Nakakunot ang noo ni Josef habang nagbabasa ng diyaryo. Kumakain siya ng pandesal na may Cheez Wiz habang binabasa ang sports. Tatawag ulit siya sa tatay niya mamaya at kailangang may maikwento siyang bago dito. Mahilig kasi ito sa basketball at paboritong koponan ng Ginebra. Di siya nakapanood ng laro nang nakaraang gabi dahil inunahan siya ng nanay at ni Jillian sa TV.
“Nay, ganito ang drama ko nang hinabol ko si Slade! Slade, come back!” anito at ginaya na naman ang arte nito nang habulin nito ang sasakyan ni Slade.
“Aba! Sayang naman pala at hindi ko nakita. Guwapo nga ang Slade Villacorta na iyon, no? Kailan kaya siya babalik nang makamayaman ko naman,” sabi ng nanay niya.
“Nay, hindi na babalik ‘yong mayabang na ‘yon,” kontra agad niya. “Hindi welcome ang mayabang at antipatiko na ‘yon dito.”
“Heh! Hindi ka kasi girl dahil parang siga ka kung makipag-usap sa kanya. Makikipag-away ka pa. Paano kung nasaktan mo siya? Mahal ang babayaran natin,” sermon ng Kuya Jillian niya. “Naku! Abnormal ka talaga. Stallion Boylet na ang nasa harap mo, di mo man lang napansin.”
Tinungga niya ang kape at sinundan ng tubig saka nag-toothbrush habang patuloy ito sa pagsesermon. Na kung naging pa-girl lang daw siya, sana ay di nakawala sa mga kamay nito si Slade Villacorta.
Guwapo lang naman ito at mayaman. Member lang ito ng Stallion Island. Bakit kailangan niyang magpaganda para dito? Di naman niya pangarap na maging Cinderella at makabingwit ng prinsipe. Kalokohan lang ‘yon. Hindi niya ugaling mag-daydream. Alam niya kung ano ang realidad. May tatay siyang nakakulong sa ibang bansa na gusto niyang makalaya. May auto shop siya na dapat palaguin. Iyon ang bubuhay sa pamilya niya. Hindi isang Slade Villacorta. Hindi isang antipatiko at mayabang na Prince Charming.
“Pupunta po muna ako sa talyer, Nay,” paalam niya at iniwan ang kapatid niya sa pangangarap nito.
Pagdating sa talyer ay sinalubong agad siya ni Tikboy na may dalang bulaklak. “Josef, my love! Mas maganda ka pa sa…”
“Ilaga mo na lang ‘yang bulaklak mo at inumin mo. Huwag kang lalapit sa akin! Mamarkahan ko ng gulong ang mukha mo,” banta niya at kinausap ang isang mekaniko tungkol sa idinalang owner sa kanila kagabi.
“Hindi mo pa rin ba ako mapapatawad dahil sa ginawa ko?” tanong nito.
“Tikboy, nagkalat ka ng spikes sa kalye. Nakasira ka ng sasakyan. Kung madedemanda ka, madadamay pa ako dahil sa kagagawan mo!” At ang huling kailangan niya ngayon ay ang mademanda at makulong. Dalawa na sila ng tatay niya sa kulungan at dagdag alalahanin pa iyon sa pamilya niya.
“Ginawa ko lang naman iyon dahil mahal kita. Masisisi mo ba ako kung nagawa ko man ‘yon dahil sa pagmamahal ko sa ‘yo?” tanong nito at lumuhod. Nairita siya dahil tumigil ang mga mekaniko niya sa pagtatrabaho para panoorin sila at tuksuhin.
“Josef, bati na kayo! Sagutin mo na kasi,” kantiyaw ni Paquito na isa sa barkada ni Tikboy.
“Kung ikaw na lang kaya ang magpaligaw dito kay Tikboy?” sabi niya at kinausap ang paparating na customer. Magtatrabaho na lang siya kaysa makipagligawan. Panira lang ng kabuhayan ang mga lalaki.
Pagdating ng tanghali ay nanlilimahid na siya sa grasa at dumi. Ten-wheeler truck kasi ang ipinagawa sa kanya. Mabuti na lang at nakakontrata sila sa mga truck na nagde-deliver ng buhangin.
Itinulak niya ang sarili palabas sa ilalim ng sasakyan nang lapitan siya ni Paquito. “Boss, may naghahanap po sa inyo,” ngiting-ngiting sabi nito at hinila pa siya. “Dali, Boss!”
“Sino ba kasi ‘yan at nagmamadali ka?” tanong niya dahil muntik na siyang matalisod. Zobel-Ayala ba ang kliyente nila at malaking pagkakaperahan kaya minamadali siya nito?
