Nakasunod siya ng tingin kay Ligaya habang umiikot sila sa mga upuan. Bagamat umaakto itong clown at nagpapatawa, hindi ito isang malanding clown. Parang isang normal na lalaki ito sa kilos at pananalita.
Nang sumunod na kumandong siya dito, nakatitig siya sa mukha nito. Kumurap-kurap ito. “Bakit? May problema ba sa mukha ko?”
Inilapit niya ang mukha dito. Parang may X-ray at laser beam ang mata niya. “Iyang make up mo. Ano kayang itsura mo kapag walang make up?”
Nagulat siya nang bigla siya nitong buhatin. “Kanina pa sila umiikot. Kwentuhan pa tayo nang kwentuhan dito.”
Nang ibaba siya nito ay di sinasadyang nadikit ang ilong niya sa dibdib nito. Napapikit siya sa mabangong amoy nito. “Sister, ang bango mo naman. Chocolate!”
Nakakaakit. Masarap papakin. Parang bumubuhay sa animal instinct niya. Nasa imahe niya ang isang guwapong lalaki na katakam-takam. Akala niya ay imposibleng mangyari ang mga napapanood sa commercial kung saan todo-todo ang nagiging pagnanasa ng mga babae sa mababangong lalaki.
Pero hindi naman isang lalaki ang kaharap niya. Isa itong… sister! Jeez! Tiyak na isusumpa siya ni TJ oras na malamang bukod dito, pinagnanasaan niya ang isang miyembro ng federacion. Malamang kahit si Ligaya ay mandiri sa kanya.
Girl si Ligaya! Girl! Hindi kaya siya ang may diperensiya. Naaakit siya sa isang clown na bading na amoy chocolate.
Gutom lang siguro ako.
HINDI magkandatuto sa pagsasawsaw ng marshmallows sa chocolate fountain sa buffet table si Pinay. “Ang dami niyan, ah!” puna ni Ligaya na may dalang juice. Napagod din marahil ito sa game.
“Kanina pa ako nagke-crave sa chocolate. Nakakagutom tuloy.”
“Kaya siguro wala ka sa sarili habang naglalaro tayo kanina.”
At sumubo agad siya ng marshmallow. Matapos niyang maamoy ang cologne nito, pinili niyang magpatalo na lang para makakain. Hindi niya nagustuhan ang realisasyon niya kanina. Naa-attract siya sa miyembro ng confederacion. So maybe it was just the cologne. Pero marami namang mababangong cologne na siyang naamoy dati. Di naman siya naapektuhan ng ganito.
“Pasensiya ka na. Iba talaga kapag tinamaan ako ng gutom.” Pero mas malala kapag sinapian siya gaya kanina. Na-attract siya sa isang clown na bading.
Base sa obserbasyon niya, walang senyales na miyembro si Ligaya ng federacion. Parang natural lang ang kilos nito. Katimbreng-katimbre pa nga nito ng boses si Lee. Baka naman galing ito sa abroad at ang mga bading doon ay di kinakailangang magkilos-babae. Isinasapuso lang ang kabadingan. O baka naman gusto nitong itago sa taong malalapit dito ang tunay nitong katauhan at sa mga taong tanggap ang pagkatao lang nito ipinakikilala ang sarili.
Hindi na siya magtataka kung ibang babae ay ma-attract din dito kung di alam ang tunay nitong pagkatao. Gentleman kasi ito. At malakas ang hinala niya na guwapo rin ito sa ilalim ng makapal nitong make up.
“May boyfriend ka na ba?” tanong niya.
Bigla itong umubo. “Wala!” anito at umiling.
“Crush! Huwag ka nang mahiya. Tayo-tayo lang naman dito.” Nanatiling pinid ang bibig nito. “Sige. Ako na lang ang magkukwento. Alam mo ba kung ano ang pinakamatinding dream ko?”
“To be a hard shot lawyer?”
“No! Gusto kong maging Mrs. Trinidad Javellana, Jr.”
Right. Kailangan niyang mag-focus kay TJ. That was the sane emotion.
