Stallion Island Series Chapter 153

“Heaven ‘tong kotse mo, Lord Alexandros,” usal ni Josef habang nagmamaneho. Maganda ang interior ng kotse at nagustuhan din niya ang takbo ng kotse. Hindi iyon mahirap patakbuhin at wala ring ingay. “Astig ka!”

Noong una ay nai-intimidate siya dito. Iba kasi ang aura ng mga village lords. Karespe-respeto ang mga ito. Parang nasa ibang level. Pero nang ipaliwanag na ni Alexandros ang mga feature ng kotse nito, parang dalawa na lang silang normal na tao na nagkukwentuhan tungkol sa kotse. Pero mas natuwa siya nang hayaan ni Alexandros na magmaneho siya.

“May dine-develop kaming racecar na di na kailangang gumamit ng gas. Green racecars ang tawag ko sa mga ‘yon.”

“Pero challenging iyon, di ba? Kaya bang pantayan ng mga electric at eco- cars ang performance ng mga racecars na ginagamit ninyo ngayon?”

“Hindi kami tumitigil sa pagde-develop,” anito at ngumiti. Nakikita lang niyang ngumiti si Alexandros kapag kotse ang pinag-uusapan. Madalas kasi ay seryoso ito at di ngumingiti. Di tulad ni Slade na laging may nakahandang ngiti sa lahat. Bigla niyang na-miss ang ngiti nito.

“Hindi ba si Sir Slade iyon?” untag sa kanila ng cameraman.

Bigla siyang nagpreno nang biglang humarang sa gitna ng kalsada si Slade. Ikinurap niya ng ilang beses ang mata. “Anong ginagawa niya dito?”

Dali-dali itong tumakbo sa side ni Alexandros. “Good morning!”

“Villacorta, akala ko may flight ka?” nakahalukipkip na sabi ni Alexandros.

“Bumalik agad ako. Baka kasi nami-miss na ako ni Josef, my dear,” malambing nitong sabi at nag-flying kiss sa kanya. “Sabi niya mababaliw daw siya kapag di niya ako nakikita sa isang araw. Mahirap nang mabaliw siya tapos bigla ka na lang niyang saksakin, Lord Alexandros.”

Bumagsak ang panga niya. “Excuse me?”

Agree siya na halos mabaliw siya kapag di ito nakikita dahil wala siyang iniisip kundi ito lang. Pero di pa naman siya mananaksak ng tao.

“Naiintindihan ko. nababaliw ka sa kakisigan ko. Kaya nga nandito ako. Okay lang ba na sumama ako sa tour ninyo?” tanong ni Slade.

“Sure! Ikaw na magmaneho para sa kanya.” Lumingon sa kanya si Alexandros. “Sa palagay ko kasi mas mag-e-enjoy kang kasama siya kaysa sa akin.”

“Hindi po totoo iyan!” tutol niya. “Lord Alexandros…”

Nakangiting tinapik ni Alexandros ang pisngi niya. “It’s okay. Ipapadala ko na lang dito si Nike then you may go on with your love cruise.”

Matalim niyang sinulyapan si Slade. Lumalabas pa ngayon na may gusto siya dito. Gusto niyang mainis pero di rin niya magawa. Paano ay sumasang-ayon ang puso niya. “Paano po kung maibangga niya ang kotse ninyo?”

“Don’t mind! May pambayad ‘yan,” sabi ni Alexandros at bumaba ng kotse.

“Ibebenta ko ang isa sa eroplano ko para lang mabayaran ang damage.” Yumukod si Slade kay Alexandros. “Thank you, Lord Alexander the Great.”

Na-amuse siya nang magdilim ang mukha ni Alexandros. “Sabing huwag mo akong tatawaging Alexander the Great. Kapag nagasgasan ang kotse ko, mahal ang sisingilin ko sa iyo.” Kahit nang dumating ang kabayo ni Alexandros na si Nike at umalis ito ay di pa rin nag-improve ang mood nito.

“Ikaw! Nanggulo ka na sa amin, ininis mo pa si Lord Alexandros,” sermon niya pagsakay nito sa binakanteng upuan ni Alexandros.

“Bakit siya nagrereklamo? Alexander the Great naman talaga pangalan niya. Alexandros Megos,” sabi nito. “Kaya nga Bucephalus ang pangalan ng bagong kotse na pinagagawa niya. His ultimate war machine. Ipinangalan niya after sa kabayo ni Alexander the Great.”

“Ako na lang ang magda-drive, ha? Kasi di ka naman marunong mag-drive. Naiintindihan ko kundi ka marunong.”

Tinapik nito ang sariling dibdib. “Wala ka bang tiwala sa akin.”

