“Slade!” tili ng mga kababaihan pagpasok pa lang niya sa Incognito Bar. Ngumiti at kumaway siya sa mga ito. Ilan ay kilala niya habang ang iba naman ay di pamilyar ang mukha sa kanya. Maging ang mga kalalakihan ay tinatanguan siya at sinusundan siya ng tingin. Di lang dahil simpleng guwapo siya kundi itinuturing na siyang isang celebrity ngayon.
“Slade, na-miss ka namin!” sabi ni Ida na regular customer sa Incognito at ilang beses na rin niyang naka-date.
“Na-miss ko rin kayo.” Two months din siyang nawala dahil busy siya bilang piloto ng Swan’s Flight at regular route na niya ang biyahe papuntang Stallion Island.
Ang Stallion Island marahil ang pinakasikat na eksklusibong isla sa Pilipinas. Doon nagkakampo ang mga guwapo, sikat at mayamang kalalakihan. Di naman siya sikat dati pero sumikat siya nang maging piloto at miyembro ng isla.
Kung dati ay naguguwapuhan lang sa kanya ang mga kababaihan, ngayon ay pinagkakaguluhan na siya ng mga ito. And he loved it. Worth it ang pagiging miyembro niya ng Stallion Island.
“Slade, kailan mo kami dadalhin sa Stallion Island?” tanong naman ni Kitty at yumakap sa baywang niya.
Pinisil niya ang baba niya. “Pag-usapan natin next time. Okay?”
Hindi siya basta-basta nagpapasok ng babae sa Stallion Island. Kung magpapasok siya ng babae, titiyakin niyang gusto niya itong maging seryosong girlfriend. Sa ngayon ay masaya na siya na makipag-date sa mga babaeng nakikilala niya sa Stallion Island. Hindi pa siya ready na ma-in love. Hindi pa siya ready sa commitment. Masyado pa siyang bata para magseryoso.
“Girls! Later, later! Nandito si Kuya para dalawin ako. May importante kaming pag-uusapan,” singit ng pinsan niyang si Alfred at isa sa mga may-ari ng Incognito Bar. Nagsimangutan ang mga kababaihan at nagsilayo sa kanila.
Humalakhak siya at tinapik ang balikat nito. “Kumusta? Napasugod ako nang wala sa oras dito dahil sa tawag mo.”
“Umupo ka muna, Kuya,” anito at inakay siya sa couch na nasa VIP area ng bar. “Gusto mo ng brandy?”
“Ikaw ang bahala,” sabi niya at sinundan ito ng tingin habang kausap ang isa sa mga waitress na halatang nagpapa-cute dito pero di man lang yata interesado ang pinsan niya dito. His brother changed a lot. Tumaba din ito sa loob lang ng dalawang buwan. “Mukhang lumolobo ka yata,” puna niya.
Natatawa lang itong tumabi sa kanya. “Alaga ni Misis.”
At inisa-isa nito kung paano itong alagaan ng asawa nito. Apat na buwan na itong kasal sa tatlong buwan nitong naging girlfriend na si Miriam. Samantalang ilang buwan lang ang nakakaraan ay katulad niya ito. Walang planong mag-commit sa isang babae. Walang balak mag-asawa. Ngayon ay happily married na ito. Ayaw nitong tumingin sa ibang babae at mukhang satisfied naman ito. He was in love. Isang bagay na malayong realidad para sa kanya. He loved his freedom.
Isang maliit na picture ang inilabas nito. “Ito ang importanteng gusto kong ipakita sa iyo.”
Nakakunot ang noo niyang tinitigan ang black and white na image. Hindi niya maintindihan kung para saan iyon. “Ano ‘yan?”
“Sonogram ni Miriam. Magiging daddy na ako.”
Napanganga siya habang nakatitig sa masayang mukha nito habang nagsisisigaw. Magiging tatay na ‘to? Parang milya-milya na ang layo nito sa kanya. Lalo niyang naramdaman ang kaibahan nilang dalawa.
“Congratulations!” aniya at itinaas ang baso ng brandy. “Hindi ko alam na may plano pala kayong magkaanak.”
“Sino ba namang mag-asawa ang di gugustuhing magkaanak. Siyempre iyon ang bunga ng pagmamahalan namin.”
