Stallion Island Series Chapter 147

Manghang-mangha si Josef sa ganda ng Stallion Island. Mula sa mga mamahaling yate na iba’t ibang laki na nakadaong sa pantalan at mga seaplane na nakababad sa tubig. Tanaw din niya ang asul na dagat at ang puting buhangin sa beach. Ang Terminal Pavillion ay kapantay ng mga first class airports sa ibang bansa sa ganda at sa pagiging high-tech. Matinding pagsala ang pinagdaanan niya bago siya nakapasok at nabigyan ng access ring na ipinasok sa machine. Sa device na iyon ay mamo-monitor kung nasaang bahagi siya ng isla.

Sa brochure na hawak ibinigay sa kanya ay mistulang isang magandang panaginip lang ang islang iyon. Isang pangarap na paraiso. Di nakapagtataka na maraming babae ang nagpapakamatay makatapak lang sa lugar na iyon. Malas lang niya dahil nandoon si Slade Villacorta.

Tahimik siya habang si Slade ang nagsisilbing guide niya habang sakay ng horse carriage na ihinanda para sa tour niya. Itinuturo nito ang magagandang view na natatanaw nila. Ang The Peak kung saan makikita ang sariling palasyo ni Prince Rostam, ang windmill na nasa tuktok ng kabundukan at ang magandang beach.

Kung makakalaya ang tatay niya, gusto niyang dalhin sa Stallion Island para makapag-relax. Kaya kailangang manalo siya.

Tumigil ang horse carriage sa harap ng Island Guesthouse. Ihinatid siya nito hanggang sa lobby. May isa nang staff na naghihintay sa kanya para ihatid siya sa kuwarto niya. “Tell them whatever makes you comfortable,” sabi ni Slade. “You have more than an hour to rest. Susunduin kita para ipasyal.”

Isang nang-aakit na ngiti ang ibinigay nito sa kanya. Kakaibang init ang gumapang sa katawan niya pero dali-dali niyang pinalis iyon. Akala ba nito ay magpapaganda siya para dito para lang sa isang ngiti? Nananaginip ito.

“Astig!” usal niya nang makita ang kuwarto niya. Elegante iyon at mukhang presko. May magandang view pa ng swimming pool at ng dagat sa di kalayuan.

Gamit ang cellphone ay tumawag siya sa nanay niya. “Nay, nasa Stallion Island na po ako. Ang ganda po dito.”

“O! Kumusta naman kayo ni Slade Villacorta?” tanong nitong may excitement sa boses.

“Nahalikan mo na ba siya?” halos isigaw ng Kuya Jillian niya. Naka-loud speaker ang cellphone ng mga ito.

“Huwag ngang ‘yung antipatikong Slade na iyon ang pag-usapan natin,” nakasimangot niyang sabi. Sa halip na kumustahin siya o ang Stallion Island ay si Slade agad ang isiningit ng mga ito. Wala siyang maiku-kwentong maganda kapag si Slade lang ang pinag-usapan nila.

“Ano bang nangyari? Mukha naman siyang mabait,” sabi ng nanay niya.

“Nay, huwag na po kayong magpakwento,” wika naman ng kapatid niya. “Malalaman din naman natin ang mga nangyari kapag napanood natin sa TV. At least doon mas kumpleto ang kwento. Oy, Josefa! Basta may pagkakataong maakit mo ‘yang si Fafa Slade, grab the chance na. Go na!”

“Basta ikumusta ninyo ako kay Tatay,” sabi niya. “Basta gagalingan ko dito.”

Inayos niya ang mga gamit sa malaking closet matapos ang tawag na iyon. May oras pa siya kaya inobserbahan niya ang mga tao sa tabi ng pool. Di kataka-takang gusto ni Slade na mag-ayos siya. Magaganda ang mga kababaihang nasa Stallion Island. Kundi lang dahil sa contest na iyon, baka iniluwa din siya ng isla. Hindi bagay ang itsura niya sa lugar na iyon.

Bumaba siya sa lobby ng guesthouse at nakita si Slade na napapalibutan ng naggagandahan at nagse-seksihan na mga babae. Mukhang modelo at artistahin pa nga ang mga ito. Isa sa mga iyon ay ang eskandalosang artista sa kinaiinisan nilang soap opera ng kapatid niya. Minsan kasi ay nasira ang antenna nila kaya napilitan silang magtiyaga sa kabilang istasyon. Pero nasira lang ang gabi nila dahil sa artistang iyon na di niya trip ang hilatsa ng pagmumukha. At parang sawa ito kung makalingkis kay Slade. Hindi ba may relasyon ito sa leading man nito? Bakit kailangan pa nitong lumingkis sa ibang lalaki?

