“Nasaan ang utak mo, Victoria Grace? Si Arnulfo Benitez na ang nagyayaya sa iyo ng date. Siya ang susunod na presidente ng Pilipinas. Ayaw mo bang maging first lady? Hindi lahat ng babae nayayaya ng date ng katulad niya.”
Isinalansan niya sa overnight bag ang toiletries habang pinapakinggan ang sermon ng Mama niya. Ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataong makaalis ng bahay. Dumating si Freezia mula sa Stallion Island. Nagbabaka-sakali siyang makibalita kay Trick. At ito lang din ang pwede niyang hingahan ng sama ng loob.
Nang magkasira sila ni Trick ay nabalita agad ang tungkol doon, courtesy of her mother. She was clearly distressed. At sinamantala naman ng ilang kalalakihan na pumorma sa kanya. Kasama na si Senator Benitez.
Bugbog na bugbog na ang katawan niya sa trabaho. Ngayong tatakbo na siyang mayor ng San Martin, mas matinding atensiyon ang ibinibigay niya sa pangangailangan ng mga tao at pakikinig sa mga ito. It was not easy. Di niya alam kung paanong nagagawa ng Kuya Guilbert niya ang trabaho nito noon.
“Ma, hindi po ako interesado kay Senator Benitez. Ikakasal na po ako kay Trick.” Kahit pa gusto niyang i-please ang mama niya, di niya sisirain ang relasyon nila ni Trick dahil sa ibang lalaki. Hindi pa siya nasisiraan ng bait.
“Baka nakakalimutan mong ayaw na niya sa iyo.”
“We just need a little time apart.”
It felt like a lie. He stopped taking her calls. Sinabi ni Trick na mag-usap na lang sila kapag handa na siyang talikuran ang pulitika. Ito na mismo ang kumausap sa caterer at maging si Ayumi na itigil muna ang preparation sa kasal nila. This was serious. Kahit pa puntahan siya nito sa Stallion Island, di siya nito kakausapin.
Umupo sa kama niya ang Mama niya at pinigilan ang kamay niya. “Victoria Grace, grabeng kahihiyan na ito. Iniwan ka ng groom mo sa pangatlong pagkakataon. Di ko alam kung may mukha pa akong maihaharap sa mga tao. Kinakapalan ko na lang ang mukha ko kahit na pinag-uusapan ka na nila. Magpasalamat ka dahil may mas mayaman at sikat na lalaking sasalo sa iyo. Di ka na masyadong kahiya-hiya. Tiyak na magsisisi ‘yang si Trick kapag nalaman niyang si Senator Benitez ang nakikipag-date sa iyo.”
Binawi niya ang kamay mula sa ina at isinara ang bag. “Babalik din po ako bukas para sa dinner, Ma.”
“Walang mangyayari sa inyo ni Trick. Hindi ka niya babalikan. Why? For sure maraming magaganda at mas batang babae na naghahabol sa kanya. Ni hindi nga niya sinasagot ang tawag mo. Believe me. Wala sa kanya kung pumatol man siya sa ibang babae. Habang mukha ka namang baliw na naghihintay sa kanya.”
Lumabas siya ng silid at pinuntahan ang naghihintay niyang kapatid na si Guilbert na siyang maghahatid sa kanya sa bahay nila Freezia. “Huwag mo na lang pansinin si Mama. Trick is a decent guy. Once you have this thing sorted out, he will come back to you. Hindi siya titingin sa ibang babae.”
Bumuntong-hininga siya. Masyado siyang na-spoiled kay Trick. Kaya naman akala niya ay masusunod ang lahat ng hilingin niya dito. “I know. I trust him. Pero sana nga babae na lang ang pagtalunan namin kaysa pulitika. Why is it so hard for him to understand that this is so important to me?”
“Tulad ng tinikis mo na huwag tuparin ang pangako mo sa kanya. Importante rin naman sa kanya ang buhay na magkasama kayo nang walang bahid ng pulitika.”
Nagsalubong ang kilay niya at nilingon ang kapatid. “Anong gusto mong mangyari? Pabayaan ko na lang si Mama?”
“May tatlong buwan pa bago ang filing ng certificate of candidacy. Marami pang pwedeng mangyari. All you have to do is say no to Mama. Wala ka pa namang ipina-file na certificate of candidacy.”
Umiling siya. “Hindi iyon ganoon kasimple, Kuya.”
“Ako ang bahala kay Mama.”