“Iyong record company owner na member ng Stallion Island?”
Pumitik siya. “Bingo! Kaya nga gusto kong makarating ng Stallion Island. Handa akong pakasalan siya sa lahat ng simbahan, relihiyon, pari, sala ng judge o kahit pa sa anong office ng mayor. Teka, huwag mong sabihing gusto mo rin siya. Di ko siya ibibigay sa iyo.”
May magkahalong lungkot at pagkadismaya sa mga mata nito. “You don’t look the type who would run after a celebrity. You are too sensible for that.”
“Sensible? What is sensible in your dictionary?”
“Realistic and you’ll go for the real guy.”
“Anong real guy? Mga lalaking insensitive sa nararamdaman ko?” Kinuyom niya ang isang palad at magaang dinibdiban ito. “Hindi ko kailangan ng ganon. Doon na lang ako kay TJ. Naiintindihan niya ang nararamdaman ko.”
“Nagkausap na kayo? Kilala ka ba niya?”
Inubos niya ang huling marshmallow sa stick. “Kapag nagkita ulit kaming dalawa, for sure mararamdaman niya ang connection na iyon.” Tinungga niya ang juice at saka hinagilap ng mata si Jayden Arcega. “Nasaan na si Stallion Boy?”
“Sabi ni Imhan kanina pa umalis.”
“Ano?” Nanlulumo niyang nabali ang stick. “Nawala na ang ticket ko papasok ng Stallion Island. Paano na ang destiny ko?”
Nandoon na. Abot-kamay na niya ito. Dapat talaga binakuran na niya kanina para di na nakawala pa. Umupo siya at isinipa ang paa sa ilalim ng mesa. Di niya alam kung saan ibubuhos ang frustration. Matapos saglit na maakit sa isang bading na clown, ngayon naman ay pinakawalan niya ang pagkakataong makita si TJ.
“Gusto mo ba talagang mapasok sa Stallion Island?”
Tumango siya. “Oo. At hahalikan ko talaga ang sinumang magpapasok sa akin doon. Kahit isandaang halik pa kung gusto niya.”
“EINJEL, wala ka pa rin bang number ni Jayden? Dali! Kailangan ko talagang makasampa ng Stallion Island. Kahit I-donate ko pa sa kanya ang utak ko at bibigyan ko siya ng libreng service kapag pasado na ako sa bar, gagawin ko!”
Hinayang na hinayang talaga si Pinay sa pagkakataong pinalagpas niya. Dahil sa sobrang frustration niya ay hindi siya makapag-review na mabuti sa bar exam niya. Ilang buwan na lang at kailangan na niyang harapin ang hamon na iyon. Pero di rin niya pwedeng palagpasin ang pagkakataon na makita si TJ at mapasok ang prestihiyosong Stallion Island.
“Ayaw ngang mamigay ni Imhan ng number,” nanunulis ang ngusong sabi ni Einjel habang nagbabalat ng hilaw na mangga. “Sa palagay ko binabakuran na niya si Jayden para sa sarili niya. Paano naman ang future namin?”
“Mas lalo naman ang future namin ni TJ.”
“Karindi na iyang TJ na iyan, ha!” singit ni Princezz, ang nakababatang kapatid ni Einjel. “Doon ka na lang kay Kuya Lee.”
Umakyat agad ang dugo sa ulo niya nang marinig ang pangalan ng dating nobyo. “Bakit ba di ka maka-get over sa Lee na iyon? Ako nga matagal nang naka-get over sa kanya. Ni hindi ko nga alam kung nasaan na ang lalaking iyon. Malamang may girlfriend na iyon na di makabasag-pinggan. Saka bakit ba biglang napasok si Lee sa usapan?”
Financial consultant si Lee sa isang malaking kompanya. Dahil may iba’t ibang opisina ang naturang kompanya sa iba’t ibang parte ng mundo ay madalas magbiyahe si Lee. Iyon lang ang alam niya dito. Kung may iba pang kwento dito ay wala na siyang pakialam. Masaya na siyang may kanya-kanya na silang buhay.