Sa halip na lapitan si Slade ay nagtuloy-tuloy siya sa labas ng guesthouse. Binati agad siya ng driver ng e-jeepney. “Mamasyal kayo, Ma’am?” magalang na tanong ng driver. “pwede ko kayong ihatid kahit saan dito sa isla.”

Kumislap ang mata niya nang mapagmasdan ang e-jeepney. “Wow! Manong, okay bang i-drive ito?”

“Opo naman, Ma’am. Tahimik po ang makina at walang polusyon. Gusto po kasi ng mga village lords na environment friendly ang mga sasakyan dito. Kahit po ang pinanggagalingan ng kuryente namin solar at wind energy ang gamit. Si Lord Rouen nga po solar din ang nagpapatakbo ng lutuan niya. Pero pinaka-astig po ang kotse ni Lord Alexandros.”

Tiningnan ulit niya ang brochure. “Bakit sabi dito e-jeepney at mga kabayo lang ang pwedeng bumiyahe dito? Bakit may kotse?” Di dahil village lord ang car racer na si Alexandros ay pwede na nitong irampa ang kotse nito sa isla.

Umiling ang driver. “Hybrid car ata ang tawag doon, Ma’am. Dalawa ang kotse niya. Iyong isa pinapatakbo ng solar cell at iyong isa coconut oil. Basta po makakatulong sa kalikasan welcome dito sa Stallion Island.”

Aliw na aliw siyang magpakwento sa driver. Hanggang kinalabit siya ng PA na si Babeth. “Anong ginagawa mo dito? Kanina ka pa hinahanap ni Fafa Slade?”

“Hindi naman niya ako hinahanap. Mukhang busy siya doon sa mga babae niya,” sabi niya at ngumiti sa mamang driver.

Sinundo nito si Slade. Maya maya pa ay nagmartsa palabas ng guesthouse si Slade suot ang shades nito. Kasunod nito ang cameraman at PA. “Bakit hindi mo ako nilapitan kanina? Mukha akong tangang naghihintay sa iyo,” pagalit nitong tanong.

“Pasensiya na, Prince Charming. Masyado ka kasing busy sa mga babae na mo na puro sexy ang damit. Hindi mo napansin ang ka-partner mong mukhang basahan. Kaysa naman guluhin kita, nakipagkwentuhan ako kay Manong Jobert,” malambing pero may halong sarkasmo niyang sabi.

Napanganga ito at nagpapalit-palit ang tingin sa kanila ng driver na kasing tanda ng tatay niya. “What? Mas gusto mo pang makipag-usap kay Manong Jobert kaysa sa akin?” di makapaniwala nitong usal.

“Natural. Sabi niya ipapasyal niya ako sa terminal nitong e-jeepney,” excited niyang sabi.

“Ano namang gagawin mo doon?”

Naningkit ang mata niya. “Mekaniko ako. Natural na interesado ako sa sasakyan.” Tinapik niya ang katawan ng e-jeepney. “At itong sasakyang ito ang magiging sikat sa future.”

“Bakit di ka magtanong sa akin?”

Humalakhak siya na parang nakakainis. “Ano namang alam mo?” Sumakay siya sa e-jeepney at sinenyasan ang cameraman. “Halika! Itu-tour tayo ni Manong.”

Walang nagawa ang mga kasama niya lalo na nang magkwento pa si Manong Jobert tungkol sa ibang projects sa Stallion Island. Nakahalukipkip lang si Slade habang tahimik. Sumasagot lang ito kapag may tinatanong si Babeth na walang ginawa kundi magpa-cute dito.

Nag-enjoy siya sa pamamasyal sa terminal ng mga e-jeepney. Sa magandang benipisyo niyon, nangako siya na ipo-promote niya ang naturang sasakyan para sa mga kakilala niyang driver. Di lang pala iyon nakakatulong sa kalikasan. Mas malaki pa ang kikitain ng mga driver lalo na’t may krisis sa langis.

Subalit nanghinayang sila nang malamang wala ang village lord na si Alexandros sa isla. “Sayang. Akala ko makikita ko ang kotse niyang astig.” Tiyak na maiinggit ang mga tambay kapag naipagmalaki niya iyon.

“Iyong ano ko ayaw mong makita?” tanong ni Slade.

Kumunot ang noo niya. “Anong ano?”

Subukan lang nitong maging pilyo sa kanya, pipitsarahan niya ito. Hindi pa rin niya ito mapapatawad sa mga ginawa nito nang nakaraang gabi. Sinubok lang pala siya nito kung pinagnanasaan niya ito. At mukhang di ito titigil sa panunukso.

