Stallion Island Series Chapter 148

Ilang beses na pinagmasdan ni Josef ang sarili. Nasa harap ng salamin ang bunga ng isang linggong training niya. Tinuruan sila kung paano mag-make up, may-ayos ng buhok, pumili ng damit na bagay sa kulay at katawan nila at kung paano magpo-project sa harap ng maraming tao.

At ipapakita nila ang lahat ng natutunan nila sa princess trial. Sila ang nag-ayos ng sarili nila at pumili ng sarili nilang damit. Isang simpleng black matte jersey dress ang pinili niya pero pamatay naman ang four-inches gladiator na suot niya. Inilugay lang niya ang mahaba niyang buhok.

Hindi naman niya masasabing magandang-maganda siya pero kahit paano ay may alam siya dahil fashion critic ang mahadera niyang Kuya Jillian. Natatandaan niya kung gaano ito katinding manlait ultimo sa mga artistang nakikita nito sa TV. At tiyak niyang kapag pumalpak siya ay tiyak na lalaitin siya nito.

“Ang ganda-ganda mo!” sabi ni Babeth habang nakatutok sa kanya ang camera. “Hindi ko na makita sa iyo ang bakas ng babaeng grasa.”

Pinagsalikop niya ang palad. “Hindi ako mukhang trying hard?”

“Naku! Kapag nakita ka ni Fafa Slade, tutulo ang laway niya sa iyo.”

Kakaiba lang ang itsura niya pero hindi naman siya ganoon kaganda. Nalagyan lang siya ng make up at napalitan ng damit pero parang wala naman halos nagbago sa kanya. Hindi siya ang babaeng magugustuhan ni Slade.

“Andiyan na siya!” excited na sabi ni Babeth nang may kumatok sa pinto.

Nanlalamig ang kamay niya nang buksan iyon. Siya ang natulala nang mapagbuksan si Slade. Guwapong-guwapo ito sa suot na tuxedo. Siya yata ang tutulo ang laway dito. Bagay nga ditong maging Prince Charming.

“Wow!” nausal lang nito habang nakatitig sa kanya. “Perfect ten.”

Siya naman ang na-conscious ngayon sa pagtitig nito. Di niya alam kung babalik siya sa kuwarto at sasaruduhan ito ng pinto dahil natutunaw siya sa titig nito. “Ang galing mong mambola,” bulong niya nang humawak siya sa braso nito. Ayaw niyang umakyat sa ulo ang papuri nito.

“Kapag sinabi kong maganda ang isang babae, maganda siya. Hindi ko na kailangang mambola. You may call me womanizer. Pero di ako sinungaling.” Hinawakan niya ang kamay nito. “Bakit nanlalamig ka?”

“Hindi pa ako sanay magsuot ng sapatos na mataas ang takong. Di ko alam kung paano nabubuhay ang mga babae na ganito ang suot. Hindi ba nababali ang mga binti at ang mga balakang nila?” reklamo niya. Anumang oras ay hinihintay na lang niya na matisod siya at madapa dahil sa sapatos na iyon.

Pinindot nito ang down button ng elevator. Hinila siya nito papasok. Hinapit nito ang baywang niya nang sumara ang pinto ng elevator at ihinarap siya nito sa salamin sa pinto. “Tingnan mo. Bagay tayong dalawa.”

Iniwas niya ang tingin sa salamin. Bakit kinakabahan siya? Malamang sinasabi iyon ni Slade sa lahat ng babae. Isa pa, isang ilusyon lang ang babaeng nakikita niya sa salamin.

Eleganteng karwahe ang naghihintay sa kanila sa paglabas nila na hila-hila ng dalawang puting kabayo. “Alam ko na ang pakiramdam ni Cinderella nang papunta siya sa palasyo.”

Di nagtagal ay nakita niya ang isang magandang villa na animo’y palasyo. May berdeng kabundukan sa likuran at magandang beach front naman sa harapan. Iyon ang Tuscan style villa ng village lord na si Gianfranco kung saan gaganapin ang princess trial.

Umakyat ang kabayo sa inclined ramp. Parang nasa Italy siya habang pinagmamasdan ang eleganteng tahanan. Nakaabang na ang ibang mga kasamahan niya sa pinto ng bahay. Sa labas gaganapin ang program kung saan nakaabang na ang mga judge.

Pinisil ni Slade ang kamay niya. “Kaya mo ‘yan!”

