Stallion Island Series Chapter 33

“Ang kapal ng dalawang junior associate mo, Kuya Thorn. Sinabihan kami nila Georgia at Rosal na pangit daw kami dahil lang ilang beses naming ni-reject ang pakikipagkape sa kanila,” sumbong ni Pinay sa pinsan habang nagda-drive ito papunta sa birthday ng Tita Yolie niya. Ginanap iyon sa compound ng Sulong Kababaihan, isang non-governmental organization na tumutulong sa mga kababaihan at kabataang naabuso. Tita niya ang directress niyon.

“Akala mo naman mga guwapo sila. Di naman sila member ng Stallion Island,” sabi ni Rose Alma, kasamahan niyang paralegal sa law firm kung saan senior partner naman si Thorn. Super enemy kasi nila ang dalawang junior partner sa law firm. Nasa litigation department sila at sa kanila bumabagsak ang trabaho ng mga ito na sa kasamaang-palad ay di naman matinong I-present sa korte.

“Gusto lang nilang yumaman. Unnecessary naman iyong ibang mga parts ng pleadings nila. Natural ie-edit namin iyon. Aba! Kesyo naiinggit daw kami sa kanila. Gusto pa nilang sirain ang pangalan ng firm sa ginagawa nila. Ang ligoy-ligoy ng documents nila. Gusto lang nilang humaba para malaki ang bayaran ng kliyente,” nagpupuyos namang sabi ni Georgia na kaklase niya sa San Beda Law School.

“Tama iyan! Nakuha mo ang gusto kong mangyari, girl!” sabi niya. “Kaya yata nagpapayaman ang mga iyon dahil ambisyon nilang tanggapin sa Stallion Island. As if tatanggapin sila doon. Ang sasama kaya ng budhi nila at mukha nila. Gusto ko ngang ipagulpi sa Gamma Gamma Frat kaso I changed my mind. Wala naman nang gugulpihin dahil mukha nang basag ang faces nila.”

Umalingawngaw ang halakhakan nilang tatlo sa loob ng kotse ni Thorn. Kumunot lang ang noo ng pinsan niya. “Wala na kayong bukambibig kundi ang Stallion Island na iyan. Mga anghel ba sa langit ang mga lalaki doon at parang paraiso ang isla na iyon kung magsalita kayo.”

Ang Stallion Island ay isang eksklusibong isla para sa mga piling kalalakihan ng bansa. Branch ito ng sikat na Stallion Riding Club kung saan ang nagiging miyembro lang ay guwapo, mayayaman, sikat at tinitingalang kalalakihan ng bansa.

Pag-aari iyon ni Prince Rostam at ang anim nitong village lords na pawang mayayaman ding mga kalalakihan at sikat sa ibang bansa. Nagkakandarapang pumasok ang mga kalalakihan doon para mahawaan ng kasikatan ng mga may-ari ng isla. Habang ang mga babae sa Pilipinas ay naging pangarap nang makapangasawa ng miyembro ng bagong-bagong club.

At di siya naiiba sa mga babaeng iyon. At sa isang miyembro lang nakatuon ang atensiyon niya. Kay Trinidad Javellana, Jr. He was a popular musician turned record producer. Matapos ang break up nila ng dating nobyong si Lee, nawalan na siya ng amor sa mga kalalakihan. Well, except TJ. Ito lang ang nagpapangiti sa kanya tuwing naririnig niya ang boses nito. Kinikilig siya kapag nakikita ang light brown nitong mga mata. At gusto niyang maniwala sa himala at real love dahil dito. He made her live again.

Idinikit niya ang pisngi sa windshield ng kotse nito. “Hindi sila anghel, Kuya. Diyoses sila.” At nagningning ang mata niya nang makita ang billboard ni TJ para sa isang sikat na brand ng jeans. Nakasandal ito sa pader habang nakatingin sa malayo. Parang may hinihintay. “Maghintay ka lang, TJ. Magkikita rin tayo. Isang araw makakatapak din ako sa isla mo.”

“Filipina, punasan mo ang bintana ng kotse ko. Tumutulo na laway mo diyan,” sabi ni Thorn. Narinig niya ang tawanan ng dalawang kaibigan niya.