“Eroplano at kabayo ko. Doon sana kita dadalhin kanina.”

Nakahinga siya ng maluwag. Wala siyang planong gulpihin ito sa harap ng maraming tao. Baka mawalan na siya ng tsansa na manalo sa contest at mai-eliminate agad kahit wala pang napapatunayan.

“Gusto ko ‘yan.” Kahit na bano pagdating sa kotse si Slade, mukhang bumawi naman ito pagdating sa ibang bagay. Isa itong piloto at di iyon simpleng trababo. “Akala ko kung ano na,” bulong niya.

“Pero pwede ko namang ipakita ang ano ko kung ire-request mo,” wika nito at dinoble pa ang panunukso sa kanya.

“Anong ano iyan?” tanong ng cameraman.

Humalakhak si Slade ng malakas. “Si Josefa ang tanungin ninyo. Siya ang interesado sa ano ko.”

Nag-init ang mukha niya nang maalala ang nangyari nang nakaraang gabi. Na muntik na niyang makita ang ipinagmamalaki nitong “ano” kundi lang niya natuklasan na gising ito at nagpapanggap na lasing.

“Uy! Nagba-blush!” bulong nito nang magkatabi na sila sa e-jeepney at saka hinipan ang tainga niya.

“Tumigil ka! Itutulak talaga kita diyan!” banta niya dito at umusod palayo dito. Mariin siyang pumikit at bumilang ng isandaan. Kailangan niyang tiisin ang presensiya ni Slade. At kapag nanalo na siya sa contest na iyon, mawawala na rin ito sa buhay niya.

NAKASALAMPAK sa labas ng Horse Sanctury si Josef habang pinapanood ang mga kabayong malayang nakakatakbo sa loob ng malawak na damuhan. Maaga siyang bumangon dahil excited siyang panoorin ang mga kabayo. Napansin kasi niya na natanggal ang stress niya nang makita ang mga ito. at iyon ang kailangan niya sa pagsisimula ng araw na iyon. Ang mawalan ng stress.

“Tapsilog at kape?”

Gulat siyang tumingala at natagpuan si Slade na nakatayo sa likuran niya. May hawak itong magkapatong na tingting plate at mettalic mug na may laman marahil na kape. “Bakit ka nandito?” tanong niya at tumayo.

“Sinundo kita sa kuwarto mo pero maaga ka daw umalis. Bakit di mo sinabi sa akin na dito ka pupunta? Sinamahan sana kita.”

“Aabalahin pa kita.” Ito nga ang nagbibigay ng stress sa kanya. Kaya nga maaga siyang umalis. “Paano mo nalamang nandito ako?”

Ginagap nito ang kamay niya at nilaro ng daliri ang singsing niya. “This is a tracking device. Nandito ka daw sa Horse Sanctuary. Kaysa pilitin kang mag-breakfast kasama ako, ipinagdala na lang kita ng breakfast.” Inginuso nito ang park sa di kalayuan. “Doon ka na kumain. Bawal dito.”

Na-excite siya nang maamoy ang mabangong kape at tapsilog. “Paano mo pala nalaman ang paborito ko?”

Nagkibit-balikat ito. “Nabanggit sa akin ni Babeth na paborito mo iyon. Masarap ang tapsilog sa Wind Café.”

Di na siya makapagsalita dahil namumuwalan siya sa sunud-sunod na subo. Uminom siya ng kape at nag-thumbs up. “Astig talaga ‘tong isla ninyo. Kahit simpleng tapsilog lang nagagawang kakaiba.” Saka siya ngumiti.

“Pagkain lang pala ang magpapangiti sa iyo,” sabi nito at uminom ng sariling kape. “Nag-aalala nga ako kasi baka nagda-diet ka. Iyong mga kasama mo kasi parang mga ibon kung kumain.”

“Naku! Minsan lang ako makakakain ng ibang klaseng pagkain. Bakit ko naman ipagkakait sa sarili ko? Pagkatapos ng contest na ito, magiging normal na ulit ang buhay ko.” Parang magigising lang siya sa isang magandang panaginip.

“After this contest, celebrity ka na. Anong normal na buhay?”

“Di ko naman pangarap maging celebrity. Gusto ko lang mabuo ang pamilya ko,” malungkot niyang sabi. Natigilan siya sa pagkukwento. Ayaw niyang magdrama samantalang umagang-umaga. “Sabi ni Kriege nagte-training daw kayo ng polo ni Sky Dancer,” sabi niya. “Kung wala lang akong pasok, gusto kong manood.” Si Sky Dancer ang kabayo nito. Nalaman din niya na nagte-training si Slade na mag-polo.

