Stallion Island Series Chapter 152

“Ho!” Hinila ni Josef ang renda ng kabayong si Cloud Chaser. Tumigil ito sa pagtakbo at tinapik niya ang leeg nito. “Good job!” Huminga siya ng malalim at nilingon ang mga kasamahan na nahihirapang humabol sa kanila. “Bilisan ninyo!”

Pare-parehong humihingal ang mga ito nang marating ang tapat ng puno ng santol na nasa gitna ng malawak na damuhan kung saan nakakatakbo ang mga kabayo. Horse lessons sila para sa linggong iyon. Kasama daw sa dapat pag-aralan ng isang Stallion Girl ang matutong sumakay ng kabayo na poised pa rin.

“Ang bilis mo naman!” sabi ni Teresa. “Sana karera na lang ng kalabaw. Mas magaling ako doon.”

Namumutla naman si Marmy habang nakayakap sa kabayo nito. “G-Gusto ko nang bumaba.” Tinulungan ito ng crew na bumaba. Nang makababa ay sumalampak ito sa damuhan. “Ayoko na! Tatakbo na lang ako pero di ako sasakay sa kabayo.”

Sumunod na dumating ang nakasimangot na si Carmilette. “Yung kabayo ko naglakad lang,” sintir nito.

“Magpapayat ka kasi para maitakbo ka niya,” kantiyaw ni Marmy.

Nagkantiyawan pa ang mga ito sa mga experience ng mga ito sa pag-aaral ng kabayo. Nasubok ang tapang nila at ang poise sa horse challenge na iyon. Pero gustong-gusto niya ang challenge na iyon. pangarap kasi niyang sumakay ng kabayo bata pa lang siya. Subalit di siya katulad ng mga kasamahan niya. Hirap ang mga ito sa pagsakay ng kabayo. Maganda lang daw tingnan ang mga sumasakay ng kabayo pero kapag sila na ang sasakay ay nakakatakot pala.

“Nasaan si Trining?” tanong niya at tinanaw ang kasama nila.

“Ibinalik siya ng kabayo niya,” sabi ni Carmilette at tumawa. “May pagka-weird din ata ang kabayo niya katulad niya. Malamang inaaway niya iyon ngayon.”

“Bumalik na tayo sa covered arena. Kawawa naman si Trining,” aniya at sinimulang paglakarin si Cloud Chaser.

“Na naman?” angal ni Marmy. “I hate this challenge!”

Nang dumating siya sa shade ay naabutan niya si Trining na kakwentuhan si Slade. Ibinigay niya ang kabayo niya sa groom para matingnan at saka nilapitan ang dalawa. “Grabe! Ang tagal naman ninyong dumating,” sabi ni Trining at pinaypayan ng palad ang sariling mukha. “Paano ninyo ako matatalo sa princess trial? Baka ma-in love pati ang Prince Charming mo sa akin.”

“Pag-aralan mo muna kung paanong tuturuan ng tama ang kabayo mo para hindi na siya bumalik,” nakangiti niyang sabi. “Baka tumakbo ang kabayo mo palabas ng Stallion Island kapag di mo inamin ang katotohanan.”

Humalakhak ito. “Magpa-practice pa ako, Fafa Slade. Ito kasing partner mo nai-insecure sa akin. Grabe!” Saka nito binalikan ang kabayo nito.

“Anong ginagawa mo dito?” tanong niya kay Slade at hinaplos ang

“Dinadalaw ka.”

“Nasaan ang ibang mga Prince Charming?”

“Bakit mo pa sila hinahanap? Nandito naman ako.”

Pinanasan niya ang pawis niya. “Bakit nga wala sila? Di ba dapat nandito rin sila kung nandito ka?”

“No. Bumisita ako dito dahil gusto kong makita ka. I mean, binisita ka namin ni Sky Dancer. May polo practice kasi kami ngayon at naisipan kong dumaan. At saka para sa iyo.” Naglabas ito ng single stem na white rose at inabot para sa kanya.

Excited niyang inabot ang bulaklak mula dito. Di iyon ang unang beses niyang nabigyan ng bulaklak pero iyon ang unang beses na tinanggap niya. “Uy! Thank you. Ano nga pala ang nakain mo at binigyan mo ako ng bulaklak?” Di niya mapigilang ngumiti at kiligin. Kahit na inutos lang iyon ng mga staff, okay lang sa kanya.