Sabi ng marami ay mababaw lang ang away nila pero malaking isyu na iyon sa kanya. Loving her ruined his pride. When he tried to claim his dignity back, he wounded her. Gusto lang naman niyang irespeto ng isang lalaki ang karapatan niyang ipaglaban ang sarili niya at karapatan niya. Mabuti nang naghiwalay na lang sila noon kaysa naman umabot pa sa puntong matulad siya sa Mama niya. Nagmahal sa lalaking di ito kayang irespeto. Habang may natitira pa siyang pagmamahal kay Lee. Yes, she still loved him but they couldn’t stay together anymore.
Umiling lang si Princezz at tinakpan ang bibig. “Wala, Ate. Bigla ko lang naisip na mayaman na siya ngayon. Bawat buka ng bibig no’n dollars ang lumalabas. Mas madali namang akitin iyon kaysa kay Fafa TJ.”
Iniikot niya ang mga mata. “Mas imposibleng magkatuluyan kami ni Leigh Armaund. Asa ka pa! Saka huwag ka ngang perhuwisyo sa pagtupad ko sa pangarap ko. Di naman kita pinakikialaman sa mga ambisyon mo.”
Narinig niya ang ugong ng kotse sa baba. “Andiyan na si Mommy!” tili ni Einjel. “Baka nakuha na niya kay Imhan ang phone number ni my darling Jayden.”
“And Jayden means TJ!” aniya at nakipag-unahan dito sa paglabas sa garahe.
Nagulat si Yolie nang nag-unahan pa silang magmano at kunin ang mga dala-dalahan. “Aba! Mababait yata ang mga dalaga ko ngayon.”
“Mommy, nakuha mo na ang number ni Fafa Jayden?” tanong ni Einjel.
Umismid ito. “Iyon lang pala ang dahilan. No! Hindi daw ibibigay ni Imhan. Confidential. Saka mahiya ka nga, Einjeline. Ikaw pa ang tatawag sa lalaki para lang yayain kang mag-date.”
Itinaas niya ang kamay. “Tita, ako po hindi mag-o-offer ng date. Kapag ginawan ko siya ng pabor, ibibigay ko nang libre ang serbisyo ko oras na maging abogado ako. Pwede din akong bodyguard. Kung ayaw niyang lapitan siya ni Einjel, pwede kong bigyan ng karate chop at ihagis.” Saka siya humalakhak.
“Nasaan ang loyalty mo sa akin bilang pinsan mo? Tayo na nga lang ang magkatulong papasok ng Stallion Island, ako pa ang inaapi mo!” angal ni Einjel.
Isang sobre ang inabot sa kanya ni Yolie. “Pinabibigay ni Ligaya sa iyo.”
“Ang baklang iyon! Di na kami nagka-kwentuhan masyado noong nakaraan.” Nag-bonding kasi sila ng mga dating kabanda kaya umalis din sila bago magdilim. “Oh, my God!” marahan niyang usal nang mabuksan ang laman ng sobre. Isang card iyon na may gintong guhit sa likuran. May logo iyon ng isang kabayo na na katungtong sa naimo’y isla. “Pass para sa Stallion Island! May pass ako!”
“Ha?” bulalas ni Einjel at tiningnan ang card. “Totoo ba ito?”
“Huwag mong hingahan at baka mawalan ng bisa.” Binawi niya ang card mula kay Einjel. “Paano nagkaroon ng ganitong pass si Ligaya, Tita?” Imposible naman na miyembro ito ng Stallion Island.
“May kilala daw siya doon. Ang kailangan mo lang gawin ay tawagan ng office ng Stallion Island dito sa Manila. I-confirm mo ang date ng pagpunta mo doon para maipa-reserve na ang date ng flight mo.”
Nanlaki ang mata niya. “Sosyal! Anong number ni Ligaya, Tita? Gusto ko talagang mag-thank you sa kanya.”