“No! Nakatango na ako sa kanya. Ano na lang ang sasabihin ni Mama kapag nalaman niyang umuurong ako sa pagka-mayor dahil kay Trick? Sasabihin na naman niyang mahina ako at walang silbi sa pamilya natin.”
Pinisil nito ang kamay niya. “You know that is not true. Tumatanda na si Mama kaya kung anu-ano na lang ang masasabi niya.”
“Madali sa iyo para sabihin iyan.” Kahit anong gawin ng dalawa niyang kapatid na lalaki mula pagkabata ay puro na lang tama. She was always left out. Naa-appreciate siya ng Papa niya at mga kapatid niya pero hindi ang Mama niya. Ngayon na lang niya makukuha ang approval ng mama niya. “Sana maintindihan mo rin ako, Kuya. Sa dami ng palpak na nagawa ko noon, ito na lang ang pagkakataon ko para matuwa si Mama sa akin. Kahit man lang bilang mayor ng San Martin.”
And she knew that people also depended on her. May mga taong naniniwala sa kakayahan niya. Na kaya niyang makatulong sa mga mamamayan ng San Martin.
“Paano si Trick?”
“Babalik din siya sa akin,” malakas ang loob niyang sabi. “Kailangan lang naming pagdaanan ang mga ito sa ngayon. But he loves me. He will come back to me.” Kailangan niyang maging positibo. Alam niyang di rin siya matitiis ni Trick. Nagpapalipas lang siguro ito ng sama ng loob sa kanya.
Sinalubong agad siya ng yakap ni Freezia nang dumating siya. “Ate, ano ba ‘yang itsura mo? Ate, haggard na haggard ka.”
“Anong miryenda na iniluto ni Tita?” tanong niya. “Gutom na ako.”
“Mukha nga.” Idinala muna siya nito sa kuwarto nito at lumabas muli para kumuha ng pagkain. Sinunggaban agad niya ang empanada nang ilapag ni Freezia ang tray. “Parang isang linggo kang hindi kumakain.”
“Masyadong busy sa trabaho. Wala na akong oras kumain.”
“Baka naman iniisip mong masyado si Kuya Trick.”
Natigilan siya sa pagsubo ng empanada. Parang mawawalan na naman siya ng gana. Sa huli ay pinilit niyang isubo iyon. Isang linggo na siyang walang gana dahil masyado niyang dinidibdib ang nangyari sa kanila ni Trick. Ayaw naman niyang tuluyang magkasakit. Lalo siyang mawawalan ng lakas na lumaban.
“Natural lang na isipin ko iyon. Kasal namin ang hindi natuloy. Galit na galit si Mama sa nangyari.” Huminga siya ng malalim. “Pangatlong beses na daw akong iniwan ng lalaki at kahiya-hiya na ako. Tapos gusto agad niyang makipag-date ako kung kani-kanino. Tapos hindi man lang sinasagot ni Trick ang tawag ko. Nakita mo ba siya noong nasa isla ka?”
Tumango ito. “Kahapon. Pero sandali lang kami nagkausap. Tinulungan ko kasi si Kuya sa paghahanda ng mga bulaklak na gagamitin para sa launching ng Stallion Shampoo Makeover Challenge. Hindi na ako nagtagal dahil kinausap ko ‘yung ibang cooperative na ini-recommend ni Kuya Trick para mapagkunan namin ng raw materials para sa Human Loves Nature.” Magla-launch ng line ng organic beauty products si Freezia kasama ang kakambal ni Julian na si Jazzmire at ang nakababatang kapatid ni Illac na si Illiana. At tinutulungan ni Trick ang mga ito.
Nagningning ang mga mata niya. At sa unang pagkakataon ay nabuhayan siya ng loob. “Tinanong ba niya ako? Kinumusta man lang? May pinapasabi ba siya sa akin?”
Tuluyan nang nawala ang ngiti sa mga mata nito. “Sorry, Ate. Hindi ka niya nabanggit man lang sa akin. Sorry.”
Parang gusto niyang maiyak at naninikip ang dibdib niya. Tinungga niya ang mango juice. “Hindi man lang niya ako kinumusta?” aniya sa mapait na boses. “Ganoon na ba kalaki ang pagkakamaling nagawa ko para gawin niya ito sa akin? Parang wala na siyang pakialam sa akin.”
Hindi siya sanay ng ganito kay Trick. Hangga’t maari nga ay iniiwasan nito na magtalo sila. Kapag minsan siya ang may pagkakamali, ito agad ang nakikipag-ayos para dito na lumala ang gulo. He was like a prince in fairy tale. He was a dream. Pero bakit ngayon ay parang nabubuhay siya sa bangungot.