“Precious naman ang laway ko, Kuya. Mahal iyan! Kuya Thorn, mag-member ka na sa Stallion Island. Para naman magkita na kami ni TJ, my love,” ungot niya.

“Ikaw lang ang makikinabang kapag naging member ako doon. Sa dami ng trabaho ko, may oras pa ba akong pumunta sa isla na iyon? Mag-concentrate ka na lang kung paano pagbubutihan ang review mo sa bar exam.,” sabi ni Thorn.

“Hay! Paano na si TJ?” Nag-beep ang cellphone niya at halos mapatid ang litid niya sa pagtili nang mabasa ang text ng pinsang si Einjel. “May bisita daw si Tita Yolie na member ng Stallion Island. Si Jayson Alden Arcega. Sino iyon?”

“Ang hina mo naman,” sabi ni Georgia. “Iyong expert pagdating sa renewable sources of energy. Iilan lang naman ang pioneer members ng Stallion Island na naka-feature sa magazine, di mo pa kilala.”

“Malay ko. Si TJ lang ang importante para sa akin. I don’t really care about the rest of the world. Pero dahil member ang lalaking iyon ng Stallion Island, dapat maging close din kami.”

Gagawin niya ang lahat mapasok lang ng Stallion Island. Gusto na niyang magkita sila ni TJ. Handa niya itong pakasalan sa lahat ng simbahan, relihiyon, maging sa sala ng judge o office pa ng mayor.

ALANGANIN ang ngiti ni Pinay habang nasa garden ng Sulong Kababaihan kung saan ginaganap ang birthday party ng Tita Yolie niya. Mistulang children’s party kasi ang okasyon at parang di birthday ng isang fifty years old na babae. May mga balloons, party hats, games na pambata at may kariton ng ice cream at cotton candy. Na pinagkakaguluhan ng mga kaibigan niya.

Kinawayan niya ang mga dating bandmate na sila Andrya, Heallene at Freya na busy sa videoke. Dating boarders ang mga ito ng Tita niya kaya dapat lang na present ang mga ito sa okasyon. Everything looked perfect and fun. Pero wala siyang hilig sa mga children’s party. Iniikot siya ng Tita Yolie niya sa facility at ipinakilala sa mga staff pero lumulutang ang isip niya.

“Sabi ni Mama tiyak daw na maswerte ang mapapangasawa ko. I am so perfect. ” tanong ni John Paul. Anak ito ng isa sa mga sponsor ng foundation. Yes, he was handsome in his own right. May utak din naman ito kahit papaano pero kaya naman nitong mag-generate ng electric power mula sa wind energy nito. Ang tindi kasi ng kayabangan nito.

“Do you like kids?” tanong niya.

“Not that much. Pero maraming babae ang gustong magkaanak sa akin.”

She didn’t fancy kids either. She didn’t know how to handle them. Ang totoo, naiinggit siya sa mga batang naka-experience ng masayang childhood. She never had one. Noong bata siya, mas gusto niyang lumaki na lang. Her mother was fighting for her life. Battered wife ito. At ginagawa nito noon ang lahat maprotektahan lang siya. Madalas niyang hilingin na sana ay maipagtanggol niya ito.

Kaya din pinili ng Tita Yolie niya na tumulong sa ganoong institusyon. Lumaki siya sa Amerika hanggang pitong taon siya. Malayo siya sa piling ng pamilya ng nanay niya. Walang mahingan ng tulong ang nanay niya tuwing ginugulpi ito ng tatay niya. Gusto nitong tumakas siya pero di nito magawa. Guwardiyado ang malaking bahay nila sa Arizona, sa gitna ng disyerto. Nang sinubukan itong itakas ng Tita Yolie niya ay huli na. Patay na ang nanay niya. Yes, she escaped death. Nakulong ang tatay niya pero huli na ang lahat. She was tainted.

That’s why she promised that no man could crush her spirit. Kaya niyang ipagtanggol ang sarili niya. Mae-enjoy pa ba niya ang pagiging bata?