“Nasa Stallion Island na siya ngayon. Magkita na lang daw kayo doon. Basta ipa-swipe mo ang pass na iyan pagdating mo sa isla at bahala siya at ang contact niya sa iyo. Kaya huwag mong iwawala ang card na iyan.”
“Hay! Anghel talaga si Ligaya sa buhay ko.” Hinalikan niya ang card. “Maghintay ka lang, TJ. Magkikita rin tayo at magiging akin ka!”
“SERYOSO ka ba dito? Baka mamaya ma-recruite ka pa sa harem ni Prince Rostam,” nag-aalalang sabi ni Andrya na siyang nag-drive sa kanya papunta sa tarmac ng chartered planes papunta sa Stallion Island.
“Si Prince Rostam naman iyon kaya okay lang iyon. Sabi nga sa mga interview niya, kaya niyang gawing ginto ang buhangin sa disyerto,” nagniningning ang mga matang sabi ni Freya. “Pabayaan mo na!”
“Bakit hindi mo na lang hintayin na maging close itong si Freya at si TJ. Doon siya nag-submit ng composition niya sa Pristine Records ni TJ?” tanong ni Haellene. “Kailangan ko ng lahat ng details sa pagpasok mo doon.”
“Hindi naman warzone ang pupuntahan ko. I will be safe.” Hindi na niya nakausap pa si Ligaya maliban sa text message at sa email. Mukhang masyado itong busy sa isla. Noong una ay tanong pa siya nang tanong pero di naman nito sinasagot ang mga iyon. Importanteng tanong lang niya ang sinasago nito. Ang importante makakapasok siya sa Stallion Island. “So wish me luck, girls! Di talaga ako uuwi hangga’t di kami nagkikita ni TJ.”
Siyempre di niya kinalimutan ang secret weapon sa importanteng misyon niya. Kung kinakailangang laklakin niya ang Stallion Shampoo para lang tiyakin na mabango at maganda siya para kay TJ ay gagawin niya.
“Kung ako sa iyo, magre-review na lang ako para sa bar exam,” suhestiyon ni Andrya. “Kahit ang mga matatalino, di nakakasiguro pagdating sa exam. Madi-distract ka pa sa pagre-review mo sa ginagawa mo.”
“Hindi ko naman kinakalimutan ang review ko.” Nagdala nga siya ng reviewer para may magawa siya kapag free time niya. “Mas maganda nga kung nasa isla ako. Tahimik doon, maganda ang view at may inspirasyon pa akong guwapo!”
Akala niya ay magiging boring ang pagre-review niya. Bukod sa mapapasok niya ang islang pinapangarap ng mga kababaihan, masisilayan pa niya si TJ.
“Pabayaan mo na si Pinay, Andeng! Matanda na iyan!” saway ni Freya. “Basta sunduin na lang natin siya kapag na-deport siya.”
Inirapan niya si Freya. Nag-aalala lang naman ang mga ito sa kanya. Wala siyang oras sa negativity ng mga ito. Kailangan niyang maging positive. Alas tres na noon ng hapon at baka papadilim na pagdating niya sa isla. Ano kaya ang aabutan niya doon? A perfect sunset. At malamang ay santambak na mga guwapo.
Pagsakay ng eroplano ay iginiya siya ng stewardess plane seat. It was like one-seat sofa. May mesa sa gitna niyon at nakaharap sa isa pang couch. Iniikot niya ang paningin sa eroplano. It was no ordinary plane. May sofa rin malapit sa cockpit. It was more of like a business lounge. Nai-desenyo marahil ang eroplano dahil karamihan sa mga pumupunta sa Stallion Island ay negosyo pa rin ang pakay. At sa sobrang busy ng iba ay di mag-aaksaya ng oras para pag-usapan ang negosyo.
“Ma’am, do you want iced tea, coffee, juice…”
“Coffee is fine. Thanks.” Nang iwan siya ng flight stewardess ay binuklat niya ang laman ng handbag niya. Kung di pa agad aalis ang flight nila, pwede pa siyang maglibang-libang. Dadamputin na sana niya ang reviewer niya nang lumipat ang kamay niya sa magazine kung saan naka-feature ang mga pioneer members ng Stallion Island. Binuklat niya ang pahina kung saan naroon si TJ. “Hello, handsome!”
