Vix felt betrayed. Akala niya ay nasasaktan din si Trick katulad niya. Na nasasaktan itong di natuloy ang kasal nila. Na miserable din ito tulad niya. Na sa huli ay pareho silang umaasang makakagawa sila ng paraan para matuloy ulit ang kasal nila. Pero mukhang hindi iyon ang ginagawa nito. He obviously didn’t care about her. At nagawa pa siya nitong ipahiya sa harap ng napakaraming tao. Sa buong Pilipinas at sa buong mundo.
Ito ba ang ganti nito dahil di niya sinunod ang kagustuhan nitong huwag tumakbo sa darating na eleksiyon? Ganoon na ba siya kasama para saktan nito sa ganoong paraan?
Yumakap agad siya kay Freezia nang sundan siya nito sa garden. “He is so unfair. Nagagawa niyang maging sweet sa ibang babae on national TV samantalang ako ang girlfriend niya. Ginagantihan ba niya ako?”
“Hindi naman siguro, Ate. Hindi iyon gagawin ni Kuya Trick sa iyo.”
“Pero nagawa na niya!” Parang sinampal siya ng ilang beses. Sinadya talaga siya nitong kaladkarin sa kahihiyan.
“Ate, hindi ko alam kung paanong nangyari iyon. I am sorry. Hindi alam kahit ni Kuya Noah kung sino-sino ang mga napiling escort sa makeover challenge na iyan dahil kung sino lang ang kasama sa bunutan, sila lang ang pinagpilian. Siyempre hindi na kasali ang mga may girlfriend na.”
Lalong naghimagsik ang kalooban niya. Kumalas siya kay Freezia. “Wala siyang girlfriend? Hindi na girlfriend ang tingin niya sa akin dahil di na tuloy ang kasal namin? Tingin niya tuluyan nang natappos ang relasyon namin? Akala ko ba hihintayin niyang magbago ang isip ko hanggang magkasundo kami. Ibig sabihin hindi na rin siya interesadong ituloy ang kasal namin.”
“Hindi ko masasagot iyan. Kailangang kayong dalawa ang mag-usap,” malungkot nitong sabi. Gusto rin nito si Trick. Marahil ay hindi rin inaasahan ng pinsan niya na ganoon ang gagawin ni Trick sa kanya.
“Ayaw nga niya akong kausapin. At malamang lalo niyang hindi sagutin ang mga tawag ko ngayon. What for? Hindi naman ako importante sa kanya.”
Akala niya noong una ay mas mahal siya ni Trick kaysa mahal niya ito. After all, he had been in love with her for years. Matapos ang mahigit isang linggo ay nagbago na ang lahat. Her Prince Charming was now a Prince Charming to another girl. Nagbago ito para sa ibang babae at hindi para sa kanya.
“Nasasaktan ka lang ngayon. Pero siguradong may paliwanag si Kuya Trick kung bakit nangyari iyon. Saka wala kang dapat ipagselos sa ka-partner niya. Ikaw ang mahal niya.”
Sana nga ay iyon ang totoo. Na mahal pa rin siya ni Trick. Dahil ikamamatay niya kung hindi na pala siya nito mahal.
Hindi nagtagal ay nag-ring ang cellphone niya. Dali-dali niya iyong sinagot sa pag-asang si Trick iyon. “Hello, Trick!” Di na niya maitago ang excitement. Marinig lang niya ang boses nito, tiyak na mawawala ang lahat ng sama ng loob niya dito. Tatanggapin niya ang lahat ng paliwanag nito.
“This is your mother, Victoria Grace,” her mother said in a cold voice.
“Ma,” aniyang di maitago ang lungkot at pagkadismaya. Inaasahan niyang boses ni Trick ang maririnig at hindi ang Mama niya. Napaiyak siyang muli. Gusto lang niyang maglabas ng sama ng loob at umiyak. Gusto niya ng kakampi.
“I saw that hideous show on TV, hija. Hindi ka na talaga binigyan ng kahihiyan ng boyfriend mo.”
“Ma,” she said in a plea. “Kung pwede po sana huwag na ninyong sisihin si Trick. It is just a TV show.” Bigla niyang dinepensahan si Trick. Hindi naman ang contest ang ikinasasama ng loob niya kundi ang pagiging sweet nito sa ibang babae.