“That member of Stallion Island.” Itinuro nito si Jayden Arcega na kadikit ng pinsan niyang si Einjel. “Di naman nalalayo ang kaguwapuhan ko sa kanya.”

“Why don’t you talk to him?” tanong niya. “Ang alam ko marami siyang idea tungkol sa pag-generate ng renewable sources ng energy gamit ang wind energy. You might be able to help him.”

“That’s a good idea. Magaling ako sa…” Natigilan ito nang maanalisa ang sinasabi niya. “Wala akong alam sa mga turbines and power energy.”

Tinapik niya ang balikat nito. “You don’t have to know anything. All you have to do is talk.” Tumayo siya sa bench. “Excuse me. Kukuha lang ako ng makakain.”

Nagpasalamat siya na ng di na siya sundan pa ni John Paul. She was lucky to get away from him. All men cared about were their bloated ego. Except TJ. Nang nag-break sila ni Lee, TJ was also suffering a tremendous heartache from his ex-girlfriend. Nakita niya kung paanong magmahal si TJ noon. She saw the man so in love with his woman only to lose her. Sa malayo lang niya kayang mahalin si TJ noon. Pero ngayong miyembro na ito ng Stallion Island, parang mas malapit na niyang maabot ang pangarap niya. Sa isla na iyon, natutupad daw ang lahat ng pangarap ng isang babae. Parang isang fairy tale. Kailangan na niyang planuhin kung paano makakatapak sa Stallion Island sa lalong madaling panahon.

Umupo siya sa bench habang kumakain ng hotdog on stick nang umiyak ang isang batang lalaki na limang taon ang edad. “Waaaa! Gusto ko rin ng hotdog! Inubos na niya!” atungal ng bata at itinuro siya. “Inagawan niya ako.”

Pambihira! Kung kailan nag-e-enjoy siyang kumain dahil walang asungot sa buhay, saka pa siya nagmistulang suspect sa pagnanakaw. Nilapitan niya ang bata. Ayaw niya ng iyak ng bata. Inabot niya ang hotdog. “Gusto mo?” alok niya.

“Ayoko! May kagat na iyan! Waaaa! Hotdog!” palahaw pa rin ng bata.

“Pasensiya na po, Ma’am,” sabi ng nakatatandang batang babae na sa palagay niya ay sampung taon na. “Si Kirby po kasi mahilig sa hotdog. Kami na po ang bahalang magpatahan sa kanya.”

“Kuya Clown! Kuya Clown!” tawagan ng mga bata. “Umiiyak po si Kirby.”

Napansin niya na may makapal na dilaw na buhok na sumilip mula sa pinto ng kusina. Dahan-dahan iyong lumabas at nakayukong lumapit. Iyon na ba ang clown? Ang alam niya sa clown ay makapal ang mukha. Bakit mukhang mahiyain?

“Bakit umiiyak si Kirby?” tanong ng clown.

“Kinain niya ang hotdog ko po!” sumbong ni Kirby at nang-aakusa siyang tiningnan. “Hindi ko siya kabati. Ayoko dito! Ayaw ninyo sa akin.”

“Ayaw naman niya dahil may bawas na. Anong gagawin ko?” tanong niya.

“Wala nang hotdog sa loob. Magpapabili na lang ako, gusto mo?” madiplomasyang sabi ng clown sa kengkoy na boses.

Itinuro siya ng bata. “Gawin mo siyang palaka. Inubos niya ang hotdog ko. Pangit siya.”

Tuluyan na niyang isinumpak ang lahat ng hotdog sa inis. Ayaw niya sa lahat ang sinasabihan ng pangit kung kailan nagpaganda siya. Lalong nag-iiyak si Kirby. Mali ito ng kinalaban. Kung naging mabait lang sana ito sa kanya, baka ibili pa niya ito ng isang kilong hotdog.

“May hotdog naman sa spaghetti. Gusto mo iyon na lang ang kainin mo. Lalagyan pa natin ng maraming cheese,” malambing na sabi ng clown.