Damn! Parang ito nga ang buntis at hindi ang asawa nito. Masaya naman siya para sa pinsan niya. Then why did he feel so empty? Hindi naman siya naiinggit dito. Aanhin naman niya ang asawa at anak? He couldn’t imagine himself holding a baby. Nah! Nakakasira sa bachelor image niya.
“Ikaw? Kailan ka naman titigil sa pagiging playboy mo?” tanong nito at siniko siya. “You are not getting any younger.”
Umasim ang mukha niya. “Inom na lang tayo.”
Pambihira! Paano naman siya magse-celebrate kung wala itong bukambibig kundi ang pag-aasawa at pagpapamilya? Di dahil ito ang matalik niyang kaibigan at halos magkadugtong na ang bituka nila, kailangan niyang tumulad dito.
“Dapat mong makilala ang pinsan ng asawa ko. Mabait at very sweet. I think you’ll hit it off if you go out.”
Napailing na lang siya. Kung magrereto ang pinsan niya para sa babaeng ang hanap sa kanya ay seryosong relasyon, mabibigo lang ito. No! A girl who was eyeing to wear his wedding ring was a big no-no!
Habang iniisa-isa ni Alfred ang magagandang katangian ng pinsan ng asawa nito ay nag-ring ang cellphone niya. Agad niyang sinagot iyon nang di tinitingnan kung sino ang tumawag. “Hello, baby doll!”
“Kuya Slade! Thank God! I need your help.”
It was his cousin Peachy, Alfred’s younger sister. “What is it, baby doll? What can I do for you?” malambing niyang tanong.
“Are you with Kuya Alfred? Naku! Huwag mong sasabihing ako ito. I am in trouble, Kuya. You have to help me,” mangiyak-ngiyak nitong sabi.
Kung maiiyak na ito, ibig sabihin ay nasa trouble ito. Malapit ito sa kanya. Fifteen siya nang ampunin siya ng magulang nina Alfred at Peachy. Dahil nag-iisang babae ay spoiled si Peachy sa kanila ni Alfred. Binilhan pa nga ito ng mamahaling kotse ni Alfred nang mag-debut. A Porsche.
It was outrageous, he knew. Pero mahal ni Alfred si Peachy. Matataas naman ang grades nito sa school. Ayaw lang nilang nababarkada ito o kaya ay magpapaligaw. Kailangang makatapos muna ito ng pag-aaral bago ang boyfriend.
“Where are you?” tanong niya habang sinusulyapan si Alfred. Maasim ang mukha nito. Iniisip siguro nito na may babae na naman siyang kausap.
Ibinigay nito ang address sa kanya. “Kuya, huwag mong sasabihin kay Kuya Alfred. Please!”
“Pupuntahan kita diyan ngayundin. Wait for me, baby doll.”
“And please bring cash.”
Nakakunot ang noo niya sa huling sinabi ni Peachy pero binalewala na lang niya. Saka na siya magtatanong. Ang importante ay makaalis siya doon.
“Ano ‘yon?” tanong ni Alfred matapos ang pag-uusap nila ni Peachy. “Huwag mong sasabihing aalis ka para sa baby doll mo.”
“Hindi ko pwedeng matanggihan ang babaeng nangangailangan ng tulong,” aniya at tumayo.
“Pero nagse-celebrate pa tayo. Saka sa bahay ka tutuloy. Nandoon si Ester. Para makilala mo over breakfast.”
Tipid siyang ngumiti. “Dadalawin ko na lang kayo ni Miriam bukas. Okay?”
Pumalatak ito. “Hindi pwedeng ganyan lagi, Kuya Slade. You need a woman who will give direction to your life.”
Pagak siyang tumawa. “Hindi ako naliligaw ng landas, Alfred. Believe me. I must be going.”
Naiiling na lang siya habang nakasakay ng taxi papunta kay Peachy. Kahit na sabihing piloto siya, wala siyang amor sa pagpapatakbo ng kotse.
Ano ba ang pinagsasasabi ni Alfred? Sigurado siya sa gusto niya sa buhay. Hindi niya kailangan ng babaeng magbibigay ng direksiyon sa buhay niya.
He was free as a bird. Kahit anong gusto niya ay maari niyang gawin. Walang magdidikta. Bakit niya kakailanganin ng isang babaeng magtatali sa kanya? Hindi nga niya pinoproblema ang pagiging binata niya. Di rin iyon dapat problemahin ni Alfred. After all, it was his life. And he loved his life.