“I just want to care for you because you are my daughter. Hindi ka niya dapat ipinahiya ng ganito.” Her mother was exasperated and she couldn’t blame her. Importante sa mama niya ang reputasyon at pangalan ng pamilya. “Hindi ko makakabuti sa atin lalo na’t papalapit ang eleksiyon.”
Huminga siya ng malalim. “I know, Ma.”
“Turn off your cellphone for now. Tiyak na tatawagan ka ng mga reporters. You are not in shape to handle them right now.”
“P-Paano po kung tumawag si Trick?” tanong niya.
“Sasabihin kong tawagan si Freezia. That is if he’ll call. The moment he cancelled his wedding, I know that he won’t come back to you. And you should stop running after him. Have some pride, Victoria Grace. Paano ka babalikan ni Trick kung masyado kang nagpapahalatang mahal na mahal mo siya? For once, isipin mo naman ang sarili mo. Huwag mo siyang tawagan at huwag mo siyang habulin. Sa palagay mo ba magtatagal sa akin ang Papa mo kung sunud-sunuran ako sa kanya? No! I hold the reins in our relationship.”
Tahimik siyang pinakinggan ang mga advice ng Mama niya. Pride. Sana lang ay may magawa ang pride niya para maayos ulit ang relasyon nila ni Trick. Masyado na bang nairita si Trick dahil naghahabol siya dito? Dahil maya’t maya siyang nakikiusap dito?
Sa ngayon ay susundin niya ang Mama niya. It might work.
TRICK found his sanctuary at the men’s room. Hindi siya agad makaalis habang ginaganap ang opening program ng Stallion Shampoo Makeover Challenge. Mula sa Prince Charming costume hanggang sa pagpapalit ng simpleng tuxedo ay hindi siya nilubayan ng mga staff sa pagbabantay. Mabuti na lang at pumayag ang mga ito na gumamit siya ng restroom. He never thought that showbusiness could be so exasperating frustrating Hindi siya sanay sa santambak na camera na sumusubaybay sa bawat galaw niya. Hindi niya gusto na may mga matang laging nakatutok sa kanya.Hindi niya gustong may ibang nag-uutos sa kanya ng dapat niyang gawin- pati pagngiti at paghinga niya.
Hindi niya inaasahan na aabot sa ganito ang lahat. Sumama lang nama siya sa conference room para sa pilian ng Prince Charming dahil sa pangungulit ng mga kaibigan niya. Ayaw ng mga ito na magmukmok siya o puro negosyo ang isipin. Kailangan daw niyang mag-relax para di na masyadong isipin si Vix.
Pero nabunot siya at kahit anong protesta niya ay wala siyang magawa. Hindi na daw pwedeng mag-back out ang nabunot. He had no choice but to escort one of the contestants. Hindi lang sa gabing iyon kundi maging sa buong duration ng program. Magsisilbi rin silang hurado kasama ng mga village lords. Bilang premyo sa Prince Charming na mananalo ang ka-partner ay magiging village lord sa loob ng isang linggo.
He didn’t care about that either. Ang gusto lang naman niya ay magkaayos silang dalawa ni Vix.
Inaasahan niyang tatawagan siya nito kung napanood man nito o nabalitaan ang program. He was ready to explain everything. At kung uutusan siya nitong puntahan noon din mismo ay iiwan niya ang party na iyon kahit pa kailangan siya. To hell with the program and his commitments!
Tinawagan niya ang cellphone ni Vix subalit naka-off iyon. Ilang beses niya iyong tinawagan subalit di pa rin nito ino-on. “Vix, turn on your phone.”
Nang di pa rin ito ma-contact ay napilitan siyang tumawag sa bahay nito. Isang kawaksi ang sumagot sa tawag niya. “Manang, nandiyan po ba si Vix? Pwede po ba siyang makausap?”
“Sandali lang po.”
Subalit hindi na si Vix ang sumunod niyang nakausap kundi ang Mama nito. “Hello, Trick! I am afraid Victoria Grace doesn’t want to be bothered at the moment.”
Bumigat ang pakiramdam niya. “Tita, gusto ko pong magpaliwanag tungkol sa pagiging escort ko sa makeover challenge. Hindi ko naman po gusto na…”
“You don’t have to explain anything, hijo. I understand that you broke up with my daughter…”
“We merely postponed the wedding,” he corrected. “We just need to sort things out, Ma’am.”