Ilang sandali na lang ay magkikita na sila. Malapit na siyang makatapak sa lupang pangako. “Ako ba ang handsome na tinutukoy mo?”
Inangat niya ang paningin para awayin ang ambisyosong lalaking nagke-claim na ito ang guwapong tinutukoy niya. Nabitiwan niya ang magazine sa panlalambot nang makita kung sino ang lalaking nagsalita at nasa harap niya. “Leigh Armaund.”
Parang slow motion ang galaw nito nang hawiin nito ang buhok at umupo sa tapat niya. Hindi niya alam kung bakit na-distort ang space at time sa pagsulpot nito. Parang ine-emphasize ng bawat galaw nito ang mga magagandang features nito. She remembered the first time they met. It was also like this.
His chinky eyes were shining. May pagka-singkit ang mata nito na nakang iti nang mga oras na iyon. He was pleasant to the eyes. Naka-long sleeve light blue polo nito at black trousers na kaya nitong dalhin. There was an air of confidence around him. He was more matured now. Parang siguradong-sigurado na ito sa sarili. Malayo na ito sa lalaking ina-under niya noong unang panahon.
At nang ngumiti ang labi nito, parang hinalukay ang nervous system niya. She was reacting like crazy. Hindi naman isang sikat na celebrity na tulad ni TJ ang ka harap niya para kiligin siya sa pagngiti nito. This was Leigh Armaund Lopez, her ex-boyfriend. Ang nararamdaman niya kanina ay kay TJ lang niya dapat maramdaman dahil si TJ ang lalaki para sa kanya.
“Long time, no see, Pinay!” anito at komportableng ipinatong ang braso sa armrest. “At dito pa pala tayo magkikita na dalawa.”
His voice made her feel vibrant and alive. Hindi na nito kailangang kumanta katulad ni TJ para makuha ang atensiyon niya. Sandali. Bakit iba na ang takbo ng isip niya? Parang biglang nakahigit si Lee kay TJ. Oo, nakakaakit nga ang boss nito pero kaboses naman nito si Ligaya na isang bading.
Bigla siyang humalakhak ng malakas. The peculiar emotion she felt for him was swiped out. Alam na niya kung paano ito lalabanan. Isipin lang niya si Ligaya ay nawawala na ang pagkakaakit niya dito.
“What’s funny?” tanong nito.
“I am just happy to see you after a long time. You have no idea, Lee.”
“I was expecting that you’d kick me out at first sight.”
Iyon sana ang plano niya kung nahimasmasan siya agad kanina. Pero dahil naisip niyang kaboses nito si Ligaya, ang clown na bading, nagbago na ang isip niya. Matagal na silang tapos ni Lee kahit na may kakaibang bugso pa rin ng damdamin siya para dito. Kung idadaan niya sa galit, baka pumangit siya kapag nagkita sila ni TJ. It was a perfect day. Bakit niya gagalitin ang sarili niya?
“Akala ko nasa Singapore ka or was it Hong Kong? Asensado ka na!” Nang maka-graduate ito noon ay nag-aagawan ang iba’t ibang malalaking kompanya sa serbisyo nito. She knew he would go a long way.
“Member na ako ng Stallion Island. Second batch.”
Napasipol siya. “Cool! Mayaman ka na nga ngayon. May girlfriend ka na din siguro.” Pinigilan niyang umasim ang mukha niya nang maisip ang isang babaeng maganda, sexy pero sinapian ni Maria Clara. Definitely his type and good for his ego.
“Matutuwa ka din siguro kapag sinabi kong wala pa.”
“Hahaha!” marahan siyang tumawa. Pinapalabas ba nitong hanggang ngayon ay interesado pa rin siya dito? “Nangungumusta lang ako. Kasi wala naman akong kiber kung may girlfriend ka o wala. May boyfriend na ako.”
“Sino?” tanong nito.