“Hindi ako ang nagbigay niyan.” Tinapik nito ang likod ng kabayo nito. “Si Sky Dancer.”

Naging matabang ang ngiti niya sa labi. Pinaglololoko ba siya nito? Itinago niya ang pagkadismaya nang yumakap siya kay Sky Dancer. Pamilyar na ito sa kanya dahil lagi niya itong dinadalaw sa stable. “Ang sweet naman ni Sky Dancer.”

“Magkasundo ba kayo ni Cloud Chaser?” tanong nito.

Tumango siya. “Oo naman. Mabilis nga akong natuto dahil mabilis siyang pasunurin. Maswerte ako dahil siya ang kabayo ko.”

“Tama nga ako. Magkakasundo kayo.”

“Ikaw ba ang nag-recommend sa mga staff na gamitin ko si Cloud Chaser?”

“Cloud Chaser is my mare. Tiyak ko maipapanalo mo ang princess trial dahil magaling ka at magaling ang kabayo mo. Pwede mo siyang gamitin habang nandito ka sa Stallion Island.”

“Thank you!” Hinaplos niya ang Sky Dancer. “Ang sweet mo naman!”

Kinalabit siya nito. “Ako! Ako ang may-ari kay Sky Dancer. Di ba dapat ako ang sweet?” angal nito na may kasamang pilyong ngiti sa labi.

Ginagap niya ang palad nito at pinisil. “Thank you! Mabuti kang tao. Sige! Babalik na ako sa practice.”

“Kinamayan mo lang ako? Samantalang ipinapahiram ko sa iyo ang kabayo ko na di ko naman ginagawa sa ibang babaeng nakilala ko. Pwede na isang kiss.”

“Bakit naman kita bibigyan ng kiss? Hindi mo naman ako binigyan ng flowers.” Saka siya ngingisi-ngising tumalikod dito. Naisahan niya ito. Kung sinabi nitong ito ang nagbigay ng bulaklak, may isang kiss ito sa kanya.

“Bakit hindi mo naman pinagbigyan si Sir Slade?” tanong ni Babeth na biglang sumulpot kasama ang cameraman.

“Nandiyan lang kayo?” gulat niyang sabi.

“Oo naman. Sa palagay mo ba palalagpasin namin ang moment na ito samantalang nagpumilit siyang dalawin ka? Sweet kaya niya. Sa lahat ng mga Prince Charming dito, siya lang ang mukhang gustong totohanin pagiging prince.”

“Hindi ko siya hahalikan para lang panoorin ng ibang tao.” Ayaw niyang pati iyon ay pagpiyestahan pa ng mundo.

“Kung ako ang binilhan ng kabayo ng isang guwapong lalaki tulad ni Slade para gamitin ko sa princess trial, bibigyan ko siya ng isanlibong halik.”

Gulat niyang nilingon si Babeth. “Binili ni Slade si Cloud Chaser para sa akin?” Ipinilig niya ang ulo. “Imposible! Investment lang niya ang kabayong iyan.”

Niyakap nito ang sarili at iniikot ang mga balikat. “Basta! I can feel it! Love is in the air. Baka in love na siya sa iyo.”

Natawa na lang siya. Imposibleng ma-in love sa kanya si Slade Villacorta. “Babeth, nakikita mo ba ang itsura ko? Di niya ako magugustuhan.”

Mariing pumikit si Babeth. “Naku! Hindi ka ba tumitingin sa salamin, ning? Isa ka nang magandang paru-paro. Hindi ka na babaeng grasa. Malayo na ang itsura mo sa babaeng una naming nakilala. Pwede nang ma-in love sa iyo kahit pa si Prince Rostam. Hanggang ngayon ba wala kang tiwala sa ganda mo?”

Malungkot siyang ngumiti. Marahil ay maganda na siya ngayon at kinaiinggitan ng maraming mga kababaihan. Pero pansamantala lang ang anyo niya. Hindi rin magtatagal ang kagandahang iyon.

Pagbalik niya sa totoong buhay, babalik ulit siya sa pagkukumpuni ng sasakyan. Mapupuno na naman siya ng grasa. At tiyak niyang hindi na siya lilingunin pa ulit ni Slade. Ibang babae na ang kukuha ng atensiyon nito.

Hindi siya pwedeng ma-in love dito. Uuwi lang siyang luhaan.