Saka siya mariing hinalikan sa labi. Mainit ang labi nito at napadilat na lang siya habang mistulang estatwa sa bisig nito. Biglang uminit ang malamig na hangin sa paligid nila. Hindi niya magawang gumalaw sa ilang sandali na iyon at sa palagay niya ay tumigil din sa paggalaw ang katawan niya.

Di niya alam kung gaano katagal dumampi ang labi nito sa kanya. Ang nakita na lang kasi niya ay ang likod nito habang naglalakad ito palayo sa kanya.

Hinalikan siya ni Slade! Hindi ba siya nag-iilusyon lang?

Nagulat na lang siya nang kalabitin ni Babeth. “Ano pang itinatayo mo diyan? Kanina ka pa hinihintay.”

Nakita ba ni Babeth nang halikan siya ni Slade? Malamang hindi. Kung nakita nito sana ay tinukso na siya nito. O baka naman hindi siya talaga hinalikan ni Slade at ilusyon lang niya iyon. Ilusyon lang niyang nararamdaman pa rin ang init ng labi nito. Ano bang nangyayari sa kanya? Nadadala ba siya ng ilusyon ng islang iyon?

Idinala siya sa kuwarto kung saan naghihintay ang ibang mga kasamahan niya. Humanga siya sa pagbabagong ginawa ng mga ito sa sarili. May confidence na ang mga ito at mukhang prinsesa sa bagong ayos.

“Wow! Pwede na kayong lumaban sa Miss Universe,” sabi niya at tinabihan si Carmilette na mukhang payat sa gown nito.

“Kaya nga naka-national costume ako,” pagmamalaki ni Trining na puro balahibo ang gown at may feathered headress pa. May mahaba pang train ang gown nito kaya nagmukha itong Ibong Adarna.

“Mag-practice ka nang maglakad,” sabi ni Teresa. “Hindi ka pa sanay sa high heels, di ba?”

“Oo nga. Baka sa princess challenge ka pa magkalat,” sabi ni Marmy at pinatayo siya. “Isipin mo na ginagawa mo ito para sa lalaking gusto mo. At prize mo ang halik niya.” Ngumiti ito. “Iyon kasi ang iniisip ko. At hindi ako pwedeng matapilok o madapa dahil titingin na siya sa ibang babae.”

Mukhang iyon din ang iniisip ng ibang mga kasamahan niya. Kailangan niyang mag-concentrate para di siya madapa o mawawalan siya ng pagkakataon para mailabas ang tatay niya ng kulungan. Hindi niya kailangan ng halik ng isang guwapong lalaki at ng halik nito para maging inspirasyon. Kalokohan!

May lakas na siya ng loob nang lumabas sa silid na iyon. Nang tawagin ng host na si Feliztine sa stage ay taas-noo siyang tumayo sa tuktok ng hagdan.

Parang sinapian siya ng kapatid niyang si Jillian. Lahat ng pinag-aralan niya sa araw na iyon ay ibinuhos niya sa bawat hakbang at ngiti niya.

Hinagod ng paningin niya ang mga audience. Kasama sa panel ang mga naging mentor nila para sa linggong iyon. Naroon din ang talo sa mga village lords. Kahit ang limang Prince Charming nila ay nandoon para magbigay ng scores.

Tumutok ang mata niya sa mismong Prince Charming niya. Nakatitig din sa kanya si Slade habang nakangiti. Hindi rin niya magawang alisin ang tingin dito. Paano kung ito ang lalaking gusto niya? At kung ang reward niya ay halik nito…

Parang lumutang ang utak niya. Ang halik nito. Ayaw niya ng panaginip lang. Gusto niya na tingnan siya ni Slade na parang isang tunay na babae at bigyan siya ng tunay na halik. Gusto niyang maging normal na babae kahit minsan lang. tutal minsan lang naman siya magmumukhang babae.

Nakangiti siya sa Slade. Nang ngumiti rin ito ay parang tumatapak siya sa ulap. Magaan ang bagsak ng paa niya. Wala na siyang pakialam sa nasa paligid niya. Si Slade na lang ang nakikita niya. At kahit na luminya na siya kasama ang iba ay sa kanya pa rin naka-focus ang mata nito.

Todo project naman siya. Di niya napansin na may isa pang baitang ng hagdan. Natisod ang paa niya at nadapa siya. Akala niya ay babagsak siya sa matigas na marmol na sahig subalit bumagsak ang katawan niya sa malambot at mabalahibong train ng gown ni Trining.