Isang magandang babea ang naghihintay sa kanya. Mukha itong pamilyar sa kanya pero di niya maalala kung saan niya nakita. “Hello, Miss Josefa?”
“Josef na lang, Ma’am,” aniya at tinitigan itong mabuti. Saka niya napansin ang camerama na kumukuha ng video niya. “Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo? May ipapaayos po ba kayong sasakyan?”
“Hindi mo ba ako nakikilala? I’m Feliztine Pascual from Stallion Shampoo Makeover Challenge.”
“Ah!” aniya at tumango. Mas maganda kasi ito sa personal kaya di niya masyadong nakilala. “Gusto ninyong mag-shooting dito?” Magkano kaya ang ibabayad sa kanya ng mga ‘to? Magandang promotion din iyon sa talyer niya. At ang mas maganda pa doon ay kung makukuha silang extra. Pera din iyon.
“Even better.” Hinawakan nito ang balikat niya at ihinarap siya sa camera. “Napili ka namin para sumali sa Stallion Shampoo Makeover Challenge. Makakarating ka sa Stallion Island, mami-meet ang mga Stallion Boys at tsansa mo nang matupad ang mga pangarap mo.”
Umiikot sa utak niya ang lahat ng sinabi nito. Stallion Makeover Challenge? Stallion Island? Stallion Boys? Wala siyang maintindihan sa mga sinasabi nito.
“Handa ka na ba sa challenge?” tanong ni Feliztine.
Napanganga siya. “H-Hindi naman ako sumali sa contest ninyo.”
“Hindi ka nga sumali pero may nagpadala naman ng sulat para sa iyo.” Isang staff ang lumapit at binasa ang sulat. “Dear Stallion Fairy Godmother…”
Itinaas niya ang dalawang kamay. Mukhang babasahin pa yata nito ang sulat. “Sandali! Sino ang nagpadala ng sulat?”
Inilipat nito ang may ilang pahinang sulat. “Nagmamahal, Letty and Jillian Gastambide. Nanay at ate mo daw sila.”
Itinaas niya ang isang kamay. “Sandali! Sandali lang, ha?” Malalaki ang hakbang na tinungo niya ang parlor ng kapatid niya sa kanto. Parang susugod siya sa giyera. Humahangos ito palabas ng parlor ng maabutan niya.
“Sister!” tili nito. “My dear sister! nandiyan daw sa talyer mo si Feliztine at ang mga crew ng Stallion Shampoo Makeover Challenge. Napili ka ba?” Kinawayan nito ang paparating na crew at si Feliztine. “Hi! Ako ang nagpadala ng sulat para sa kapatid ko. Kunan na naman ninyo ako ng camera. Araw-araw akong nagpapaganda para sa moment na ‘to.” Kinuha nito ang microphone kay Feliztine at itinutok ang mukha sa camera. “Ano? Ready na ba? Pwede na ba akong mag-speech?” Niyakap siya nito. “I am so happy for you, sister. Sabi ko naman sa iyo, bukas luluhod ang mga tala. Mahuhulasan ka rin ng grasa.”
“Ah, Ate! Si Miss Josefa po ang gusto naming kunan ng comment. Kasi siya po ang napili. Mamaya na po ang mga relatives, friends, neighbors and countrymen,” sabi ng staff at ibinigay kay Feliztine ang microphone.
Inumang ng host ang microphone sa bibig niya. “Miss Josefa, ano po ang masasabi ninyo at napili kayo ng Stallion Shampoo sa makeover challenge na ito?”
Gusto na lang niyang lumubog sa kinatatayuan niya. Ano bang nangyayari? Stallion Makeover Challenge? Anong gagawin sa kanya? Mala-Cinderella? Nasapo niya ang pisngi at namumutla niyang niyuko ang dibdib. Ire-retoke ba ang katawan niya? Patatangusin ang ilong? Tutuklapin ang pilik-mata? Palalakihin ang dibdib?
“Ayoko!”
HINDI mapakali si Josef habang pabalik-balik ng lakad sa kuwarto niya. Doon siya nagkulong kasama ang nanay niya habang naghihintay naman ng desisyon niya ang mga staff ng makeover challenge show sa sala at ine-entertain ng kapatid niya. At nakatambay sa labas ng bahay nila ang buong baranggay para mag-usyoso at maki-tsismis. Malamang ay gustong ma-expose sa TV.
“Nay, ano po ba ang pumasok sa utak ninyo at isinali ninyo ako sa gulong ‘to? Gusto ba ninyo akong gawing katatawanan ng mga tao? Wala naman po akong planong mag-artista. At lalong wala akong planong iretoke sa katawan ko!”