“Sige. Ipagdadasal ko na lang mga kaluluwa natin.” Nilingon niya ang cameraman bago makipagpalit kay Slade ng upuan. “Magdasal na rin kayo.”

Hindi pa siya handang magkasama sila ni Slade sa kabilang buhay. Marami pa siyang pangarap.

Kinakabahan talaga siya nang i-start ni Slade ang sasakyan at marahang paandarin. Wala siyang nakikitang takot sa mukha nito. Steady lang din ang kamay nito. Maya maya ay mas bumilis ang takbo ng kotse. Smooth itong magmaneho kaya tuluyang nawala ang kaba niya.

“Marunong ka na palang magmaneho. Akala ko di ka marunong,” sabi niya.

“Di talaga ako marunong dati. Pero nag-aral ako. Kasi parang di lalaki ang tingin mo sa lalaking di marunong magmaneho,” anito at sinulyapan siya.

“Bakit nga pala ayaw mong mag-drive dati? Kasi mas cool ang eroplano?”

Mahina itong tumawa. “Palusot ko lang iyon para makapagpa-impress sa mga babae. Namatay sa car accident ang parents ko. Okay lang sa aking sumakay ng kotse pero ayokong hahawak ng manibela.”

Hinawakan niya ang kamay nitong nasa kambiyo. “Congratulations! Di ka lang basta piloto. Marunong ka na ring mag-drive. Tapos guwapong-guwapo ka pa kapag nakasakay sa kabayo.”

“So naguguwapuhan ka pala sa akin,” tanong nito habang matiim na nakatingin sa kanya.

Namanhid ang dila niya. Kapag inamin niyang naguguwapuhan siya dito, baka bigla siya nitong tanungin kung in love siya dito. Paano kung mali siya ng maisagot? “Lamang lang ng paligo sa iyo ang mga village lords.”

Ibinalik nito ang tingin sa kalsada. “So mas guwapo si Lord Alexandros?”

“Hindi lang naman siya basta guwapo. Mabait din siya. Tuwang-tuwa nga siya nang malamang interesado ako sa mga kotse tapos…”

“Huwag kang masyadong umasa kay Lord Alexandros.”

“Ha?” Nagtaka siya dahil seryosong-seryoso ito. “Umasa saan?”

“Mukhang gusto mo na agad siya. I can’t blame you. He is a village lord after all. Tapos naa-appreciate ka pa niya kahit puro grasa ka. Pero kung makikita mo kung gaano kagaganda ang mga nakaka-date niya.”

Ano bang problema nito? Interesado lang naman siya sa galing ni Alexandros pagdating sa mga kotse at sa mamahalin nitong mga kotse.

Itinaas niya ang mga kamay. “Oo na. Hindi niya ako papatulan.”

Ngumuso ito sa isang grupo ng Stallion Boys na nakasakay sa kabayo na nadaanan nila. “Saka wala ka ring aasahan sa mga iyan.” Itinuro nito ang mga nasa Stallion Wave. “Pati sa mga iyan. Paglalaruan ka lang nila.”

“Oo! Alam ko na di nila ako magugustuhan. Di mo ako magugustuhan.”

May kirot sa puso niya nang sabihing di siya nito magugustuhan. Sa likod ng isipan niya, umaasa siyang kahit paano ay magugustuhan siya ni Slade kahit mukha siyang grasa. May mga admirer siguro siya ngayon pero mawawala rin ang mga ito kapag bumalik siya sa normal na buhay.

“Sino namang may sabi sa iyo na di kita magugustuhan? I like you!”

Natulala siya habang umuugong ang tainga niya. “G-Gusto mo ako?”

Gusto siya ni Slade! Gusto niya itong yakapin nang mga oras na iyon para sabihing gusto rin niya ito. Gusto na rin niyang magsisigaw ng “I love you”.

“Oo naman! You are such a nice person.” Mahina itong tumawa. “Ngayon lang ako nagkaroon ng babaeng kaibigang tulad mo.” Pinisil nito ang pisngi nito. “Cute mo kasi. Naaaliw ako sa iyo.”

Cute. Naaaliw. Kaibigang babae.

Ang labo nito! Ayaw nitong umasa siya sa mga Stallion boys. Ganoon din naman pala ito. Dapat ay di na siya umasa dito. Wala rin naman pala siyang aasahan dito kundi pakikipagkaibigan nito.

Pilit na lang siyang ngumiti. Titiisin na lang niya dahil ilang linggo na lang niya itong makakasama. Matapos ang competition na iyon, siguro na naman ay maglalaho na rin ang nararamdaman niya para dito. Sana.

“HIPS up! Hips up! Carmilette, your hand is drooping! Maintain the posture!”