Bumitaw ang train sa gown nito. Nanlaki ang mata niya nang bumitaw ang ibabang bahagi ng gown at underwear na lang ang natira dito. Halos mabasag ang eardrums niya nang umugong ang malakas nitong tili sa villa.

“KASALANAN mo ‘to! Ipinahiya mo ako sa buong Pilipinas! Ako na sana ang nanalo sa princess trial na iyon! Pero dahil sa kapalpakan mo, natalo ako,” palahaw ni Trining habang ipinampupunas sa luha ang natanggal nitong gown.

“Trining, sorry na talaga. Hindi ko naman sinasadya,” sabi niya habang di makatingin nang diretso dito. Isa siyang malaking katatawanan. Sa kapo-project niya ay pagbagsak din pala ang aabutin niya. Mabuti na lang at hindi nasaktan si Trining. Hindi nga lang ito nanalo. Si Marmy ang nanalo sa princess trial nila.

“Basta! Galit ako sa iyo!” sabi nito at nagdadabog na sumakay ng karwahe na na nag-aabang dito para ibalik ito sa Island Guesthouse.

“Kahit naman di siya nahubaran, di rin siya mananalo sa akin,” sabi ni Marmy. “Maganda at magaling kasi ako, no?”

“Hindi mo kasalanan iyon. Nangyayari naman talaga ang mga aksidente,” sabi ni Carmilette.

“May next challenge pa naman,” nakangiting sabi ni Teresa. “Doon muna tayo sa kuwarto ko.”

Umiling siya. “Salamat na lang.” Lumapit siya kay Babeth. “Pwede bang maglakad-lakad muna ako?”

“Sige. Bukas simula na naman ng challenge. Mag-relax ka muna.”

Ayaw pa niyang bumalik sa Guesthouse at ayaw pa niyang harapin ang mga kasama. Masamang-masama ang pakiramdam niya.

Sumalampak siya sa marmol Tinanggal niya ang high heeled Gladiator niya. Malaking kalokohan kung isusuot pa niya iyon.

“That sandals looks good on you. Bakit mo tinatanggal?”

Nagulat siya nang makitang nakatayo sa harapan niya si Slade. “Nandito ka pa?” Ito ang huling taong gusto niyang makita. Malamang ay tawa ito ng tawa kanina. Baka nga ikinahihiya pa nitong maging Prince Charming niya.

“Dapat lang siguro na samahan kita pabalik sa Guesthouse, di ba? Hindi ka ba nasaktan kanina?”

Umiling siya at tumayo ng nakayapak. “Hindi naman. Pero tinanggal ko na rin ‘tong sandals kasi baka makasakit pa ako o masaktan ko ang sarili ko. Hindi naman talaga kasi ako nagsusuot dapat nito. Ewan ko ba. Niloloko ko lang ang sarili ko. Hindi naman ako katulad ng mga kasamahan ko na pwedeng magbago.”

“That’s not true. Kaninang nasa stage ka, hindi ko inakalang magagawa mo ‘yon. Ikaw ang pinakamagaling sa inyong lima kundi ka lang… well, accidents happen.”

Pinagtawanan lang niya ang sinabi nito. Tumayo siya at naglakad papuntang beach. “Ako? Magaling?” Tumingala siya para pigilang maiyak. “Hindi naman ako ‘to. Bakit kailangan kong papaniwalain ang sarili ko na pwede akong maging maganda? Kaya ako pumapalpak. Di naman ako dapat nandito. Mas deserving naman ang ibang babae kaysa sa akin. Hindi ko naman talaga gustong gumanda at magpapansin.”

Hinayaan niya ang sarili na isipin kanina kaya niyang maging maganda at eleganteng babae. Na pwede siyang maiba sa babaeng grasa na iniwan niya sa bahay. Na pwede siyang magustuhan ng isang lalaking katulad ni Slade.

Pero saan nauwi ang pag-iilusyon niya? Umurangod lang siya. Nagising siya sa pananaginip niya.

“Anong gagawin mo? Gusto mo nang mag-quit?” tanong nito at hinarangan ang dadaanan niya. “Bakit sumali ka dito kundi iyon ang purpose mo?”

Umupo siya sa buhanginan. Wala siyang pakialam kung madumihan man ang elegante niyang damit. “Isinali ako ng nanay at kapatid ko. Nagulat na lang ako nang magsuguran ang mga TV crew at isinusungalngal na lang ni Feliztine sa mukha ko ang microphone.”