Hanggang ngayon ay di pa rin humuhupa ang pagkabigla niya. Akala niya dati ay nagbibiro lang ang nanay at kapatid niya tungkol sa pagsasali sa kanya sa contest na iyon. Malay ba niyang tototohanin ng mga ito? Kaya ngayon ay di niya alam kung ano ang gagawin. Oras na lumabas siya sa TV, di na magiging normal ang buhay niya. At lalong di na magiging normal ang dibdib niya. Baka iparetoke ng mga ito at gawing parang pakwan o papaya. Baka makuba siya.
“Anak, hindi naman kayo ipapa-plastic surgery. Tuturuan ka lang naman mag-ayos at kumilos na parang babae.”
“Naku, Nay! Si Kuya Jillian na lang po ang pasalihin ninyo.” Wala naman siyang planong mag-inarte katulad ng ibang babae.
“Babae nga ang kailangan nila. Totoong babae.”
“Totoong babae na desperada na makapang-akit ng mga Stallion Boys. Mga babae na hindi masaya sa mga itsura nila. Hindi ako katulad nila, Nay.” Masaya na siya sa itsura niya kahit na madalas siyang tawaging Babaeng Grasa. Di rin siya addict sa mga Stallion Boys. Di lang naman ang mga ito ang lalaki sa mundo.
“Kundi ka desperada, ako desperada na. Baka ito na ang tsansa na mapalaya ang tatay mo sa kulungan,” nanginginig ang boses na sabi ng nanay niya.
Natigagal siya sa sinabi ng nanay niya. Siguro nga ay desperada ito. “Pwede ba tayong manawagan sa TV para kay Tatay?” Ang alam niya ay puro pagpapaganda lang naman ang gagawin sa makeover challenge na iyon. mabuti sana kung makakatulong ang paglabas niya sa TV para mapalaya sa kulungan at makauwi ng bansa ang tatay niya.
“Kung mananalo ka sa makeover challenge nila, tutuparin nila ang isang pinakamahalagang kahilingan mo.” Ginagap nito ang kamay niya. Nagsisimula nang mangilid ang luha nito at sumilay ang lungkot sa mga mata nito. “Anak, kung pwede lang akong sumali. Kami ng kuya mo, ginawa na namin. Gusto na rin naming umuwi ang tatay mo. Alam ko naman na ginagawa ninyong magkapatid ang lahat pero hindi iyon sapat. Nami-miss ko na siya. Hindi lang ninyo nakikita pero umiiyak ako gabi-gabi. Ayoko lang makita niya kasi alam ko malulungkot lang siya lalo sa kulungan. Mas gusto ko na nga lang makulong kasama niya.”
Niyakap niya ito. Ngayon lang niya nakitang ganito kalungkot ang nanay niya. Nagkukunwari lang itong masaya sa harap nilang magkapatid at pati sa tatay nila. Pero ang totoo nahihirapan na rin ito. Lalong bumigat ang pakiramdam niya.
“Tumahan na po kayo, Nay.”
“Titigil na akong umiyak kung maibabalik na sa atin ang tatay mo. Ito na ang pag-asa natin. Sasali ka ba sa contest na iyon para mabuo ulit ang pamilya natin?”
Marahan siyang tumango. “Ako po ang bahala, Nay.”
Huminga siya ng malalim bago matatag ang hakbang na lumabas ng kuwarto. Habang pababa siya ng hagdan ay naglingunan sa kanya ang lahat ng mga tao sa sala. Nakita niya ang pag-asam sa mata ng kapatid niya subalit naroon din ang kaba. Oras na tumanggi siya, tuluyan nang mawawala sa kanila ang minsanang pagkakataon na iyon.
“Sasali na ako,” deklara niya.
Naghiyawan ang mga kapitbahay at maging si Feliztine na host ay pumalakpak. Tuwang-tuwa siyang niyakap ng kapatid niya. “Thank you, sister. Hindi mo ito pagsisisihan. Ako ang magiging manager mo.”
Ngiti lang ang isinagot niya sa kapatid niya. Gagawin niya ang lahat para sa tatay niya. Kahit na magmukha pa siyang tanga sa harap ng buong mundo habang nagpipilit maging tunay na babae. Bahala na ang Diyos sa kanya.
USAP-USAPAN sa Stallion Island ang announcement na naka-flash sa bulletin ng mga account nila at sa Stallion Island website na para lang sa mga members.
Nakangiti si Slade habang binabasa ang announcement sa laptop niya. Nasa Lighthouse Café siya at nagre-relax matapos ang buong araw na pabalik-balik na pagbiyahe sa Manila at Stallion Island.
Siniko siya ng supermodel na si Cody. “Gusto mo bang maging Prince Charming ng mga contestant sa Stallion Shampoo Makeover Challenge?”