PALABAS ng horse arena ay isa-isa nang kinamayan ng mga miyembro ng Stallion Island si Josef na nanood ng princess trial nila kung saan siya ang nanalo. Simpleng horseback riding stint lang ang ipinagawa sa kanila. Tiningnan kung poised sila at maganda pa ring tingnan sa ibabaw ng kabayo. Malaking accomplishment iyon sa kanya.

Kinamayan siya ng Stallion Shampoo executive na si Arik. “You did great! Pwede ka nang gumawa ng Stallion Shampoo commercial.”

“Ako?” di makapaniwala niyang tanong at itinuro ang sarili. “Sir, hindi pa yata ako handa diyan. Di naman ako ganoon kagaling.”

“You should see yourself. Isang linggo ka lang nag-aral pero magaling ka agad.”

“Magaling po ang team up namin ni Cloud Chaser.”

Saka niya nilingon si Slade na nasa di kalayuan at kausap ang ibang mga miyembro. Inspired din siya dahil alam niyang tinulungan siya ni Slade. Sinong mag-aakala na sa pamamalagi niya sa Stallion Island ay makakatisod siya ng tunay na prinsipeng katulad nito? Parang imposible para sa kanya na may isang lalaking susuporta sa kanya at tutulungan siyang abutin ang pangarap niya.

“Josef, I am Attorney Cord de Lara,” pakilala ng isa pa sa miyembro ng Stallion Island sa kanya at hinarangan si Slade sa paningin niya. “Nasa Saudi pala ang father mo at nakakulong.”

Marahan siyang tumango. Nagulat pa siya dahil nabanggit nito ang tatay niya. “Opo, Attorney. Sa dami po kasi ng inaasikasong kaso, di na po siya mapagtuunan ng atensiyon. Priority po yata nila ang mga nasa death penalty. Wala naman pong kasalanan ang tatay ko. Napagbintangan lang siya na nagnakaw.”

“Kumusta naman ang tatay mo sa kulungan?”

Bumuntong-hininga siya. “Sabi po niya okay lang siya sa kulungan. Pakiramdam ko po sinasabi lang niya iyon para di kami mag-alala. Matanda na po siya. Ayoko nang magtagal siya sa kulungan.”

“Pwede nating ilapit ang kaso niya sa ilang mga abogadong kilala ko na kaso talaga ng mga OFW na nakakulong sa abroad ang hinahawakan. Affiliated sila sa isang international agency na nangangalaga sa kapakanan ng migrant workers. Kundi ganoon katindi ang ebidensiya laban sa tatay mo, madali lang siyang palayain.”

“Talaga po? Tutulungan ninyo ako?” di makapaniwala niyang tanong. “Pero sino po pala ang nagsabi sa inyo?”

Nagkibit-balikat ito. “It doesn’t matter. Ang importante makalaya at makauwi ang tatay mo. Ako na ang kakausap sa pamilya mo tungkol dito. Okay?”

“Thank you po,” pasasalamat niya. Di pa rin siya makapaniwala na mas magkakaroon ng linaw ang paglaya ng tatay niya. Niyakap agad niya si Slade nang lapitan siya nito. “Slade, may tutulong na sa akin para lumaya si Tatay!”

Masaya siya na nai-share iyon kay Slade. Masarap sa pakiramdam na may tao siyang masasabihan ng nararamdaman niya dahil alam niyang gusto nito na maging masaya siya. And she wished she could stay in his arms.

“That’s good news!” sabi nito at inangat siya sa lupa. “Nakakatuwa namang makakuha ng good news sa iyo. May libreng yakap.”

Dali-dali niya itong itinulak palayo. “Masaya lang ako. Huwag kang malisyoso. Ikaw ba ang nagsabi kay Attorney Cord tungkol kay Tatay?”

Umiling ito. “Sasabihin ko pa lang sana sa kanya.”

“Siguro ito ang napanalunan ko sa princess trial.”

Tumikhim si Slade at ginagap ang kamay niya. “At kasama ako sa napanalunan. Nagpa-reserve ako sa Stallion Wave ng dinner para sa atin. Kailangan nating i-celebrate ang araw na ito.”

Hindi nawala ang ngiti sa labi niya habang hinihintay niyang i-serve ang hapunan nila. Sulit ang lahat ng paghihirap niya lalo na’t parang ilang araw na lang ang binibilang at mapapalaya na ang tatay niya. Susulitin din niya ang ilang araw niyang makakasama si Slade. Interesante kasi itong lalaki. At gustong-gusto niyang marinig ang karanasan nito sa mga bansang napuntahan na nito. Ang iba’t ibang taong nakilala nito.