“Ate, hindi mo siya masisisi. Alam mo na may kasalanan ka rin. Sana talaga hindi ka na lang nangako. Kahit gaano pa kabait si Kuya Trick, hindi pwedeng lahat ng mali mo palagpasin na lang niya,” paliwanag ni Freezia at sinalinan ng juice ang baso niya.
Tumingala siya para di tuluyang pumatak ang luha sa mata niya. “Ayoko na. Alam ko naman na mali ako pero paano naman si Mama. Baka ito na ang pagkakataon para mahalin niya ako. Gusto kong ipaliwanag kay Trick. Gusto kong maintindihan niya kung gaano ito kaimportante sa akin.”
Napainom din ito ng juice. “Naku! Buti na lang talaga wala akong love life. Parang problema lang iyan. Sasama lang ang loob mo. Kundi lalaki ang problema, kung saan-saan kang sitwasyon mapupunta. Magulo!”
Pinalis niya ang luha sa mga mata at ngumiti. Kaya napakasimple ng buhay ng pinsan niya dahil sa halaman lang nakatuon ang atensiyon nito. “Iba pa rin kapag na-in love ka. Paano pala kung ligawan ka ni Cody?”
“Naku! Basted na siya di pa man siya nanliligaw.” Inalok siya ulit nito ng empanada. “Kumain na lang tayo. Saka na natin pag-usapan ang mga lalaking iyan. Magkaka-wrinkles lang tayo. Mag-relax ka muna, Ate. Mag-beauty rest tayo hanggang bukas. Baka kapag biglang nagpakita sa iyo si Kuya Trick, tuluyan na siyang makipag-hiwalay sa iyo dahil mukha kang zombie.”
Sinapo niya ang pisngi. “Ganoon na ako kapangit?”
Tumango ito at inilahad ang palad. “Akin na ang cellphone mo. Itago muna natin para walang mambulabog sa iyo.”
Napilitan siyang isuko ang cellphone dito. Iyon ang kailangan niyang paghandaan. Ang pagpapaganda niya para kay Trick. Para kapag nagkita silang muli ay hinding-hindi na siya nito matatanggihan pa.
VIX let out a sigh. Sa wakas ay natapos na ng masahista ang pagmamasahe sa kanya. Isang luxurious spa at massage ang ibinigay sa kanya. Iyon nga mismo ang kailangan niya.
Nasa indoor garden sila ni Freezia. Nare-relax siya sa lagaslas ng tubig na parang humihila sa kanyang matulog. Habang ang pinsan naman niya ay nasa kabilang massage table at tulog na tulog na. Tulad niya ay pagod din ito sa trabaho.
Iyon lang ang gusto niyang buhay. Tahimik, walang pressure at walang pera. Sana lang kahit sandali ay makatakas siya. Sana ay pwede siyang magkunwari na hindi natuloy ang kasal nila ni Trick. Na hindi siya pine-pressure ng Mama niya sa ibang lalaki. Sana ay mahalin siya nito tulad ng pagmamahal nito sa mga kapatid niya ng mga kondisyon. Bakit ba mahirap maging masaya?
Nahihimbing na siya nang maalimpungatan siya. “Freezia, bilisan mong bumangon. Simula na ng Stallion Island Makeover Challenge. Nandoon daw si Cody. Panoorin daw natin siya.”
Tita Gracia nila iyon na siyang katulong nina Noah at Freezia. Naroon din ang asawa nitong si Alfredo. Ang mga ito na halos ang nagpalaki sa magkapatid na Noah at Freezia nang mamatay ang magulang ng mga ito. Busy kasi sa negosyo ang papa nito na laging di kasundo ng magkapatid. Mommy nga at Daddy ang tawag ng mga ito sa mag-asawa.
Lukot na lukot ang mukha ni Freezia at napakamot sa ulo habang kipit ang kumot sa katawan. “Mommy, ginising ninyo ako para lang panoorin ang lalaking ‘yon? Gusto ninyong masira ang araw ko?”
“Okay lang iyan. Tiyak na mabubuo ang araw mo kapag nakita mo siya,” excited na sabi ng tita niya. Saka ito bumaling sa kanya. “Ano sa palagay mo, Vix? Okay lang naman na panoorin muna ninyo si Cody, hindi ba?”
Tumango siya. “Sure, Tita. Magbibihis lang po kami ni Freezia.”