“Para maging pangwalong village lord sa loob ng isang linggo?” Inilagay niya sa ulunan ang dalawang kamay. “Bakit naman hindi? After all, natural na akong Prince Charming. Madaling-madali lang sa akin iyan. Ang kailangan ko lang gawin ay ma-inspire ang babaeng makaka-partner ko.”
Nang mabasa niya ang naturang announcement ay may plano na agad siya. Kailangang maging village lord siya kahit na isang linggo lang. Isa iyong opportunity na di dapat palampasin. May pitong village lord sa Stallion Island. Isa doon ay isa pang tunay na prinsipe. And the rest were princely in their own rights. Kahit pa sabihing miyembro siya ng prestihiyosong Stallion Island, nasasapawan pa rin sila sa babaeng mga village lord. Mas unang isinisigaw ng mga kababaihan ang pangalan ng mga ito. Susunod lang silang member sa mamumutawi sa mga labi ng mga kababaihan. Tiyak na maraming babae ang magkakandarapa sa kanya lalo na’t may titulo na siyang village lord. The benefits for being a lord was unimaginable.
“Charm? Nasasapawan naman kita pagdating sa charm,” sabi ni Zach.
“Wala ka naman ng kalahati ng kakisigan ko,” pagmamalaki niya.
“Hindi ko alam bakit kailangan pa tayong isali sa kalokohan na ‘to,” sabi ni Andreev na laging bad mood.
“Pwede ka namang huwag sumali kung ayaw mo,” sabi ni Dare na basta na lang sumingit sa mesa nila.
“Hindi mo na kailangang sumali. Sikat ka na,” sabi ni Stefanos na nakakunot ang noo habang ang mata ay nakatuon sa Blackberry nito.
“No. Sa islang ito, isa lang akong alalay ni Trinidad Javellana, Jr. Sasali ka ba sa contest, Stefanos?”
“No! Wala akong planong makihalo sa mga kalokohang iyan. Magpatingin muna kayo sa resident psychiatrist natin. Kailangan ninyong tiyakin kay Andrya kung matino kayo para sumali sa kalokohang ‘yan,” sabi ni Stefanos at kasama si Andreev na pumunta sa third floor ng lighthouse.
“Killjoy talaga ng dalawang ‘yan,” sabi ni Arvind James. “Palibhasa mga di nabiyayaan ng charm katulad natin.”
“Pumunta na daw sa conference room ang lahat ng sasali,” anunsiyo ni Trent.
Kanya-kanya silang sakay ng kabayo papunta sa conference room na nasa Central Town. It was not the usual boring conference room. There were cozy couches and even a bar. Mas mukhang bagay mag-relax sa lugar na iyon kaysa mag-conduct ng formal business conferences.
“Magkakaroon tayo ng bunutan,” anunsiyo ni Aric, isa sa mga executives ng manufacturing company ng Stallion Shampoo and Conditioner. “Lima lang ang kinuha naming contestant para sa makeover challenge. Twenty kayo na nandito including five members who will join us thru video conference.”
Tatlo sa mga village lord ang naroon para sa i-oversee ang gaganaping botohan. Lotto roulette ang ginamit ng mga ito. Bawat lotto ball ay may lamang papel na nagsasabi kung pasok bilang Prince Charming o hindi.
Ilang miyembro na ang lulugo-lugong bumaba ng stage matapos blangko ang mabunot. Pinagkiskis niya ang mga palad. “Simula ngayon ay magsanay na kayong tawagin ako na Lord Slade.”
“It’s Lord Zac,” sabi naman ni Zac.
“Gusto ko maging Lord of the Rings,” sabi naman ni Cody at tumayo.
“Ang corny mo, pare!” halos sabi nila sa iisang boses.
Tuwang-tuwa si Cody nang mabasa ang laman ng lotto ball nito. “Pasok na ako. I am an official Prince Charming,” deklara nito.
“Congratulations!” sabi ni Aric. “Prince Charming ka ni…”
Nawala ang ngiti ni Cody nang mabasa ang nakasulat. “School Principal?”
Kumunot ang noo nila dahil kakaiba ang pangalan ng nabunot ng iba. May Babaeng Christmas Tree, Miss Siopao at Apo ni Maria Clara.
Nanginginig ang kamay niya nang sa wakas ay lumabas na ang lotto ball niya. Parang may masama siyang premonisyon nang buksan iyon. Ngumiti si Aric. “Congratulations, Slade! Ikaw ang Prince Charming ng Babaeng Grasa.”
“Ano? Nagsali kayo ng Taong Grasa sa kalye at isasali ninyo sa challenge?”
Tinapik ng village lord na si Alexandros ang balikat. “That’s for you to find out, Prince Charming.”