“And is this your way of sorting things out? Ipinagpapalit mo ang anak ko sa ibang babae on national TV.”
“It isn’t like that, Ma’am.”
“Hindi mo man lang naisip kung anong kahihiyan ang ibibigay nito sa anak ko. Basta mo na lang hindi itinuloy ang kasal ninyo tapos lalabas ka sa TV para maging escort sa ibang babae. Don’t worry. My daughter is moving on. Hindi na ako magtatagal dahil nandito si Senator Benitez.”
“Senator Benitez?” usal niya.
“She’s so taken with Victoria Grace. At nang malaman niyang hindi na tuloy ang kasal ninyo, gusto niyang manligaw sa anak ko. So you see, my daughter doesn’t mind if you’ll change your profession from farming to professional escort service. My daughter is better off without you.”
Parang tinadyakan siya sa dibdib niya. Sinukuan siya ni Vix? Mas gusto pa nitong i-entertain si Senator Benitez kaysa ang pagsumikapang balikan siya. Sisikmurain nito ang lalaking di nito gusto para lang manalo sa eleksiyon?
Anong nangyari sa babaeng mahal niya? Nababaliw na ba ito? Imposible. Hindi pa ganoon kadesperada si Vix. At kahit pa isumbat nito sa kanya ang contest na iyon, masyadong mababaw para tumakbo ito kay Senator Benitez.
Magulo pa rin ang isip niya nang lumabas ng restroom. Bumalik siya sa party pero si Vix pa rin ang nasa isipan niya. The party was in full blast. Nagsisimula na ring lumabas ang kulay ng mga contestants. But he didn’t care a bit. Ang nasa isip lang niya ay nasa isang dinner si Vix at pilit na ine-entertain si Senator Benitez. That she’d rather suffer his attention than talk to him.
Tinabihan siya ng pinsan ni Vix na si Noah at inabutan siya ng punch. “Bilin sa akin ni Vix na huwag kang paiinumin ng alak. Nagkausap na ba kayo?”
Umiling siya at kinuha ang punch mula dito. “Hindi ko ma-contact ang cellphone niya kaya tumawag ako sa bahay nila. Nakausap ko ang Mama niya. Sabi ni Tita ayaw daw akong kausapin ni Vix. She sounds so upset.”
Inilabas nito ang cellphone. “Gusto mo tumawag ako sa bahay? Nabanggit sa akin ni Freezia na magkikita sila ngayon ni Ate Vix.”
Pinigilan niya ang kamay nito at umiling. “Hindi na kailangan. May idea ka ba kung interesado si Senator Benitez kay Vix?”
“Nabanggit ni Freezia sa akin na niyayaya ni Senator Benitez na mag-date si Ate Vix mula nang malaman niyang hindi natuloy ang kasal ninyo. I am not sure if my cousin is entertaining that rat or not.”
Nagtagis ang bagang niya at ininom ang punch. “So that’s the reason why she’s not answering my calls. Baka ine-entertain na niya.”
Bumuntong hininga ito. “I must warn you. Ibang magtampo si Ate Vix. Ilang beses mo siyang binalewala at hindi sinagot ang mga tawag niya. Iba ang takbo ng utak noon. You don’t know what she’d do to get even.”
“If this is her way of getting even, I don’t like it. I don’t really like it.”
But he didn’t know how he would take Vix back. Nangako ito sa kanya. Iyon pa rin ang isyu. Hangga’t di ito nakakatupad sa pangako, hindi niya kayang humarap sa altar kasama ito.
PARANG mababaliw na si Vix. Kaya niyang matiis na huwag kausapin ni Trick sa loob ng isang taon. Pero di niya kayang tiisin ito nang matagal. Kating-kati na ang kamay niya na i-dial ang number nito sa cellphone niya.
Hindi niya tinawagan ni Trick. Wala ring nabanggit ang Mama niya na tumawag ito sa bahay nila. Ang nabanggit lang ng mama niya ay ang mga reporters na gusto siyang bulabugin. Siguro nga ay wala nang pakialam sa kanya si Trick.