Hindi maiwasang ma-conscious ni Josef habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin ng dance studio kung saan tinuturuan sila ng dance instructor nila na si Kaetria. Isa itong kilalang dancer sa buong mundo at kababalik lang ng bansa. Maswerte daw sila dahil naging estudyante sila nito.

Pumalakpak si Kaetria. “Okay, girls! Let’s take a break.”

Animo’y nakahinga ang lahat at sumalampak sa wooden floor. Hindi talaga niya forte ang pagsasayaw lalo na’t labas pa ang tiyan niya. Mukha siyang ibebentang slave ng isang sultan dahil sa belly dance costume niya.

Inabutan siya ni Kaetria ng mineral water. “Josef, nahihirapan ka ba?”

“Hindi lang po ako sanay nang sumasayaw lalo na’t ganito ang suot.”

“Kaya mo namang magsayaw. Kaso masyadong intense ang mukha mo. Girls, you should remember that belly dancing is about sensuality. Seduction if you want to.” Iniikot nito ang mga balikat nito kasabay ng pagpapapungay ng mata. “Ever since the ancient times, this is a weapon that could bring down kings on their knees.”

“Paano po ba nagagawa iyan?” tanong niya. Wala siyang alam sa mga sensuality at seduction. Hirap na nga siyang magsayaw. Sasamahan pa niya ng pang-aakit. Eto nga at bagsak na siya pagdating kay Slade.

“You just close your eyes and listen to the music.” Pinatugtog nito ang musika. “Subukan mong pakinggan, Josef.” Sinunod niya ang utos nito at ipinikit ang mata. “Ngayon sumayaw ka ayon sa palagay mong interpretasyon ng tugtog. Wag mong isipin na may ibang nanonood sa iyo. Isipin mo mag-isa ka lang sa kuwarto.”

Pinakinggan niya ang pagsasama-sama ng musika ng flute at ng tambol. Umindayog ang katawan niya habang nakapikit? Sa isipan niya ay tanging sila lang ng musika ang magkasama. Sumayaw siya ng sumayaw. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang sumayaw. Nagulat na lang siya nang makita niya ang repleksiyon sa salamin habang nagsasayaw subalit di na siya nakadama ng pagkapahiya. Mas makapangyarihan ang musikang naririnig niya na nag-uutos sa kanyang sumayaw ayon sa inuutos nito at hinihingi nito.

Nang matapos siya ay nakatulala lang ang mga kasamahan niya. “Very good! Very sensual!” sabi ni Kaetria at pumalakpak.

“Sensual na po iyon? Sumayaw lang naman ako,” sabi niya.

“Nagpadala ka sa musikang naririnig mo. The music is sensual itself. That’s what dancing is all about. Hinahayaan mong sumunod ang katawan mo sa hinihingi ng musika.” Inilahad ni Kaetria ang palad. “Kaya huwag kayong sasayaw lang ayon sa nakikita ninyo. Magsayaw kayo ayon sa dikta ng musika.”

Hindi naman siya artist at di niya maintindihan ang lalim ng sinabi nito pero mukhang effective naman. At matapos ang sayaw na iyon, pakiramdam niya ay babaeng-babae siya na kayang akitin ang kahit sinong lalaki. Kahit si Slade.

“Siguro iyon ang ginamit niya para makapasok sa harem ni Prince Rostam,” bulong sa kanya ni Trining.

Tinampal ni Marmy ang balikat nito. “Hindi magandang isipin mo iyan. Wala namang proof na member siya ng harem ni Prince Rostam.”

“Konting respeto sa teacher natin, Trining.” Hindi niya alam kung ano ang totoong relasyon ni Kaetria kay Prince Rostam pero wala siyang pakialam. Hindi tama na pag-usapan ang personal nitong buhay sa loob mismo ng klase nito.

Magsisimula na sana ulit ang klase nila nang biglang bumukas ang pinto. Sabay-sabay silang napalingon kay TJ Javellana, isang music producer at miyembro ng Stallion Island. “Kaetria, do you have a minute? We need to talk.”

Naramdaman agad niya ang tensiyon ni Kaetria. Bumagsak ang energy nito. Kahit ang mga staff ay natensiyon. Di kaila sa kanila na pitong taon ang nakakaraan nang maging magnobyo ang dalawa. Singer pa noon si TJ para sa isang banda.

“Everyone, mag-break muna tayo. Thirty minutes,” sabi nito. At hindi lang iyon para sa kanilang mga estudyante nito kundi pati sa mga TV crew na naroon.

Hinila niya palayo ng studio si Trining na walang planong umalis sa pinto. “Huwag ka nang makitsismis. Umayos ka nga! Gusto mong mapatalsik dito?”