Makalipas ang kalahating oras ay dumating siya sa address na ibinigay sa kanya ni Peachy. Kumunot ang noo niya. The neighborhood looked a bit rough. May nag-iinuman sa kanto sa tindahan at may mga tambay na nagninigarilyo habang nakaupo sa may gutter ng kalsada. May mga poste na walang ilaw. Kung mayroon man ay mukhang mapupundi pa. Anong ginagawa ni Peachy doon?
He knew his cousin. Hindi sa ganoong klaseng neighborhood ito tatapak at di rin nito idadaan ang sasakyan nitong mamahalin sa ganoong lugar. She said she was in trouble. Kinabahan siya. Di naman siguro ito nadisgrasya.
Ihinimpil niya ang sasakyan niya sa tapat ng isang car repair shop. Jose’s Car Repair Shop ang nakalagay sa karatula. Sa loob niyon ay nakaparada ang Porsche ni Peachy. Nakaupo naman sa isang bangkito ang pinsan niya habang umiiyak.
Niyakap agad siya nito nang makita siya. “Kuya Slade! Sabi na nga ba’t hindi mo ako matitiis.”
“Anong nangyari sa iyo? Anong nangyari sa kotse mo?” tanong niya. “Saka anong ginagawa mo dito sa lugar na ‘to?”
Iniikot nito ang daliri sa dulo ng kulot na buhok. “Ihinatid ko ang friend ko tapos traffic dahil may accident. So I took a short cut. Then, may narinig na lang akong pumutok. Nakita ko na lang butas ang gulong ko.”
Nanlaki ang mata niya. “Nabutas lahat?”
“Mabuti na nga lang nandoon kami ng mga kaibigan ko at nag-iinuman,” sabi ng lalaki na patpatin at puro tattoo. “Idinala agad namin sa pinakamalapit na talyer.”
“Pinalitan namin ang isang set ng gulong. Wala pala siyang spare tire,” sabi ng mekaniko na maliit at may kapayatan din pero di naman mukhang lasenggo. May grasa pa ang mukha nito. Parang malambot din ang boses nito na mas babagay sa isang babae kaysa sa isang lalaki. Tinitigan niya ito. Magulo ang buhok nito na naka-pony pero sa palagay niya ay maamo din ang mukha nito katulad sa isang babae.
Pambihira! Anong nangyayari sa kanya? Hindi naman siya interesado sa mga lalaking mukhang babae. Hindi pa naman siya nababakla. Interesado lang siya sa mga babae. Sa mga babaeng malinis at mabango. Dahil kahit naging babae pa ang kaharap niya, hindi niya trip ang mga babaeng mukhang taong grasa.
Napapitlag siya nang kalabitin siya ni Miriam. “Kuya, I need money. They want cash. As in duh! Ayaw nilang tanggapin ang credit card ko. I can’t believe it. May lugar sa mundo na walang credit card.”
Ipinilig niya ang ulo at inalis ang tingin sa mekaniko. Binalingan niya ang pinsan. “Magkano ba lahat ang babayaran?”
“Ten thousand pesos.”
“ANO? Ten thousand pesos! Hino-hold up ba ninyo kami?”
Nagpanting ang tainga ni Josef sa lalaking bagong dating. Akala mo naman kung sinong makaakusa. Holdaper daw sila. Huh! Mukhang gusto yata nitong masaktan. Pilit siyang ngumiti kahit ang totoo ay gusto niyang markahan ng sapatos niya ang guwapo nitong mukha.
“Sir, isang set po ng gulong ang ipinalit namin. Ten thousand pesos po. Free of charge na nga ang service mismo,” malumanay niyang paliwanag. “Kahit po saan kayo magtanong, iyon ang presyo.”
“Saka hindi holdaper si Josef,” depensa naman ni Tikboy sa kanya. “Inabala pa nga namin ‘yan samantalang marami pa siyang trabahong gagawin dapat. Saka di madaling magpalit ng gulong.”
Humagikgik ang may-ari ng kotse na si Miriam. Kanina pa niya napapansin na habang nag-aayos siya ng gulong ng kotse nito ay pa-cute ito ng pa-cute sa mga tambay doon. “Pasensiya na. Wala kasing alam sa kotse si Kuya Slade.”