Kumislap ang mata ni Slade. “Oo naman. Kahit nga busy ako sa trabaho ko, gusto ko may oras pa rin ako na mag-training. Gusto mo bang mapanood kami ni Sky Dancer sa training namin?”

“Hindi! Kahit si Sky Dancer na lang.”

Napailing ito at tinungga ang kape. “Kakaiba ka talaga. Kahapon, mas gusto mo pang kausap si Manong Jobert kaysa sa akin. Tapos ngayon mas gusto mong mapanood ang kabayo ko kaysa sa akin. Ano bang ayaw mo sa akin? Gwapo naman ako. Makisig.”

“Mr. Villacorta, lahat halos ng babae sa bansang ‘to naghahabol sa iyo. Ano namang kaibahan kung hindi kita pagnasaan? Kundi mo lang ako aakitin, pwede naman tayong maging magkaibigan.”

“Kaibigan?” tanong nito. “Wala pa yata akong nagiging kaibigang babae. Lahat kasi sila gustong maging girlfriend ko.”

“Isipin mo na lang lalaki ako.” Tinapik niya ang balikat nito. “Tutal hindi naman ako katulad nung mga babaeng naghahabol sa iyo. Kaya hindi mahirap isipin na lalaki ako. P’re?” aniya at pinalaki ang boses. “Kalimutan na muna natin iyong mga away natin dati. Ayoko rin namang may kaaway habang nandito sa Stallion Island. Parang bawal dito ang sumama ang loob.”

“Sige! Madali naman akong kausap. Hindi ko na lang iisipin noong isang gabi na hinubaran mo ako at muntik mo na akong pagsamantalahan,” anito sa magaang boses pero di na niya sineryoso ang biro nito. “Ihahatid na kita sa Guesthouse at may meeting pa kayo kasama ang mentor ninyo. Magkita na lang tayo sa princess challenge ninyo. Kayang-kaya mo ang mga ipapagawa sa iyo.”

Hindi maalis ang ngiti niya nang ihatid siya ni Slade sa Guesthouse. Wala itong ginawa kundi ikwento sa kanya ang kalokohan ng mga kaibigan nito. Mas nagustuhan niya ang Slade na ito kaysa sa Slade na walang ginawa kundi akitin siya.

“Saan kayo galing ni Fafa Slade?” tanong sa kanya ni Carmilette habang papunta sa indoor garden ng Island Bloom. “Aga naman ninyong mag-date.”

“Sa Horse Sanctuary lang. Pinanood ang mga kabayo.”

Nakasimangot naman si Trining na katabi ni Marmy sa likuran ng e-jeepney. “Alam ba ninyo na muntik na akong damputin ng security nila dahil gusto kong mag-nude swimming? Ano ba ang masama doon? Pati si Fafa Maksim sinabihan din ako.”

Nang dumating sila sa indoor garden ay naghihintay na sa kanila si Feliztine at ang magiging mentor nila sa araw na iyon. Isang matandang-dalagang may-ari ng isang eskwelahan para daw sa mga heiress ng mayayamang pamilya sa bansa. Wala itong kangiti-ngiti nang pinagmasdan sila.

“Pinanood ko ang mga videos ninyo mula nang tumapak kayo sa M/V Paquita hanggang sa unang araw ninyo sa Stallion Island.” Umiling si Professor Magdalena nang i-flash sa malaking LCD screen ang eksena kung saan nalasing ang mga kasama niya. “Halos lahat kayo nalasing. Nakakahiya!”

Napangiwi siya dahil ang iba sa mga ito ay sumuka sa sahig, natulog sa ibabaw ng mesa at di makabangon sa kalasingan. Ang iba naman ay puro di magagandang salita na ang sinasabi.

“Ma’am, hindi pa ba ninyo naranasang malasing?” tanong ni Trining. “Lahat naman ng nalalasing ganyan.”

“But you are ladies. You should act like one in public. Dapat alam ninyo kung paano kontrolin ang sarili ninyo pagdating sa alak.” Sumunod naman na ipinakita sa screen ang pag-umpog niya sa noo ni Slade. “Josefa?”

“Ma’am, kasalanan naman niya iyan!”

“That not the proper way of treating a gentleman.”

Napanganga na lang siya. Gentleman? Oo bati na sila ni Slade pero hindi naman ito gentleman nang gabing iyon. Nagsunud-sunod ang offense niya. Lahat ay may kinalaman sa tamang pagtrato sa isang “gentleman” katulad ni Slade.

Ang makeover challenge pala iyon ay di kasing simple ng iniisip niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.