handa itong gawin ang lahat para sa binata. Hindi siya ang babaeng kailangan ni Noah.
“Pero nakakapagod din palang maging reyna. Pansamantala lang ang saya.” Bumaba siya ng stage at nilapitan ang first runner up niya. “Ayoko nang maging reyna. Gusto kong aminin sa inyo ang totoo. Hindi ako ang karapat-dapat na maging Miss Gay San Martin.” TInanggal niya ang korona niya at ipinutong sa first runner up. “Sawa na akong magpanggap dahil ang totoo, isa akong tunay na babae.”
Ginantihan ng malakas na tawanan ng lahat ang sinabi niya. Pati ang first runner up na si Evita ay nawala ang poise sa pagtawa. “Sister, you are so funny talaga. Amoy na amoy ko kaya ang kabadingan mo.”
“P-Pero babae talaga ako…”
Naputol ang sasabihin niya nang agawin ni Noah ang microphone mula sa kanya. “What do you think you are doing?”
“Sinasabi ko lang naman ang totoo…”
PAtuloy pa rin sa tawanan ang mga tao at miukhang walang sumeseryoso sa kanya na mukhang ikinapikon ni Noah. Nagsalita ito sa microphone. “She’s a real woman, alright! She’s not homo. Nagpanggap lang siya dahil kailangan niya ng pera…”
“Fafa Noah, hindi na comedy iyan. Nagiging drama na ‘yan,” anang isang bading na naging contestant din sa Miss Gay.
“I said she’s a real woman and I love her!”
Mahigpit siya nitong niyakap at maalab na inangkin ang labi niya. He was kissing her in a fiery passion and blew her brains out. Nagulo yata ang neurons sa utak niya. Siya ba ang baliw o si Noah na walang takot siyang hinalikan sa harap ng maraming tao. At tama ba ang sinabi nitong mahal siya nito.
Nang maghiwalay ang labi nila ay tahimik na ang buong plaza. Bakas ang pagkamangha at pagkagulat sa lahat ng tao doon.
“Nasabi na ni Olay ang totoo kaya aalis na kami,” sabi ni Noah at ibinigay ang microphone kay Evita. “Congratulations! You are now Miss Gay San Martin.” At saka siya hinila ni Noah palayo doon.
“Noah, ano bang nangyayari? Anong ginagawa mo?” tanong niya nang pinasakay siya nito sa kotse nito. “You can’t mean that you love me… totoo ba iyon?”
“Olay, totoo ang lahat ng sinabi ko pero wala akong oras para magpaliwanag. Kailangan nating umuwi, kukunin natin ang gamit mo dahil ayoko nang abutan pa tayo ng pamilya ko. At ayoko nang magpaliwanag sa kanila lalo na kay Papa. But remember that I love you.” Mariin siya nitong kinintalan ng halik sa labi bago nito pinaandar ang sasakyan palayo sa plaza.
Parang nakalutang siya sa ulap nang mga oras na iyon. Mahal siya ni Noah. At idineklara nito sa lahat ang pagmamahalan nila. Hindi man lang ito natakot. Mas baliw pa yata ito sa kanya at ginawa nito iyon dahil sa pagmamahal sa kanya.
“Noah, baka mawala ang lahat sa iyo dahil dito.”
“I don’t care!” Umangil ang gulong ng sasakyan nito nang ihimpil sa harap ng mansion. “Kunin mo na ang gamit mo. Hihintayin kita dito.”
Nanginginig ang kamay niya habang isinasalansan ang mga gamit sa overnight bag niya. Paano na ang pamilya ni Noah? Ayaw niyang magalit kay Noah ang pamilya nito dahil sa kanya. Bahala na! Ang importante ay magkasama sila ni Noah. Saka na siya gagawa ng paraan para maayos ang gulong ito. Ngayong mahal siya ni Noah, kahit ang imposible ay gagawin niya para dito.
Nang dumating siya ay pinagkukulumpunan na si Noah ng mga kamag-anak nito sa sala. Nangingibabaw ang boses ng papa nito. “No decent woman would join a gay pageant for money. Kung ganyan klase ang pagkatao ng babaeng iaakyat mo sa pamamahay, wala kang karapatan sa lupain ng mga Ames.”
“Pa, huwag sana ninyong husgahan si Olay. At walang kinalaman ang pagkakamali niya sa magiging pamamahala ko sa lupaing bigay sa akin ni Lolo,”
“Noah, iniisip lang ni Uncle ang kapakanan mo. Paano kung gold digger siya? Kita mo nga. Gagawin niya ang lahat para sa pera,” sabi ni Amber. “Paano na lang ang lahat ng pinaghirapan ng pamilya ninyo?”