Pinakinggan niyang mabuti ang boses ng clown. It was husky and intelligent. Parang humahagod sa balat. Katimbre nito ang boses ni Lee. Hindi lang katimbre. Nahahawig pa. Kung pipikit siya, si Lee ang makikita niya. Kung aalisin ang mataas na sapatos ng lalaki at ang clown wig nito, di nalalayo ang tangkad nito kay Lee. The rest of his features were vague.

And that soothing tone, Lee used it one time. Noong may sakit siya at naglalambing siya kay Lee. He cuddled her like a child. Bakit ba ngayon pa niya naalala si Lee sa clown na iyon? Ayaw na niyang maalala ito o isipin pa ito. He was a major error on her part.

Tumahan si Kirby at pinunasan ng luha ang pisngi. “Opo. Gusto ko po ng maraming spaghetti. Huwag po natin bibigyan si Ateng Pangit!”

Pinanlakihan niya ng mata ang intrimitidong bata. Sakto namang lumingon sa kanya ang clown. Bigla siyang nagpilit na ngumiti. “Ang cute niya kahit umiiyak, no?” Pwede kayang patulan ang mga bata paminsan-minsan para di lumaking sutil at nang di na makapanakit ng damdamin ng kapwa?

Isang volunteer ang nagbigay ng pagkain kay Kirby kaya tuluyang natahimik. Nilapitan siya ng clown. “Sorry. Naging habit na lang niyang tumawag ng pangit. But you are not ugly. Don’t worry.”

“It’s okay. Ganoon talaga ang mga bata. I am Pinay! Pamangkin ako ng birthday celebrant. Saang company ka nagtatrabaho as clown?”

“Nagtatrabahong clown? Ako? Volunteer lang ako dito. I am…”

“Saan ka ba punta nang punta?” singit ng pinsan niyang si Einjel. “Madaming batang naghahanap sa iyo…” Napanganga ito nang makita siya. “Ay! Nagkakilala na ba kayo ni Li…” Nilingon nito ang clown. There was something peculiar about their expression.

“May problema ba?” Bawal bang banggitin ang pangalan ng clown dahil artista o puga mula sa city jail?

Humalakhak si Einjel. “Nahihiya siya sa pangalan niya. Siya si Ligaya.”

“Ligaya?” Ang lalaking clown na kaboses ng guwapo niyang ex-boyfriend ay Ligaya ang pangalan?

“Oh, yes! Ligaya ang itawag mo sa kanya!” tili ni Einjel.

“Tama! Ligaya ang itawag mo sa akin,” sabi ng clown at kinamayan siya. “Nice meeting you, Pinay.”

“Nice meeting you as well, Ligaya. Ang ganda naman ng name mo.”

Lalaki pa rin naman ang boses nito. Ni hindi niya nahalata agad na isa itong miyembro ng federeciones. Nanlaki ang ulo niya. Ang kaboses ng ex-boyfriend niyang si Lee na ginagamit para mang-akit at magpanginig sa tuhod ng kababaihan ay pag-aari na ni Darna. Ano na ba ang nangyayari sa mundo?

“Hey, Pinay! I’ve been looking for you.” Nagtayuan ang balahibo niya nang hawakan ni John Paul ang balikat niya mula sa likuran. “Di ka na bumalik.”

She shrugged her shoulder to dislodge his hand. It took a lot of effort not to throw him and give him a chop. Lakas ng loob nito na hawakan agad siya. Close ba sila? Tumayo siya at hinarap ito. “Nakikipag-kwentuhan lang.”

Nasira ang mukha nito nang makita si Ligaya. “Well, I thought it’s someone important. Sumali na lang tayo sa Trip to Jerusalem game. They need couples. It must be exciting.” Ibinulong pa nito ang huling sentence sa kanya.

That leering tone was loaded with sexual innuendo. Sa larong iyon, magkakaroon ito ng pagkakataon para makapanlamang. Di siya papayag na mahawakan pa nito kahit ang dulo ng daliri niya. Baka makapanggulpi siya nang wala sa oras. She didn’t want to ruin her aunt’s party. Pero kailangan din niyang iligtas ang sarili mula sa isang potential maniac.

“May ka-partner na ako.” Inginuso niya si Ligaya. “Siya.”