“Bakit? Pangarap ba ng pamilya mo na maging beauty queen ka or something?”

Malungkot siyang ngumiti. “Hindi. Nagbabaka-sakali lang sila makakalaya ang tatay ko sa pamamagitan ko. Nasa Saudi siya at nagtatrabaho bilang chief mechanic. Kaso napagbintangan siyang kasangkot sa pagnanakaw kaya nakulong siya.” NIyakap niya ang tuhod niya at yumukyok. Hindi na niya mapigilang umiyak. “Matanda na si Tatay. Wala naman siyang kasalanan. Gusto ko nang umuwi siya.”

Niyakap siya nito mula sa likuran niya at hinaplos ang buhok niya. “I am sorry. Hindi ko alam na nakakulong ang father mo. Bakit di mo sinabi sa akin?”

Inangat niya ang ulo. “Ano namang magagawa mo? Wala ka naman kasing bukambibig kundi ang patunayan sa mundo na kaya mong akitin ang kahit sinong babae.”

Hindi na nito nagawang ngumiti. “Matalas talaga ang dila mo.” Pinahid nito ang luha sa pisngi niya. “Okay. Guilty ako diyan na parang gusto kong patunayan sa buong mundo na magugustuhan ako ng kahit sinong babae. Pero di ibig sabihin wala akong pakialam sa totoong nararamdaman nila. Siguro dahil ngayon lang ako nakatagpo ng babae na hindi puro tungkol sa akin ang bukambibig. Ipinapakita mo sa akin kung anong klaseng tao ka.”

Natigilan siya sa pag-iyak habang pinagmamasdan ito. Naging aware na naman siya sa mabangong cologne nito at sa init ng katawan nito. Parang mainit din na haplos ang bawat salita nito. Ano ba ito? Di naman siya inaakit ni Slade nang mga oras na iyon. Naroon ang awa at concern nito sa kanya at nararamdaman niya ang sinseridad nito. Pero bakit napaka-guwapo nito sa paningin niya.

Gusto na lang niyang bumuntong-hininga habang nakatitig dito. Naaakit siya kay Slade. Delikado ito. Pumapalpak siya dahil ito ang iniisip niya.

Pinahid niya ang sariling luha at tumayo. “Mukha akong tanga. Iiyak-iyak ako. Hindi naman ako iyakin. Pasensiya ka na.”

“Hindi ka talaga dapat umiiyak. Huwag mo nang i-down ang sarili mo. You have a great potential, Josef. Kailangan mo lang mag-concentrate sa competition at magustuhan ang ginagawa mo. Enjoy this chance. At sigurado ako sa iyo na pagkatapos nito, magagawa mong ibalik ang tatay mo.”

“Itutuloy ko lang ang laban,” usal niya at siniko ito. “Salamat, ha?”

“Huwag mo nang isipin ang nangyari sa gabing ito. Pagtawanan mo na lang. Ang importante mas malakas ka na paggising mo bukas. Anong oras ba ang call time ninyo bukas?” tanong nito nang nasa e-jeepney na sila pabalik ng guesthouse.

“Alas nwebe ng umaga,” sagot niya.

“Gumising ka ng mas maaga. Magpapa-reserve ako ng foot spa and massage para sa iyo. Pwede ring magbabad ka sa jacuzzi. You did great tonight.”

“Great? Pumalpak na nga ako. Mga winners lang ang binibigyan ng premyo.”

“Hindi mo naman kailangang maging winner. Prince Charming mo ako. Kailangang i-grant ko ang wish mo.” Ginagap nito ang kamay niya at kinintalan ng halik ang likod ng palad niya. “Your wish is my command.”

“Dialogue ng genie iyon. Hindi Prince Charming.” Kiniskis niya ang kamay na hinalikan nito. “Saka pwede mo bang gawin iyon?”

“You are a princess. You deserve to be pampered.”

“Libre naman, di ba? Di ako tatanggi,” nakangisi niyang sabi.

Nagiging mabait lang si Slade sa kanya. Wala iyong ibang kahulugan. Pero wala namang masamang kiligin sa gabing iyon. Nadala lang siguro siya ng gabing iyon o baka noon lang siya nagdadalaga kaya nakaranas siya ng konting crush. Pero lilipas din iyon.

Kailangan niyang mag-focus sa kompetisyon. At si Slade ay isang malaking distraction.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.