“Hindi ko kailangan ng pera ni Noah,” singit naman niya at bumaba ng hagdan. INabot niya kay Guilbert ang sobre na may lamang pera. “Nandito ang perang napanalunan ko. Sorry sa gulong ginawa ko pero kailangan ko lang talaga ng pera noon. Ibinabalik ko na. At natitiyak ko sa iyong pinaghirapan ko lahat ‘yan. Kung gusto ninyo ng public apology…”
“You did that already,” wika ni Vix. “Naiintindihan ko kung bakit mo ginawa iyon.”
“Ako rin,” sang-ayon ni Freezia. “Kahit siguro ako ang nasa sitwasyon mo gawin ko rin iyon para sa pamilya ko.”
“Wala pa rin akong tiwala sa kanya,” sabi ng Papa ni Noah. “Magiging miserable lang si Noah sa kanya. I prefer someone like Amber. Nag-iisip siya ng maayos. At galing sa magandang pamilya. She’ll do you good, Noah. For sure, mas magiging maunlad ang pamilya natin kung siya ang pipiliin mo.”
“Ganyan naman kayo, Papa. Walang mahalaga sa inyo kundi pera. Kaya pinarusahan ninyo si Mama dahil minahal ninyo siya kahit wala siyang pera. Ayokong maging katulad ninyo!” pambabara ni Noah dito. Malungkot nitong tiningnan si Amber. “I am sorry, Amber. Hindi na kita mahal. Si Olay na ang mahal ko.”
“Napapasaya ka ba ni Olay, apo?” tanong ni Lolo Marcelino.
“Alam ninyo ang sagot diyan, Lolo,” sabi ni Noah at ginagap ang kamay niya.
Tumalikod si Lolo Marcelino at umakyat ng hagdan. “Pabayaan na ninyo si Noah. His happiness is more important than anything. Hindi siya katulad mo, Marc. Kapag nagmahal siya, ipapakita niya at pahahalagahan niya. At sa palagay ko, deserving din si Olay na mahalin ni Noah. I told you she’s special.”
Sa kabila ng pagpoprotesta ng Papa ni Noah ay sumakay sila sa kotse nito at walang nakapigil sa kanila. “Tama ba ang ginawa natin na aalis tayo?”
Tumango ito habang itinatapik ang kamay sa manibela. “Hindi ka matatahimik kung nagwawala pa rin si Papa. Tapos na ang performance mo. Ang pinsan at kapatid ko babalik ulit sa plaza para ituloy ang party. Okay na ang lahat. Kung sino ang mahal ko susuportahan nila.”
“Bakit mo nga ba ako mahal, Noah?”
Itinigil nito ang sasakyan sa tabi ng daan saka siya tinitigan. “Dahil kapag kasama kita, di ko kailangang ipaliwanag ang sarili ko. I can be a simple guy. Walang expectations sa akin. And you are a strong woman. Nagkamali ka pero hindi ka natatakot ituwid iyon. You can make me laugh. At alam ko rin kung paano mong mahalin ang mga tao sa paligid mo. At nararamdaman kong mahal mo ako. It makes me want to love you as well.”
Itinaas niya ang kamay. “Sandali! Alam mong mahal kita?”
Ngumisi ito. “Of course! I know you can’t help loving me. Nakikita ko naman sa mga mata mo na in love ka sa akin.”
Tinakpan niya ang mga mata. “Ganoon ba ako ka-transparent?”
INalis nito ang mga palad sa mata niya. “Noong una hindi ko matanggap na mahal kita. At first, you are just a pretty liar with great legs, nice voice and could make people laugh. At isinusumpa ko ang araw na hinalikan mo ako. I even hated you so much. But you have a great heart, Olay. That’s makes you special. That’s why I love you. At maswerte ako dahil mahal mo ako.”
Mariin niya itong kinintalan ng halik sa labi. Naramdaman niya ang pamamasa ng mga mata niya. Nagiging emosyonal siya dahil sa pagmamahal nito sa kanya. “Noah, thank you! Kasi ikaw ang nag-iisang pangarap ko na alam kong imposible. But you gave me love. Pati ang importanteng competition iniwan mo nang magkasakit ako. Hindi ka natakot na sabihin sa lahat na mahal mo ako. Ipinagtanggol mo ako sa pamilya mo. Di mo ako ikinahiya sa pamilya mo. Kaya gagawin ko ang lahat para hindi mo pagsisihan ang pagmamahal mo sa akin. I love you! Pero sa palagay ko hindi naman worth it na mag-away kayo ng Papa mo dahil sa akin.”
“We fight about almost everything. Isa lang naman ang kailangan niyang matutunan. Ang maging masaya kapag nakikita kaming masaya ni Freezia. Basta ang alam ko inspired ako at masaya ako.” He started the engine again. “Babalik na tayo sa Stallion Island. I want to tell everyone that you are mine now.”
Kinintalan niya ito ng halik sa pisngi at ikinabit ang mp3 player niya dito. Napuno ang kotse ng masayang boses nila habang kumakanta ng Like a Virgin.
And she knew that she finally got the man that she deserved.