Pakanta-kanta pa ang tita niya nang lumabas ng indoor garden. Humiga ulit si Freezia sa massage table. “Ayoko talagang makita si Cody. Mabuti nga’t nakaalis ako ng Stallion Island para hindi siya makita.”
“Pagbigyan mo na lang si Tita. Alam mo naman na botong-boto sila kay Cody.” Hinila niya ito patayo. “Come on! Gusto ko ring malibang.”
“Ah, ganoon? Masaya kang nasisira ang disposisyon ko sa buhay dahil kay Cody tapos ikaw naman ang nag-e-enjoy?”
Niyakap niya ito. “Sige na. Mabuti nga may mga bagay pa na pwedeng magpangiti sa akin. Gusto mo ba ma-depress ulit ako?”
Napilitan itong bumaba ng massage table. “Oo na. Oo na. Kundi lang talaga kita mahal, wala akong pakialam kahit na magta-tumbling ng una ang ulo ‘yang Cody na iyan.”
Pwedeng sabitan ng hanger ang nguso ni Freezia habang nakaupo sa sala at pinapanood ang launching ng Stallion Shampoo Makeover Challenge. Hindi kasi ito tinitigilan sa panunukso ng mga mga kaangkan nila. Avid fans ni Cody ang mga ito. At higit sa lahat ay boto ang mga ito sa supermodel para maging boyfriend ni Freezia. Ayaw din kasi ng mga ito na malulong sa mga halaman si Freezia at tuluyang tumandang dalaga. At parang nang-iinis pa dahil pati ang mga kawaksi ay sumamang nanood at kinikilig nang makita si Cody.
“Iyan ang mamanugangin ko,” sabi ng tito niya na botong-boto kay Cody. Naka-Prince Charming costume si Cody na may kasamang kapa at korona. Kahit siya ay di maiwasang ngumiti dahil guwapo nga ito.
“Hindi ko talaga alam kung anong ipinakain ng Cody na iyan sa mga kamag-anak ko. Bakit naman gugustuhin nilang maging boyfriend ko ang babaerong ‘yan,” nakahalukipkip na sabi ni Freezia.
“Cody is really charming,” wika naman niya. Isang babaeng mukhang si Miss Tapia ang ka-partner ni Cody.
“Sana pala isinali ko rin si Freezia para sila ni Cody ang partner,” sabi ng tita niya. “Tiyak na panalo agad ang pamangkin ko.”
Tinakpan ni Freezia ang mga tainga. “Oh, please! Pwede bang matulog na lang para hindi ko na makita ang Cody na iyan?”
“Ay, Ma’am! Hindi ba’t si Sir Trick po iyon?” tanong ng kawaksi ng mga ito na si Ibyang.
Bigla siyang lumingon sa TV at nagulat nang makita ang sumunod na Prince Charming. Napanganga na lang siya dahil si Trick nga iyon. But he was different from the Trick that she knew. This one was regal. Bawat hakbang nito ay nagpapakita ng awtoridad. Ni hindi man lang nagagalaw ng hangin ang buhok nitong may korona. At ang bawat ngiti nito ay sapat para tunawin agad ang puso niya. This Trick was ten times more potent than the man that she agreed to marry.
Hindi mahiyain ang Trick na ito at kampanteng-kampante. Saan nito nakuha ang ganoong confidence?
“Bakit naman siya masasali diyan samantalang ikakasal na sila ni Ading Vix,” sabi naman ng kapatid nitong si Nena.
Sasagot sana siya nang makita niyang ngitian nito ang isang cute na babae pero may pagka-chubby naman. Kung ngitian nito ang babae ay parang ito ang pinakamagandang babae sa mundo. Napamaang siya nang kunin nito ang kamay ng babae at halikan ang likod ng palad nito.
Napatayo siya sa sofa. Gusto niyang magwala nang mga oras na iyon. That was foul! Ni hindi nito mahawakan ang dulo ng kamay niya sa publiko minsan dahil hiyang-hiya ito tapos ay magagawa nitong halikan ang ibang babae infront of national TV? “Sandali! Bakit…”
Hinawakan ni Freezia ang balikat niya at umiling. Oras na mag-react siya ay lalala lang ang sitwasyon. Iilan lang ang nakakaalam ng pagkaka-postpone ng kasal nila ni Trick para ingatan ang pangalan niya. Her outburst could put her reputation in danger.
Huminga siya ng malalim at naramdaman niyang nangingilid na ang luha niya. “Excuse me,” sabi niya at saka tumakbo palabas. Nakarating siya sa garden at doon ibinuhos ang luhang kanina pa pinipigil.