“Kapag nakalaya na ang tatay mo, gusto mo ipasyal ko kayo. Saang bansa mo ba gustong pumunta?” tanong nito.

“Hindi ko na kailangang lumayo. Dito lang sa Stallion Island maganda na. matutuwa ang tatay ko dahil mare-relax siya sa ganitong lugar. Tapos ‘yung nanay at kapatid ko. Tiyak gugulong sila sa saya. Pangarap kasi nilang makarating dito.”

“Kapag nakalaya na ang tatay mo, ano nang plano mong gawin?” tanong nito.

“Babalik sa normal na buhay.”

Nanlaki ang mata mo. “Magmemekaniko ka pa rin kahit ganyan ka na kaganda? Sayang naman!”

“Pansamantala lang ‘to. Pagkatapos ng contest, babalik ako sa normal kong buhay. Hindi naman pwedeng dito lang ako sa Stallion Island habambuhay.”

Mataman siya nitong tinitigan. “Paano kung may member dito na ma-in love sa iyo. Anong gagawin mo?”

Isang malakas na halakhak ang pinakawalan niya. “Madidismaya lang siya kung mai-in love siya sa bagong itsura ko. Ilusyon lang ‘to. Hindi ako ‘to. Dapat tanggapin niya ako kahit mukha akong taong grasa.”

Nakadama siya ng lungkot. Hindi naman kasi magugustuhan ni Slade ang totoong siya. Bakit pa kasi siya tinanong-tanong? Nalungkot lang tuloy siya. Bakit ba siya nagpapaapekto kay Slade ng ganito?

“Mukhang bagong babae na naman ang kasama mo, Slade.”

Tumayo si Slade at kinamayan ang bagong dating. “Lord Alexandros, Lord Evandro,” bati nito sa dalawang naguguwapuhang village lords. Ilang beses nang nag-judge sa kanila ang congressman na si Evandro. Guwapo talaga ito. Ilang kasama na nga niya ang pumalpak sa mga challenge katititig sa mga guwapong village lord. Di naman siya apektado sa kaguwapuhan ng mga ito subalit na-excite siya habang pinagmamasdan ang morenong lalaki na may itim na buhok at may berdeng mga mata. Si Alexandros Theron.

“Lord Alexandros, this is Josef. Contestant siya sa makeover challenge,” pakilala ni Slade sa kanya.

“Ah!” Tumango si Alexandros at kinamayan siya. “I am sorry. I had just arrived from a race in Singapore. Di ko nasubaybayan ang programs ninyo. Ganito na ba kaganda ang mga taong grasa ngayon? Saang kalsada siya nakuha?”

“Xandros, she is not a street beggar. Babaeng grasa siya dahil mekaniko siya,” matiyagang paliwanag ni Alexandros dito.

“Ah! Akala ko itong si Slade katulad ni Trick na may kasamang ibang babae,” sabi ni Alexandros.

“Girlfriend naman ni Trick si Vix,” kontra ni Evandro.

“Break na sila. Di na natuloy ang kasal nila.”

“Postponed lang at cool off sila,” pagtatama ni Evandro. “Sabihin mo na kay Josef ang sorpresa mo sa kanya.”

Maang niyang tiningnan si Alexandros. “May sorpresa kayo sa akin?”

“Yes! Dahil nanalo ka sa princess challenge, pwede kitang i-tour sa isla sakay ng eco- car ko. How about that?”

Bumagsak ang panga niya. “Totoo?”

“Yes. Susunduin kita bukas sa Guesthouse. See you.”

Pinanggigilan niya ang kamay ni Slade nang makaalis na ang dalawang village lord. “Narinig mo iyon? Makikita ko na sa wakas ‘yung kotse ni Lord Alexandros. May tutulong nang lumaya si Tatay, mae-experience ko pang mai-tour sakay ng isang eco- car. Mahal pa siguro iyon sa kaluluwa ko. Naku! Mahahalikan ko talaga kung sinuman ang nakaisip sa mga regalong ibinigay sa akin.”

“O! baka kung sinu-sino lang mahalikan mo. Huwag kang masyadong excited. Sasakay ka lang naman ng kotse,” sintir nito.

“Walang pakialamanan ng trip.” Itinaas niya ang dalawang kamay. “Tiyak na mag-e-enjoy ako bukas.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.