“Wala naman palang alam. Ang yabang,” mahina niyang usal. Nasa Slade na ito ang inaayawan niya sa isang lalaki- guwapo at amoy mayaman. Simpleng kotse lang ay wala pa itong alam. Ayaw niya sa mga lalaking mukhang walang alam.
“Anong walang alam?” angal ni Slade. “Saan ka ba naman nakakita ng basta na lang nagkalat na spikes sa kalsada tapos nabutas lahat ng gulong mo? Modus operandi nila ‘yon para kumita ang talyer at tire shop nila.”
“Ano?” high pitched niyang bulalas at inililis niya ang manggas ang T-shirt niya. “Gusto mo bang magkasubukan tayo?”
Nakililis na rin ng manggas si Tikboy at ang tropa nito. Handa nang makipagbabag. “Ano? Tuturuan na ba namin ng leksiyon?”
Ngumisi si Slade at inilagay sa likuran nito si Miriam. “See? Ngayon hina-harass na ninyo ako. Sindikato siguro kayo.”
“Baka kayo ang sindikato. Manunuba!” akusa niya. “Gusto ninyong takasan ang bayarin ninyo. Inayos naman namin ang sasakyan ng kasama mo, ah! Ikaw siguro ang may modus operandi. Kung ayaw mong magbayad, sa baranggay na lang tayo mag-usap! Kalalaki mong tao…”
Itinaas nito ang noo. “Sandali! Usapang lalaki na ‘to…”
“Eeee!” parang sirena ng bumberong tili ng kapatid niyang si Jillian. Dali-dali itong yumakap kay Slade. “My goshness! Itigil ang karahasang ito! Sir, huwag ninyong saktan si Josef. Please! Ibibigay ko ang puso’t kaluluwa ko huwag mo lang saktan ang kapatid ko.”
Parang di naman alintana ni Slade na yakap-yakap ito at “pinagsasamantalahan” ng kapatid niya. “Ito kasi! Ang mahal maningil.”
Hinaltak niya ang kapatid palayo kay Slade. “Kuya, lumayo ka nga diyan! Baka gigolo ang isang iyan at ikaw pa ang pagbayarin.”
“I am not a gigolo!” protesta ng lalaki at inilabas ang wallet. Naglabas ito ng ilang daang libong papel. “Here! Ten thousand pesos.” Naglabas ito ng dalawang libong piso pa. “Additional two thousand pesos for the services.”
Natigagal siya nang mahawakan ang malutong at mainit-init pang pera sa ibabaw ng palad. May bayad pa ang serbisyo niya.
“Hindi peke ang perang ‘yan,” paniniyak nito.
“S-Sandali. Gagawan ko ng resibo,” sabi niya nang matagpuan ang boses. Akala kasi niya ay magkakaladkaran pa sila sa baranggay para lang makuha niya ang bayad. Gusto pa mandin niyang ipahiya ang mayabang na lalaki.
“Don’t bother. We are leaving,” sabi nito at pinapasok na si Miriam sa sasakyan. “Let’s go!”
“Bye, boys!” sabi ni Miriam at nag-flying kiss pa sa mga lalaki.
“Slade? Slade!” bulalas ni Jillian at tiningnan ng mga pictures sa cellphone. “Josefa, si Slade Villacorta ‘yung lalaking nandito kanina at member siya ng Stallion Island.” Halos iduldol nito sa mukha niya ang cellphone nito na may larawan ng mga Stallion Boys na kinuhanan nito sa isang magazine.
“Kaya naman pala mayabang ang isang ‘yon. Stallion Boys! Huh! Di naman pala kaguwapuhan,” aniya at binilang ulit ang perang ibinayad sa kanya.
“Mas guwapo naman akong hamak doon,” sabi ni Tikboy.
Matalim niya itong tiningnan. “Ikaw! Hindi ka pa tapos sa akin.” Sa palagay niya ay may basehan ang akusasyon ni Slade na “modus operandi” ang pagkakasira ng kotse nito. Mamaya ay kakastiguhin niya si Tikboy.
“Slade! Come back!” tili ni Jillian na paglingon niya ay nakalupasay na sa kalsada. “Nandito ako. Ako ang destiny mo! Isama mo ako sa Stallion Island!”
Iniikot niya ang mga mata. Pasalamat na lang siya dahil hindi siya baliw sa mga Stallion Boys. Mas guwapo pa rin ang tao sa pera kaysa sa Slade na iyon.