“Ako?” Na-amuse siya nang manlaki ang mga mata ni Ligaya at nalaglag ang panga. Lumutang ang comicality ng mukha nito dahil sa clown make up nito. Di niya alam kung nagpapatawa ito o sadyang na-shock sa sinabi niya.

Humalakhak si John Paul nang nakakauto. “A clown? Now that’s funny.”

“But I am serious.” Hinawakan niya ang braso ni Ligaya.

“But you’ll look funny together. Why would you prefer dancing with a comic than with me?” he asked in an arrogant tone. Saka nito nangmamatang tiningnan si Ligaya na bahagyang nagtago sa likuran niya.

Mas gusto niyang isang clown ang ka-partner kaysa naman sa isang manyakis. At least safe siya sa isang bading na clown. Tiyak pa na walang pupulot ng basag na panga mamaya.

“Sa basagan ng palayok ka na lang sumali, John Paul. Maglalaro na kami. Babalatuhan na lang kita ng prize kapag nanalo kami.” At patalon-talon pa siya habang hatak-hatak si Ligaya na parang alanganing sumama sa kanya. Kinawayan niya si Simmy na siyang host ng program. “Simmy! Sasali kami!”

“Si Pinay at si Li…”

“Ligaya!” dugtong ni Einjel. “Palakpakan natin sila.”

“Sasali din kami!” sabi ni John Paul na basta na lang hinatak ang babaeng katabi. Maaskad siya nitong tiningnan at saka matamis na nginitian ang kapareha. As if naman maiinggit siya. Malas nga ng babaeng ka-partner nito.

“Good! Ang premyo natin ay isang romantic date!” anunsiyo ng Tita Yolie niya.

“Okay lang ba sa iyo na ako ang ka-partner mo?” tanong ni Ligaya nang magsimula na ang game. It was a Trip to Jerusalem game. Umiikot sila sa mga upuan. At kailangang kandungin ang kapareha matapos ang tugtog. Ang walang upuan ay matatanggal. “Hamak na guwapo naman ang ka-partner mo. Tapos kapag nanalo pa tayo, ako pa ang makaka-date mo kaysa sa kanya.””

“Mas safe nga ako kapag kasama kita. Saka di ko naman kailangan ng ka-date.” Tinapik niya ang balikat nito. “Relax! Hindi kita ha-harass-in. this is just a game.” Kung mag-e-enjoy siya at mananalo sila, ibibigay pa niya ang premyo dito at sa fafa nito kung gusto nito. “Let’s party!”

Enjoy na enjoy siya sa pagsayaw nang biglang may humawak sa baywang niya. Nang lumingon siya ay si John Paul pala ang nakahawak sa braso niya. And there was his leering grin. “I really like this game. Pero mas maganda kung partner kita.”

Muntik na niyang hawiin ang kamay nito at baliin kundi lang may kamay na naunang humawi sa mga kamay ni John Paul. “Excuse me! Excuse me!” sabi ni Ligaya at iginitgit ang sarili sa pagitan nila ni John Paul.

Na-out of balance pa si John Paul sa paggitgit at muntik matumba. Eksaktong tumigil ang tugtog at nakaupo agad sila ni Ligaya. Kakamot-kamot naman ni John Paul dahil naubusan na ito ng upuan at na-out sa game. Di rin nito mai-angat ang mukha dahil napahiya sa muntik nang pagkatumba.

Natawa siya at nag-L sign. “Loser! Serves him right. Dapat lang iyan sa mga bastos. Pasalamat nga siya dahil di ko siya binangasan.”

“Binangasan? Hanggang ngayon pala palaban ka pa rin.”

Kumunot ang noo niya. “Paanong palaban pa rin?”

Kilala ba nila ang isa’t isa noon pa?

Tumikhim ito. “Sinabi ng Tita Yolie mo.”

“Kahit naman sinong babae kailangang depensahan ang sarili. Pasalamat siya sa iyo dahil hindi ko siya nagulpi. The best ka talaga, sister.”

“Anong sister?” naguguluhan nitong tanong.

Pinalantik niya ang daliri at tumayo. “Sister ka, di ba? Ang hina mo naman.” Anong klaseng kabadingan ba meron ito at walang alam sa mga bading term?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.