Her pride was barely holding up. Naninikip ang dibdib niya tuwing mababanggit si Trick. Anong silbi ng pride niya kundi naman niya ito kasama? Pinagtatawanan na siya ng buong mundo dahil sa Stallion Shampoo Makeover Challenge na iyon. Battered na battered na ang pride niya.
Ang kailangan lang niya ay mabawi ang pride niya. Gusto niyang makapaglakad ng taas-noo. At magagawa lang niya iyon kapag nabawi niya si Trick.
Breaktime na noon at pinili niyang sa opisina na lang kumain. Mabuti at wala ang kapatid niya kundi ay sasabihan siya nitong magbakasyon muna. She couldn’t afford to do that. Maraming trabaho. Magbabakasyon lang siya kung pupunta siya ng Stallion Island para makasama si Trick.
Lumabas muna siya ng opisina para sumagap ng sariwang hangin nang di sinasadyang narinig niya ang usapan ng ibang mga staff.
“Ang ganda ni Ma’am Vix tapos ipagpapalit lang siya ni Sir Trick doon sa chubby na contestant,” sabi ni Dhez. Natigilan siya sa paglalakad. Palala nang palala ang usap-usapan. Dahil sa reality show na iyon, iniisip ng marami na baka ma-involve si Trick sa babaeng ka-partner nito sa show. Lalo lang siyang nairita. Ganoon lang ba kadali para ipagpalit siya ni Trick sa ibang babae?
“Nililigawan naman siya ni Senator Benitez, hindi ba?” sabi naman ni Ara na sunud-sunod ang kagat sa chicharon. “Aba! Ipinagmamalaki ng Mama niya na si Miss Vix ang susunod na first lady ng bansang ito.”
Ngumiwi si Dhez. “Matanda na iyon. Kahit pa maging presidente siya ng Pilipinas bukas, hindi ko siya papatulan. Hindi katulad ni Sir Trick na bata at sariwa. Isa pang Stallion hunk. Ang mga Stallion hunk ang nasa number one list ng lalaking gustong pakasalan ng mga babae. Kaya nga minsan kapag nakikita ko si Sir Trick kasama si Ma’am Vix, gusto ko na magpalit kami ng lugar. At tanga siya kung pakakawalan niya si Trick Vergara. Kung gusto niya, sa akin na lang si Sir Trick.”
Umangat ang ulo ni Ara at natigil sa pagsubo ng chicharon nang makita siya. Dali-dali itong tumayo. “M-ma’am Vix, nandiyan pala kayo.”
Biglang tumikom ang bibig ni Dhez at hindi na nakapagsalita pa. Possessive siya kay Trick. Ayaw niyang may ibang babaeng nagnanasa dito.
“Akala ko isa sa inyo ang kasama ni Kuya Guilbert na mag-lunch,” ang tanging nasabi niya.
“Hindi na daw po kailangang may kasamang assistant. Sila na lang daw po ng secretary ni Congresswoman Lozada ang mag-uusap,” sagot ni Ara.
“Ah! Si Jack!” Nagsalubong ang kilay niya. Himala! Kakausapin ng kapatid niya ang ex-girlfriend nito? Anong nakain ng kapatid niya. “Okay. Ire-remind ko lang kayo sa report na ipapasa ninyo mamayang alas dos.” Kailangan nilang paghandaan ang paparating na El Niño at ang damage na maari nitong gawin sa mga magsasaka. They need alternative programs so that they can survive the draught.
“Ma’am, pasensiya na po pala. Ang totoo nakikisimpatya kami sa inyo at gusto naming matuloy ang kasal ninyo ni Sir Trick,” sabi ni Dhez. “Ikaw ang dapat na ka-partner ni Sir Trick kung lalabas man kayo sa reality show.”
Kinuyom ni Ara ang palad. “Gusto ko ngang magprotesta din tulad ng mga aktibista sa Stallion Island para mas i-promote ang loveteam ninyo ni Sir Trick. Masyado lang kasi silang killjoy. Ayoko namang ipatigil ang makeover challenge. Sayang naman ang mga guwapo doon.”
Isang ideya ang nag-click sa isipan niya. Ayaw ni Trick na kausapin siya? Sa naisip niyang ideya, tiyak na kakausapin at haharapin siya nito.
“Ibigay ninyo sa akin ang name ng grupo ng mga aktibista na iyon at kung saan tumutuloy ang mga protestors nila. ASAP.”