“Ito siguro ang pinakamalaking chika ng taon. Ang paghaharap ni TJ Javellana at ni Kaetria Mosqueda. Ano kayang pag-uusapan nila? Nagseselos ba si TJ dahil iniwan siya noon ni Kaetria para sa mas malaking isda katulad ni Prince Rostam.”

“Wala ka nang pakialam doon dahil buhay nila iyon,” sabi niya. Kailangan na talaga niya itong pakainin para matahimik ang bibig nito.

Subalit kumakain na sila ay di pa rin tumitigil sa pagtsitsismis si Trining. Bigla itong nag-hyperventilate nang lingunin ang bagong dating sa kabilang mesa. “My gulay! Ang idol kong si Merian de Vera at ang Sirens!” At walang sabi-sabi nitong iniwan ang mesa nila para puntahan ang grupo ng kababaihan sa kabila.

“Ultimate dream daw niyang makasama sa Sirens,” sabi ni Carmilette. “Pwede din kaya akong sumali sa kanila?”

“Mukha namang magaganda sila,” sabi ni Teresa. “Kaso di ko naman siya napapanood sa probinsiya at isang channel lang ang nasasagap sa bukid. Pwede kaya akong magpa-autograph sa kanya?”

Na-excite ang mga kasama niya nang bumalik si Trining sa table kasama si Merian. Nagkukumahog ang mga kasama niya na kayaman ito.

“Mas maganda ka sa personal,” sabi ni Marmy na manghang-mangha.

Kinamayan niya ito at nginitian. Di niya feel si Merian sa TV pa lang. Lalo sa personal. Parang may masamang espiritu na nakalukob dito. Maganda nga pero mukha namang mataray. Di ba iyon nakikita ng iba?

“Sabi sa akin ni Trining, gusto daw niya na isali ko kayong lahat sa Sirens,” sabi ni Merian.

“Bakit hindi? Sikat naman kami,” sabi ni Trining. “Nasa TV na rin kami.”

“Oh, yes!” Humalukipkip si Merian at tumaas ang kilay. “Sikat nga kayo. Mga sikat na losers. Di dahil nasa TV kayo, pwede na kayong dumikit sa akin! Gusto ba ninyong pagtawanan din ako ng mga tao sa labas at laitin ako kapag kasama ko kayo at nalamang tinanggap ko kayo sa grupo ko?”

Napasinghap ang mga kasama niya. Di marahil makapaniwalang iyon ang trato nito ni Merian sa mga ito. Sumama naman ang timplada niya. Sobrang yabang naman nito. Sino ba ito para tawagin silang losers?

Dinuro nito si Trining. “Ikaw! Ini-imitate mo ako? How dare you tell everyone that you are the next Merian de Vera? Ginaya mo pa ang gown ko na parang Ibong Adarna.” Nangilid ang luha ni Trining at isinunod naman nito si Teresa. “Ikaw? Bumalik ka na lang sa bukid kung saan ka galing. Sayang lang ang TV exposure mo. Doon ka sa sagala sa baranggay sumali. Isama mo na rin iyang matandang dalagang ‘yan,” tukoy nito kay Marmy.

“Hindi ako old maid! Magkaedad lang tayo,” sabi ni Marmy.

“Shut up!” Ang nanginginig naman na si Carmilette ang hinarap nito. “Oy, Taba! Huwag kang magmaganda. Wala ka sa kalingkingan ng girlfriend ni Fafa Trick. Ka-level ng ganda namin si Mayor Vix.”

Kuyom niya ang palad habang nagtatalo ang loob niya. Susundin ba niya ang turo sa kanila na magpakahinahon sa ganitong pagkakataon? Tama bang hayaan niyang lait-laitin at ipahiya lang ng babaeng ito ang mga kaibigan niya? Tatahimik na lang ba siya habang umiiyak ang mga ito at di maipagtanggol ang mga sarili?

Hindi na niya ito kaya. Hindi pwedeng may umapi sa mga kaibigan niya.

“Hoy! Kinakausap kita!” sabi ni Merian sabay hawak sa balikat niya.

Tinabig niya ang kamay nito at saka niya ito hinarap. “Ano ba?”

Tumili ito at natumba sa sahig. Dali-dali itong dinaluhan ng mga alagad nitong Sirens. “Walang hiya ka! Anong karapatan mo na itulak ako?”

“Ano naman ang karapatan mo na laitin ang mga pagkatao ng mga kaibigan ko? Sino ka ba? Diyos ka ba? Isa pang di magandang salita laban sa mga kaibigan ko, babasagin ko ‘yang mukha mo!” banta niya at inamba ang nakakuyom niyang kamao.

Nanlaki ang mata ni Merian sa takot. Nag-panic naman ang mga kasama nito. “Oh, gosh! Security! Security! May gustong pumatay kay Merian!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.